Huwebes, Hunyo 25, 2026

HINDI PABAYA ANG ATING DINARAKILA

29 Hunyo 2026 
Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo 
[Pagmimisa sa Araw] 
Mga Gawa 12, 1-11/Salmo 33/2 Timoteo 4, 6-8. 17-18/Mateo 16, 13-19 

Larawan: Pablo Rabiella (-1719). San Pedro y San Pablo (c. 18th century). Public Domain. 

Nakasentro sa pangakong binitiwan ng Poong Jesus Nazareno kay Apostol San Pedro sa salaysay ng Kaniyang paghirang sa nasabing apostol bilang unang Santo Papa ng tunay na Simbahang Kaniyang tatag na itinampok at inilahad sa Mabuting Balita ang pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo. Hindi Niya iiwanan at pababayaan ang tunay na Simbahang itinatag Niya. Ang Simbahang Siya mismo ang nagtatag ay lubos Niyang pinahahalagahan. Dahil dito, ang Simbahan ay walang sawa Niyang aalagaan, kakalingain, at sasamahan. Isa itong pangako mula sa bukal ng lahat ng kadakilaan sa dakilang apostol na hinirang at itinalaga Niya bilang unang Santo Papa ng tunay na Simbahang Kaniyang itinatag. 

Ang Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa ay nakasentro sa pangakong binitiwan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno sa unang Santo Papa ng Simbahan na si Apostol San Pedro. Sa Unang Pagbasa, ang unang Santo Papa ng Simbahan na si Apostol San Pedro, ang bato, ay nakatakas mula sa bilangguan sa tulong ng isang anghel na nagmula sa langit. Isa itong dakilang patunay na hindi pinababayaan ng Poong Jesus Nazareno ang Simbahan. Nagpatotoo naman si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa pagtulong ng Diyos sa kaniya. Hindi siya pinabayaan ng Panginoon kailanman.

Paulit-ulit na pinatunayan ng Poong Jesus Nazareno na pinahahalagahan Niya nang lubos ang tunay na Simbahang Siya mismo ang nagtatag. Hindi Niya pinabayaan ang Simbahan kailanman. Bagkus, walang sawa Niyang inaruga, kinalinga, sinamahan, at ipinagsanggalang ang Kaniyang Simbahan. Bilang tugon, ang Poong Jesus Nazareno ay dapat palagi nating handugan ng taos-pusong pagdakila sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Ito ay dahil tayong lahat ang bumubuo sa Kaniyang Simbahan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento