Martes, Hulyo 28, 2026

DAKILAIN SIYA NANG TAOS-PUSO, KAHIT NAPAKAHIRAP

7 Agosto 2026 
Biyernes ng Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Ikalawang Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestra Senora de la Buena Hora
Nahum 2, 1. 3; 3, 1-3. 6-7/Deuteronomio 32/Mateo 16, 24-28 


"Nasa pasya ng Maykapal ang buhay at kamatayan" (Deuteronomio 32, 39k). Sa mga salitang ito mula sa Salmong Tugunan nakatuon ang pagninilay ng Simbahan para sa araw na ito. Muling ipinapaalala sa atin ng Inang Simbahan na nagmumula lamang sa Diyos ang ating buhay. Ang buhay ay sagrado dahil ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang biyayang ito. Kaya naman, bilang tugon, dapat lagi nating ilaan sa pag-aalay ng taos-pusong pagdakila sa Kaniya. 

Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Diyos ang Kaniyang pagkasuklam sa Israel dahil hindi nila pinili Siya. Kahit na hinirang at itinalaga ng Diyos ang bayang Israel upang maging Kaniya, hindi nila Siya dinakila nang taos-puso. Bagkus, ipinasiya ng bayang Israel na patayin ang mga propetang hinirang at itinalaga ng Diyos. Kasamaan ang pinili nilang gawin. Hindi nila pinairal ang pagdakila sa Diyos. Dahil dito, nagalit nang lubusan ang Diyos. Sa Ebanghelyo, inihayag ng Poong Jesus Nazareno na hindi magiging madali o maginhawa ang buhay para sa mga nagnanais sumunod sa Kaniya. Hindi nagpaligoy-ligoy ang Poong Jesus Nazareno tungkol sa katotohanan ng pagsunod sa Kaniya. Ang bawat isa sa atin ay may mga krus sa buhay. Dapat nating pasanin ang mga ito. 

Kung bukal sa ating mga puso at loobin ang ating pagdakila sa Panginoon, lagi nating dapat tupdin at sundin ang Kaniyang mga utos. Mahirap man ito gawin, gawin pa rin natin ito. Ito ang magpapatunay na tunay ngang taos-puso ang ating paghandog ng taos-pusong pagdakila sa Kaniyang Ngalan. 

PATUNAY NG ATING PAGDAKILA SA KANIYA

6 Agosto 2026
Kapistahan ng Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon (A) 
Unang Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestra Senora de la Buena Hora 
Daniel 7, 9-10. 13-14/Salmo 96/2 Pedro 1, 16-19/Mateo 17, 1-9 

Ang pagninilay ng Inang Simbahan para sa araw na ito ay nakasentro sa mga salitang binigkas ng Amang nasa langit sa Banal na Ebanghelyo. Sa salaysay ng kaganapang itinampok at inilahad sa Ebanghelyo, nagbigay ng isang napakahalagang utos para sa lahat ang Amang nasa langit. Inihayag ng Amang nasa langit ang utos na ito: "Ito ang minamahal Kong Anak . . . Pakinggan ninyo Siya!" (Mateo 17, 5). Hindi lamang para sa tatlong alagad na isinama ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa bundok ang nasabing utos. Bagkus, ang nasabing utos ay para sa lahat ng tao. 

Nakita ng tatlong alagad na sina Apostol San Pedro, Santo Santiago, at San Juan sa banal na bundok sa mga sandaling yaon kung ano ang nakita ng propetang si Daniel sa kaniyang pangitain na ibinahagi niya sa Unang Pagbasa. Ang kadakilaan ng Poong Jesus Nazareno bilang tunay na Diyos ay nakita nila sa banal na bundok. Nagpatotoo tungkol sa sandaling ito ang isa sa mga alagad na naroon sa banal na bundok nang maganap ang pagbabagong-anyo ng Poong Jesus Nazareno na walang iba kundi ang unang Santo Papa ng Simbahan na si Apostol San Pedro sa Ikalawang Pagbasa. Hindi isang karaniwang tao lamang ang Poong Jesus Nazareno. Bagkus, tunay nga Siyang Diyos na nagpasiyang maging tunay na tao upang tayong lahat ay mailigtas. Dagdag pa ng mang-aawit sa Salmong Tugunan, tunay nga Siyang Hari (Salmo 96, 1a at 9a). 

Bilang patunay ng ating taos-pusong pagdakila sa Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang utos ng Amang nasa langit sa Ebanghelyo ay dapat nating tuparin at sundin. Lagi natin Siyang pakinggan at sundin nang taos-puso. Pahintulutan natin Siyang maghari sa ating mga puso. Mamuhay tayo para sa Kaniya. 

Linggo, Hulyo 26, 2026

MAPAGKALINGA ANG ATING DINARAKILA

2 Agosto 2026 
Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 55, 1-3/Salmo 144/Roma 8, 35. 37-39/Mateo 14, 13-21 

Nakasentro sa habag at awa ng Diyos para sa lahat ang mga Pagbasa. Dahil sa habag at awa ng Diyos na tunay ngang kahanga-hanga at dakila, walang sawa Niya tayong kinakalinga. Hindi Siya tumitigil sa pagkalinga sa atin. Kahit na hindi na mabilang ang mga kasalanang nagawa natin laban sa Kaniya, lagi pa rin Niya tayong kinakalinga. Sa pamamagitan nito, pinatutunayan ng Diyos na mahalaga tayo sa Kaniya. Ganyan Niya tayo kahalaga sa Kaniya. Iniibig, kinaawaan, at kinahahabagan tayo ng Diyos. 

Ang lahat ng tao ay inanyayahan ng Panginoong Diyos na lumapit sa Kaniya nang sa gayon ay makasumpong sila ng tunay na pagkain at inumin sa Unang Pagbasa. Hindi pinababayaan ng Panginoong Diyos ang lahat ng tao. Lagi Niya silang kinakalinga at inaaruga bilang patunay ng Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa na tunay ngang kahanga-hanga at dakila. Kahit na paulit-ulit tayong nagkakasala laban sa Kaniya, lagi pa rin Niyang isinasaisip ang ating ikabubuti. Wala Siyang hinahangad kundi ang ating ikabubuti. Nakasentro rin sa paksang ito ang pangaral ng apostol at misyonerong dakila na si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Isinalungguhit ng dakilang apostol at misyonerong ito ang kadakilaan ng pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Diyos para sa lahat. Sa Ebanghelyo, gumawa ng isang himala ang Nuestro Padre Jesus Nazareno - pinarami Niya ang limang tinapay at dalawang isda upang makakain ang limanlibo. 

Gaya ng ipinahayag nang buong linaw sa Salmong Tugunan, "Pinakakain Mong tunay kaming lahat, O Maykapal" (Salmo 144, 16). Hindi maramot ang Diyos. Bagkus, lagi tayong kinakalinga at inaaruga ng Diyos. Patunay lamang ito ng Kaniyang pag-ibig, habag, at awa na tunay ngang dakila. 

Laging nasa isipan ng Diyos ang ating ikabubuti. Ito ang dahilan kung bakit hindi Siya nagsasawang kalingain at arugain tayo. Sa pamamagitan nito, pinatutunayan Niya ang Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa. 

Sabado, Hulyo 25, 2026

AD MAIOREM DEI GLORIAM

31 Hulyo 2026
Paggunita kay San Ignacio de Loyola, pari 
Jeremias 26, 1-9/Salmo 69/Mateo 13, 54-58 


"Hindi ba ito ang anak ng karpintero? Hindi ba si Maria ang Kaniyang ina . . . Saan Niya natutunan ang lahat ng ito?" (Mateo 13, 55-56). Ang mga ito ay ilan lamang sa mga tanong ng mga taga-Nazaret matapos nilang pakinggan ang pangaral ng Mesiyas at Manunubos na ipinangako na walang iba kundi ang Nuestro Padre Jesus Nazareno sa sinagoga sa Nazaret noong dumalaw Siya roon sa salaysay ng kaganapang itinampok at inilahad sa Ebanghelyo. Ang Nuestro Padre Jesus Nazareno ay hindi nila tinanggap dahil isa lamang Siyang karaniwang tao sa kanilang paningin. 

Gaya ni Propeta Jeremias sa Unang Pagbasa, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay hindi tinanggap ng Kaniyang mga kababayan sa Nazaret. Sa halip na buksan ang mga isipan at puso nila sa Kaniya, pinili nilang patigasin ang mga ito. Kasing-tigas ng bato at bakal ang kanilang mga puso at isipan. Hindi nila matanggap na ang Poong Jesus Nazareno ay hindi pangkaraniwan.

Bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ng Poong Jesus Nazareno, ano ang dapat nating gawin? Sabi nga ng isang kasabihang naiuugnay kay San Ignacio de Loyola, gawin natin ang lahat para sa higit na ikadarakila ng Panginoong Diyos. Lagi nating handugan ng taos-pusong pagdakila ang Diyos sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Tiyakin nating namumuhay tayo para sa Panginoon. Ibinigay Niya ang Kaniyang sarili sa atin. Kaya naman, ibigay natin sa Kaniya ang ating mga sarili.

Pinaalalahanan tayo ng Simbahan sa araw na ito na dapat palagi nating handugan ng taos-pusong pagdakila ang Diyos. Tiyaking nating namumuhay tayo para sa Diyos. Sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa lupa, ang Diyos ay lagi nating dapat dakilain sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. 

Biyernes, Hulyo 24, 2026

NAIS TAYONG KAIBIGANIN NG ATING DINARAKILA

29 Hulyo 2026 
Paggunita kina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro 
1 Juan 4, 7-16/Salmo 33/Juan 11, 19-27 (o kaya: Lucas 10, 38-42) 


Ang magkapatid na taga-Betania na sina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro ay kilala bilang mga minamahal na kaibigan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Nais rin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na kaibiganin ang bawat isa sa atin. Lagi Niyang binibigyan ng pagkakataon ang bawat isa sa atin na maging Kaniyang mga kaibigan, gaya ng magkapatid na taga-Betania. Sa katotohanang ito nakatuon ang taimtim na pagninilay ng Simbahan para sa araw na ito. 

Nakasentro sa dakilang pag-ibig ng Diyos ang pangaral sa Unang Pagbasa. Kahit na hindi tayo karapat-dapat sa dakilang pag-ibig ng Diyos dahil sa ating pagiging mga makasalanan, ipinasiya pa rin Niyang ipamalas ito sa atin sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. Sa Ebanghelyo, inihayag ni Santa Marta ang kaniyang taos-pusong pananalig sa Poong Jesus Nazareno na buong linaw na nagpakilala ng Kaniyang sarili bilang muling pagkabuhay at buhay. Inihayag naman ng isa niyang kapatid na walang iba kundi si Santa Maria ang kaniyang taos-pusong pasiyang manalig kay Kristo sa alternatibong Ebanghelyo sa pamamagitan ng pakikinig sa Kaniya. Pati na rin si San Lazaro na kanila ring kapatid ay nagpahayag ng kaniyang manalig sa Panginoon. Ang kanilang mga puso at loobin ay lagi nilang binuksan sa Poon at ang Kaniyang alok ay tinanggap nila nang taos-puso.

Gaya ng magkakapatid na taga-Betania, buksan natin ang ating mga puso at loobin sa Poong Jesus Nazareno. Nais Niya tayong kaibiganin. Bilang tugon, tanggapin natin nang taos-puso ang Kaniyang alok na maging Kaniyang mga minamahal na kaibigan. Hinahandugan natin Siya ng taos-pusong pagdakila sa pamamagitan nito. 

Huwebes, Hulyo 23, 2026

WALANG HIHIGIT PA SA KANIYA NA NARARAPAT LAMANG HANDUGAN NG TAOS-PUSONG PAGDAKILA

26 Hulyo 2026 
Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
1 Hari 3, 5. 7-12/Salmo 118/Roma 8, 28-30/Mateo 13, 44-52 (o kaya: 13,44-46) 


Ang Diyos ay ang pinahahalagahan ng mga dumarakila sa Kaniya nang taos-puso. Sa paksang ito nakasentro ang mga Pagbasa. Walang makahihigit o makakapantay man lamang sa Kaniya, para sa mga dumarakila sa Kaniya nang taos-puso. Para sa kanila, hindi nila ipagpapalit ang Diyos sa anumang yaman at kapangyarihan dito sa mundo kailanman. Ialok man sa kanila ang lahat ng kayamanan at kapangyarihan sa mundo, tatanggihan nila ang mga ito dahil sapat na ang biyaya ng Diyos para sa kanila. 

Sa Unang Pagbasa, isang pusong maunawain at marunong kumilala ng kabutihan at kasamaan ang hiniling ni Haring Solomon sa Diyos. Napakalinaw kung ano ang nais ni Haring Solomon. Batid ni Haring Solomon na isang napakabigat na pananagutan ang pagiging hari ng Israel. Ayaw niyang biguin ang Diyos. Para kay Haring Solomon, hindi mahihigitan at mapapantayan ng anumang bagay sa daigdig ang halaga ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit humingi siya ng tulong mula sa Diyos. Sa Ikalawang Pagbasa, isinalungguhit ni Apostol San Pablo na dapat nating sundin ang mga utos at loobin ng Diyos bilang patunay ng ating pasiyang pahalagahan Siya sa bawat sandali ng ating buhay sa daigdig. Ito rin ang aral na itinuro ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Nakasentro sa aral na ito ang mga talinghagang Kaniyang isinaysay. 

Bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ng Poong Jesus Nazareno, lagi nating dapat pahalagahan Siya nang higit sa lahat. Dapat lagi natin Siyang unahin at dakilain. Ang mga salita sa Salmong Tugunan ay lagi nating dapat isabuhay. Kapag ito ang ating ipinasiyang gawin, pinatutunayan nating Siya ang pinakamahalaga sa lahat. Walang dapat maging kakumpetensya ang Diyos. 

Pinahahalagahan tayo ng Diyos. Kaya naman, dapat lagi rin nating pahalagahan Siya sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa lupa. Ito ang dapat maging tugon ng bawat isa sa atin sa Kaniyang pasiyang pahalagahan tayo. 

Huwebes, Hulyo 16, 2026

DINARAKILA SIYA NG MGA NAGBUBUKAS NG KANILANG MGA SARILI SA KANIYA

24 Hulyo 2026 
Biyernes ng Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Paggunita kay San Sharbel Makhluf, pari 
Jeremias 3, 14-17/Jeremias 31/Mateo 13, 18-23 


Ang paliwanag ng Nuestro Padre Jesus Nazareno hinggil sa kahulugan ng talinghaga tungkol sa manghahasik ay itinampok at inilahad sa Ebanghelyo. Subalit, nakatuon sa pagkalinga ng Diyos ang Unang Pagbasa at Salmong Tugunan. Itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa ang pangako ng Diyos para sa Israel, ang bayang hinirang Niya. Mga pinunong masunurin sa Kaniya ang ipagkakaloob Niya bilang tanda ng Kaniyang walang sawang pagkalinga sa bayang Kaniyang hirang. Nakasentro rin sa pagkalinga ng Diyos sa lahat ang mga salita sa Salmong Tugunan. Ang Diyos ay ipinakilala bilang isang pastol na walang sawang kumakalinga sa Kaniyang kawan. 

Isa lamang ang aral na nais isalungguhit sa araw na ito. Ang ating mga sarili ay dapat nating buksan sa Diyos. Hinahandugan natin ng taos-pusong pagdakila ang Diyos sa pamamagitan ng pagbubukas ng ating mga sarili. Pinahihintulutan natin ang Diyos na baguhin tayo kapag ang ating mga sarili ay ating ibubukas sa Kaniya. Tayong lahat ay Kaniyang pababanalin kapag pinapasok natin ang Diyos sa ating buhay. 

Nais man ng Diyos na baguhin ang bawat isa sa atin, hindi Niya ito magagawa kung hindi natin ibibigay ang ating pahintulot sa Kaniya. Binigyan Niya tayo ng kalayaan at kapasidad na magpasiya para sa ating mga sarili. Ang ating mga pasiya ay Kaniyang igagalang. Hindi Niya pipilitin ang Kaniyang naisin kung hindi ito ang ating naisin. 

Kung tunay ngang taos-puso ang ating pagdakila sa Panginoon, dapat nating buksan ang ating mga sarili sa Kaniya. Dapat nating ibigay sa Kaniya ang ating pahintulot na gawin tayong banal at kalugud-lugod sa Kaniyang paningin. Nararapat lamang gawin ito bilang tugon sa Kaniya na walang sawang kumakalinga sa atin. 

Biyernes, Hulyo 10, 2026

TAOS-PUSONG PAG-IBIG PARA SA KANIYANG DINARAKILA NANG TAOS-PUSO

22 Hulyo 2026 
Kapistahan ni Santa Maria Magdalena 
Awit ni Solomon 3, 1-4a (o kaya: 2 Corinto 5, 14-17)/Salmo 62/Juan 20, 1-2. 11-18 


Itinatampok ng Simbahan sa araw na ito si Santa Maria Magdalena. Ang dahilan kung bakit pinararangalan at itinatampok ng Simbahan si Santa Maria Magdalena sa araw na ito ay walang iba kundi ang kaniyang tapat, dalisay, at busilak na pag-ibig para sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. Nakasentro sa Mahal na Poong Jesus Nazareno ang kaniyang puso at loobin. Para sa kaniya, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay ang pinakamahalaga sa lahat. Lagi niyang inuuna ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Nakasentro sa tapat at dalisay na pag-ibig para sa Diyos ang mga Pagbasa. Ang mga salita sa Unang Pagbasa ay tungkol sa tapat at dalisay na pag-ibig. Kinasasabikan ng mga umiibig ang kanilang sinisinta. Ganito natin dapat mahalin ang Diyos. Lagi nating dapat kasabikan ang Diyos. Inilarawan ni Apostol San Pablo sa kaniyang pangaral sa alternatibong Unang Pagbasa kung bakit kailangang lagi nating gawin ito bilang mga bumubuo sa Simbahan. Pinahalagahan tayo ng Diyos. Kaya nga ipinasiya ng Diyos na iligtas tayo sa pamamagitan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Ito ang nararapat na tugon sa Kaniya na unang nagpahalaga sa atin. Dapat lagi nating pahalagahan Siya, gaya ng Kaniyang pagpapahalaga sa atin. Nakatuon rin sa paksang ito ang mga salita sa Salmong Tugunan. Kinasasabikan Siya ng lahat ng mga nagpapahalaga sa Kaniya nang taos-puso. Dapat lagi natin itong gawin bilang mga bumubuo sa Simbahan. Sa Ebanghelyo, nagpakita kay Santa Maria Magdalena ang Mesiyas at Tagapagligtas na walang iba kundi ang Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno. Ang hapis, dalamhati, at pagtangis ni Santa Maria Magdalena ay Kaniyang pinawi. Nagdulot ng tunay na tuwa, galak, at ligaya ng Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno kay Santa Maria Magdalena na umibig sa Kaniya nang taos-puso. 

Gaya ni Santa Maria Magdalena, ang Diyos ay dapat lagi nating handugan nang taos-pusong pagdakila. Sa pamamagitan nito, pinatutunayan nating pinahahalagahan rin natin Siya ng taos-puso, gaya ng Kaniyang palagiang pagpapahalaga sa atin. 

Huwebes, Hulyo 9, 2026

OPORTUNIDAD MULA SA ATING DINARAKILA

19 Hulyo 2026 
Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Karunungan 12, 13. 16-19/Salmo 85/Roma 8, 26-27/Mateo 13, 24-43 (o kaya: 13, 24-30) 


Hindi na mabilang kung ilang ulit na ipinapaalala sa atin ng Simbahan na ang Diyos ay tunay ngang mahabagin at maawain. Katunayan, ito ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. Tila laging ipinapaalala sa atin ng Simbahan ang aral na ito. Subalit, para sa bawat isa sa atin na bumubuo sa Simbahan, napakahalaga ang aral na ito. Ang aral na ito ay hindi dapat limutin kailanman. Puspos ng habag at awa ang Diyos para sa atin. 

Nakasentro sa habag at awa ng Panginoong Diyos na tunay ngang kahanga-hanga at dakila ang mga Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, inilarawan kung paano ipinapamalas ng Panginoong Diyos ang Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa sa lahat ng tao. Ang lahat ng tao ay Kaniyang binibigyan ng pagkakataong magsisi at magbalik-loob sa Kaniya. Ito rin ang aral na isinalungguhit sa Salmong Tugunan. Hindi ipagkakait ng Panginoong Diyos ang Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa sa mga taos-pusong magsisisi sa kasalanan at magbabalik-loob sa Kaniya. Buong linaw namang ipinahayag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na lagi tayong tinutulungan ng Espiritu Santo sa ating mga kahinaan (Roma 8, 26). Patunay lamang ito na hindi tayo pinababayaan ng Diyos. Sa Ebanghelyo, inilarawan ng Poong Jesus Nazareno ang pag-ibig, kagandahang-loob, habag at awa ng Diyos na tunay nga namang kahanga-hanga at dakila sa pamamagitan ng talinghaga tungkol sa mga damo sa triguhan. Laging handa ang Diyos na ipakita ang Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, biyaya, habag, at awa sa mga magsisisi at tatalikod sa kasalanan at magbabalik-loob sa Kaniya nang taos-puso. 

Ang Diyos ay puspos ng dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa. Ito ang dahilan kung bakit Niya tayo tinubos sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno nang sumapit ang takdang panahon. Nais Niyang magkaroon ng pagkakataong magtika at magbalik-loob sa Kaniya nang taos-puso ang lahat ng tao. Hindi Niya ipagkakait ang Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa sa mga magbabalik-loob sa Kaniya nang taos-puso. 

Miyerkules, Hulyo 8, 2026

PINAHAHALAGAHAN TAYO NG ATING DINARAKILA

17 Hulyo 2026 
Biyernes ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Isaias 38, 1-6. 21-22. 7-8/Isaias 38/Mateo 12, 1-8 

Larawan: Anonymous, Man of Sorrows (c. Between 1500 and 1510). Cultural Heritage Agency of the Netherlands Art Collection. Public Domain. 

Ang pagiging mapagkalinga ng Panginoong Diyos ay muling binibigyan ng pansin at pinagninilayan nang buong kataimtiman ng Simbahan sa araw na ito. Isa itong aral na hindi dapat limutin kailanman. Lagi tayong kinakalinga ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kaniyang palagiang pagkalinga sa atin, lagi Niyang ipinapamalas sa atin ang Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa. Mahalaga tayo sa Kaniya. Hindi Niya tayo pababayaan kailanman.

Nakasentro sa palagiang pagkalinga ng Diyos ang mga Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, ang pangako ng Panginoong Diyos kay Haring Ezequias ay ibinahagi ni Propeta Isaias. Bilang tugon kay Haring Ezequias na dumalangin sa Kaniya nang buong kataimtiman, ipinangako ng Diyos na pahahabain Niya ang buhay ng hari at ipagsasanggalang ang Juda mula sa mga taga-Asiria. Inihayag nang buong linaw sa Salmong Tugunan ang dahilan kung bakit ito ang naging pasiya ng Diyos. Ang tanging dahilan ay walang iba kundi ang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Diyos. Nakasentro rin sa nasabing katotohanan ang mga salitang binigkas ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Laging kinakalinga ng Diyos ang lahat ng tao dahil sa Kaniyang pag-ibig, habag, at awa na tunay ngang dakila at kahanga-hanga. Sa pamamagitan nito, buong linaw na ipinapahayag ng Diyos na lagi Niyang pinahahalagahan ang lahat ng tao. 

Tayong lahat ay lubos na pinahahalagahan ng Diyos. Lagi Niya itong pinatutunayan sa pamamagitan ng Kaniyang palagiang pagkalinga sa atin. 

Biyernes, Hulyo 3, 2026

DAKILAIN SIYA SA PAMAMAGITAN NG MGA SALITA AT GAWA

16 Hulyo 2026 
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria ng Bundok del Carmen 
Zacarias 2, 14-17/Lucas 1/Mateo 12, 46-50 

Larawan: Giuseppe Calì (1846–1930), Our Lady of Mount Carmel (c.1879). Parish Church of St. Cajetan of Thiene. Public Domain.


Ang magpapatunay na taos-puso ang ating pagdakila sa Panginoon ay ang ating mga salita at gawa. Sa aral na ito nakatuon ang pagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito. Hindi nasusukat sa mga salita lamang ang pagiging taos-puso ng ating pag-aalay ng pagdakila sa Kaniyang Ngalan. Bagkus, ang pagiging taos-puso ng ating pagdakila sa Kaniya ay nasusukat rin sa pamamagitan ng ating mga gawa. Mapapatunayan nating taos-puso ang ating pagdakila sa Diyos sa pamamagitan ng mga salita at gawa. 

Sa Ebanghelyo, inihayag ng Panginoong Jesus Nazareno na ang mga sumusunod sa kalooban ng Diyos ay bahagi ng Kaniyang pamilya. Para sa kanila, mas mahalaga ang higit na ikadarakila ng Diyos. Katunayan, ito ang pinakamahalaga para sa kanila. Lagi nilang pinagsisikapang mamuhay ayon sa mga utos, atas, at loobin ng Diyos nang sa gayon ay lalo pa nilang mabigyan ng higit na ikadarakila ang Kaniyang Ngalang Banal. Gaya ng buong linaw na nasasaad sa Salmong Tugunan na hango sa Magnificat, ang papuring awitin ng Mahal na Birheng Maria, pinupuri at dinarakila nila ang Diyos nang taos-puso bilang tugon sa mga kahanga-hangang bagay na Kaniyang ginawa upang ipamalas ang Kaniyang kadakilaan. Ang maluwalhating tagumpay ng Diyos laban sa diyus-diyusang si Baal sa Bundok del Carmen na kilala rin nating lahat sa tawag na Bundok ng Carmelo ay isang halimbawa nito (1 Hari 18, 38-39). Maaari ring idagdag ang Kaniyang pangako sa Unang Pagbasa. Darating Siya sa panahong itinakda Niya upang makapiling ang Kaniyang bayan. 

Kasama ang Mahal na Inang si Maria, ang Birhen ng Bundok del Carmen, buong galak nating handugan ang Diyos ng taos-pusong pagdakila sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Ipagmalaki natin sa lahat na tunay ngang dakila ang Diyos. Lagi nating dapat isalamin sa kapwa-tao ang Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan. 

Huwebes, Hulyo 2, 2026

NAIS TAYONG PABANALIN NG ATING DINARAKILA

12 Hulyo 2026 
Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 55, 10-11/Salmo 64/Roma 8, 18-23/Mateo 13, 1-23 (o kaya: 13, 1-9) 


Isa sa mga masisikat na talinghaga ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na walang iba kundi ang talinghaga tungkol sa isang magsasakang naghasik ng binhi ay itinampok at inilahad sa Ebanghelyo. Dahil hindi na mabilang kung ilang ulit na nating binasa o pinakinggan ang nasabing talinghaga, tiyak na memoryado na ng marami sa atin ang nasabing talinghaga. 

Sa tuwing ang talinghaga tungkol sa magsasakang naghasik ng binhi ay itinampok at inilahad sa Ebanghelyo, ang pagninilay ay madalas na nakasentro sa mga uri ng lupa. Madalas na itinatanong kung saan ang ating mga sarili ay ating ibinibilang sa apat na pinaglaglagan ng binhi noong lumabas ang magsasaka sa nasabing talinghaga. Ang tabi ng daan, ang kabatuhan, ang dawagan, at ang mabuting lupa ay sumasagisag sa bawat isa sa atin. Kaya naman, ito ang madalas na pagnilayan ng marami. 

Magandang pagtuunan ng pansin ang prespektibo ng manghahasik. Alam naman ng bawat isa sa atin na ang Diyos ay ang manghahasik at ang Kaniyang Salita naman ay isinasagisag ng binhing inihasik. Nababatid naman Niya na sa mabuting lupa lamang tutubo at mamumunga ang Kaniyang Salita. Sa mga nakikinig ng Kaniyang Salita at nakauunawa nito lamang mamumunga ito. Bakit naman pinahintulutan ng Diyos na  sa tabi ng daan, sa kabatuhan, o sa dawagan malaglag ang Kaniyang Salita? Hindi ba dapat sa mga isinasagisag ng mabuting lupa sa talinghaga lamang Niya inihasik ang Kaniyang Salita?

Ang sagot ay matatagpuan sa Unang Pagbasa. Nakasentro sa dakilang pag-ibig, awa, habag, kagandahang-loob, at biyaya ng Diyos ang pahayag sa Unang Pagbasa. Dahil sa dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, biyaya, habag, at awa ng Panginoong Diyos, natutupad ang Kaniyang mga naisin at loobin. Binibigyan Niya tayo ng pagkakataong tanggapin ang Kaniyang Salita nang taos-puso. Hindi Niya ipinagdadamot sa atin ang pagkakataong pabanalin tayo ng Kaniyang Salita. Ito ang Kaniyang kalooban. 

Kung hindi dahil sa pag-ibig, kagandahang-loob, biyaya, habag, at awa ng Diyos, hindi isusulat ni Apostol San Pablo ang mga salita sa Ikalawang Pagbasa. Nangaral tungkol sa pagiging tapat sa Diyos hanggang sa huli, sa kabila ng mga matitinding pagsubok, tukso, hirap, at pag-uusig sa buhay, si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa dahil hindi ipinagkait ng Diyos ang Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, biyaya, habag, at awa na tunay ngang dakila at kahanga-hanga. 

Hindi ipinagkakait ng Panginoong Diyos sa bawat isa sa atin ang Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, biyaya, habag, at awa. Kaya naman, bilang tugon, dapat nating buksan ang ating mga puso at sarili sa Kaniya upang tayong lahat ay Kaniyang gawing banal. Sa pamamagitan nito, dinarakila natin Siya nang taos-puso. 

Miyerkules, Hulyo 1, 2026

IPAGMALAKI AT DAKILAIN SIYA

10 Hulyo 2026 
Biyernes ng Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Oseas 14, 2-10/Salmo 50/Mateo 10, 16-23 


"Pupurihin ko kailanman ang dakila Mong Pangalan" (Salmo 50, 17b). Ang pagninilay ng Simbahan para sa araw na ito ay nakatuon sa mga salitang ito mula sa Salmong Tugunan. Muling ipinapaalala sa atin ng Simbahan kung sino nga ba ang dapat nating dakilain nang taos-puso. Wala tayong ibang dapat dakilain kundi ang Diyos. Isa itong aral na hindi natin dapat limutin kailanman.

Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Diyos ang Kaniyang taos-pusong pasiyang patawarin ang Kaniyang bayan. Lagi Siyang handang patawarin ang Kaniyang bayan. Hindi Niya ipagkakait ang Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, biyaya, habag, at awa na tunay ngang dakila sa mga magtitika at magbabalik-loob sa Kaniya nang taos-puso. Isang halimbawa nito ay ang bayang Israel na paulit-ulit na nagkasala laban sa Kaniya. Sa Ebanghelyo, ipinangako ng Poong Jesus Nazareno sa mga apostol na mayroon silang makakasama sa mga panahong makakaranas sila ng mga tukso, pagsubok, hirap, at pag-uusig. Hindi sila tatanggapin ng marami dahil sa pagsaksi nila sa Kaniya. Subalit, tutulungan sila ng Espiritu Santo. Hindi sila mag-iisa sa mga sandaling yaon. 

Ang Diyos ay lagi nating dapat handugan ng taos-pusong pagdakila. Lagi Niya tayo sinasamahan bilang patunay ng Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, awa, habag, at biyaya. Bilang tugon, dapat natin Siyang dakilain nang taos-puso.