Linggo, Agosto 9, 2026

PATUNAY NG KANIYANG KADAKILAAN

13 Agosto 2026 
Huwebes ng Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Ikawalong Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestra Senora de la Buena Hora 
Ezekiel 12, 1-12/Salmo 77/Mateo 18, 21-19, 1 

Larawan: Claude Vignon (1593–1670), Parable of the Unforgiving Servant, formerly called Croesus Receiving Tribute from a Lydian Peasant (c. 1629). Musée des Beaux-Arts de Tours. Public Domain.


Ang pagninilay ng Simbahan para sa araw na ito ay nakatuon sa mga salitang buong lakas na binigkas ng mang-aawit sa Salmong Tugunan. Sabi sa Salmong Tugunan: "Hindi nila malilimot ang dakilang gawa ng D'yos" (Salmo 77, 7k). Isa lamang ang aral na nais ipaalala sa atin ng Simbahan sa araw na ito. Hindi natin dapat ibaon sa limot kailanman ang mga ginawa ng Diyos para sa atin na tunay ngang kahanga-hanga at dakila. Bagkus, ang Diyos ay lagi nating dapat handugan ng taos-pusong pagdakila bilang pagtanaw ng utang na loob sa Kaniya. Ito ang nararapat na tugon sa Kaniya. 

Sa Unang Pagbasa, si Propeta Ezekiel ay inatasan ng Diyos na magsalita sa Kaniyang bayan, sa kabila ng kanilang pagiging mapaghimagsik at masuwayin. Kahit na batid ng Diyos kung gaano mapaghimagsik at masuwayin ang Kaniyang bayan, ipinasiya pa rin Niyang isugo sa kanila si Propeta Ezekiel upang magsalita sa kanila. Nahayag sa pamamagitan nito ang kadakilaan ng Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, biyaya, habag, at awa. Hindi Niya sinukuan ang Kaniyang bayan. Sa Ebanghelyo, ang Poong Jesus Nazareno ay nangaral tungkol sa halaga ng walang tigil na pagpapatawad. Ang talinghaga tungkol sa lingkod na hindi marunong magpatawad ay Kaniyang ginamit upang isalungguhit ang halaga nito. 

Ipalaganap natin ang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Diyos sa bawat sandali ng ating paglalakbay sa daigdig. Sa pamamagitan nito, ang Diyos ay lagi nating hinahandugan ng taos-pusong pagdakila. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento