Huwebes, Hunyo 25, 2026

BUHAY NA INILAAN SA PAGHAHANDOG NG TAOS-PUSONG PAGDAKILA SA DIYOS

28 Hunyo 2026 
Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo 
[Pagmimisa sa Bisperas] 
Mga Gawa 3, 1-10/Salmo 18/Galacia 1, 11-20/Juan 21, 15-19 

Ang sentro ng taimtim na pagninilay ng Simbahan sa araw na ito ay ang matatag at dalisay na katapatan nina Apostol San Pedro at San Pablo sa Diyos. Sa kabila ng mga hirap, pagsubok, tukso, at panganib, ipinasiya nina Apostol San Pedro at San Pablo na manatiling tapat sa Diyos. Kahit na hindi sila tinanggap at inusig dahil sumasaksi sila sa Nazarenong si Kristo Hesus, ang nagkatawang-taong Salita ng Diyos, ipinasiya pa rin nilang handugan Siya ng taos-pusong pagdakila sa pamamagitan ng pagsaksi sa Kaniya na humirang at nagtalaga sa kanila bilang mga apostol at misyonero. 

Sa Unang Pagbasa, kumilos ang Mahal na Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng dalawa sa Kaniyang mga apostol na sina Apostol San Pedro na Kaniyang hinirang at itinalaga bilang unang Santo Papa ng Simbahan at ang minamahal na alagad na si Apostol San Juan. Isang lalaking ipinanganak na lumpo ay nagsimulang lumakad dahil lamang sa Kaniya na kumilos sa pamamagitan ng dalawa sa mga apostol na hinirang Niya bilang Kaniyang mga instrumento. Nakatuon sa paghirang ng Diyos sa Kaniyang mga lingkod na tapat ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Ang kanilang misyon at tungkulin ay sumaksi sa Kaniya upang makilala Siya ng lahat ng tao bilang tunay na Diyos na dapat dakilain. Isang utos ang ibinigay ng Nuestro Padre Jesus Nazareno kay Apostol San Pedro na hinirang at itinalaga Niya upang maging unang Santo Papa ng Kaniyang Simbahan sa Ebanghelyo - ilaan ang bawat sandali at oras sa pag-aalaga sa Kaniyang kawan. 

Nanatiling tapat sa Panginoong Jesus Nazareno sina Apostol San Pedro at San Pablo, sa kabila ng mga matitinding panganib, hirap, pagsubok, tukso, at pag-uusig. Buong katatagang inihayag ng dalawang apostol na ito ang kanilang katapatan sa Kaniya sa pamamagitan ng pagtupad sa misyong Kaniyang bigay sa kanila, kahit na sarili nilang buhay ang naging kapalit nito. Sa pamamagitan, ang Panginoong Jesus Nazareno ay hinandugan nila ng taos-pusong pagdakila. 

Gaya nina Apostol San Pedro at San Pablo, huwag tayong matakot ilaan ang bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig sa pagsaksi sa Poong Jesus Nazareno. Ang Poong Jesus Nazareno ay dinarakila ng mga sumasaksi sa Kaniya sa pamamagitan ng mga salita at gawa sa bawat sandali ng kanilang buhay. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento