10 Hulyo 2026
Biyernes ng Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
Oseas 14, 2-10/Salmo 50/Mateo 10, 16-23
Larawan: Anonymous Genoese painter, active in the second half of the 17th-century. Christ at the Column (c. From 1650 until 1700). Museu Nacional de Belas Artes. Public Domain.
"Pupurihin ko kailanman ang dakila Mong Pangalan" (Salmo 50, 17b). Ang pagninilay ng Simbahan para sa araw na ito ay nakatuon sa mga salitang ito mula sa Salmong Tugunan. Muling ipinapaalala sa atin ng Simbahan kung sino nga ba ang dapat nating dakilain nang taos-puso. Wala tayong ibang dapat dakilain kundi ang Diyos. Isa itong aral na hindi natin dapat limutin kailanman.
Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Diyos ang Kaniyang taos-pusong pasiyang patawarin ang Kaniyang bayan. Lagi Siyang handang patawarin ang Kaniyang bayan. Hindi Niya ipagkakait ang Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, biyaya, habag, at awa na tunay ngang dakila sa mga magtitika at magbabalik-loob sa Kaniya nang taos-puso. Isang halimbawa nito ay ang bayang Israel na paulit-ulit na nagkasala laban sa Kaniya. Sa Ebanghelyo, ipinangako ng Poong Jesus Nazareno sa mga apostol na mayroon silang makakasama sa mga panahong makakaranas sila ng mga tukso, pagsubok, hirap, at pag-uusig. Hindi sila tatanggapin ng marami dahil sa pagsaksi nila sa Kaniya. Subalit, tutulungan sila ng Espiritu Santo. Hindi sila mag-iisa sa mga sandaling yaon.
Ang Diyos ay lagi nating dapat handugan ng taos-pusong pagdakila. Lagi Niya tayo sinasamahan bilang patunay ng Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, awa, habag, at biyaya. Bilang tugon, dapat natin Siyang dakilain nang taos-puso.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento