Martes, Hunyo 30, 2026

PAANYAYA NG ATING DINARAKILA

5 Hulyo 2026 
Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Zacarias 9, 9-10/Salmo 144/Roma 8, 9. 11-13/Mateo 11, 25-30 

Larawan: Christus Consolator (Unknown date) by Carl Heinrich Bloch (1834-1890). Brigham Young University Museum of Art. Public Domain.


Nakakaranas ng pagod ang bawat isa sa atin bilang tao. Kaya naman, mahalaga para sa atin ang pahinga. Mayroong mga pagkakataong ang ating lakas ay nauubos. Hindi tayo malakas sa lahat ng pagkakataon. Isa ito sa ating mga limitasyon bilang tao. Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng sapat na pahinga, bumabalik ang ating lakas. 

Ipinapaalala sa atin ng mga Pagbasa kung saan tayo makasusumpong ng tunay na kapahingahan at kaginhawaan sa mga pagkakataong nakakaranas tayo ng matinding pagod. Sa Ebanghelyo, inaanyayahan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ang lahat ng mga napapagal at nabibigatan sa kanilang mga pasanin sa buhay sa lupa na lumapit sa Kaniya. Buong linaw Niyang inihayag sa pamamagitan ng nasabing paanyaya na tunay nga Siyang maawain, mahabagin, at mapagkalinga. Kahit na ipinakilala Siya sa Unang Pagbasa bilang maluwalhating Hari, hindi Niya inilalayo ang Kaniyang sarili sa bawat isa sa atin. Hindi tayo itinutulak palayo kundi nilalapitan at kinakalinga. Dagdag ni Apostol San Pablo sa kaniyang pangaral na inilahad sa Ikalawang Pagbasa, tayong lahat ay dinudulutan rin Niya ng bagong buhay bilang Kaniyang kawan. 

Sa mga pagkakataong nakakaranas tayo ng matinding pagod sa buhay, lapitan natin ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Huwag tayong mahiyang lumapit sa Kaniya. Sa piling ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, makakaranas tayo ng tunay na pahinga. 

Biyernes, Hunyo 26, 2026

ANG NARARAPAT NA TUGON

3 Hulyo 2026 
Kapistahan ni Apostol Santo Tomas 
Efeso 2, 19-22/Salmo 116/Juan 20, 24-29 


"Panginoon ko at Diyos ko!" (Juan 20, 28). Sa mga salitang ito na buong pananalig na binigkas ni Apostol Santo Tomas noong ang Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno ay nagpakita muli sa mga alagad, na kasama siya, sa salaysay na tampok sa Ebanghelyo nakasentro ang pagninilay ng Simbahan para sa araw na ito. Tiyak na hindi na natin mabilang kung ilang ulit na tayong inaanyayahan ng Simbahan na ituon ang ating mga pansin sa tunay na pagkakilanlan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Isa lamang ang ibig sabihin noon - ang katotohanang ito ay hindi natin dapat limutin kahit kailan. Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay tunay na Diyos na dapat laging handugan ng taos-pusong pagdakila. 

Sa Unang Pagbasa, inihayag ni Apostol San Pablo na dapat dakilain ng lahat ng tao sa daigdig ang Diyos. Hindi lamang para sa isang pangkat, lipi, bayan, grupo, angkan, at bansa ang utos at paanyaya na maghandog ng taos-pusong pagdakila sa Diyos. Ang lahat ng tao sa daigdig ay inaanyayahang ihandog ang nararapat sa Diyos na walang iba kundi ang taos-pusong pagdakila sa Kaniyang Ngalan, gaya ng inihayag ng mang-aawit sa Salmong Tugunan (Salmo 116, 1). Bilang mga bumubuo sa Simbahang tatag mismo ng Poong Jesus Nazareno, ito ang lagi nating dapat gawin. 

Dapat nating ilaan ang bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa lupa sa paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Diyos. Nararapat lamang itong gawin bilang tugon sa Diyos na laging nagpapamalas ng Kaniyang kadakilaan. 

Huwebes, Hunyo 25, 2026

HINDI PABAYA ANG ATING DINARAKILA

29 Hunyo 2026 
Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo 
[Pagmimisa sa Araw] 
Mga Gawa 12, 1-11/Salmo 33/2 Timoteo 4, 6-8. 17-18/Mateo 16, 13-19 

Larawan: Pablo Rabiella (-1719). San Pedro y San Pablo (c. 18th century). Public Domain. 

Nakasentro sa pangakong binitiwan ng Poong Jesus Nazareno kay Apostol San Pedro sa salaysay ng Kaniyang paghirang sa nasabing apostol bilang unang Santo Papa ng tunay na Simbahang Kaniyang tatag na itinampok at inilahad sa Mabuting Balita ang pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo. Hindi Niya iiwanan at pababayaan ang tunay na Simbahang itinatag Niya. Ang Simbahang Siya mismo ang nagtatag ay lubos Niyang pinahahalagahan. Dahil dito, ang Simbahan ay walang sawa Niyang aalagaan, kakalingain, at sasamahan. Isa itong pangako mula sa bukal ng lahat ng kadakilaan sa dakilang apostol na hinirang at itinalaga Niya bilang unang Santo Papa ng tunay na Simbahang Kaniyang itinatag. 

Ang Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa ay nakasentro sa pangakong binitiwan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno sa unang Santo Papa ng Simbahan na si Apostol San Pedro. Sa Unang Pagbasa, ang unang Santo Papa ng Simbahan na si Apostol San Pedro, ang bato, ay nakatakas mula sa bilangguan sa tulong ng isang anghel na nagmula sa langit. Isa itong dakilang patunay na hindi pinababayaan ng Poong Jesus Nazareno ang Simbahan. Nagpatotoo naman si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa pagtulong ng Diyos sa kaniya. Hindi siya pinabayaan ng Panginoon kailanman.

Paulit-ulit na pinatunayan ng Poong Jesus Nazareno na pinahahalagahan Niya nang lubos ang tunay na Simbahang Siya mismo ang nagtatag. Hindi Niya pinabayaan ang Simbahan kailanman. Bagkus, walang sawa Niyang inaruga, kinalinga, sinamahan, at ipinagsanggalang ang Kaniyang Simbahan. Bilang tugon, ang Poong Jesus Nazareno ay dapat palagi nating handugan ng taos-pusong pagdakila sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Ito ay dahil tayong lahat ang bumubuo sa Kaniyang Simbahan.

BUHAY NA INILAAN SA PAGHAHANDOG NG TAOS-PUSONG PAGDAKILA SA DIYOS

28 Hunyo 2026 
Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo 
[Pagmimisa sa Bisperas] 
Mga Gawa 3, 1-10/Salmo 18/Galacia 1, 11-20/Juan 21, 15-19 

Ang sentro ng taimtim na pagninilay ng Simbahan sa araw na ito ay ang matatag at dalisay na katapatan nina Apostol San Pedro at San Pablo sa Diyos. Sa kabila ng mga hirap, pagsubok, tukso, at panganib, ipinasiya nina Apostol San Pedro at San Pablo na manatiling tapat sa Diyos. Kahit na hindi sila tinanggap at inusig dahil sumasaksi sila sa Nazarenong si Kristo Hesus, ang nagkatawang-taong Salita ng Diyos, ipinasiya pa rin nilang handugan Siya ng taos-pusong pagdakila sa pamamagitan ng pagsaksi sa Kaniya na humirang at nagtalaga sa kanila bilang mga apostol at misyonero. 

Sa Unang Pagbasa, kumilos ang Mahal na Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng dalawa sa Kaniyang mga apostol na sina Apostol San Pedro na Kaniyang hinirang at itinalaga bilang unang Santo Papa ng Simbahan at ang minamahal na alagad na si Apostol San Juan. Isang lalaking ipinanganak na lumpo ay nagsimulang lumakad dahil lamang sa Kaniya na kumilos sa pamamagitan ng dalawa sa mga apostol na hinirang Niya bilang Kaniyang mga instrumento. Nakatuon sa paghirang ng Diyos sa Kaniyang mga lingkod na tapat ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Ang kanilang misyon at tungkulin ay sumaksi sa Kaniya upang makilala Siya ng lahat ng tao bilang tunay na Diyos na dapat dakilain. Isang utos ang ibinigay ng Nuestro Padre Jesus Nazareno kay Apostol San Pedro na hinirang at itinalaga Niya upang maging unang Santo Papa ng Kaniyang Simbahan sa Ebanghelyo - ilaan ang bawat sandali at oras sa pag-aalaga sa Kaniyang kawan. 

Nanatiling tapat sa Panginoong Jesus Nazareno sina Apostol San Pedro at San Pablo, sa kabila ng mga matitinding panganib, hirap, pagsubok, tukso, at pag-uusig. Buong katatagang inihayag ng dalawang apostol na ito ang kanilang katapatan sa Kaniya sa pamamagitan ng pagtupad sa misyong Kaniyang bigay sa kanila, kahit na sarili nilang buhay ang naging kapalit nito. Sa pamamagitan, ang Panginoong Jesus Nazareno ay hinandugan nila ng taos-pusong pagdakila. 

Gaya nina Apostol San Pedro at San Pablo, huwag tayong matakot ilaan ang bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig sa pagsaksi sa Poong Jesus Nazareno. Ang Poong Jesus Nazareno ay dinarakila ng mga sumasaksi sa Kaniya sa pamamagitan ng mga salita at gawa sa bawat sandali ng kanilang buhay. 

Miyerkules, Hunyo 24, 2026

TAOS-PUSONG PAGDAKILA SA TUNAY NA NAGMAMAHAL

28 Hunyo 2026 
Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
2 Hari 4, 8-11.14-16a/Salmo 88/Roma 6, 3-4. 8-11/Mateo 10, 37-42 


"Pag-ibig Mong walang maliw ay lagi kong sasambitin" (Salmo 88, 2a). Ang taimtim na pagninilay ng Simbahan para sa araw na ito ay nakasentro sa mga salitang ito na binigkas ng mang-aawit sa Salmong Tugunan. Ipinapaalala sa atin ng Simbahan kung ano ang nararapat na tugon sa Diyos na puspos ng dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa. Bilang tugon, lagi nating dapat dakilain Siya nang taos-puso. 

Sa Unang Pagbasa, tinanggap at pinatuloy ng isang mayamang babae at ng kaniyang asawa si Propeta Eliseo. Bilang tugon, biniyayaan ng isang anak ang mag-asawa. Ang Diyos ay dinakila ng nasabing mag-asawa sa pamamagitan ng kanilang taos-pusong pasiyang tanggapin at patuluyin sa kanilang tahanan si Propeta Eliseo. Nalugod nang lubos ang Diyos sa nasabing mag-asawa. Sa Ikalawang Pagbasa, nangaral tungkol sa biyaya ng bagong buhay na bunga ng dakilang pag-ibig ng Diyos ang dakilang apostol na si Apostol San Pablo. Ipinasiya ng Diyos na ipagkaloob sa atin ang biyayang ito nsa pamamagitan ng Panginoong Jesus Nazareno bilang patunay ng kahanga-hangang kadakilaan ng Kaniyang pag-ibig. Sa Ebanghelyo, ang Panginoong Jesus Nazareno ay nangaral tungkol sa paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Diyos. Ang Diyos ay dapat dakilain nang taos-puso sa pamamagitan ng mga salita at gawa. Kaya naman, buong linaw na ipinahayag ng Panginoong Jesus Nazareno na ang sarili ay kailangang limutin, ang sariling krus ay dapat pasanin, at sumunod sa Kaniya ang lahat ng mga may planong sumunod sa Kaniya. Dinarakila nila ang Diyos sa pamamagitan nito. 

Bilang tugon sa tunay na umiibig sa atin na walang iba kundi ang Panginoon, dapat natin Siyang handugan ng taos-pusong pagdakila. Dapat natin Siyang ipagmalaki at ipakilala sa tanan sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. 

Martes, Hunyo 23, 2026

DAKILAIN ANG LAGING HANDANG SUMAKLOLO

27 Hunyo 2026 
Kapistahan ng Mahal na Ina ng Laging Saklolo 
Isaias 7, 10-17/Salmo 71/Pahayag 12, 1-6. 10/Juan 19, 25-27 


Walang maliw ang katapatan ng Panginoong Diyos. Ito ang aral na pinagtutuunan ng pansin at pinagninilayan ng Simbahan sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Mahal na Ina ng Laging Saklolo. Laging handang sumaklolo ang Panginoong Diyos. Hindi Niya tayo dededmahin o pababayaan. Mula sa Kaniyang maringal na trono sa langit, ang ating mga panalangin at pagsamo ay Kaniyang naririnig. Tutugunan ng Panginoong Diyos ang ating mga panalangin at samo. Para sa ating ikabubuti ang Kaniyang mga tugon. 

Sa Unang Pagbasa, ang Diyos ay nagbitiw ng isang pangako. Ipinangako ng Diyos na darating Siya bilang isang munting sanggol na lalaki na isisilang ng isang dalaga. Ang pangakong ito ay hindi Niya binaon sa limot kailanman. Bagkus, ang pangakong ito ay tinupad Niya noong sumapit ang panahong itinakda Niya. Pinatunayan ng Diyos ang Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan sa pamamagitan ng pagtupad sa pangakong binitiwan Niya sa Unang Pagbasa. Inilahad sa Ebanghelyo ang isang maikling bahagi ng mahabang salaysay ng katuparan ng pangakong inilahad sa Unang Pagbasa. Ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na ipinanganak ng Mahal na Birheng Maria na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno na nakapako sa Krus na Banal ay ang katuparan ng pangakong binitiwan ng Diyos sa Lumang Tipan. Gaya ng buong linaw na isinalungguhit sa mga pangitain ni Apostol San Juan sa Ikalawang Pagbasa, hindi ikinubli ng Diyos ang Kaniyang kadakilaan. Bagkus, ito ay ipinamalas Niya upang makilala Siya ng lahat. Ginawa Niya ito sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. 

Ipinapaalala sa atin ng Mahal na Ina ng Laging Saklolo na laging handang tumulong at sumaklolo ang Diyos. Hindi Niya tayo pababayaan kailanman. Kaya naman, bilang tugon sa palagiang pagtulong at pagsaklolo ng Diyos, dapat nating ilaan ang bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay dito sa lupa sa paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Kaniyang Ngalan. 

Biyernes, Hunyo 19, 2026

LAGING ALALAHANIN ANG HABAG AT AWA NG ATING DINARAKILA

26 Hunyo 2026 
Biyernes ng Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
2 Hari 25, 1-12/Salmo 136/Mateo 8, 1-4 




"Kung Ika'y aking lilimutin, wala na 'kong aawitin" (Salmo 136, 6a). Nakatuon sa mga salitang ito mula sa Salmong Tugunan ang pagninilay ng Simbahan para sa araw na ito. Ipinapaalala sa atin ng Simbahan na hindi dapat ibaon sa limot ang lahat ng mga ginawa ng Diyos para sa atin. Dahil sa lahat ng mga ginawa ng Diyos para sa atin, lagi nating dapat handugan Siya ng taos-pusong pagdakila. 

Ang salaysay ng pagsakop ng mga hukbo ng Babilonia sa Herusalem ay itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa. Sa pamumuno ni Haring Nabucodonosor, sinakop ng mga hukbo ng Babilonia ang Herusalem. Nagsimula ang pagkakatapon ng mga Israelita sa Babilonia sa pamamagitan ng pagsakop sa Herusalem. Masakit man para sa Diyos na masilayan mula sa langit ang pagkakatapon ng mga Israelita sa Babilonia, niloob pa rin Niyang mangyari iyon sapagkat kinailangang parusahan ang mga Israelita na hindi tumigil sa paglabag at pagsuway sa Kaniyang mga utos. Sa Ebanghelyo, ipinakita ng Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang habag at awa sa isang ketongin. Niloob Niyang gumaling ang ketongin. Hindi Niya ipinagkait ang Kaniyang habag at awa sa nasabing lalaki. Dahil sa habag at awa ng Poong Jesus Nazareno, nawala ang ketong ng lalaki. 

Tunay ngang mahabagin at maawain ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Hindi Niya ipinagkakait ang Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa na tunay nga namang dakila sa mga humingi nito nang may tapat at dalisay na kababaang-loob at pananalig sa Kaniya. Dinarakila Siya ng Kaniyang mga kinahabagan at kinaawaan. 

Huwebes, Hunyo 18, 2026

TAOS-PUSONG PAGDAKILA ANG HANDOG NG TAGAPAGHANDA NG DARAANAN NG PANGINOON

24 Hunyo 2026 
Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista 
Isaias 49, 1-6/Salmo 138/Mga Gawa 13, 22-26/Lucas 1, 57-66. 80 


"Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon" (Mateo 3, 3). Matatagpuan sa isa sa mga propesiya tungkol sa pagdating ng Panginoong Diyos bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos sa aklat ni Propeta Isaias ang mga salitang ito na ang tanging layunin ay dulutan ng aliw at pag-asa ang bayang Israel (Isaias 40, 3). Darating ang Panginoong nagpasiyang magdulot ng tunay na kaligtasan at pag-asa sa bayang Kaniyang hirang bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Subalit, bago dumating ang Panginoon upang tuparin ang pangakong ito, isusugo Niya ang hinirang at itinalaga Niya bilang tagapaghanda ng Kaniyang daraanan. Ang mga salitang ito tungkol sa tinig ng isang sumisigaw sa ilang ay tumutukoy kay San Juan Bautista. Paulit-ulit na binigkas ni San Juan Bautista ang mga nasabing salita sa kaniyang mga pangaral upang ipakilala ang kaniyang sarili sa mga tumungo sa kaniya sa Ilog Jordan upang magpabinyag. 

Nakasentro sa mga salitang ito tungkol sa misyon ng tagapaghanda ng daraanan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno ang maringal na selebrasyon o pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista sa Simbahan ng Quiapo. Tiyak na nakakalimutan ng marami na ang titular na patron ng makasaysayang Simbahan ng Quiapo ay si San Juan Bautista na hinirang at itinalaga bilang tagapaghanda ng daraanan ng Panginoon. Marahil, ito ay dahil ang unang pumapasok sa isipan ng karamihan ay ang Poong Jesus Nazareno na pasan-pasan ang Krus na Banal kapag Quiapo ang pinag-uusapan. Mahalaga rin ang maringal na pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan na buong ringal na ipinagdiriwang ng Inang Simbahan taun-taon tuwing sasapit ang ika-24 ng buwan ng Hunyo para sa Simbahan ng Quiapo sapagkat ang titular ng Simbahan ng Quiapo ay walang iba kundi si San Juan Bautista. 

Ang tema ng pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista sa Simbahan ng Quiapo para sa kasalukuyang taon at ang tema ng pagdiriwang ng Pambansang Kapistahan ni Jesus Nazareno noong nakaraang ika-9 ng Enero. Noong ipinagdiriwang nang buong ringal ang Kapistahan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, hindi lamang sa Simbahan ng Quiapo kundi sa buong Pilipinas, limang buwan na ang nakakaraan, ang temang pinagnilayan ay hango mula sa mga salitang binigkas ni San Juan Bautista bilang tugon sa balita tungkol sa pagdami ng mga taong sumusunod sa kaniyang kamag-anak na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno: "Dapat Siyang tumaas at ako nama'y bumaba" (Juan 3, 30). Palagi itong ginawa ni San Juan Bautista bilang tagapaghanda ng daraanan bilang tagapaghanda ng daraanan ng Mesiyas at Manunubos na ipinangako na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno. Ang lahat ng mga tao ay kaniyang tinulungan sa paglilinis at pagdalisay ng puso at loobin upang maging marapat silang maghandog ng taos-pusong pagdakila kay Kristo. 

Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Panginoong Diyos na ipamamalas Niya ang kahanga-hanga Niyang kadakilaan sa pamamagitan ng bayang hinirang at itinalaga Niya upang maging Kaniya na walang iba kundi ang Israel. Nakasentro sa palagiang paglingap ng Diyos sa Kaniyang mga lingkod ang mga salita sa Salmong Tugunan. Laging inaaruga, kinukupkop, pinapatnubayan, ginagabayan at ipinagsasanggalang ang Kaniyang mga lingkod sapagkat pinili nilang dakilain Siya sa pamamagitan ng kanilang mga salita at gawa. Katunayan, ang Diyos pa nga mismo ang Siyang lumikha sa kanila. Hindi nila binabaon sa limot ang katotohanang ito. Dahil dito, hindi sila tumitigil o humihinto sa pag-aalay ng taos-pusong pagdakila sa Kaniya. Ang pinakadakilang gawa ng Diyos ay ang sentro ng pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Iniligtas Niya ang tanan sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno na Kaniyang Bugtong na Anak. Sa Ebanghelyo, inilahad ang salaysay ng pagsilang ni San Juan Bautista na hinirang at itinalaga upang maging tagapaghanda ng daraanan ng Poong Jesus Nazareno.

Tinuturuan tayo ni San Juan Bautista kung paano maging tunay na deboto. Hindi niya binalak agawin at angkinin ang lahat ng parangal, papuri, at pagdakilang sa Mahal na Poong Jesus Nazareno lamang dapat ilaan. Bagkus, lagi niyang ipinasiyang dakilain at sambahin ang minamahal niyang kamag-anak na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Itinuro niya sa lahat kung ano ang dapat gawin. Si Jesus Nazareno ay dapat lagi nilang dakilain sa pamamagitan ng mga salita at gawa. Laging dapat isabuhay ng lahat ang pasiyang ito.

Bilang mga deboto ng Poong Jesus Nazareno, palagi nating dapat handugan Siya ng taos-pusong pagdakila. Anuman ang ating sabihin at gawin, kailangan nating tiyaking mabibigyan natin ng taos-pusong pagdakila ang Ngalan ng Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng mga ito. Tularan natin ang tinig sa ilang na hinirang at itinalaga ng Diyos upang ihanda ang daraanan ng Poong Jesus Nazareno na walang iba kundi ang kamag-anak Niyang minamahal na si San Juan Bautista na hindi nagsawang dakilain Siya sa pamamagitan ng kaniyang misyon.

Martes, Hunyo 16, 2026

KABUTIHANG NAGPAPATUNAY NG KANIYANG KAHANGA-HANGANG KADAKILAAN

23 Hunyo 2026 
Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista 
[Pagmimisa sa Bisperas] 
Jeremias 1, 4-10/Salmo 70/1 Pedro 1, 8-12/Lucas 1, 5-17 


"Ang Diyos ay mapagpala." Ito ang ibig sabihin ng pangalang "Juan." Sa kahulugan ng nasabing pangalan nakasentro ang taimtim na pagninilay ng Simbahan. Nahayag sa pamamagitan ng tagapaghanda ng daraanan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas, na walang iba kundi si San Juan Bautista ang katotohanang ito. Buong linaw na pinatunayan ng Diyos sa pamamagitan ni San Juan Bautista, ang tagapagpauna ni Kristo, ang Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan. 

Sa Unang Pagbasa, si Propeta Jeremias ay nagpatotoo tungkol sa pasiya ng Diyos na ipakita sa kaniya ang Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan. Hinirang at itinalaga ng Diyos si Propeta Jeremias upang ibahagi ang Kaniyang mensahe sa Kaniyang bayang hinirang na walang iba kundi ang Israel. Nakasentro sa pagligtas ng Diyos sa tanan sa pamamagitan ng Panginoong Jesus Nazareno ang pangaral ni Apostol San Pedro, ang unang Santo Papa ng Simbahan, na itinampok at inilahad sa Ikalawang Pagbasa. Ang kabutihan ng Diyos na naghahayag ng Kaniyang kahanga-hangang kadakilaang hindi magmamaliw magpakailanman ay ang aral at mensaheng pinagninilayan nang buong linaw sa salaysay ng kaganapang itinampok at inilahad sa Ebanghelyo. Ipinahayag ng Arkanghel na si San Gabriel kay Zacarias ang magandang balita tungkol sa pagsilang ng tagapaghanda ng daraanan ng ipinangakong Mesiyas na walang iba kundi si San Juan Bautista. Dahil sa kabutihan ng Diyos na nagpapatunay ng Kaniyang kadakilaang tunay ngang kahanga-hanga, ipinagkaloob Niya kina Zacarias at Elisabet si San Juan Bautista, ang tagapagpauna ng Mesiyas, bilang kanilang anak. 

Nakatuon rin sa kabutihan ng Diyos na nagpapatunay ng Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan ang mga salita sa Salmong Tugunan. Ito ang dahilan kung bakit ang mga abang lingkod ng Diyos ay hindi natatakot kailanman. Kusang-loob na ipinamalas ng Diyos sa kanila ang Kaniyang kabutihan. Bilang tugon, ipinasiya nilang ipalaganap at ibahagi sa kapwa ang kanilang natanggap mula sa Diyos. Handa silang mag-alay ng sarili nilang buhay para sa higit na ikadarakila ng Diyos na puspos ng pag-ibig, awa, habag, at kabutihan. 

Bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ng Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, ang Kaniyang kabutihang hindi magmamaliw kailanman na nagpapatunay ng Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan ay kailangan nating ipalaganap at ibahagi sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa lupa. Sa pamamagitan nito, hinahandugan natin Siya ng taos-pusong pagdakila. 

Lunes, Hunyo 15, 2026

BINIBIGYAN NIYA NG LAKAS ANG MGA DUMARAKILA SA KANIYA NANG TAOS-PUSO

23 Hunyo 2026 
Martes ng Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Ikasiyam at Huling Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Pagsilang ni San Juan Bautista 
2 Hari 19, 9b-11. 14-21. 31-35a. 36/Salmo 47/Mateo 7, 6. 12-14 


Pinalalakas ng Panginoong Diyos ang mga dumarakila sa Kaniya nang taos-puso. Ito ang sentro ng taimtim na pagninilay ng Simbahan para sa araw na ito. Dahil sa Diyos, mayroong lakas ang mga dumarakila sa Kaniya nang taos-puso. Gaya ng inihayag ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan: "Lungsod ng D'yos ay matatag dahil sa bigay N'yang lakas" (Salmo 47, 9d).  

Sa Unang Pagbasa, nagsalita ang Panginoon tungkol sa Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, awa, habag, at malasakit para sa Kaniyang bayan. Ipagtatanggol Niya ang lungsod na Kaniyang hirang. Nangaral ang Poong Jesus Nazareno tungkol sa pagpapahalaga sa mga biyayang dulot sa atin ng Diyos sa Ebanghelyo. Tayong lahat ay pinahahalagahan Niya nang lubos, kahit na hindi tayo karapat-dapat sa Kaniyang dakilang pag-ibig, biyaya, kagandahang-loob, awa, habag, at malasakit dahil tayong lahat ay mga abang makasalanan. Kaya naman, bilang tugon, dapat lagi natin Siyang handugan ng taos-pusong pagdakila. Ito ang magiging patunay na ang Diyos ay atin ring pinahahalagahan nang taos-puso, gaya ng Kaniyang pagpapahalaga sa atin. 

Ang mga dumarakila sa Diyos nang taos-puso ay puspos ng lakas dahil sa Diyos. Sa pamamagitan ng pagpapalakas sa mga dumarakila sa Kaniya nang taos-puso, buong linaw na nahayag ang pagiging mapagkalinga ng Diyos. 

Miyerkules, Hunyo 10, 2026

DAKILA ANG KANIYANG HABAG AT AWA

22 Hunyo 2026 
Lunes ng Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Ikawalong Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Pagsilang ni San Juan Bautista 
2 Hari 17, 5-8. 13-15a. 18/Salmo 59/Mateo 7, 1-5 


"Poon, kami ay sagipin, kawaan, at kupkupin" (Salmo 59, 7b). Sa mga salitang ito na binigkas ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan nakasentro ang pagninilay ng Simbahan sa araw na ito. Ang Diyos ay tunay ngang mahabagin at maawain. Hindi ipagkakait ng Diyos ang Kaniyang habag at awa na tunay nga namang dakila sa mga lalapit sa Kaniya upang hingin ito nang buong kababaang-loob. Katunayan, lubos na matutuwa ang Diyos sa lahat ng mga lalapit sa Kaniya nang buong kababaang-loob upang hingin ang Kaniyang dakilang habag at awa. 

Sa Unang Pagbasa, ang Panginoong Diyos ay nasaktan nang lubusan dahil sa paulit-ulit na pagmamatigas at pagkakasala ng mga Israelita. Nais man ipakita ng Diyos sa kanila ang Kaniyang habag at awa sa Israel, hindi Niya ito magawa dahil ipinasiya ng mga Israelita na maglingkod at sumamba sa mga diyus-diyusan. Sa Ebanghelyo, ang Poong Jesus Nazareno ay nangaral tungkol sa halaga ng kababaang-loob. Hindi tayo dapat umastang diyos sa harap ng kapwa-tao. Tao lamang tayo na nangangailangan ng habag at awa mula sa Diyos. Kailangan nating pahintulutan ang Diyos na dalisayin tayo upang maging malinis at kalugud-lugod sa Kaniyang paningin ang bawat isa sa atin. Lagi Siyang handang gawin ito para sa atin. 

Ang habag at awa ng Diyos ay tunay ngang dakila. Lagi Siyang handang ipagkaloob sa atin ang Kaniyang habag at awa na tunay ngang dakila. Lubos Siyang nalulugod sa lahat ng mga lalapit sa Kaniya nang may taos-pusong kababaang-loob at pananalig upang hingin ang Kaniyang dakilang awa at habag. Ito ay dahil dinarakila nila Siya sa pamamagitan nito. 

KINAKALINGA NG DIYOS ANG MGA DUMARAKILA SA KANIYA NANG TAOS-PUSO

21 Hunyo 2026 
Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Ikapitong Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Pagsilang ni San Juan Bautista 
Jeremias 20, 10-13/Salmo 68/Roma 5,12-15/Mateo 10, 26-33 


Wika ni Propeta Jeremias sa wakas ng kaniyang pahayag tungkol sa kaniyang misyon bilang propeta na itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa: "Awitan ninyo ang Poon, inyong purihin ang Poon, sapagkat inililigtas Niya ang mga api mula sa kamay ng mga gumagawa ng masama" (Jeremias 20, 13). Sa mga salitang ito nakatuon ang taimtim na pagninilay ng Simbahan para sa araw na ito. Muling ipinapaalala sa atin na laging pinapatnubayan ng Diyos ang mga dumarakila sa Kaniya nang taos-puso. Ang Diyos ay hindi nagpapabaya kailanman. Kaya naman, walang dapat ikapangamba ang mga dumarakila sa Kaniya nang taos-puso. 

Nakatuon ang pangaral ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Kaniyang pangaral na inilahad sa Ebanghelyo sa pagsanggalang at pagkalinga ng Diyos sa mga dumarakila sa Kaniya nang taos-puso. Hindi Niya sila pababayaan kailanman. Tunay nga Niyang pinahahalagahan ang mga dumarakila sa Kaniya nang taos-puso. Kaya naman, ang mga dumarakila sa Kaniya nang taos-puso ay lagi Niyang sasamahan at kakalingain. 

Ipinakilala ni Apostol San Pablo ang Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang dakilang patunay ng pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Diyos. Kahit na nalugmok sa kasalanan ang sangkatauhan, hindi Niya sila pinabayaan. Bagkus, Siya mismo ang gumawa ng paraan upang makapaghandog sila ng taos-pusong pagdakila sa Kaniya. Nang sumapit ang panahong Kaniyang itinakda, ipinasiya ng Diyos na pumanaog sa lupa upang iligtas ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kaniyang Bugtong na Anak at Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. 

Gaya ng inihayag ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan: "Panginoon, Iyong dinggin, akong Iyong ginigiliw" (Salmo 68, 14k). Hindi Siya pabaya. Bagkus, tunay nga Siyang puspos ng dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa. Kaya naman, walang dapat ikapangamba ang mga dumarakila sa Kaniya nang taos-puso. 

Laging kinakalinga ng Diyos ang mga dumarakila sa Kaniya nang taos-puso. Isa itong patunay na tunay nga Niyang pinahahalagahan ang mga dumarakila sa Kaniya nang taos-puso. Dahil dito, panatag ang kanilang mga puso at loobin. 

Sabado, Hunyo 6, 2026

ANG LAGING KUMAKALINGA SA ATIN AY DAPAT DAKILAIN

20 Hunyo 2026 
Sabado ng Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Ikaanim na Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Pagsilang ni San Juan Bautista 
2 Cronica 24, 17-25/Salmo 88/Mateo 6, 24-34 


Nakasentro sa pagiging mapagkalinga ng Diyos ang pagninilay ng Inang Simbahan sa araw na ito. Marahil ay maraming ulit tayong pinaalalahanan ng Inang Simbahan na kinakalinga tayo ng Diyos sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig. Subalit, ang aral na ito ay tunay ngang napakahalaga para sa atin. Hindi tayo pinababayaan ng Diyos. Lagi Niya tayong tutulungan at sasamahan. Kaya naman, ang bawat isa sa atin ay inaanyayahan ng Inang Simbahan na imulat muli ang ating mga mata, puso, at isipan sa kagandahan ng misteryong ito. 

Sa Ebanghelyo, inihayag ng Poong Jesus Nazareno na wala tayong dapat ikabahala o ikapangamba sapagkat lagi tayong kinakalinga ng Diyos. Ang pagkalinga ng Diyos ay patunay na iniibig Niya tayo nang lubusan. Gaya ng nasasaad sa Salmong Tugunan, mananatili ang Kaniyang pag-ibig (Salmo 88, 29a). Hindi lamang ito para sa angkan ni Haring David, bagamat hango mula sa pangakong binitiwan Niya sa nasabing hari ng bayang Kaniyang hirang ang mga salita sa Salmong Tugunan. Para rin sa ating lahat ang nasabing pangako. Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, niloob Niyang kalingain tayong lahat. Iyon nga lamang, gaya ng nasasaad sa Unang Pagbasa, nasa ating mga kamay ang pasiya kung tatanggapin ba natin ito o hindi. Nakakalungkot, nasasaad sa Unang Pagbasa na pinili ni Haring Joas na talikuran at itakwil ang Diyos.  

Bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ng Poong Jesus Nazareno, lagi natin dapat Siyang piliin. Dapat lagi nating handugan Siya ng taos-pusong pagdakila sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Ito ang nararapat na tugon sa Poong Jesus Nazareno na nagpasiyang lagi tayong kalingain dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig para sa atin. Lagi natin Siyang piliin, dakilain, at sambahin nang taos-puso. 

Biyernes, Hunyo 5, 2026

PINAHAHALAGAHAN NG MGA DUMARAKILA SA KANIYA NANG TAOS-PUSO

19 Hunyo 2026 
Biyernes ng Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Ikalimang Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Pagsilang ni San Juan Bautista 
2 Hari 11, 1-4. 9-18. 20/Salmo 131/Mateo 6, 19-23 


Buong linaw na inihayag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Kaniyang pangaral sa mga tao na itinampok at inilahad sa Ebanghelyo para sa araw na ito: "Sapagkat kung saan naroon ang inyong kayamananan, naroon din naman ang inyong puso" (Mateo 6, 21). Sa mga salitang ito nakasentro ang taimtim na pagninilay ng Inang Simbahan para sa araw na ito. Ipinapahayag natin sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa kung ano ang ating pinapahalagahan. Ang pinahahalagahan ng Inang Simbahan nang lubusan ay walang iba kundi ang Diyos. 

Sa mahabang salaysay ng mga kaganapang itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa, isinaylaysay kung paanong naibalik ang taimtim na pagsamba sa tunay na Diyos na walang iba kundi ang Panginoon. Pinatalsik at pinatay si Atalia na namahala sa Israel bilang reyna nito sa loob ng pitong taon. Habang namahala si Atalia bilang reyna, ang pagsamba sa diyus-diyusang si Baal ay kaniyang pinairal. Subalit, nagbago ang lahat ng ito nang sumapit ang ikapitong taon ng kaniyang pamumuno. Matapos pahiran ng langis ang prinsipeng si Joas, naghimagsik laban kay Atalia ang buong bayan. Nang si Atalia ay mapatay, naibalik sa Israel ang pagsamba sa Diyos. Nagpatotoo naman ang mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan tungkol sa kadakilaan ng Diyos. Walang diyos maliban sa Panginoon. Dapat Siyang pahalagahan at dakilain ng lahat. 

Ang sinumang nagpapahalaga sa Panginoong Diyos ay laging naghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Kaniya. Ito ang dapat lagi nating gawin bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang Kaniyang itinatag sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. 

Huwebes, Hunyo 4, 2026

KATANGIAN NG MGA DUMARAKILA SA DIYOS NANG TAOS-PUSO

18 Hunyo 2026 
Huwebes ng Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Ikaapat na Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Pagsilang ni San Juan Bautista
Sirak 48, 1-15 (gr. 1-14)/Salmo 96/Mateo 6, 7-15 



Inilalarawan sa mga Pagbasa ang katangian ng mga dumarakila sa Diyos nang taos-puso. Ang mga naghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Diyos ay may kababaang-loob. Dinarakila nila ang Diyos sa pamamagitan ng kanilang kababaang-loob. Para sa kanila, wala sila kung wala ang Diyos sa kanilang buhay. Hindi nila nakakalimutan ang mga ginawa ng Diyos para sa kanila. Kaya naman, nalulugod sa kanila ang Diyos. 

Nakasentro sa pagdakila ng Diyos kay Propeta Elias ang Unang Pagbasa. Lagi Siyang dinakila ng Kaniyang tapat na lingkod na si Propeta Elias. Ginawa ito ni Propeta Elias sa pamamagitan ng pagtupad sa misyong ibinigay sa kaniya ng Diyos. Hindi niya ito ginawa upang ang kaniyang sarili ay iangat at dakilain. Bagkus, lagi niya itong ginawa upang ang Diyos ay dakilain. Dahil dito, si Propeta Elias ay dinakila rin ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ng pagpapadala ng isang karwaheng apoy na hinihila ng mga kabayong apoy upang iakyat siya sa langit. Ito ang dahilan kung bakit nagagalak nang lubos si Propeta Elias at ang iba pang mga tapat na lingkod ng Diyos, gaya ng sabi ng mang-aawit sa Salmong Tugunan. Sa Ebanghelyo, ang panalanging ating nakilala sa tawag na "Ama namin" ay itinuro ng Poong Jesus Nazareno. Ang kababaang-loob ay binigyang-diin sa bawat linya ng panalanging ito. 

Ang mga may kababaang-loob ay dumarakila sa Diyos nang taos-puso. Palagi nilang ipinagmamalaki ang Diyos na hindi nagpapabaya. Ipinapahayag nilang lubusan silang nananalig at nagtitiwala sa Kaniya. Dahil dito, namumuhay sila para sa Kaniya. Tapat sila sa Diyos na kanilang dinarakila. 

Miyerkules, Hunyo 3, 2026

PAGHANDOG NG TAOS-PUSONG PAGDAKILA

17 Hunyo 2026 
Miyerkules ng Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Ikatlong Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Pagsilang ni San Juan Bautista 
2 Hari 2, 1. 6-14/Salmo30/Mateo 6, 1-6. 16-18 


Kinalulugdan ng Diyos ang mga naghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Kaniya sa pamamagitan ng mga salita at gawa. Sa katotohanang ito nakasentro ang pagninilay ng Simbahan sa araw na ito. Batid Niya kung ano ang nilalaman ng ating mga puso at loobin. Wala tayong maililihim sa Kaniya. Tayong lahat ay Kaniyang kilala. Nababatid rin Niya kung sino ang mga dumarakila sa Kaniya nang taos-puso. 

Sa Unang Pagbasa, si Propeta Elias ay iniakyat ng Diyos sa langit. Nagpadala Siya ng isang karwaheng apoy na hila-hila ng mga kabayong apoy upang iakyat ang Kaniyang dakilang propeta na si Propeta Elias sa langit. Inihayag ng Diyos sa pamamagitan ng kahanga-hangang gawang ito kung gaano Siya nalulugod kay Propeta Elias. Dahil sa walang tigil na pagdakila ni Propeta Elias sa Kaniya sa pamamagitan ng pagtupad sa misyong ibinigay Niya sa lingkod Niyang ito bilang Kaniyang propeta, iniakyat Niya sa langit si Propeta Elias sa wakas ng kaniyang misyon at paglalakbay sa lupa. Gaya ng buong linaw na inihayag sa Salmong Tugunan, kinalinga Niya ang Kaniyang lingkod. Si Propeta Elias ay patunay nito. Hindi siya pinabayaan ng Diyos. 

Ang pangaral ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ay nakatuon sa pagiging taos-puso sa pamamanata at pagdakila sa Diyos. Nais ng Diyos na maging dalisay, busilak, tapat, at taos-puso ang ating pasiyang dakilain Siya. Hindi mga alagad ng sining ang hanap ng Diyos. Bagkus, ang laging hinahanap ng Diyos ay walang iba kundi ang mga naghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Kaniyang Ngalan. 

Hinahanap ng Diyos ang mga dumarakila sa Kaniya nang taos-puso. Kapag ang ating mga puso at loobin ay Kaniyang titingnan, matutuwa kaya Siya sa makikita Niya? 

TAOS-PUSONG PAGDAKILA ANG NARARAPAT NA IHANDOG SA NAGPAKITA NG PAG-IBIG, HABAG, AT AWA SA ATIN

16 Hunyo 2026 
Martes ng Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Ikalawang Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Pagsilang ni San Juan Bautista 
1 Hari 21, 17-29/Salmo 50/Mateo 5, 43-48 


Tiyak na hindi na natin mabilang kung ilang ulit na ipinaalala sa atin ng Simbahan ang aral na nais pagtuunan ng pansin sa mga Pagbasa. Nakasentro ang mga Pagbasa sa halaga ng taos-pusong pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos. Ang Diyos ay dinarakila natin nang taos-puso sa pamamagitan ng ating taos-pusong pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan at pagbabalik-loob sa Kaniya. Binubuksan natin ang ating mga sarili sa Kaniya sa pamamagitan ng ating taos-pusong pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan at pagbabalik-loob sa Kaniya. Dahil dito, pinahihintulutan natin ang Diyos na dalisayin at gawing banal ang ating mga puso at loobin. 

Sa Unang Pagbasa, si Haring Acab ay nagpasiyang magsisi at magbalik-loob sa Diyos matapos ipahayag sa kaniya ni Propeta Elias ang pasiya ng Diyos na parusahan siya at ang kaniyang angkan. Bilang tugon sa taos-pusong pagsisisi at pagbabalik-loob ni Haring Acab, ipinasiya ng Diyos na kaawaan, kahabagan, at patawarin siya. Gaya ng isinalungguhit nang buong linaw sa Salmong Tugunan, hindi ipinagkait ng Diyos ang Kaniyang habag at awa kay Haring Acab. Nakasentro naman sa pag-ibig para sa mga taga-usig at kaaway ang pangaral ng Panginoong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Isa lamang ang nais Niyang ituro sa atin. Huwag ipagkait ang biyaya, habag, at awa ng Diyos sa mga taga-usig at kaaway. Lagi natin silang isama sa ating mga panalangin, gaano man kahirap itong gawin. Tandaan, kinaawaan at kinahabagan rin tayo. 

Lagi tayong kinaawaan, kinahahabagan, at iniibig ng Diyos. Kaya naman, dapat lagi nating buksan ang ating mga puso at loobin. Pahintulutan natin ang Diyos na baguhin at pabanalin tayo. Ibahagi at ipalaganap rin natin ang Kaniyang habag at awa. Hindi dapat sarilinin ang Kaniyang biyaya, habag, at awa. Hinahandugan natin ang Diyos ng taos-pusong pagdakila sa pamamagitan ng pagbubukas ng ating mga puso at loobin sa Kaniya at sa pagbabahagi ng Kaniyang biyaya, pag-ibig, habag, at awa. 

HINDI MGA BAYARAN ANG MGA DUMARAKILA SA DIYOS NANG TAOS-PUSO

15 Hunyo 2026 
Lunes ng Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Unang Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Pagsilang ni San Juan Bautista 
1 Hari 21, 1-16/Salmo 5/Mateo 5, 38-42 


Hindi mga bayaran ang mga taos-pusong dumarakila sa Diyos. Nakasentro sa aral na ito ang mga Pagbasa. Kung tunay ngang taos-puso ang ating pagdakila sa Diyos, lagi natin Siyang pipiliin. Mananatili tayong tapat sa Kaniya, gaano man kahirap gawin ito dala ng mga hirap, tukso, at pagsubok sa buhay. Walang takot nating dadakilain ang Panginoong Diyos sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa, kahit na nangangahulugang hindi tayo tatanggapin ng marami. 

Sa Unang Pagbasa, inutusan ni Reyna Jezebel sa ngalan ni Haring Acab na patayin sa pamamagitan ng pagbato si Nabat na taga-Jezreel. Hindi pumayag si Nabat na ibigay ang kaniyang ubasan na minana niya mula sa kaniyang mga ninuno kay Haring Acab. Kahit na maganda ang alok ni Haring Acab, hindi pumayag si Nabat. Ito ay dahil may utos na ibinigay ang Diyos tungkol sa nasabing usapin: "Hindi ninyo maipagbibili nang lubusan ang lupa sapagkat iyon ay Akin; pinatitirhan Ko lamang sa inyo" (Levitico 25, 23). Buo ang pasiya ni Nabat. Walang magaganap na negosasyon o transaksyon. Ang nasabing ubasan ay hindi ibebenta sa halagang handang ibigay ni Haring Acab. Dahil dito, walang awang ipinapatay ni Reyna Jezebel sa ngalan ni Haring Acab si Nabat. 

Inilarawan sa Salmong Tugunan kung ano ang kinalulugdan ng Diyos. Nalulugod Siya sa mga taong handang maghandog ng taos-pusong pagdakila sa Kaniya. Lagi nilang pipiliin ang Diyos, gaano man kahirap gawin ito. Hindi sila natatakot dakilain Siya sa bawat sandali ng kaniyang paglalakbay sa lupa, kahit na nangangahulugang hindi sila tatanggapin ng marami. 

Nakasentro sa paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Diyos sa pamamagitan ng mga salita at gawa ang pangaral ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Hindi nila pinapairal o ipinapalaganap ang karahasan. Bagkus, ang lagi nilang ipinapalaganap ay walang iba kundi ang kabutihan at kabanalan ng Diyos. Sa pamamagitan nito, buong galak at tuwa nilang ipinagmamalaki ang Diyos na kanilang dinarakila. 

Ang mga dumarakila sa Diyos nang taos-puso ay laging tapat sa Kaniya. Gaano man kahirap maging tapat sa Diyos dahil sa mga hirap, tukso, at pagsubok sa buhay dito sa daigdig, pipiliin pa rin nilang manatiling tapat sa Kaniya. Lagi nilang inihahayag sa pamamagitan ng kanilang mga salita at gawa ang kanilang pasiyang handugan ng tapat at taos-pusong pagdakila sa Diyos. Hindi nila Siya ipagpapalit kailanman. 

Martes, Hunyo 2, 2026

LAGI SIYANG DINARAKILA NG KANIYANG BAYAN

14 Hunyo 2026 
Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Exodo 19, 2-6a/Salmo 99/Roma 5, 6-11/Mateo 9, 36-10, 8 

Nakatuon sa dahilan ng paghirang ng Diyos sa Kaniyang bayan ang mga Pagbasa. Sa pamamagitan ng paghirang at pagtalaga sa Kaniyang bayan, ang dakilang pag-ibig ng Diyos para sa Kaniyang bayan ay nahahayag. Ang bawat isa sa atin na bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag mismo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay bumubuo sa Kaniyang bayang naglalakbay sa lupa. Iba't iba man ang ating lahi, wika, bayan, at bansa, binubuo natin ang bayang binuklod ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Ang Unang Pagbasa ay nakatuon sa paghirang at pagtalaga ng Diyos sa bayang Israel bilang Kaniyang bayan. Sa pamamagitan nito, ipinahayag ng Diyos ang Kaniyang pag-ibig na dakila para sa bayang Israel. Nakasentro naman sa dahilan kung bakit iniligtas tayong lahat ng Diyos sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, iniligtas tayo ng Diyos sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. Sa Ebanghelyo, hinirang at itinalaga ng Poong Jesus Nazareno ang mga apostol. Ang mga apostol ay hinirang at itinalaga upang sumaksi sa Kaniya pagdating ng araw. 

Tayong lahat na bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ng Poong Jesus Nazareno ay hinirang at itinalaga bilang Kaniyang sambayanan. Bilang isang bayang binuklod Niya dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig para sa atin, dapat lagi natin Siyang dakilain sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Mamuhay tayo para sa Kaniya. 

BUSILAK ANG PUSO NG MGA DUMARAKILA SA DIYOS

13 Hunyo 2026 
Paggunita sa Kalinis-linisang Puso ng Birheng Maria 
Isaias 61, 9-11/1 Samuel 2/Lucas 2, 41-51 


Isa lamang ang dahilan kung bakit malinis ang Puso ng Mahal na Birheng Maria. Lagi niyang dinakila ang Diyos nang taos-puso. Ang kaniyang pagdakila sa Diyos ay taos-puso. Hindi siya napilitang dakilain ang Diyos. Ginawa niya ito dahil tunay nga niyang sinasamba, iniibig, pinananaligan, at sinasampalatayanan ang Diyos. Pinatunayan ng Mahal na Birheng Maria ang kaniyang pasiyang dakilain ang Diyos nang taos-puso sa bawat sandali ng kaniyang paglalakbay sa daigdig sa pamamagitan ng kaniyang mga gawa at salita. Katunayan, patuloy pa rin niya itong ginagawa sa langit. 

Sa salaysay na tampok sa Ebanghelyo, ang Batang Nuestro Padre Jesus Nazareno ay hinanap ni San Jose at ng Mahal na Birheng Maria sa loob ng tatlong araw. Nang ang ikatlong araw ay sumapit, natagpuan nila Siya sa piling ng mga guro sa Templo. Hindi tumigil o huminto sa paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Diyos ang Mahal na Birheng Maria dahil dito. Bagkus, patuloy niyang dinakila ang Diyos. Isinabuhay niya ang mga salita sa Unang Pagbasa at Salmong Tugunan. Ang Diyos ay hinandugan ng Mahal na Birheng Maria ng taos-pusong pagdakila, kahit na mahirap gawin ito, dahil nararapat lamang itong gawin.

Dalisay ang Puso ng Mahal na Birheng Maria dahil lagi niyang hinandugan ang Diyos ng taos-pusong pagdakila. Kung lagi nating dadakilain ang Diyos nang taos-puso sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig na ito, ang ating mga puso at loobin ay magiging malinis, busilak, at dalisay. 

DAKILAIN ANG KAMAHAL-MAHALANG PUSO

12 Hunyo 2026 
Dakilang Kapistahan ng Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus Nazareno (A) 
Deuteronomio 7, 6-11/Salmo 102/1 Juan 4, 7-16/Mateo 11, 25-30 

Ipinapaalala sa atin ng Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus Nazareno ang kadakilaan ng pag-ibig ng Diyos. Tunay ngang dakila ang pag-ibig ng Diyos. Ang Diyos ay puspos ng dakilang pag-ibig para sa atin. Sa kabila ng ating pagiging makasalanan, ipinasiya pa rin Niya tayong ibigin. Hindi Niya itinigil o inihinto ang Kaniyang pasiyang ibigin tayo kailanman. Lagi Niya tayong inibig. Katunayan, ito ang natatanging dahilan kung bakit ang sangkatauhan ay Kaniyang iniligtas sa pamamagitan ni Jesus Nazareno nang ang takdang panahon ay sumapit. 

Nakatuon sa kadakilaan ng pag-ibig ng Diyos ang mga Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, inihayag ni Moises sa mga Israelita na ipinasiya ng Diyos na piliin, hirangin, at italaga sila upang maging Kaniyang bayan dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig. Ang Kaniyang pagpili, paghirang, at pagtalaga sa Israel bilang Kaniyang bayan ay isang patunay ng Kaniyang dakilang pag-ibig para sa kanila. Hindi napilitan ang Diyos na piliin, hirangin, at italaga ang mga Israelita. Bukal sa Kaniyang puso at loobin ang Kaniyang pasiyang gawin ito. Nakasentro rin sa dakilang pag-ibig ng Diyos ang pangaral ni Apostol San Juan sa Ikalawang Pagbasa. Para kay Apostol San Juan, ito ang tanging dahilan kung bakit dapat tayong umibig. Dahil iniibig tayo ng Diyos, dapat rin tayong umibig. Kapag umibig tayo, gaya ng patuloy na ginagawa ng Diyos sa tanan, isinasabuhay natin ang mga salita ng mang-aawit sa Salmong Tugunan. Nagpapatotoo ang bawat isa sa atin tungkol sa dakilang pag-ibig ng Diyos kapag ito ay ating gagawin. Sa Ebanghelyo, ang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, biyaya, habag, at awa ng Diyos ay inihayag sa lahat nang buong linaw sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Laging handa ang Poong Jesus Nazareno na ipadama ito sa lahat ng tao sa pamamagitan ng walang tigil na pag-aaruga at pagkalinga sa Kaniyang kawan. 

Lagi nating dapat dakilain ang Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus Nazareno. Hindi Siya tumitigil o humihinto sa pagpapamalas at pagpapadama ng dakilang pag-ibig na ito sa atin. Puspos ng dakilang pag-ibig para sa atin ang Kaniyang Puso. Bilang tugon sa dakilang pag-ibig na ito, ang Kaniyang Kamahal-Mahalang Puso ay dapat dakilain sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Sa pamamagitan nito, inihahayag nating iniibig rin natin Siya na puspos ng dakilang pag-ibig para sa atin, gaya ng sinasagisag ng Kaniyang Kamahal-Mahalang Puso.