Biyernes, Setyembre 11, 2026

LAGI NATING MAAASAHAN ANG ATING DINARAKILA

20 Setyembre 2026 
Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 55, 6-9/Salmo 144/Filipos 1, 20k-24. 27a/Mateo 20, 1-16a 

Ipinapaalala sa atin ng Simbahan na tunay nga nating maaasahan ang Diyos. Oo, may mga tao sa daigdig na mahirap asahan at pagkatiwalaan. Dahil dito, tayong lahat ay laging pinaalalahanang mag-ingat. Kailangan nating maging mapanuri at alerto nang sa gayon ay hindi tayo maisahan o maloko. Subalit, ibahin natin ang Diyos. Tunay nga tayong mapalad dahil ang Diyos ay hindi manloloko at mapagsamantala. Maaasahan natin ang Diyos. Walang pangakong Kaniyang binitiwan na napako. Lagi Siyang tapat. Gaya ng ipinahayag ng mang-aawit sa Salmong Tugunan: "D'yos ay tapat at totoo sa dumadalanging tao" (Salmo 144, 18a). 

Sa Unang Pagbasa, inihayag ni Propeta Isaias kung ano ang dapat nating gawin. Ang bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig na ito ay kailangang ilaan sa paghahanap sa Diyos. Ibig sabihin nito, dapat nating buksan ang ating mga puso at sarili sa Kaniya. Magpasakop tayo sa Kaniya na puspos ng dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa. Pahintulutan natin Siyang maghari sa atin. Dapat nating gawin ito bilang tugon sa Kaniya na nagpasiyang huwag ipagkait sa ating lahat ang Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa. 

Nakasentro sa katotohanang ito ang talinghaga ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Sa pamamagitan ng talinghagang ito na Kaniyang isinalaysay sa mga apostol sa Ebanghelyo, inihayag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na tunay ngang puspos ng kagandahang-loob ang Diyos. Katunayan, Siya mismo ay ang patunay na tunay ngang nagmamagandang-loob ang Diyos. Ang bawat isa sa atin ay Kaniyang iniligtas mula sa kasalanan sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay ipinakilala ni Apostol San Pablo sa kaniyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa bilang buhay. Sabi nga ni Apostol San Pablo na "para sa [kaniya], si Kristo ang buhay at dahil dito'y pakinabang ang kamatayan" (Filipos 1, 21). Isa lamang ang isinasalungguhit ng mga salitang ito. Puspos ng kagandahang-loob ang Panginoong Diyos. Dahil sa pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Diyos, may bagong buhay si Apostol San Pablo.

Bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahan, panatag ang ating mga puso at loobin dahil ang Diyos ay lagi nating maaasahan. Ito ay dahil puspos Siya ng dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa. Ang dakilang patunay nito ay ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento