8 Setyembre 2026
Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria
Mikas 5, 1-4a (o kaya: Roma 8, 28-30)/Salmo 12/Mateo 1, 1-16. 18-22
Isang napakahalagang bahagi ng kasaysayan ng pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan ay ang araw ng pagsilang ng Mahal na Birheng Maria. Sa sandaling ito, ang kahanga-hangang kadakilaan ng Diyos ay nahayag sa tanan. Hudyat ito na malapit na Niyang simulan ang pagsasakatuparan ng Kaniyang dakilang plano. Bago Siya dumating sa daigdig bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos sa pamamagitan ng Panginoong Jesus Nazareno, dumating ang magdadala sa Kaniya sa loob ng siyam na buwan na walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria na hinirang at itinalaga Niya para sa nasabing gampanin at tungkulin.
Sa Ebanghelyo, inilahad ang salaysay ng pagsilang ng Poong Jesus Nazareno. Buong linaw na isinilangguhit na dumating Siya sa daigdig bilang isang munting sanggol na dinala ng Mahal na Birheng Maria sa kaniyang sinapupunan. Ito ang tanging dahilan kung bakit siya pinararangalan at kinikilala bilang Kaban ng Bagong Tipan. Dinala niya ang Poong Jesus Nazareno sa kaniyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan. Ang tungkuling ito ay tinanggap ng Mahal na Birheng Maria nang buong kababaang-loob bilang abang alipin ng Panginoong Diyos. Pinahintulutan ng Mahal na Birheng Maria na mahayag sa pamamagitan ng kaniyang pagtupad sa kaniyang misyon bilang Ina ni Jesus Nazareno ang kadakilaan ng Diyos na tunay ngang kahanga-hanga. Natupad sa pamamagitan nito ang propesiyang itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa.
Hindi napilitan ang Mahal na Birheng Maria na tanggapin at tuparin ang misyon at tungkuling ibinigay sa kaniya ng Diyos na maging Ina ng Mesiyas at Tagapagligtas na ipinangako na walang iba kundi ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Bagkus, tinupad niya ito nang may galak, gaya ng isinalungguhit sa Salmong Tugunan. Ang kaniyang pasiyang tanggapin at tuparin ang misyong ito ay taos-puso. Katunayan, puspos ng galak nang ipinasiya niyang tanggapin at tuparin ito dahil alam niyang mahahayag sa lahat ng tao ang kahanga-hangang kadakilaan ng Diyos. Isa lamang itong patunay ng kaniyang tapat at dalisay na pag-ibig para sa Diyos na buong linaw na isinalungguhit sa pangaral ni Apostol San Pablo sa alternatibong Unang Pagbasa.
Pinahintulutan ng Mahal na Birheng Maria ang Diyos na gamitin siya upang mahayag sa lahat ang Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan. Ito ang dapat lagi nating gawin bilang mga bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Dapat mahayag sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa araw-araw ang kahanga-hangang kadakilaan ng Diyos.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento