Huwebes, Hulyo 2, 2026

NAIS TAYONG PABANALIN NG ATING DINARAKILA

12 Hulyo 2026 
Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 55, 10-11/Salmo 64/Roma 8, 18-23/Mateo 13, 1-23 (o kaya: 13, 1-9) 


Isa sa mga masisikat na talinghaga ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na walang iba kundi ang talinghaga tungkol sa isang magsasakang naghasik ng binhi ay itinampok at inilahad sa Ebanghelyo. Dahil hindi na mabilang kung ilang ulit na nating binasa o pinakinggan ang nasabing talinghaga, tiyak na memoryado na ng marami sa atin ang nasabing talinghaga. 

Sa tuwing ang talinghaga tungkol sa magsasakang naghasik ng binhi ay itinampok at inilahad sa Ebanghelyo, ang pagninilay ay madalas na nakasentro sa mga uri ng lupa. Madalas na itinatanong kung saan ang ating mga sarili ay ating ibinibilang sa apat na pinaglaglagan ng binhi noong lumabas ang magsasaka sa nasabing talinghaga. Ang tabi ng daan, ang kabatuhan, ang dawagan, at ang mabuting lupa ay sumasagisag sa bawat isa sa atin. Kaya naman, ito ang madalas na pagnilayan ng marami. 

Magandang pagtuunan ng pansin ang prespektibo ng manghahasik. Alam naman ng bawat isa sa atin na ang Diyos ay ang manghahasik at ang Kaniyang Salita naman ay isinasagisag ng binhing inihasik. Nababatid naman Niya na sa mabuting lupa lamang tutubo at mamumunga ang Kaniyang Salita. Sa mga nakikinig ng Kaniyang Salita at nakauunawa nito lamang mamumunga ito. Bakit naman pinahintulutan ng Diyos na  sa tabi ng daan, sa kabatuhan, o sa dawagan malaglag ang Kaniyang Salita? Hindi ba dapat sa mga isinasagisag ng mabuting lupa sa talinghaga lamang Niya inihasik ang Kaniyang Salita?

Ang sagot ay matatagpuan sa Unang Pagbasa. Nakasentro sa dakilang pag-ibig, awa, habag, kagandahang-loob, at biyaya ng Diyos ang pahayag sa Unang Pagbasa. Dahil sa dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, biyaya, habag, at awa ng Panginoong Diyos, natutupad ang Kaniyang mga naisin at loobin. Binibigyan Niya tayo ng pagkakataong tanggapin ang Kaniyang Salita nang taos-puso. Hindi Niya ipinagdadamot sa atin ang pagkakataong pabanalin tayo ng Kaniyang Salita. Ito ang Kaniyang kalooban. 

Kung hindi dahil sa pag-ibig, kagandahang-loob, biyaya, habag, at awa ng Diyos, hindi isusulat ni Apostol San Pablo ang mga salita sa Ikalawang Pagbasa. Nangaral tungkol sa pagiging tapat sa Diyos hanggang sa huli, sa kabila ng mga matitinding pagsubok, tukso, hirap, at pag-uusig sa buhay, si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa dahil hindi ipinagkait ng Diyos ang Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, biyaya, habag, at awa na tunay ngang dakila at kahanga-hanga. 

Hindi ipinagkakait ng Panginoong Diyos sa bawat isa sa atin ang Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, biyaya, habag, at awa. Kaya naman, bilang tugon, dapat nating buksan ang ating mga puso at sarili sa Kaniya upang tayong lahat ay Kaniyang gawing banal. Sa pamamagitan nito, dinarakila natin Siya nang taos-puso. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento