4 Setyembre 2026
Biyernes ng Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
1 Corinto 4, 1-5/Salmo 36/Lucas 5, 33-39
Larawan: Il Sodoma (1477–1549), Christ Presented to the People (Ecce Homo) (c. Between 1540 and 1549). Metropolitan Museum of Art. CC0.
Nakasentro sa ugnayan ng ating mga salita at gawa sa paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Diyos ang taimtim na pagninilay ng Simbahan para sa araw na ito. Ang ating pasiyang handugan ang Diyos ng taos-pusong pagdakila ay dapat lagi nating isalamin sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa araw-araw. Hindi nadadaanan o nasusukat sa mga salita lamang ang paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Diyos. Ito ang nais ipaalala ng Simbahan sa atin sa araw na ito.
Mayroong isang mahalagang paalala si Apostol San Pablo sa Unang Pagbasa. Wala tayong maililihim mula sa Diyos. Batid Niya kung ano ang laman ng ating mga puso at isipan. Gaano man tayo kagaling maglihim sa tao, walang sinuman sa atin ang may kapangyarihang maglihim sa Diyos. Ang pagiging tapat at taos-puso ng mang-aawit sa Salmong Tugunan ay nababatid Niya. Pati ang laman ng puso ng mga apostol at iba pang mga tagasunod ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay Kaniyang nababatid, gaya ng buong linaw Niyang isinalungguhit sa Ebanghelyo.
Kahit na nalalaman ng Panginoong Diyos kung ano ang nilalaman ng ating mga puso at isipan, nais pa rin Niya makita mula sa bawat isa sa atin ang mga puso at isipang puspos ng taos-pusong pagdakila sa Kaniya. Lubos Siyang masisiyahan kapag ito ang nakita Niya mula sa bawat isa sa atin dahil ipinapahayag nating binubuksan natin ang mga puso at sarili natin sa Kaniya at sa Kaniyang kalooban sa pamamagitan nito.
.jpg)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento