Biyernes, Hunyo 19, 2026

LAGING ALALAHANIN ANG HABAG AT AWA NG ATING DINARAKILA

26 Hunyo 2026 
Biyernes ng Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
2 Hari 25, 1-12/Salmo 136/Mateo 8, 1-4 




"Kung Ika'y aking lilimutin, wala na 'kong aawitin" (Salmo 136, 6a). Nakatuon sa mga salitang ito mula sa Salmong Tugunan ang pagninilay ng Simbahan para sa araw na ito. Ipinapaalala sa atin ng Simbahan na hindi dapat ibaon sa limot ang lahat ng mga ginawa ng Diyos para sa atin. Dahil sa lahat ng mga ginawa ng Diyos para sa atin, lagi nating dapat handugan Siya ng taos-pusong pagdakila. 

Ang salaysay ng pagsakop ng mga hukbo ng Babilonia sa Herusalem ay itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa. Sa pamumuno ni Haring Nabucodonosor, sinakop ng mga hukbo ng Babilonia ang Herusalem. Nagsimula ang pagkakatapon ng mga Israelita sa Babilonia sa pamamagitan ng pagsakop sa Herusalem. Masakit man para sa Diyos na masilayan mula sa langit ang pagkakatapon ng mga Israelita sa Babilonia, niloob pa rin Niyang mangyari iyon sapagkat kinailangang parusahan ang mga Israelita na hindi tumigil sa paglabag at pagsuway sa Kaniyang mga utos. Sa Ebanghelyo, ipinakita ng Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang habag at awa sa isang ketongin. Niloob Niyang gumaling ang ketongin. Hindi Niya ipinagkait ang Kaniyang habag at awa sa nasabing lalaki. Dahil sa habag at awa ng Poong Jesus Nazareno, nawala ang ketong ng lalaki. 

Tunay ngang mahabagin at maawain ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Hindi Niya ipinagkakait ang Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa na tunay nga namang dakila sa mga humingi nito nang may tapat at dalisay na kababaang-loob at pananalig sa Kaniya. Dinarakila Siya ng Kaniyang mga kinahabagan at kinaawaan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento