Sabado, Setyembre 5, 2026

NAGPAPASAKOP SA DIYOS ANG MGA DUMARAKILA SA KANIYA NANG TAOS-PUSO

15 Setyembre 2026 
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria na Nagdadalamhati 
Hebreo 5, 7-9/Salmo 30/Juan 19, 25-27 (o kaya: Lucas 2, 33-35) 

"Dahil diyan, ang puso mo'y para na ring tinarakan ng isang balaraw" (Lucas 2, 35). Sa mga salitang ito na binigkas ni Simeon sa Mahal na Birheng Maria noong inihandog sa Templo ang Banal na Sanggol na si Kristo Hesus, ang Nazareno, sa alternatibong Ebanghelyo nakasentro ang pagninilay ng Simbahan para sa araw na ito. Sa kabila ng karangalan at pananagutang iniatas sa kaniya ng Diyos bilang Ina ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas, puspos pa rin ng sakit, hapis, luha, pighati, at dalamhati ang landas na tinahak ng Mahal na Birheng Maria noong naglalakbay siya sa daigdig. Isa lamang ang dahilan kung bakit - ang kaniyang Anak na minamahal ay nakatakdang mamatay para sa ikaliligtas ng sangkatauhan. 

Itinampok at inilahad sa pangunahing Ebanghelyo para sa araw na ito ang katuparan ng mga salitang binigkas ni Simeon sa Mahal na Birheng Maria sa Templo noong ang Banal na Sanggol ay inihandog sa Templo sa alternatibong Ebanghelyo. Nakatayo sa paanan ng Krus na Banal ng Panginoong Jesus Nazareno sa bundok ng Kalbaryo nang ang unang Biyernes Santo ay sumapit ang Mahal na Birheng Maria. Sa mga sandaling yaon, napuspos ng matinding hapis at sakit ang puso ng Mahal na Birheng Maria. Tila walang tigil ang mga hapis at sakit na binata at tiniis ng Mahal na Birheng Maria sa katahimikan noong araw na yaon dahil sa pagpapakasakit at pagkamatay ni Kristo. 

Subalit, sa kabila ng matinding hapis, dalamhati, at sakit na kaniyang binata at tiniis, ipinasiya pa rin ng Mahal na Birheng Maria na dakilain ang Diyos nang taos-puso sa pamamagitan ng pagbigay ng kaniyang pahintulot na tunay ngang bukal sa puso sa kalooban ng Diyos. Hindi niya hinadlangan ang kalooban ng Diyos. Bagkus, kahit na napakasakit ito para sa kaniya, pinahintulutan pa rin niyang mangyari ito. Gaya ng Poong Jesus Nazareno na minamahal niyang Anak sa Unang Pagbasa, nagpasakop ang Mahal na Birheng Maria sa Diyos. 

Gaya ng Mahal na Birheng Maria, magpasakop rin tayo sa Diyos. Pahintulutan nating mangyari ang Kaniyang kalooban. Sa pamamagitan nito, hinahandugan natin Siya ng taos-pusong pagdakila. Kahit na mahirap gawin ito, gawin pa rin natin ito dahil ito ang nararapat bilang tugon sa Diyos na nagpasiyang ihayag sa tanan ang Kaniyang kadakilaang nagdudulot ng kaligtasan sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. 

Biyernes, Setyembre 4, 2026

TANDA NG KANIYANG KAHANGA-HANGANG KADAKILAAN

14 Setyembre 2026 
Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal 
Mga Bilang 21, 4b-9/Salmo 77/Filipos 2, 6-11/Juan 3, 13-17 


Ang pagdiriwang ng Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal ay nakasentro sa pagiging tanda ng kahanga-hangang kadakilaan ng Diyos ng Krus na Banal. Dahil sa kahanga-hangang kadakilaan ng Diyos, ipinasiya Niyang tubusin ang sangkatauhang nalugmok sa kasalanan sa pamamagitan ng Krus na Banal. Kaya naman, ang Krus na Banal ay ang tanda ng Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan. Bago Niya iligtas ang sangkatauhan, ang krus ay tanda ng kahihiyan, kapahamakan, at kamatayan. Noong dumating ang Diyos sa daigdig sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, tuluyang nagbago ang kahulugan ng krus. Ito ay naging tanda ng Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan na nagdulot ng kaligtasan. 

Kung paanong naging instrumento ng paghilom at pagligtas ng Panginoong Diyos sa mga Israelita sa ilang ang ahas na tanso na Kaniyang pinagawa kay Moises, gaya ng inilarawan sa salaysay ng kaganapang itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa, ang dating sagisag o tanda ng kahihiyan, kapahamakan, at kamatayan na napakatindi na walang iba kundi ang krus ay nagbago nang tuluyan dahil sa Kaniya. Binago Niya ito dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig para sa atin. Sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, nagbago ang kahulugan ng krus. Naging sagisag o tanda ng walang hanggang kadakilaan ng Diyos ang krus. Ito ang katotohanang isinalungguhit nang buong linaw sa Ebanghelyo. Pati ang mga salita ni Apostol San Pablo sa pangaral na tampok Ikalawang Pagbasa ay nakasentro rin sa katotohanang ito. 

Inilarawan sa Salmong Tugunan kung ano ang kailangan nating gawin bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ng Panginoong Jesus Nazareno. Hindi natin dapat limutin kailanman ang kahanga-hangang kadakilaan ng Diyos na nagdulot ng kaligtasan sa atin sa pamamagitan ng Panginoong Jesus Nazareno. Upang ang lahat ng tao ay maligtas, binago Niya nang tuluyan ang kahulugan ng krus. Naging tanda o sagisag ito ng Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan na naghahatid ng kaligtasan sa pamamagitan ng Panginoong Jesus Nazareno. 

Sa tuwing makakita tayo ng imahen o larawan ng Krusipiho, dakilain natin ang Diyos bilang pagtanaw ng utang na loob sa Kaniya na nagpasiyang huwag ipagkait sa atin ang Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan. Maging paalala rin ang bawat larawan at imahen ng Krusipiho na dapat tayong mamuhay para sa Diyos. Kapag namuhay tayo para sa Diyos, lagi natin Siya hinahandugan ng taos-pusong pagdakila.