Biyernes, Agosto 14, 2026

ILAAN ANG BAWAT SANDALI NG ATING BUHAY SA PAGDAKILA SA DIYOS

16 Agosto 2026 
Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 56, 1. 6-7/Salmo 66/Roma 11, 13-15. 29-32/Mateo 15, 21-28 

"Nawa'y magpuri sa Iyo ang lahat ng mga tao" (Salmo 66, 4). Sa mga salitang ito ng mang-aawit sa Salmong Tugunan nakatuon ang pagninilay ng Simbahan sa Linggong ito. Isa lamang ang nais ipaalala ng Simbahan sa atin. Ang Diyos ay lagi nating dapat handugan ng taos-pusong pagdakila sa pamamagitan ng mga salita at gawa. Hindi tayo dapat huminto sa paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Kaniya. Bagkus, ang bawat sandali ng ating paglalakbay sa daigdig na ito na pansamantala lamang ay kailangan nating ilaan sa paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Diyos.

Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Diyos sa pamamagitan ni Propeta Isaias na hindi Siya ekslusibo sa isang angkan, lahi, lipi, wika, bayan, o bansa. Bagkus, para Siya sa lahat. Isa lamang ang Diyos na dapat purihin, dakilain, at sambahin ng lahat ng tao sa lupa nang taos-puso - ang Panginoon. Lagi itong dapat gawin dahil ito ang nararapat na handog sa Kaniya. Nakasentro sa napakahalagang katotohanang ito ang pangaral ng dakilang apostol at misyonerong si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Buong linaw niyang inihayag na ipinamalas ng Diyos ang Kaniyang pag-ibig, habag, at awa para sa lahat sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. Patunay ito na hindi Niya tayo sinukuan kailanman. Ang pananalig ng isang Cananea sa Poong Jesus Nazareno ay itinampok sa Ebanghelyo. Kahit na hindi siya mula sa bayang Israel, ipinasiya pa rin niyang lapitan ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno upang makiusap at sumamo sa Kaniya nang buong kababaang-loob na pagalingin ang minamahal niyang anak. Sa huli, ang pakiusap ng babaeng taga-Canaan ay pinagbigyan at tinupad ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Walang tigil siyang humiling sa Kaniya bilang tanda ng kaniyang pagdakila sa Kaniya.

Lagi nating dapat handugan ang Diyos ng taos-pusong pagdakila. Ito ang nararapat na tugon sa Kaniya na hindi nagsasawang pagpalain, ipagsanggalang, ingatan, ibigin, kahabagan, at kaawaan tayo. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento