28 Hunyo 2026
Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
2 Hari 4, 8-11.14-16a/Salmo 88/Roma 6, 3-4. 8-11/Mateo 10, 37-42
"Pag-ibig Mong walang maliw ay lagi kong sasambitin" (Salmo 88, 2a). Ang taimtim na pagninilay ng Simbahan para sa araw na ito ay nakasentro sa mga salitang ito na binigkas ng mang-aawit sa Salmong Tugunan. Ipinapaalala sa atin ng Simbahan kung ano ang nararapat na tugon sa Diyos na puspos ng dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa. Bilang tugon, lagi nating dapat dakilain Siya nang taos-puso.
Sa Unang Pagbasa, tinanggap at pinatuloy ng isang mayamang babae at ng kaniyang asawa si Propeta Eliseo. Bilang tugon, biniyayaan ng isang anak ang mag-asawa. Ang Diyos ay dinakila ng nasabing mag-asawa sa pamamagitan ng kanilang taos-pusong pasiyang tanggapin at patuluyin sa kanilang tahanan si Propeta Eliseo. Nalugod nang lubos ang Diyos sa nasabing mag-asawa. Sa Ikalawang Pagbasa, nangaral tungkol sa biyaya ng bagong buhay na bunga ng dakilang pag-ibig ng Diyos ang dakilang apostol na si Apostol San Pablo. Ipinasiya ng Diyos na ipagkaloob sa atin ang biyayang ito nsa pamamagitan ng Panginoong Jesus Nazareno bilang patunay ng kahanga-hangang kadakilaan ng Kaniyang pag-ibig. Sa Ebanghelyo, ang Panginoong Jesus Nazareno ay nangaral tungkol sa paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Diyos. Ang Diyos ay dapat dakilain nang taos-puso sa pamamagitan ng mga salita at gawa. Kaya naman, buong linaw na ipinahayag ng Panginoong Jesus Nazareno na ang sarili ay kailangang limutin, ang sariling krus ay dapat pasanin, at sumunod sa Kaniya ang lahat ng mga may planong sumunod sa Kaniya. Dinarakila nila ang Diyos sa pamamagitan nito.
Bilang tugon sa tunay na umiibig sa atin na walang iba kundi ang Panginoon, dapat natin Siyang handugan ng taos-pusong pagdakila. Dapat natin Siyang ipagmalaki at ipakilala sa tanan sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa.
.jpg)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento