28 Agosto 2026
Paggunita kay San Agustin, obispo at pantas ng Simbahan
1 Corinto 1, 17-25/Salmo 32/Mateo 25, 1-13
Larawan: Valentino Rovisi (1715–1783), Sant'Agostino d'Ippona ha la visione della Trinità (c. 1754). Public Domain.
Isang napakahalagang aral ang ipinapaalala sa atin ng Simbahan sa araw na ito. Ang pagdakila sa Diyos ay dapat nating gawin nang buo ang loob. Kailangan nating ibigay sa Diyos ang lahat kapag ipinasiya nating handugan Siya ng taos-pusong pagdakila. Dapat maging handa tayo sa pagbabagong dulot ng ating pasiyang dakilain Siya nang taos-puso sa bawat sandali ng ating buhay dito sa daigdig sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa.
Sa Unang Pagbasa, inihayag ni Apostol San Pablo na buo ang kaniyang loob na gawin ang misyong ibinigay sa kaniya ng Poong Jesus Nazareno. Buo ang kaniyang loob na maging isang tapat na saksi ng Poong Jesus Nazareno. Ang Poong Jesus Nazareno ay hindi niya ipagpapalit kailanman. Mas mahalaga sa kaniya ang Poong Jesus Nazareno kaysa ang sarili niyang buhay. Kahit na ang kapalit nito ay walang tigil na hirap, sakit, pagsubok, tukso, at pag-uusig sa buhay sa daigdig, hindi niya ipagpapalit ang Poong Jesus Nazareno. Lagi niyang pipiliin ang Poong Jesus Nazareno. Sa Ebanghelyo, ang talinghaga tungkol sa sampung dalaga (limang matalino at limang hangal) ay inilahad ng Poong Jesus Nazareno sa mga apostol. Katulad ng matalinong dalaga, kailangang buo ang ating mga loob sa pagdakila sa Poong Jesus Nazareno. Hindi dapat sayangin o balewalain ang bawat pagkakataong ibinigay sa atin upang ang ating mga puso ay dalisayin at gawing banal. Ito ang magpapatunay na buo ang ating loob.
Kung ang ating pagdakila sa Poong Jesus Nazareno ay nais nating maging taos-puso, dapat maging buo ang ating loob. Ang magpapatunay nito ay ang ating mga salita at gawa. Mamuhay tayo ayon sa Kaniyang mga utos at loobin. Buksan natin ang ating mga puso at loobin sa Kaniya. Pahintulutan natin Siyang maghari sa ating buhay.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento