Martes, Abril 30, 2019

GAMITIN ANG KAMAY

1 Mayo 2019 
Paggunita kay San Jose, manggagawa 
Genesis 1, 26-2, 3 (o kaya: Colosas 3, 14-15. 17. 23-24)/Salmo 89/Mateo 13, 54-58 


Tulad ng ibang mga bahagi ng katawan, ang mga kamay ay ginagamit para sa iba't ibang tungkulin. Ginagamit ang mga kamay sa pagkuha at pagbuhat ng iba't ibang bagay, lalo na ang mga mabibigat. Ginagamit rin ang mga kamay sa pagluluto, paglilinis, at paglalaba. Sino ba naman ang sumubok na maglinis o magluto gamit ang paa? Ang mga kamay ay may sariling tungkulin, katulad ng ibang bahagi ng katawan. May mga bagay na kung saan mas ginagamit ang kamay kaysa sa ibang mga bahagi ng katawan. Kung tutuusin, sa karamihan ng mga bagay o tungkuling ginagawa natin, mas ginagamit natin ang ating mga kamay.

Ginugunita sa araw na ito si San Jose bilang isang manggagawa. Inaaalala sa araw na ito kung paanong ginamit ni San Jose ang kanyang mga kamay para sa kanyang pamilya. Si San Jose ay nagtrabaho nang buong kasipagan bilang isang karpintero upang gumanda at guminhawa ang buhay ng kanyang pamilya. Naghanap-buhay siya para sa Mahal na Birheng Maria at sa Panginoong Hesukristo. Iyan ang isa sa mga bagay na itinanong ng mga nasa sinagoga sa Nazaret sa Ebanghelyo. Si Hesus ay kilala nila bilang anak ng isang simpleng karpinterong si San Jose at ng Mahal na Birheng Maria. Hindi sila makapaniwalang puno ng karunungan ang anak ng isang simpleng karpintero. Labis silang nagulat nang marinig nila ang Panginoong Hesus na nagtuturo sa sinagoga sa kanilang bayan ng Nazaret. 

May hindi napagtanto ang mga kababayan ni Kristo tungkol sa Kanya. Hindi nila alam na si Kristo ang lumikha sa sanlibutan. Hindi nila alam na si Kristo ay Diyos buhat pa noong una. Bago pa man magsimula ang panahon, si Kristo ay naroon na kasama ang Ama at ang Espiritu Santo. Siya ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. Naroon na Siya noong nilikha ang tao, tulad ng pinagtuunan ng pansin sa Unang Pagbasa. Si Kristo ay hindi lamang isang payak na taong namuhay sa bayan ng Nazaret; Siya rin ang Diyos. Siya ang Diyos na bumaba mula sa langit at naging tao katulad natin, maliban sa kasalanan, upang tayo'y iligtas sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Ang pagligtas ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus ang pinakadakila Niyang gawa. Tunay ngang kahanga-hanga ang pagtubos sa atin ng Diyos. 

Habang naghahanap-buhay bilang isang anluwage, laging inaaalala ni San Jose ang lahat ng mga gawa ng Diyos. Hindi niya nakalimutan kahit kailan ang lahat ng mga kahanga-hangang bagay na ginawa ng Diyos. Hindi rin niya inalis mula sa kanyang puso't isipan na ang Diyos ang pinakadakila sa lahat ng mga manggagawa. Bagkus, lagi niyang ipinapaalala ang kanyang sarili na hinding-hindi niya mapapantayan o mahihigitan ang mga gawa ng Diyos. Buong kasipagan siyang maghahanap-buhay bilang isang karpintero para kina Maria at Hesus, subalit hindi siya makikipag-kompetensya laban sa Diyos. Bagkus, laging niyang pupurihin ang Panginoong Diyos at susundin ang anumang loobin Niya. 

Katulad ni San Jose Manggagawa, maghanap-buhay tayo nang buong kasipagan. Gamitin natin ang ating mga kamay upang gumawa ng mabuti para sa kapwa at para sa ating pamilya. Subalit, tulad rin ni San Jose Manggagawa, huwag nating iisiping mahihigitan o mapapantayan ng ating mga gawa ang mga gawa ng Diyos. Lagi nating tandaan na ang mga gawa ng Diyos ay higit na dakila kaysa sa anumang gawin natin. Hinding-hindi mapapantayan o mahihigitan ang Kanyang mga gawa. Huwag tayong mag-ambisyong makipag-kompetensya sa Diyos. Bagkus, ibigay ang nararapat sa Diyos. Purihin, sambahin, at ibigin natin Siya nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong isipan. 

