Sabado, Agosto 8, 2026

TAOS-PUSONG PAGDAKILA ANG HANDOG NG MGA SUMUSUNOD SA KANIYA NANG BUONG KABABAANG-LOOB

11 Agosto 2026 
Paggunita kay Santa Clara, dalaga 
Ikaanim na Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestra Senora de la Buena Hora 
Ezekiel 2,8-3, 4/Salmo 118/Mateo 18, 1-5. 10. 12-14 

Ipinapaalala sa atin ng mga Pagbasa kung gaano kahalaga ang pagiging masunurin at tapat sa Diyos. Sa pamamagitan ng pagsunod sa Diyos nang buong kababaang-loob at katapatan hanggang sa huli, ipinapahayag natin ang kadakilaan ng Diyos. Marapat lamang na makilala ng lahat ng tao sa mundo ang Diyos bilang pinakadakila sa lahat. Hindi mapapantayan o mahihigitan ng sinuman o anuman ang Diyos kailanman. Wala nang iba pang hihigit pa sa Diyos pagdating sa kadakilaan. Dapat natin itong ihayag sa lahat bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang tatag ni Jesus Nazareno. 

Ang salaysay ng pagkahirang at pagsugo ng Diyos kay Propeta Ezekiel ay inilahad sa Unang Pagbasa. Buong linaw na inilarawan ang kababaang-loob ni Propeta Ezekiel. Tinanggap ni Propeta Ezekiel nang buong kababaang-loob ang misyong ibinigay sa kaniya ng Diyos. Kahit na alam ng propetang si Ezekiel na hindi magiging madali at maginhawa ang kaniyang buhay dahil dito, ipinasiya pa rin niya itong tanggapin nang buong kababaang-loob. Sa Ebanghelyo, ang Panginoong Jesus Nazareno ay nangaral sa mga alagad tungkol sa halaga ng kababaang-loob. Hindi nalulugod ang Diyos sa lahat ng mga mapagmataas. Bagkus, nalulugod Siya sa mga may kababaang-loob. Sa pamamagitan ng mga mababang-loob, nahahayag ang Kaniyang kadakilaan. 

Kinalulugdan ng Diyos ang mga mababang-loob. Lagi nila Siyang hinahandugan ng taos-pusong pagdakila sa pamamagitan ng kanilang mga salita at gawa. Dapat natin itong gawin bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ni Kristo sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento