9 Agosto 2026
Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Ikaapat na Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestra Senora de la Buena Hora
1 Hari 19, 9a. 11-13a/Salmo 84/Roma 9, 1-5/Mateo 14, 22-33
Larawan: Alessandro Allori (1535–1607), St Peter Walking on the Water (c. 1590s). Uffizi Gallery via Web Gallery of Art. Public Domain.
Ipinapaalala sa atin ng mga Pagbasa na hindi tayo pinababayaan ng ating dinarakila nang taos-puso. Hindi tayo pinababayaan ng Diyos. Bagkus, ang bawat isa sa atin ay lagi Niyang inaaruga, kinukupkop, sinasamahan, at ipinagsasanggalang. Sa hirap at ginhawa, lagi nating kasama ang Diyos. Patunay lamang ito na lubos nga Niya tayong pinahahalagahan.
Sa Unang Pagbasa, ipinadama ng Diyos ang Kaniyang presensya kay Propeta Elias na tumatakas mula kay Reyna Jezebel. Binalak ni Reyna Jezebel na patayin ang nasabing propeta matapos magtagumpay ang Diyos laban kay Baal na isang hamak na diyus-diyusan lamang sa Bundok ng Carmelo. Ang presensya ng Diyos sa Bundok ng Horeb ay nagdulot ng kapanatagan ng loob kay Propeta Elias. Sa Ikalawang Pagbasa, buong linaw na inihayag ni Apostol San Pablo na lubos siyang nalulungkot para sa kaniyang mga kababayan dahil ang Poong Jesus Nazareno ay hindi nila tinatanggap. Dahil dito, handa si Apostol San Pablo na tanggapin ang anumang sumpa mula sa Panginoong Jesus Nazareno alang-alang sa kanila. Hangad niyang maging mulat sila sa pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ni Jesus Nazareno na tunay nga namang dakila. Sa Ebanghelyo, iniligtas ng Poong Jesus Nazareno na naglalakad sa ibabaw ng tubig ang unang Santo Papa na si Apostol San Pedro mula sa pagkalunod. Kahit na sinabihan Niya si Apostol San Pedro na napakliit ang kaniyang pananalig, ipinasiya pa rin Niyang iligtas ang nasabing apostol.
Buong linaw na inihayag sa Salmong Tugunan: "Pag-ibig Mo'y ipakita, iligtas kami sa dusa" (Salmo 84, 8). Isa lamang ang ipinahihiwatig ng mga salitang ito - ang Diyos ay hindi pabaya. Lagi Niya tayong sinasamahan dahil mahalaga tayo sa Kaniya. Manalig lamang tayo sa Kaniya. Ito ang Kaniyang pakiusap at hiling.
Pinatutunayan ng Panginoong Diyos ang Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa para sa bawat isa sa atin sa pamamagitan ng Kaniyang walang sawang pagkupkop at pagkalinga sa atin. Hindi Niya tayo pinababayaan. Bagkus, lagi Niya tayong sinasamahan.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento