14 Agosto 2026
Paggunita kay San Maximiliano Maria Kolbe, pari at martir
Ikasiyam at Huling Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestra Senora de la Buena Hora
Ezekiel 16, 1-15. 60. 63 (o kaya: Ezekiel 16, 59-63)/Isaias 12/Mateo 19, 3-12
"Galit ng D'yos ay naparam, pinatawad N'ya ang tanan" (Isaias 12,1k). Nakasentro sa mga salitang ito mula sa Salmo Responsoryo ang taimtim na pagninilay ng Simbahan para sa araw na ito. Muling ipinapaalala sa atin ng Inang Simbahan sa araw na ito na hindi mahihigitan o mapapantayan ang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Diyos. Kahit na hindi na mabilang ang dami ng ating mga nagawang kasalanan laban sa Diyos, wala pa ring binatbat sa Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa na dakila ngang tunay ang mga ito.
Sa Unang Pagbasa, iniutos ng Diyos si Propeta Ezekiel na ipaalala sa bayang Israel na hinirang at itinalaga upang maging Kaniyang bayan ang kanilang pagkamasuwayin at kasamaan. Hindi sila naging tapat sa Diyos. Ipinasiya ng mga taga-Israel na patigasin ang kanilang mga ulo at puso. Nakatuon rin sa nasabing katotohanan ang pangaral ni Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Katunayan, buong linaw Niyang inihayag ang bukod tanging dahilan kung bakit ang diborsyo ay pinahintulutan ni Moises, kahit na taliwas ito sa mga utos, loobin, at plano ng Diyos noon pa man - matigas ang kanilang mga puso at ulo. Ang kanilang mga puso at ulo ay kasintigas ng bato.
Bagamat hindi na mabilang kung gaano karami ang kasalanang nagawa ng bawat tao sa daigdig, ipinasiya pa rin ng Diyos na ipakita ang Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa na tunay ngang dakila. Hindi Niya sinusukuan ang lahat ng tao sa daigdig, kahit na paulit-ulit nila Siyang sinusuway at sinasaktan sa pamamagitan ng kanilang mga kasalanang hindi na mabilang. Sa pamamagitan ng Kaniyang pag-ibig, awa, habag, at kagandahang-loob, nahayag ang Kaniyang kadakilaan.
Ang bawat isa sa atin ay pinahahalagahan ng Diyos. Hindi Niya tayo sinusukuan kahit kailan. Lagi Niya tayong iniibig, kinahahabagan, at kinaaawaan nang lubusan. Buksan natin ang ating mga puso at isipan sa Kaniya na puspos ng dakilang pag-ibig, biyaya, habag, at awa. Tuparin at sundin natin nang buong kababaang-loob ang mga utos at loobin ng Diyos. Sa pamamagitan nito, lagi nating hinahandugan Siya ng taos-pusong pagdakila. Ito ang nararapat na gawin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento