12 Agosto 2026
Miyerkules ng Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
Ikapitong Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestra Senora de la Buena Hora
Ezekiel 9, 1-7; 10,18-22/Salmo 112/Mateo 18, 15-20
Larawan: Raphael (1483-1520), St Paul Preaching at Athens (c. 1515). Victoria and Albert Museum via Web Gallery of Art. Public Domain.
Bilang mga bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag ni Kristo, mayroon tayong misyong kailangang tuparin. Ang Kaniyang kadakilaan ay dapat nating ibahagi at ipalaganap. Dapat nating ilaan ang bawat sandali ng ating paglalakbay sa lupa na pansamantala lamang sa tapat at walang sawang pagsaksi sa Kaniyang kadakilaang kahanga-hangang tunay sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Ito ang nais ipaalala sa atin ng Simbahan sa araw na ito.
Tila taliwas ang mga salita sa Unang Pagbasa sa nais ipaalala sa atin ng Simbahan sa araw na ito. Inilarawan sa Unang Pagbasa kung paanong parurusahan ng Diyos ang Kaniyang bayan. Mayroon Siyang mga itinalaga upang ang Herusalem ay pahirapan nang lubos. Hindi ba hinirang at itinalaga ng Diyos ang Israel upang maging Kaniyang bayan? Bakit naman Niya ibinigay ang Kaniyang pahintulot na magdanas ng hirap at sakit ang bayang Kaniyang hinirang at itinalaga? Ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na mangyari ito ay dahil ang kasamaan ay pinili nilang ipalaganap. Sa halip na handugan ang Diyos ng taos-pusong pagdakila, pinili nila ang kasalanan. Dahil diyan, lubos na nasaktan ang Diyos.
Nakasentro sa pagbabahagi at pagpapalaganap ng kadakilaan ng Diyos sa kapwa ang pangaral ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Ipinapaalala Niya sa atin kung ano ang ating misyon bilang mga bumubuo sa Kaniyang Simbahan. Kahit na sa mga alagad Niya binigkas ang mga salitang ito, para rin sa atin ang mga salitang ito. Dapat nating ipalaganap ang kadakilaan ng Diyos na tunay ngang kahanga-hanga sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa.
Ang mga salita sa Salmong Tugunan ay lagi nating dapat isabuhay. Dapat lagi nating ipalaganap ang kadakilaan ng Diyos. Mahayag nawa sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa ang kahanga-hangang kadakilaan ng Diyos.
Tayong lahat na bumubuo sa Simbahang itinatag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay mayroong misyon. Dapat lagi nating ipalaganap ang Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa lupa. Kailangan nating hikayatin ang lahat ng tao na handugan ng taos-pusong pagdakila ang Diyos dahil ito ang nararapat. Magagawa lamang natin ito kung ang Kaniyang kadakilaan ay ipapalaganap at ibabahagi natin.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento