Biyernes, Agosto 21, 2026

HUWAG IPAGPALIT ANG NARARAPAT DAKILAIN

29 Agosto 2026 
Paggunita sa Pagpapakasakit ni San Juan, ang Tagapagbinyag, martir 
Jeremias 1, 17-19/Salmo 70/Marcos 6, 17-29 


Ang salaysay ng kaganapang ginugunita ng Simbahan sa araw na ito ay itinampok at inilahad sa Ebanghelyo. Si San Juan Bautista na hinirang at itinalaga ng Diyos bilang tagapaghanda ng daraanan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay namatay bilang isang martir. Iniutos ni Herodes Antipas na ipapugot ang kaniyang ulo dahil ito ang hiniling ng anak na babae ng kaniyang kinakasama na si Herodias na asawa ng kaniyang kapatid na si Felipe na labis ang galit sa tagapagpauna ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Nakasentro sa katapatan sa Diyos ang mga Pagbasa. Sa kabila ng mga hirap, sakit, pagsubok, tukso, at pagsubok sa buhay sa lupa, ang Diyos ay dapat pa rin nating piliin bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ng Poong Jesus Nazareno. Lagi itong ginawa ni San Juan Bautista hanggang sa huling sandali ng kaniyang buhay sa lupa. Kahit na kamatayan ang kapalit ng kaniyang pasiyang manatiling tapat sa Diyos (gaya ng isinalungguhit sa salaysay na tampok sa Ebanghelyo), ang Diyos ay pinili pa rin niyang paglingkuran hanggang sa huli. Buo ang kaniyang loob. Pati ang propetang si Jeremias sa Unang Pagbasa, pinili niyang dakilain ang Diyos nang taos-puso bilang Kaniyang tapat na lingkod. Hindi nila ipinagpalit ang Diyos. 

Isa lamang ang nais ipaalala sa atin ng Simbahan. Ang Diyos ay hindi dapat ipagpalit kailanman. Bagkus, bilang mga Kristiyano, lagi nating dapat gawin ang nararapat. Sa bawat sandali ng ating paglalakbay sa lupa na pansamantala lamang, dapat lagi natin Siyang handugan ng taos-pusong pagdakila sa pamamagitan ng mga salita at gawa.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento