30 Agosto 2026
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Jeremias 20, 7-9/Salmo 52/Roma12, 1-2/Mateo 16, 21-27
Larawan: Christ On The Road To Calvary by David Teniers the Elder. Sotheby's. Public Domain.
Nakasentro sa mga salitang binigkas ng Panginoong Jesus Nazareno sa mga apostol sa ikalawang bahagi ng Ebanghelyo ang taimtim na pagninilay ng Simbahan para sa Linggong ito. Aniya, "Kung ibig ninumang sumunod sa Akin, limutin niya ang ukol sa kaniyang sarili, pasanin ang kaniyang krus, at sumunod sa Akin" (Mateo 16, 24). Hindi magiging madali at maginhawa ang buhay kapag ang Panginoong Jesus Nazareno ay ating susundin nang taos-puso. Bagkus, marami tayong haharaping mga hirap, sakit, pagsubok, kalupitan, tukso, at pag-uusig sa buhay sa daigdig ang ating haharapin at babatain bilang Kaniyang mga tagasunod. Kaya naman, kinakailangan nating tiyaking tunay ngang taos-puso ang ating pasiyang maging Kaniyang mga tagasunod.
Bago bigkasin ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ang mga salitang ito sa mga apostol sa ikalawang bahagi ng Ebanghelyo, inilarawan Niya sa kanila kung ano ang Kaniyang misyon at tungkulin bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Sa unang bahagi ng Ebanghelyo, inihayag Niya sa kanila na bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, ipapapatay Siya ng mga matatanda ng bayan, ng mga punong saserdote, at ng mga eskriba. Maraming hirap at sakit sa kanilang mga kamay ang Kaniyang haharapin at titiisin hanggang sa sandali ng Kaniyang pagkamatay sa Krus na Banal. Hahantong sa Kaniyang Muling Pagkabuhay sa ikatlong araw ang mga ito.
Kung paanong ang Poong Jesus Nazareno ay hindi naligtas mula sa mga hirap, sakit, pagsubok, kalupitan, tukso, at pag-uusig sa buhay sa daigdig, hindi maliligtas mula sa mga ito ang mga magpapasiyang sumunod sa Kaniya. Huwag nating kakalimutang hindi ipinangako ng Poong Jesus Nazareno na magiging maginhawa ang buhay natin sa daigdig kapag ipinasiya nating sumunod sa Kaniya nang taos-puso. Dapat nating tiyaking taos-puso ang ating hangaring sumunod sa Kaniya dahil dito.
Ibinahagi ni Propeta Jeremias ang katotohanan tungkol sa pagiging isang propetang hinirang at itinalaga ng Diyos sa Unang Pagbasa. Walang tigil siyang pinagtawanan at nilibak ng mga tao. Binalak pa nga siyang usigin at ipapatay ng marami. Para sa mga sumusunod sa Diyos, kahit noon pa mang una, ang bawat oras at sandali ng kanilang pansamantalang paglalakbay sa daigdig ay hindi naging madali.
Maging si Apostol San Pablo na nangaral tungkol sa pag-aalay ng sarili sa Diyos nang taos-puso sa Ikalawang Pagbasa, hindi naging ligtas mula sa mga sakit, hirap, tukso, at pag-uusig sa buhay sa daigdig. Subalit, sa kabila ng mga ito, nakiusap siya sa mga Kristiyano sa Roma sa Ikalawang Pagbasa na ialay ang kanilang mga sarili sa Diyos, gaano man kahirap itong gawin. Ang Diyos ay kanilang dinarakila nang taos-puso sa pamamagitan nito. Hindi lamang para sa mga Kristiyano sa Roma noon ang pakiusap na ito ni Apostol San Pablo. Bagkus, para rin ito sa atin.
Laging isinasabuhay ng mga sumusunod sa Diyos nang taos-puso ang mga salita ng mang-aawit sa Salmong Tugunan. Para sa kanila, ang Diyos ay sapat na. Wala silang hahanaping iba pa. Sa harap ng mga matitinding hirap, sakit, pagsubok, kalupitan, at pag-uusig sa buhay sa lupa, panatag ang kanilang loob dahil sa Diyos na lagi nilang dinarakila nang taos-puso sa pamamagitan ng palagiang pagsunod sa Kaniya.
Isa lamang ang nararapat gawin - sumunod sa Mahal na Poong Jesus Nazareno nang taos-puso. Dapat nating ilaan ang bawat sandali ng ating paglalakbay sa daigdig na pansamantala lamang sa pagsunod sa Kaniya nang taos-puso. Sa pamamagitan nito, lagi natin Siyang hinahandugan ng taos-pusong pagdakila. Oo, mahirap itong gawin, subalit nararapat lamang gawin ito bilang tugon sa Kaniya na nagpasiyang ibigay ang buo Niyang sarili para sa atin.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento