Sabado, Agosto 29, 2026

DINARAKILA SIYA NG MGA NAGPAPALAGANAP NG KANIYANG HABAG AT AWA

13 Setyembre 2026 
Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Sirak 27, 33-28, 9/Salmo 102/Roma 14, 7-9/Mateo 18, 21-35 


Bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ng Poong Jesus Nazareno, lagi nating dapat ibahagi at ipalaganap ang Kaniyang habag at awa na tunay nga namang dakila at kahanga-hanga. Lagi natin Siya hinahandugan ng taos-pusong pagdakila sa pamamagitan nito. Nararapat lamang na makilala Siya bilang Panginoong mahabagin at maawain. Ang tanan ay ating mahihikayat na dakilain Siya nang taos-puso kapag lagi natin itong gagawin. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Ito ang nais ipaalala sa atin ng Simbahan sa Linggong ito. 

Sa halaga ng pagiging mahabagin at maawain nakasentro ang Unang Pagbasa. Kung magpapakita tayo ng habag at awa sa kapwa, kahahabagan at kaaawaan rin tayo ng Diyos. Lalo pa ngang matutuwa sa atin ang Diyos dahil ipinapakilala natin Siya bilang bukal ng habag at awa sa pamamagitan nito. Pinipili nating pairalin at ipalaganap ang habag at awa ng Diyos na nagpapatunay ng Kaniyang kadakilaan. Ang paksang ito ay pinagtuunan rin ng pansin sa Ikalawang Pagbasa. Ipinasiya ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na maging Panginoon ng mga patay at buhay dahil sa Kaniyang habag at awa. Una tayong kinahabagan at kinaawaan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na nagpasiyang iligtas tayo. Dahil dito, dapat rin tayong maging mahabagin at maawain. Buong linaw Niya itong isinalungguhit sa Ebanghelyo kung saan ibinahagi Niya sa unang Santo Papa ng Simbahang Kaniyang tatag na si Apostol San Pedro ang talinghaga tungkol sa isang aliping walang awa. 

Inihayag nang buong linaw at galak ng mang-aawit sa Salmong Tugunan, "Ang ating mahabaging D'yos ay nagmamagandang-loob" (Salmo 102, 8). Puspos ng habag at awa ang Diyos. Walang hihigit pa sa Kaniya. Dapat natin itong ipagmalaki. Mayroon tayong Diyos na tunay ngang mahabagin at maawain. 

Kung tunay ngang taos-puso ang ating pasiyang laging handugan ang Diyos ng taos-pusong pagdakila, dapat nating ibahagi at ipalaganap ang Kaniyang habag at awa na nagpapatunay ng Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan. Lagi nating magagawa ito sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Nararapat lamang itong gawin bilang tugon sa Kaniya na unang nagpakita ng Kaniyang habag at awa sa atin. 

Biyernes, Agosto 28, 2026

TAGAPAGPALAGANAP NG KAHANGA-HANGANG KADAKILAAN NG DIYOS

11 Setyembre 2026 
Biyernes ng Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
1 Corinto 9, 16-19. 22b-27/Salmo 83/Lucas 6, 39-42 


Ipinapaalala sa atin ng Simbahan sa araw na ito na mayroon tayong isang misyon at tungkulin na kailangan nating gampanan habang pansamantala tayong naglalakbay sa daigdig. Bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, dapat nating ibahagi ang kahanga-hangang kadakilaan ng Diyos. Makikilala ng lahat ng tao sa daigdig na ito ang Diyos bilang pinakadakila sa lahat sa pamamagitan nito. 

Sa Unang Pagbasa, inihayag ni Apostol San Pablo na hinahangad niyang makilala ng lahat ng tao ang Diyos bilang pinakadakila sa lahat. Ang Mabuting Balita ay hindi niya ipinapangaral at ibinabahagi upang ang kaniyang sarili ay itaas. Bagkus, buong giting niya itong ginagawa para sa higit na ikadarakila ng Panginoong Diyos. Handa siyang gawin ang lahat, kahit na magtiis siya ng hirap, sakit, at pag-uusig sa kamay ng mga makapangyarihang tao noon, kung ang kapalit nito ay makilala ng lahat ng tao ang Diyos bilang pinakadakila sa lahat at maihandog nila sa Kaniya ang nararapat. Ito ang pinagtuunan ng pansin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Kaniyang pangaral sa Ebanghelyo. Hindi tayo dapat magpapasikat bilang mga tagapagbahagi ng kahanga-hangang kadakilaan ng Diyos. Bagkus, kailangan natin itong gawin nang taos-puso.

Nararapat lamang handugan ang Diyos ng taos-pusong pagdakila. Dahil dito, buong giting at galak natin Siyang ipakilala sa lahat bilang pinakadakila sa lahat. Lagi nating ibahagi at ipalaganap ang Kaniyang kadakilaan. Makilala nawa Siya ng lahat ng tao sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa.

Huwebes, Agosto 27, 2026

BUHAY NA NAGPAPAHAYAG NG KADAKILAAN NG DIYOS

8 Setyembre 2026 
Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria 
Mikas 5, 1-4a (o kaya: Roma 8, 28-30)/Salmo 12/Mateo 1, 1-16. 18-22 


Isang napakahalagang bahagi ng kasaysayan ng pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan ay ang araw ng pagsilang ng Mahal na Birheng Maria. Sa sandaling ito, ang kahanga-hangang kadakilaan ng Diyos ay nahayag sa tanan. Hudyat ito na malapit na Niyang simulan ang pagsasakatuparan ng Kaniyang dakilang plano. Bago Siya dumating sa daigdig bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos sa pamamagitan ng Panginoong Jesus Nazareno, dumating ang magdadala sa Kaniya sa loob ng siyam na buwan na walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria na hinirang at itinalaga Niya para sa nasabing gampanin at tungkulin. 

Sa Ebanghelyo, inilahad ang salaysay ng pagsilang ng Poong Jesus Nazareno. Buong linaw na isinilangguhit na dumating Siya sa daigdig bilang isang munting sanggol na dinala ng Mahal na Birheng Maria sa kaniyang sinapupunan. Ito ang tanging dahilan kung bakit siya pinararangalan at kinikilala bilang Kaban ng Bagong Tipan. Dinala niya ang Poong Jesus Nazareno sa kaniyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan. Ang tungkuling ito ay tinanggap ng Mahal na Birheng Maria nang buong kababaang-loob bilang abang alipin ng Panginoong Diyos. Pinahintulutan ng Mahal na Birheng Maria na mahayag sa pamamagitan ng kaniyang pagtupad sa kaniyang misyon bilang Ina ni Jesus Nazareno ang kadakilaan ng Diyos na tunay ngang kahanga-hanga. Natupad sa pamamagitan nito ang propesiyang itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa. 

Hindi napilitan ang Mahal na Birheng Maria na tanggapin at tuparin ang misyon at tungkuling ibinigay sa kaniya ng Diyos na maging Ina ng Mesiyas at Tagapagligtas na ipinangako na walang iba kundi ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Bagkus, tinupad niya ito nang may galak, gaya ng isinalungguhit sa Salmong Tugunan. Ang kaniyang pasiyang tanggapin at tuparin ang misyong ito ay taos-puso. Katunayan, puspos ng galak nang ipinasiya niyang tanggapin at tuparin ito dahil alam niyang mahahayag sa lahat ng tao ang kahanga-hangang kadakilaan ng Diyos. Isa lamang itong patunay ng kaniyang tapat at dalisay na pag-ibig para sa Diyos na buong linaw na isinalungguhit sa pangaral ni Apostol San Pablo sa alternatibong Unang Pagbasa. 

Pinahintulutan ng Mahal na Birheng Maria ang Diyos na gamitin siya upang mahayag sa lahat ang Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan. Ito ang dapat lagi nating gawin bilang mga bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Dapat mahayag sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa araw-araw ang kahanga-hangang kadakilaan ng Diyos. 

Miyerkules, Agosto 26, 2026

HIKAYATIN ANG LAHAT NA DAKILAIN SIYA NANG TAOS-PUSO

6 Setyembre 2026 
Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Ezekiel 33, 7-9/Salmo 94/Roma 13, 8-10/Mateo 18, 15-20 


Pinaalalahanan tayo ng Simbahan tungkol sa ating misyon sa Linggong ito. Ang ating misyon bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang tatag ng Poong Jesus Nazareno ay hikayatin ang lahat na dakilain Siya nang taos-puso. Nararapat lamang na dakilain Siya ng lahat ng tao sa lupa nang taos-puso bilang tugon sa Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, biyaya, habag, at awa. Upang mangyari ito, kailangan nating hikayatin ang kapwa na dakilain Siya nang taos-puso. Kailangan nating ipakilala Siya bilang pinakadakila sa lahat sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa na patunay ng ating taos-pusong pasiyang dakilain Siya nang taos-puso. 

Ipinaalala ng Diyos kay Propeta Ezekiel kung ano ang kaniyang misyon at tungkulin bilang propetang Kaniyang hirang sa Unang Pagbasa. Ang pananagutan ni Ezekiel na hinirang at itinalaga ng Diyos bilang Kaniyang propeta na magbabahagi ng Kaniyang mensahe sa Kaniyang bayan ay napakabigat. Bilang propeta ng Diyos, kinakailangang tiyakin ni Propeta Ezekiel na ibahagi ang mensahe ng Diyos sa Kaniyang bayan taglay ang kagitingang ipinagkaloob sa kaniya ng Diyos nang sa gayon ay magkaroon sila ng pagkakataong magsisi at tumalikod sa kasalanan at magbalik-loob sa Kaniya. 

Nakatuon sa pag-ibig ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Ang pag-ibig na tinutukoy ni Apostol San Pablo sa nasabing pangaral ay ang pag-ibig na mula sa Diyos. Hindi romantikong pag-ibig na madalas nating makita sa mga palabas sa telebisyon o sa takilya ang tinutukoy ni Apostol San Pablo. Kapag ang pag-ibig ng Diyos na tunay nga namang dakila ay ating ipinalaganap, hinahandugan natin Siya ng taos-pusong pagdakila. Bukod pa roon, buong galak rin natin Siya ipinagmamalaki sa lahat ng tao. Mahihikayat natin ang lahat na dakilain ang Diyos nang taos-puso kung ito ang lagi nating gagawin.

Sa Ebanghelyo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay nangaral tungkol sa pagiging taga-akay ng ating mga kapatid na naligaw ng landas. Dapat natin silang tulungan at akayin pabalik sa Diyos. Tulungan natin silang imulat ang kanilang mga mata, isip, at puso sa kahanga-hangang kadakilaan ng Diyos na puno ng dakilang pag-ibig, biyaya, habag, at awa. 

Bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ng Poong Jesus Nazareno, ang mga salita sa Salmong Tugunan ay dapat nating isabuhay. Dapat rin nating hikayatin, anyayahan, at himukin ang kapwa-tao na mamuhay ayon sa mga salitang ito. Ito ang nararapat gawin bilang tugon sa Diyos na hindi nagsasawang ipamalas sa atin ang Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan bilang patunay ng Kaniyang pag-ibig, biyaya, habag, at awa na hinding-hindi magmamaliw kailanman. 

Dapat dakilain ng lahat ang Diyos nang taos-puso. Taos-pusong pagdakila ang dapat lagi nating ihandog sa Diyos. Bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang tatag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, hikayatin natin ang lahat na gawin ang nararapat na walang iba kundi ang handugan Siya ng taos-pusong pagdakila sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Ang Panginoon ay dapat nating ipagmalaki at dakilain nang taos-puso magpakailanman. 

Martes, Agosto 25, 2026

ANG TAOS-PUSONG PAGDAKILA SA DIYOS AY DAPAT ISABUHAY

4 Setyembre 2026 
Biyernes ng Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
1 Corinto 4, 1-5/Salmo 36/Lucas 5, 33-39 


Nakasentro sa ugnayan ng ating mga salita at gawa sa paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Diyos ang taimtim na pagninilay ng Simbahan para sa araw na ito. Ang ating pasiyang handugan ang Diyos ng taos-pusong pagdakila ay dapat lagi nating isalamin sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa araw-araw. Hindi nadadaanan o nasusukat sa mga salita lamang ang paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Diyos. Ito ang nais ipaalala ng Simbahan sa atin sa araw na ito. 

Mayroong isang mahalagang paalala si Apostol San Pablo sa Unang Pagbasa. Wala tayong maililihim mula sa Diyos. Batid Niya kung ano ang laman ng ating mga puso at isipan. Gaano man tayo kagaling maglihim sa tao, walang sinuman sa atin ang may kapangyarihang maglihim sa Diyos. Ang pagiging tapat at taos-puso ng mang-aawit sa Salmong Tugunan ay nababatid Niya. Pati ang laman ng puso ng mga apostol at iba pang mga tagasunod ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay Kaniyang nababatid, gaya ng buong linaw Niyang isinalungguhit sa Ebanghelyo. 

Kahit na nalalaman ng Panginoong Diyos kung ano ang nilalaman ng ating mga puso at isipan, nais pa rin Niya makita mula sa bawat isa sa atin ang mga puso at isipang puspos ng taos-pusong pagdakila sa Kaniya. Lubos Siyang masisiyahan kapag ito ang nakita Niya mula sa bawat isa sa atin dahil ipinapahayag nating binubuksan natin ang mga puso at sarili natin sa Kaniya at sa Kaniyang kalooban sa pamamagitan nito. 

Sabado, Agosto 22, 2026

DINARAKILA SIYA NG MGA SUMUSUNOD SA KANIYA NANG TAOS-PUSO

30 Agosto 2026 
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Jeremias 20, 7-9/Salmo 52/Roma12, 1-2/Mateo 16, 21-27 


Nakasentro sa mga salitang binigkas ng Panginoong Jesus Nazareno sa mga apostol sa ikalawang bahagi ng Ebanghelyo ang taimtim na pagninilay ng Simbahan para sa Linggong ito. Aniya, "Kung ibig ninumang sumunod sa Akin, limutin niya ang ukol sa kaniyang sarili, pasanin ang kaniyang krus, at sumunod sa Akin" (Mateo 16, 24). Hindi magiging madali at maginhawa ang buhay kapag ang Panginoong Jesus Nazareno ay ating susundin nang taos-puso. Bagkus, marami tayong haharaping mga hirap, sakit, pagsubok, kalupitan, tukso, at pag-uusig sa buhay sa daigdig ang ating haharapin at babatain bilang Kaniyang mga tagasunod. Kaya naman, kinakailangan nating tiyaking tunay ngang taos-puso ang ating pasiyang maging Kaniyang mga tagasunod.

Bago bigkasin ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ang mga salitang ito sa mga apostol sa ikalawang bahagi ng Ebanghelyo, inilarawan Niya sa kanila kung ano ang Kaniyang misyon at tungkulin bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Sa unang bahagi ng Ebanghelyo, inihayag Niya sa kanila na bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, ipapapatay Siya ng mga matatanda ng bayan, ng mga punong saserdote, at ng mga eskriba. Maraming hirap at sakit sa kanilang mga kamay ang Kaniyang haharapin at titiisin hanggang sa sandali ng Kaniyang pagkamatay sa Krus na Banal. Hahantong sa Kaniyang Muling Pagkabuhay sa ikatlong araw ang mga ito.  

Kung paanong ang Poong Jesus Nazareno ay hindi naligtas mula sa mga hirap, sakit, pagsubok, kalupitan, tukso, at pag-uusig sa buhay sa daigdig, hindi maliligtas mula sa mga ito ang mga magpapasiyang sumunod sa Kaniya. Huwag nating kakalimutang hindi ipinangako ng Poong Jesus Nazareno na magiging maginhawa ang buhay natin sa daigdig kapag ipinasiya nating sumunod sa Kaniya nang taos-puso. Dapat nating tiyaking taos-puso ang ating hangaring sumunod sa Kaniya dahil dito. 

Ibinahagi ni Propeta Jeremias ang katotohanan tungkol sa pagiging isang propetang hinirang at itinalaga ng Diyos sa Unang Pagbasa. Walang tigil siyang pinagtawanan at nilibak ng mga tao. Binalak pa nga siyang usigin at ipapatay ng marami. Para sa mga sumusunod sa Diyos, kahit noon pa mang una, ang bawat oras at sandali ng kanilang pansamantalang paglalakbay sa daigdig ay hindi naging madali. 

Maging si Apostol San Pablo na nangaral tungkol sa pag-aalay ng sarili sa Diyos nang taos-puso sa Ikalawang Pagbasa, hindi naging ligtas mula sa mga sakit, hirap, tukso, at pag-uusig sa buhay sa daigdig. Subalit, sa kabila ng mga ito, nakiusap siya sa mga Kristiyano sa Roma sa Ikalawang Pagbasa na ialay ang kanilang mga sarili sa Diyos, gaano man kahirap itong gawin. Ang Diyos ay kanilang dinarakila nang taos-puso sa pamamagitan nito. Hindi lamang para sa mga Kristiyano sa Roma noon ang pakiusap na ito ni Apostol San Pablo. Bagkus, para rin ito sa atin. 

Laging isinasabuhay ng mga sumusunod sa Diyos nang taos-puso ang mga salita ng mang-aawit sa Salmong Tugunan. Para sa kanila, ang Diyos ay sapat na. Wala silang hahanaping iba pa. Sa harap ng mga matitinding hirap, sakit, pagsubok, kalupitan, at pag-uusig sa buhay sa lupa, panatag ang kanilang loob dahil sa Diyos na lagi nilang dinarakila nang taos-puso sa pamamagitan ng palagiang pagsunod sa Kaniya. 

Isa lamang ang nararapat gawin - sumunod sa Mahal na Poong Jesus Nazareno nang taos-puso. Dapat nating ilaan ang bawat sandali ng ating paglalakbay sa daigdig na pansamantala lamang sa pagsunod sa Kaniya nang taos-puso. Sa pamamagitan nito, lagi natin Siyang hinahandugan ng taos-pusong pagdakila. Oo, mahirap itong gawin, subalit nararapat lamang gawin ito bilang tugon sa Kaniya na nagpasiyang ibigay ang buo Niyang sarili para sa atin. 

Biyernes, Agosto 21, 2026

HUWAG IPAGPALIT ANG NARARAPAT DAKILAIN

29 Agosto 2026 
Paggunita sa Pagpapakasakit ni San Juan, ang Tagapagbinyag, martir 
Jeremias 1, 17-19/Salmo 70/Marcos 6, 17-29 


Ang salaysay ng kaganapang ginugunita ng Simbahan sa araw na ito ay itinampok at inilahad sa Ebanghelyo. Si San Juan Bautista na hinirang at itinalaga ng Diyos bilang tagapaghanda ng daraanan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay namatay bilang isang martir. Iniutos ni Herodes Antipas na ipapugot ang kaniyang ulo dahil ito ang hiniling ng anak na babae ng kaniyang kinakasama na si Herodias na asawa ng kaniyang kapatid na si Felipe na labis ang galit sa tagapagpauna ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Nakasentro sa katapatan sa Diyos ang mga Pagbasa. Sa kabila ng mga hirap, sakit, pagsubok, tukso, at pagsubok sa buhay sa lupa, ang Diyos ay dapat pa rin nating piliin bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ng Poong Jesus Nazareno. Lagi itong ginawa ni San Juan Bautista hanggang sa huling sandali ng kaniyang buhay sa lupa. Kahit na kamatayan ang kapalit ng kaniyang pasiyang manatiling tapat sa Diyos (gaya ng isinalungguhit sa salaysay na tampok sa Ebanghelyo), ang Diyos ay pinili pa rin niyang paglingkuran hanggang sa huli. Buo ang kaniyang loob. Pati ang propetang si Jeremias sa Unang Pagbasa, pinili niyang dakilain ang Diyos nang taos-puso bilang Kaniyang tapat na lingkod. Hindi nila ipinagpalit ang Diyos. 

Isa lamang ang nais ipaalala sa atin ng Simbahan. Ang Diyos ay hindi dapat ipagpalit kailanman. Bagkus, bilang mga Kristiyano, lagi nating dapat gawin ang nararapat. Sa bawat sandali ng ating paglalakbay sa lupa na pansamantala lamang, dapat lagi natin Siyang handugan ng taos-pusong pagdakila sa pamamagitan ng mga salita at gawa.

Huwebes, Agosto 20, 2026

BUO ANG LOOB NG MGA DUMARAKILA SA KANIYA

28 Agosto 2026 
Paggunita kay San Agustin, obispo at pantas ng Simbahan 
1 Corinto 1, 17-25/Salmo 32/Mateo 25, 1-13 

Larawan: Valentino Rovisi (1715–1783), Sant'Agostino d'Ippona ha la visione della Trinità (c. 1754). Public Domain.


Isang napakahalagang aral ang ipinapaalala sa atin ng Simbahan sa araw na ito. Ang pagdakila sa Diyos ay dapat nating gawin nang buo ang loob. Kailangan nating ibigay sa Diyos ang lahat kapag ipinasiya nating handugan Siya ng taos-pusong pagdakila. Dapat maging handa tayo sa pagbabagong dulot ng ating pasiyang dakilain Siya nang taos-puso sa bawat sandali ng ating buhay dito sa daigdig sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. 

Sa Unang Pagbasa, inihayag ni Apostol San Pablo na buo ang kaniyang loob na gawin ang misyong ibinigay sa kaniya ng Poong Jesus Nazareno. Buo ang kaniyang loob na maging isang tapat na saksi ng Poong Jesus Nazareno. Ang Poong Jesus Nazareno ay hindi niya ipagpapalit kailanman. Mas mahalaga sa kaniya ang Poong Jesus Nazareno kaysa ang sarili niyang buhay. Kahit na ang kapalit nito ay walang tigil na hirap, sakit, pagsubok, tukso, at pag-uusig sa buhay sa daigdig, hindi niya ipagpapalit ang Poong Jesus Nazareno. Lagi niyang pipiliin ang Poong Jesus Nazareno. Sa Ebanghelyo, ang talinghaga tungkol sa sampung dalaga (limang matalino at limang hangal) ay inilahad ng Poong Jesus Nazareno sa mga apostol. Katulad ng matalinong dalaga, kailangang buo ang ating mga loob sa pagdakila sa Poong Jesus Nazareno. Hindi dapat sayangin o balewalain ang bawat pagkakataong ibinigay sa atin upang ang ating mga puso ay dalisayin at gawing banal. Ito ang magpapatunay na buo ang ating loob. 

Kung ang ating pagdakila sa Poong Jesus Nazareno ay nais nating maging taos-puso, dapat maging buo ang ating loob. Ang magpapatunay nito ay ang ating mga salita at gawa. Mamuhay tayo ayon sa Kaniyang mga utos at loobin. Buksan natin ang ating mga puso at loobin sa Kaniya. Pahintulutan natin Siyang maghari sa ating buhay. 

Linggo, Agosto 16, 2026

SA KABILA NG KAHANGA-HANGANG KADAKILAANG KANIYANG TAGLAY

23 Agosto 2026 
Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 22, 19-23/Salmo 137/Roma 11, 33-36/Mateo 16, 13-20 


Ang pahayag ni Apostol San Pedro tungkol sa tunay na pagkakilanlan ni Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ay itinampok at inilahad sa Ebanghelyo. Sa pamamagitan ng mga salitang binigkas ni Apostol San Pedro bilang sagot sa tanong ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa kanila tungkol sa pananaw, palagay, o pakiwari nila hinggil sa Kaniyang pagkakilanlan, buong linaw na isinalungguhit na ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay hindi isang karaniwang tao lamang. Oo, namuhay Siya nang payak at nang may kababaang-loob. Subalit, hindi ito nangangahulugang isa Siyang karaniwang tao lamang. Bagkus, ang Poong Jesus Nazareno ay ang tunay na Diyos na nagpasiyang iwanan ang Kaniyang maluwalhating kaharian sa langit upang iligtas ang lahat ng tao sa lupa bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Naging tao Siya upang magawa ito. 

Sa tunay na pagkakilanlan ng Poong Jesus Nazareno bilang tunay na Diyos nakatuon ang pagninilay ng Simbahan para sa Linggong ito. Muling ipinapaalala sa atin ng Simbahan sa Linggong ito na hindi isang karaniwang tao lamang ang Poong Jesus Nazareno. Bagkus, tunay rin Siyang Diyos. Tunay na Diyos at tunay na tao ang Poong Jesus Nazareno. Ang katotohanang ito tungkol sa dalawang kalikasan ng Poong Jesus Nazareno ay lagi nating dapat tandaan bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag Niya sa ibabaw ng bato na walang iba kundi si Apostol San Pedro na Kaniyang hinirang at itinalaga bilang unang Santo Papa nito, gaya ng isinalungguhit sa Ebanghelyo. 

Bilang tunay na Diyos, ang Panginoong Jesus Nazareno ay mayroong taglay na kahanga-hangang kadakilaan. Subalit, sa kabila ng Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan bilang tunay na Diyos, ipinasiya ng Panginoong Jesus Nazareno na maging tunay na tao. Noong sumapit ang takdang panahon, ang Panginoong Jesus Nazareno ay nagkatawang-tao at namuhay nang may kababaang-loob. Hindi Siya naging mapagmataas, tiwali, at abusado gaya ng katiwala ng palasyong si Sabna na inialis ng Panginoong Diyos mula sa kaniyang posisyon sa Unang Pagbasa. Pinili Niyang maging isang tunay na tao. Kababaang-loob at kaamuan ng Kaniyang pinili nang maging tunay na tao. 

Ipinapaalala sa atin ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa kung ano ang nararapat gawin bilang tugon sa Diyos na nagpasiyang ipamalas ang Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. Ang Kaniyang kalooban ay dapat lagi nating tuparin at sundin bilang tanda ng ating taos-pusong pagdakila sa Kaniya na Siyang pinakadakila sa lahat. Marapat lamang na ilaan sa paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Kaniya ang bawat sandali ng ating paglalakbay sa lupa.

Kahit na tunay Siyang Diyos, ipinasiya ng Poong Jesus Nazareno na maging tunay na tao alang-alang sa atin. Nais Niya tayong iligtas. Ganyan tayo kahalaga sa Kaniya. Sa kabila ng ating pagiging makasalanan, pinili pa rin Niya tayong iligtas. Bilang tugon, lagi nating dapat ihandog sa Kaniya ang nararapat. Ang bawat sandali ng ating buhay sa daigdig na ito na pansamantala lamang ay dapat ilaan sa paghahandog sa Kaniya ng taos-pusong pagdakila sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. 

Sabado, Agosto 15, 2026

ANG PINAKAMABISANG PATUNAY NG TAOS-PUSONG PAGDAKILA SA DIYOS

21 Agosto 2026 
Paggunita kay Papa San Pio X 
Ezekiel 37, 1-14/Salmo 106/Mateo 22, 34-40 


Nakasentro sa pakikinig at pagsunod sa mga utos at loobin ng Diyos ang taimtim na pagninilay ng Simbahan para sa araw na ito. Sa mga nakikinig at sumusunod sa mga utos at loobin ng Diyos nang taos-puso nagmumula ang taos-pusong pagdakila. Ito ang dahilan kung bakit nalulugod nang lubos sa kanila ang Diyos. Para sa kanila, hindi mahihigitan o mapapantayan ang Diyos. Katunayan, ang pinakamahalaga sa lahat ay walang iba kundi ang Diyos, para sa kanila. Lubos silang nasisiyahan at nagagalak sa tuwing tinutupad nila ang mga utos at loobin ng Diyos nang taos-puso. 

Sa Unang Pagbasa, nagpahayag si Propeta Ezekiel sa mga tuyong kalansay na nakita niya sa isang pangitain, gaya ng iniutos ng Diyos sa kaniya. Nabuhay ang mga tuyong kalansay sa pangitain ni Propeta Ezekiel matapos niyang ihayag ang Salita ng Diyos. Dahil dito, napuspos ng tunay na tuwa, galak, at pag-asa si Propeta Ezekiel. Kahit na maraming hirap, pagsubok, tukso, at pag-uusig sa buhay sa daigdig, ang mga utos at loobin ng Diyos ay dapat pa rin nating tuparin at sundin. Hinahandugan natin Siya ng taos-pusong pagdakila sa pamamagitan nito. Ang sinumang maghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Diyos ay mapupuspos ng kapanatagan ng loob, pag-asa, galak, at tuwa. Sa Ebanghelyo, ang pinakamahalagang utos ay binigkas ng Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang tugon sa tanong ng isang Pariseo tungkol sa usaping ito. Kung buong kababaang-loob nating tutupdin ang utos na ito, ang Kataas-taasang Diyos ay hinahandugan natin ng taos-pusong pagdakila. 

Buong linaw na inihayag ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan kung ano ang lagi nating dapat gawin bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ng Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Lagi nating dapat handugan ang Diyos ng taos-pusong pagdakila. Ang ating taos-pusong pagsunod sa mga utos at loobin ng Diyos ang magpapatunay na ang ating pagdakila sa Kaniya ay tunay nga namang taos-puso. 

Ihandog natin sa Diyos ang nararapat. Ang Kaniyang mga utos at loobin ay dapat lagi nating tuparin at sundin. Pahintulutan natin ang Diyos maging Hari ng ating buhay. Dinarakila natin Siya nang taos-puso sa pamamagitan nito. 

Biyernes, Agosto 14, 2026

ILAAN ANG BAWAT SANDALI NG ATING BUHAY SA PAGDAKILA SA DIYOS

16 Agosto 2026 
Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 56, 1. 6-7/Salmo 66/Roma 11, 13-15. 29-32/Mateo 15, 21-28 

"Nawa'y magpuri sa Iyo ang lahat ng mga tao" (Salmo 66, 4). Sa mga salitang ito ng mang-aawit sa Salmong Tugunan nakatuon ang pagninilay ng Simbahan sa Linggong ito. Isa lamang ang nais ipaalala ng Simbahan sa atin. Ang Diyos ay lagi nating dapat handugan ng taos-pusong pagdakila sa pamamagitan ng mga salita at gawa. Hindi tayo dapat huminto sa paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Kaniya. Bagkus, ang bawat sandali ng ating paglalakbay sa daigdig na ito na pansamantala lamang ay kailangan nating ilaan sa paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Diyos.

Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Diyos sa pamamagitan ni Propeta Isaias na hindi Siya ekslusibo sa isang angkan, lahi, lipi, wika, bayan, o bansa. Bagkus, para Siya sa lahat. Isa lamang ang Diyos na dapat purihin, dakilain, at sambahin ng lahat ng tao sa lupa nang taos-puso - ang Panginoon. Lagi itong dapat gawin dahil ito ang nararapat na handog sa Kaniya. Nakasentro sa napakahalagang katotohanang ito ang pangaral ng dakilang apostol at misyonerong si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Buong linaw niyang inihayag na ipinamalas ng Diyos ang Kaniyang pag-ibig, habag, at awa para sa lahat sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. Patunay ito na hindi Niya tayo sinukuan kailanman. Ang pananalig ng isang Cananea sa Poong Jesus Nazareno ay itinampok sa Ebanghelyo. Kahit na hindi siya mula sa bayang Israel, ipinasiya pa rin niyang lapitan ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno upang makiusap at sumamo sa Kaniya nang buong kababaang-loob na pagalingin ang minamahal niyang anak. Sa huli, ang pakiusap ng babaeng taga-Canaan ay pinagbigyan at tinupad ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Walang tigil siyang humiling sa Kaniya bilang tanda ng kaniyang pagdakila sa Kaniya.

Lagi nating dapat handugan ang Diyos ng taos-pusong pagdakila. Ito ang nararapat na tugon sa Kaniya na hindi nagsasawang pagpalain, ipagsanggalang, ingatan, ibigin, kahabagan, at kaawaan tayo. 

Huwebes, Agosto 13, 2026

DAHIL DINAKILA NIYA ANG DIYOS, DINAKILA RIN SIYA NG DIYOS

15 Agosto 2026 
Dakilang Kapistahan ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria, ang Nuestra Señora de la Buena Hora [Pagmimisa sa Araw] 
Pahayag 11, 19a; 12, 1-6a. 10ab/Salmo 44/1 Corinto 15, 20-27/Lucas 1, 39-56 


Tuwing sasapit ang araw ng Dakilang Kapistahan ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria, ipinapaalala sa atin ng Simbahan na dapat nating ilaan ang bawat sandali ng ating paglalakbay sa mundo sa paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Diyos. Hindi tayo mananatili sa mundong ito magpakailanman. Mayroong hangganan ang ating paglalakbay sa mundong ito. Pansamantala lamang ang ating pananatili sa mundo. Kaya naman, kailangan nating tiyaking dinarakila natin ang Diyos nang taos-puso sa bawat sandali ng ating paglalakbay sa mundo na pansamantala lamang. Lagi itong ginawa ng Mahal na Birheng Maria bago siya iniakyat sa langit. Katunayan, ang bawat sandali ng kaniyang buhay sa mundo ay kaniyang inilaan sa paggawa nito. 

Isinabuhay ng Mahal na Birheng Maria ang mga salita ng kaniyang papuring awiting kilala sa tawag na "Magnificat" na kaniyang inawit nang buong galak at tuwa noong dinalaw niya ang kaniyang kamag-anak na si Elisabet, gaya ng nasasaad sa Mabuting Balita, sa bawat sandali ng kaniyang paglalakbay sa daigdig. Sa halip na dakilain ang kaniyang sarili, ipinasiya ng Mahal na Birheng Maria na dakilain ang Diyos nang taos-puso. Kaya naman, dinakila rin siya ng Diyos. Ang patunay nito ay ang babaeng nakita ni Apostol San Juan sa pangitaing kaniyang nakita na kaniyang ibinahagi nang buo sa Unang Pagbasa. Nakita niya ang nasabing babae na dinamitan ng araw, nakatuntong sa buwan, at may suot na koronang binubuo ng labindalawang bituin. Pamilyar ito sa atin, 'di ba? Nakikita natin iyan sa mga larawan ng Mahal na Birheng Maria, 'di ba? 

Gaya nga ng inihayag sa Salmong Tugunan: "Nasa kanan Mo ang Reyna, maningning sa ginto't ganda" (Salmo 44, 10b). Ito ang ginawa ng Diyos para sa Mahal na Birheng Maria. Bilang tugon sa taos-pusong pagdakila sa Kaniya ng Mahal na Birheng Maria, dinakila rin ng Diyos ang Mahal na Birheng Maria. Ang pasiya ng Diyos na hirangin at italaga siya bilang Reyna ng Langit at Lupa ay patunay nito. 

Bilang Reyna ng Langit at Lupa, itinuturo ng Mahal na Inang si Mariang Birhen kung ano ang laging dapat gawin. Lagi niya tayong pinaalalahanang dakilain ang Diyos na nagpamalas ng Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Inilarawan ni Apostol San Pablo sa pangaral na itinampok at inilahad sa Ikalawang Pagbasa kung paano ipinakita ng Diyos ang Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Nilupig ng Diyos sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang kadiliman, kasalanan, kasamaan, at kamatayan. Dahil dito, bilang tugon, dapat nating gawin kung ano ang ginawa ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa bawat sandali ng kaniyang buhay sa lupa. Handugan ng taos-pusong pagdakila ang Diyos. 

Upang ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa piling ng Poong Jesus Nazareno sa langit ay ating matamasa sa wakas ng ating pansamantalang paglalakbay sa mundo, dapat lagi nating handugan ang Diyos ng taos-pusong pagdakila sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Ginawa ito ng Mahal na Birheng Maria bilang paghahanda para sa panahong itinakda ng Diyos. Lagi rin nating dapat gawin ito upang ang ating mga sarili ay ating maihanda para sa buhay na walang hanggan. 

Martes, Agosto 11, 2026

NARARAPAT LAMANG SIYANG DAKILAIN NANG TAOS-PUSO

14 Agosto 2026 
Dakilang Kapistahan ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria, ang Nuestra Señora de la Buena Hora [Pagmimisa sa Bisperas] 
1 Cronica 15, 3-4. 15-16; 16, 1-2/Salmo 131/1 Corinto 15, 54b-57/Lucas 11, 27-28  

Larawan: Pietro Perugino (1448–1523), Polittico dell’Annunziata (Assunzione di Maria) (c. 15th century). Public Domain.

"Higit na mapalad ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito" (Lucas 11, 28). Sa mga salitang ito na binigkas ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa wakas ng Ebanghelyo nakasentro ang taimtim na pagninilay ng Simbahan para sa araw na ito. Inilarawan nang buong linaw ng Mahal na Poong Jesus Nazareno kung paano nga ba nating mahahandugan ng taos-pusong pagdakila ang Diyos sa pamamagitan ng mga salitang ito na Kaniyang binigkas sa wakas ng Ebanghelyo. Ang magiging patunay na taos-puso ngang tunay ang ating pagdakila sa Diyos ay ang ating mga salita at gawa.

Sa Unang Pagbasa, nagdiwang ang buong Israel sa pamumuno ni Haring David nang dumating sa Herusalem ang Kaban ng Tipan. Ang Kaban ng Tipan ay sagrado dahil sa presensya ng Diyos na lumulukob sa nasabing kaban. Ipinasiya Niyang manahan sa Kaban ng Tipan. Kaya naman, noong ang Kaban ng Tipan ay dumating sa Herusalem, nagdiwang nang buong galak ang bayang Israel sa panguguna ni Haring David. Buong linaw na inihayag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ang dahilan kung bakit ang Simbahan ay laging nagdiriwang nang buong galak at tuwa. Nagtagumpay ngang tunay ang Mahal na Poong Jesus Nazareno laban sa kasamaan at kamatayan.

Inilaan ng Mahal na Inang si Mariang Birhen, ang Nuestra Señora de la Buena Hora, ang bawat sandali ng kaniyang paglalakbay sa daigdig sa pagsasabuhay ng kaniyang pasiyang handugan ng taos-pusong pagdakila sa Diyos sa pamamagitan ng kaniyang mga salita at gawa. Lagi niyang tinupad at sinunod ang mga utos at loobin ng Diyos, kahit na napakahirap itong gawin. Hindi niya inagawan ng eksena ang Diyos. Bagkus, nagpaubaya siya sa Diyos. Pinahintulutan niyang mangyari ang kalooban ng Diyos. Sa halip na patigasin ang kaniyang puso at isipan, binuksan niya ito sa Diyos. Dahil dito, lubos siyang kinalugdan ng Diyos. Mula sa Kaniyang kaharian sa langit, nakita Niyang taos-puso ngang tunay ang pagdakila ng Mahal na Birheng Maria sa Kaniya. Natuwa Siya dahil ginawa ng Mahal na Birheng Maria ang nararapat. 

Gaya ng Mahal na Inang si Mariang Birhen, ang Nuestra Señora de la Buena Hora, na iniakyat sa langit, lagi nating dapat handugan ng taos-pusong pagdakila ang Diyos sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa sa bawat sandali ng ating paglalakbay dito sa daigdig na pansamantala lamang. Ito ang nararapat na gawin. 

Lunes, Agosto 10, 2026

WALANG MAKAKAPANTAY AT MAKAHIHIGIT SA KANIYANG KADAKILAAN

14 Agosto 2026 
Paggunita kay San Maximiliano Maria Kolbe, pari at martir 
Ikasiyam at Huling Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestra Senora de la Buena Hora 
Ezekiel 16, 1-15. 60. 63 (o kaya: Ezekiel 16, 59-63)/Isaias 12/Mateo 19, 3-12 

Larawan: Anonymous, Christ Carrying the Cross (c. 1635). Kunsthistorisches Museum. Public Domain.


"Galit ng D'yos ay naparam, pinatawad N'ya ang tanan" (Isaias 12,1k). Nakasentro sa mga salitang ito mula sa Salmo Responsoryo ang taimtim na pagninilay ng Simbahan para sa araw na ito. Muling ipinapaalala sa atin ng Inang Simbahan sa araw na ito na hindi mahihigitan o mapapantayan ang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Diyos. Kahit na hindi na mabilang ang dami ng ating mga nagawang kasalanan laban sa Diyos, wala pa ring binatbat sa Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa na dakila ngang tunay ang mga ito. 

Sa Unang Pagbasa, iniutos ng Diyos si Propeta Ezekiel na ipaalala sa bayang Israel na hinirang at itinalaga upang maging Kaniyang bayan ang kanilang pagkamasuwayin at kasamaan. Hindi sila naging tapat sa Diyos. Ipinasiya ng mga taga-Israel na patigasin ang kanilang mga ulo at puso. Nakatuon rin sa nasabing katotohanan ang pangaral ni Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Katunayan, buong linaw Niyang inihayag ang bukod tanging dahilan kung bakit ang diborsyo ay pinahintulutan ni Moises, kahit na taliwas ito sa mga utos, loobin, at plano ng Diyos noon pa man - matigas ang kanilang mga puso at ulo. Ang kanilang mga puso at ulo ay kasintigas ng bato. 

Bagamat hindi na mabilang kung gaano karami ang kasalanang nagawa ng bawat tao sa daigdig, ipinasiya pa rin ng Diyos na ipakita ang Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa na tunay ngang dakila. Hindi Niya sinusukuan ang lahat ng tao sa daigdig, kahit na paulit-ulit nila Siyang sinusuway at sinasaktan sa pamamagitan ng kanilang mga kasalanang hindi na mabilang. Sa pamamagitan ng Kaniyang pag-ibig, awa, habag, at kagandahang-loob, nahayag ang Kaniyang kadakilaan. 

Ang bawat isa sa atin ay pinahahalagahan ng Diyos. Hindi Niya tayo sinusukuan kahit kailan. Lagi Niya tayong iniibig, kinahahabagan, at kinaaawaan nang lubusan. Buksan natin ang ating mga puso at isipan sa Kaniya na puspos ng dakilang pag-ibig, biyaya, habag, at awa. Tuparin at sundin natin nang buong kababaang-loob ang mga utos at loobin ng Diyos. Sa pamamagitan nito, lagi nating hinahandugan Siya ng taos-pusong pagdakila. Ito ang nararapat na gawin. 

Linggo, Agosto 9, 2026

PATUNAY NG KANIYANG KADAKILAAN

13 Agosto 2026 
Huwebes ng Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Ikawalong Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestra Senora de la Buena Hora 
Ezekiel 12, 1-12/Salmo 77/Mateo 18, 21-19, 1 

Larawan: Claude Vignon (1593–1670), Parable of the Unforgiving Servant, formerly called Croesus Receiving Tribute from a Lydian Peasant (c. 1629). Musée des Beaux-Arts de Tours. Public Domain.


Ang pagninilay ng Simbahan para sa araw na ito ay nakatuon sa mga salitang buong lakas na binigkas ng mang-aawit sa Salmong Tugunan. Sabi sa Salmong Tugunan: "Hindi nila malilimot ang dakilang gawa ng D'yos" (Salmo 77, 7k). Isa lamang ang aral na nais ipaalala sa atin ng Simbahan sa araw na ito. Hindi natin dapat ibaon sa limot kailanman ang mga ginawa ng Diyos para sa atin na tunay ngang kahanga-hanga at dakila. Bagkus, ang Diyos ay lagi nating dapat handugan ng taos-pusong pagdakila bilang pagtanaw ng utang na loob sa Kaniya. Ito ang nararapat na tugon sa Kaniya. 

Sa Unang Pagbasa, si Propeta Ezekiel ay inatasan ng Diyos na magsalita sa Kaniyang bayan, sa kabila ng kanilang pagiging mapaghimagsik at masuwayin. Kahit na batid ng Diyos kung gaano mapaghimagsik at masuwayin ang Kaniyang bayan, ipinasiya pa rin Niyang isugo sa kanila si Propeta Ezekiel upang magsalita sa kanila. Nahayag sa pamamagitan nito ang kadakilaan ng Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, biyaya, habag, at awa. Hindi Niya sinukuan ang Kaniyang bayan. Sa Ebanghelyo, ang Poong Jesus Nazareno ay nangaral tungkol sa halaga ng walang tigil na pagpapatawad. Ang talinghaga tungkol sa lingkod na hindi marunong magpatawad ay Kaniyang ginamit upang isalungguhit ang halaga nito. 

Ipalaganap natin ang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Diyos sa bawat sandali ng ating paglalakbay sa daigdig. Sa pamamagitan nito, ang Diyos ay lagi nating hinahandugan ng taos-pusong pagdakila. 

GAWAIN NG MGA DUMARAKILA SA KANIYA NANG TAOS-PUSO

12 Agosto 2026 
Miyerkules ng Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Ikapitong Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestra Senora de la Buena Hora 
Ezekiel 9, 1-7; 10,18-22/Salmo 112/Mateo 18, 15-20 

Larawan: Raphael (1483-1520), St Paul Preaching at Athens (c. 1515). Victoria and Albert Museum via Web Gallery of Art. Public Domain


Bilang mga bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag ni Kristo, mayroon tayong misyong kailangang tuparin. Ang Kaniyang kadakilaan ay dapat nating ibahagi at ipalaganap. Dapat nating ilaan ang bawat sandali ng ating paglalakbay sa lupa na pansamantala lamang sa tapat at walang sawang pagsaksi sa Kaniyang kadakilaang kahanga-hangang tunay sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Ito ang nais ipaalala sa atin ng Simbahan sa araw na ito. 

Tila taliwas ang mga salita sa Unang Pagbasa sa nais ipaalala sa atin ng Simbahan sa araw na ito. Inilarawan sa Unang Pagbasa kung paanong parurusahan ng Diyos ang Kaniyang bayan. Mayroon Siyang mga itinalaga upang ang Herusalem ay pahirapan nang lubos. Hindi ba hinirang at itinalaga ng Diyos ang Israel upang maging Kaniyang bayan? Bakit naman Niya ibinigay ang Kaniyang pahintulot na magdanas ng hirap at sakit ang bayang Kaniyang hinirang at itinalaga? Ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na mangyari ito ay dahil ang kasamaan ay pinili nilang ipalaganap. Sa halip na handugan ang Diyos ng taos-pusong pagdakila, pinili nila ang kasalanan. Dahil diyan, lubos na nasaktan ang Diyos. 

Nakasentro sa pagbabahagi at pagpapalaganap ng kadakilaan ng Diyos sa kapwa ang pangaral ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Ipinapaalala Niya sa atin kung ano ang ating misyon bilang mga bumubuo sa Kaniyang Simbahan. Kahit na sa mga alagad Niya binigkas ang mga salitang ito, para rin sa atin ang mga salitang ito. Dapat nating ipalaganap ang kadakilaan ng Diyos na tunay ngang kahanga-hanga sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. 

Ang mga salita sa Salmong Tugunan ay lagi nating dapat isabuhay. Dapat lagi nating ipalaganap ang kadakilaan ng Diyos. Mahayag nawa sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa ang kahanga-hangang kadakilaan ng Diyos. 

Tayong lahat na bumubuo sa Simbahang itinatag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay mayroong misyon. Dapat lagi nating ipalaganap ang Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa lupa. Kailangan nating hikayatin ang lahat ng tao na handugan ng taos-pusong pagdakila ang Diyos dahil ito ang nararapat. Magagawa lamang natin ito kung ang Kaniyang kadakilaan ay ipapalaganap at ibabahagi natin.

Sabado, Agosto 8, 2026

TAOS-PUSONG PAGDAKILA ANG HANDOG NG MGA SUMUSUNOD SA KANIYA NANG BUONG KABABAANG-LOOB

11 Agosto 2026 
Paggunita kay Santa Clara, dalaga 
Ikaanim na Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestra Senora de la Buena Hora 
Ezekiel 2,8-3, 4/Salmo 118/Mateo 18, 1-5. 10. 12-14 

Ipinapaalala sa atin ng mga Pagbasa kung gaano kahalaga ang pagiging masunurin at tapat sa Diyos. Sa pamamagitan ng pagsunod sa Diyos nang buong kababaang-loob at katapatan hanggang sa huli, ipinapahayag natin ang kadakilaan ng Diyos. Marapat lamang na makilala ng lahat ng tao sa mundo ang Diyos bilang pinakadakila sa lahat. Hindi mapapantayan o mahihigitan ng sinuman o anuman ang Diyos kailanman. Wala nang iba pang hihigit pa sa Diyos pagdating sa kadakilaan. Dapat natin itong ihayag sa lahat bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang tatag ni Jesus Nazareno. 

Ang salaysay ng pagkahirang at pagsugo ng Diyos kay Propeta Ezekiel ay inilahad sa Unang Pagbasa. Buong linaw na inilarawan ang kababaang-loob ni Propeta Ezekiel. Tinanggap ni Propeta Ezekiel nang buong kababaang-loob ang misyong ibinigay sa kaniya ng Diyos. Kahit na alam ng propetang si Ezekiel na hindi magiging madali at maginhawa ang kaniyang buhay dahil dito, ipinasiya pa rin niya itong tanggapin nang buong kababaang-loob. Sa Ebanghelyo, ang Panginoong Jesus Nazareno ay nangaral sa mga alagad tungkol sa halaga ng kababaang-loob. Hindi nalulugod ang Diyos sa lahat ng mga mapagmataas. Bagkus, nalulugod Siya sa mga may kababaang-loob. Sa pamamagitan ng mga mababang-loob, nahahayag ang Kaniyang kadakilaan. 

Kinalulugdan ng Diyos ang mga mababang-loob. Lagi nila Siyang hinahandugan ng taos-pusong pagdakila sa pamamagitan ng kanilang mga salita at gawa. Dapat natin itong gawin bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ni Kristo sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig. 

ANG HANDOG NG MGA DUMARAKILA SA KANIYA

10 Agosto 2026 
Kapistahan ni San Lorenzo, diyakono at martir 
Ikalimang Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestra Senora de la Buena Hora 
2 Corinto 9, 6-10/Salmo 111/Juan 12, 24-26 

Nakasentro sa paghahandog ng sarili sa Diyos ang pagdiriwang ng Simbahan para sa araw na ito. Hindi madaling ihandog ang sarili sa Diyos. Mahirap itong gawin dulot ng mga hirap, pagsubok, tukso, at pag-uusig sa buhay dito sa lupa na hindi na mabilang gamit ang ating mga daliri dahil sa dami ng mga ito. Kapag ang ating mga sarili ay inihandog natin sa Diyos, hindi ito nangangahulugang magiging maginhawa ang ating buhay sa lupa. Subalit, bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang tatag ng Poong Jesus Nazareno, nararapat lamang gawin ito bilang tugon sa Kaniya na nagpasiyang huwag ipagkait sa atin ang buo Niyang sarili. 

Sa Unang Pagbasa, nangaral si Apostol San Pablo tungkol sa pagiging taos-puso. Ito ang laging hinahanap ng Diyos. Hinahanap Niya ang mga taos-pusong mag-aalay ng kanilang mga sarili sa Kaniya. Nais ng Diyos na maging taos-puso ang ating pasiyang ihandog ang ating mga sarili sa Kaniya. Sa Ebanghelyo, ang Poong Jesus Nazareno ay nangaral tungkol sa halaga ng pagiging taos-puso sa harapan ng Diyos. Katunayan, ginamit ng Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang sarili bilang halimbawa nito. Buong linaw Niyang inihayag na mamamatay Siya upang maligtas ang lahat ng tao. Ito ang kahulugan ng mga salitang Kaniyang bigkas sa Banal na Ebanghelyo: "Tandaan ninyo: malibang mahulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa" (Juan 12, 24). Kahit na napakahirap, pinili pa rin ng Poong Jesus Nazareno na maging taos-puso. Namalas ito ng lahat sa Banal na Krus sa bundok ng Kalbaryo. 

Taos-pusong paghahandog ng sarili ang hanap ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa bawat isa sa atin. Kung paanong naging taos-puso Siya noong Kaniyang ipinasiyang ihandog ang Kaniyang sarili sa Banal na Krus para sa bawat isa sa atin, kailangan ring maging taos-puso ang ating pasiyang ihandog ang ating mga abang sarili sa Kaniya. Sa pamamagitan nito, mapapatunayang taos-puso ang ating pagdakila sa Kaniya. 

Biyernes, Agosto 7, 2026

KASAMA NATIN ANG ATING DINARAKILA NANG TAOS-PUSO SA HIRAP AT GINHAWA

9 Agosto 2026 
Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Ikaapat na Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestra Senora de la Buena Hora
1 Hari 19, 9a. 11-13a/Salmo 84/Roma 9, 1-5/Mateo 14, 22-33 

Larawan: Alessandro Allori (1535–1607), St Peter Walking on the Water (c. 1590s). Uffizi Gallery via Web Gallery of Art. Public Domain. 

Ipinapaalala sa atin ng mga Pagbasa na hindi tayo pinababayaan ng ating dinarakila nang taos-puso. Hindi tayo pinababayaan ng Diyos. Bagkus, ang bawat isa sa atin ay lagi Niyang inaaruga, kinukupkop, sinasamahan, at ipinagsasanggalang. Sa hirap at ginhawa, lagi nating kasama ang Diyos. Patunay lamang ito na lubos nga Niya tayong pinahahalagahan.

Sa Unang Pagbasa, ipinadama ng Diyos ang Kaniyang presensya kay Propeta Elias na tumatakas mula kay Reyna Jezebel. Binalak ni Reyna Jezebel na patayin ang nasabing propeta matapos magtagumpay ang Diyos laban kay Baal na isang hamak na diyus-diyusan lamang sa Bundok ng Carmelo. Ang presensya ng Diyos sa Bundok ng Horeb ay nagdulot ng kapanatagan ng loob kay Propeta Elias. Sa Ikalawang Pagbasa, buong linaw na inihayag ni Apostol San Pablo na lubos siyang nalulungkot para sa kaniyang mga kababayan dahil ang Poong Jesus Nazareno ay hindi nila tinatanggap. Dahil dito, handa si Apostol San Pablo na tanggapin ang anumang sumpa mula sa Panginoong Jesus Nazareno alang-alang sa kanila. Hangad niyang maging mulat sila sa pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ni Jesus Nazareno na tunay nga namang dakila. Sa Ebanghelyo, iniligtas ng Poong Jesus Nazareno na naglalakad sa ibabaw ng tubig ang unang Santo Papa na si Apostol San Pedro mula sa pagkalunod. Kahit na sinabihan Niya si Apostol San Pedro na napakliit ang kaniyang pananalig, ipinasiya pa rin Niyang iligtas ang nasabing apostol. 

Buong linaw na inihayag sa Salmong Tugunan: "Pag-ibig Mo'y ipakita, iligtas kami sa dusa" (Salmo 84, 8). Isa lamang ang ipinahihiwatig ng mga salitang ito - ang Diyos ay hindi pabaya. Lagi Niya tayong sinasamahan dahil mahalaga tayo sa Kaniya. Manalig lamang tayo sa Kaniya. Ito ang Kaniyang pakiusap at hiling. 

Pinatutunayan ng Panginoong Diyos ang Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa para sa bawat isa sa atin sa pamamagitan ng Kaniyang walang sawang pagkupkop at pagkalinga sa atin. Hindi Niya tayo pinababayaan. Bagkus, lagi Niya tayong sinasamahan. 

HILING NG ATING DINARAKILA

8 Agosto 2026 
Paggunita kay Santo Domingo, pari 
Ikatlong Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestra Senora de la Buena Hora 
Habacuc 1, 12-2, 4/Salmo 9/Mateo 17, 14-20 

Larawan: Jacopo Vignali (1592–1664), Vignali Madonna del Rosario. Church of Misericordia, San Casciano. Public Domain.

Nakasentro sa hiling ng Poong Jesus Nazareno ang mga Pagbasa. Hinihiling Niya na manalig tayo sa Kaniya nang taos-puso. Ito ang tangi Niyang pakiusap at hiling para sa bawat isa sa atin. Ang pasiyang manalig sa Kaniya nang taos-puso ay dapat nating isabuhay sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig na ito. Sa pamamagitan nito, lagi natin Siyang hinahandugan ng taos-pusong pagdakila. 

Buong linaw na inihayag sa Unang Pagbasa na kinakalinga ng Diyos ang lahat ng mga nananalig at sumusunod sa Kaniya nang taos-puso. Hindi Niya sila pababayaan. May hangganan ang mga hirap, pagsubok, tukso, at pag-uusig sa buhay sa lupa. Ang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Diyos ay mananaig sa huli. Kung ang Diyos ay iibigin, susundan, pananaligan, at sasambahin nang taos-puso hanggang sa huli, matatamasa nating lahat ang bunga ng Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa na walang iba kundi ang biyaya ng buhay na walang hanggan. Sa Ebanghelyo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay nangaral sa mga alagad tungkol sa halaga ng pagkakaroon ng dalisay na pananalig sa Diyos matapos palayasin ang demonyo mula sa isang batang lalaking sinasapian nito. 

Isa lamang ang hiling at pakiusap ng Poong Jesus Nazareno. Manalig sa Kaniya nang taos-puso. Lagi rin nating dapat isabuhay ang pasiyang ito. Sa pamamagitan nito, lagi natin Siyang hinahandugan ng taos-pusong pagdakila. Kinalulugdan Niya nang lubos ang sinumang gumagawa nito. Pagbigyan nawa natin ang Kaniyang hiling.