Gamitin natin ang ating mga kamay sa paggawa ng mabuti para sa kapwa, pamilya, at sarili, tulad ni San Jose. Gamitin rin natin ang ating mga kamay sa pagbibigay ng papuri, pagsamba, at pasasalamat sa Diyos, tulad ni San Jose. 

Biyernes, Abril 26, 2019

MGA SUGAT NG PANGINOONG HESUS NA MULING NABUHAY: PAALALA NG KANYANG MABATHALANG AWA

28 Abril 2019 
Ikalawang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (K)
Linggo ng Banal na Awa 
Mga Gawa 5, 12-16/Salmo 117/Pahayag 1, 9-11a. 12-13. 17-19/Juan 20, 19-31 


Ang mga sugat ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay ang sentro ng atensyon sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo. Sa Kanyang unang pagpapakita sa mga alagad, ipinakita ni Hesus ang mga bahagi ng Kanyang Katawan na nasugatan noong Siya'y mamatay. Si Hesus ay nagtamo ng mga sugat sa Kanyang mga kamay at paa dahil sa mga pako samantalang ang sugat sa Kanyang tagiliran ay galing sa sibat ng isang kawal. Siya'y inulos ng nasabing kawal sa Kanyang tagiliran upang tiyaking Siya'y patay na sa mga sandaling iyon. At nang magpakita sa mga apostol matapos Siyang mabuhay na mag-uli, ipinakita ni Hesus ang mga sugat sa bahaging iyon. Ginawa uli ito ni Hesus para kay Apostol Santo Tomas sa ikalawang bahagi ng Ebanghelyo. Sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga sugat na ito, pinatunayan ni Hesus na tunay nga Siyang nabuhay na mag-uli. 

Kaya naman sinabi ni Apostol Santo Tomas na hindi siya maniniwala sa balitang nabuhay na mag-uli ang Panginoong Hesukristo hangga't nakita niya ang mga sugat sa Kanyang tagiliran at sa Kanyang mga kamay at paa. Ang mga sugat lamang ang tanging makakapagpatunay na si Kristo mismo ang kanilang nakita. Iyan ang patunay na Siya'y tunay ngang nabuhay na mag-uli. Iyan ang patunay na hindi multo ang kanilang nakita kundi ang Panginoong Hesukristo na umibig at bumuo sa kanila. Ang mga sugat ang magpapatunay na ang mga balita tungkol sa Muling Pagkabuhay ng Panginoon ay tunay at hindi kathang-isip lamang. At natupad ang hiling ni Apostol Santo Tomas noong magpakita muli si Kristo. Muling nagpakita si Kristo sa mga apostol para kay Apostol Santo Tomas. 

Hindi lamang sa mga pagkakataong iyon pinatunayan ni Kristo na Siya'y muling nabuhay. Patuloy Niya itong pinapatunayan, kahit Siya'y nasa langit. Halimbawa na lamang ang pinagtuunan ng pansin sa Unang Pagbasa. Patuloy na kumilos si Hesus sa pamamagitan ng mga apostol. Sa pamamagitan ng Kanyang mga instrumento, ang mga apostol, si Hesus ay gumawa ng maraming mga kahanga-hangang bagay. Gumaling ang maraming maysakit na lumapit sa mga alagad sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Panginoong Hesukristong Muling Nabuhay. 

Sa Ikalawang Pagbasa, inihayag ni Hesus sa pangitain ni Apostol San Juan na nasa bayan ng Patmos na Siya'y namatay ngunit muling nabuhay at mananatiling buhay magpakailanman (1, 18). Tunay ngang nabuhay na mag-uli ang Panginoon. Hindi ito pekeng balita, hindi ito kasinungalingan. Iyan ang totoo, iyan ay tunay na balita. At iyan ang Magandang Balita na ating sinasampalatayanan bilang mga Kristiyano. Patuloy na ipinapangaral at ipinapalaganap ng Simbahan ang Mabuting Balitang ito hanggang sa kasalukuyang panahon upang ang lahat ay manalig at sumampalataya kay Kristong Muling Nabuhay. 

Iyan ang nais iparating ng mga Pagbasa, lalung-lalo na ng Ebanghelyo. Muling nabuhay ang Panginoong Hesukristo. Ang Panginoong Hesus na puspos ng awa at pag-ibig ay tunay ngang nabuhay na mag-uli at patuloy na nabubuhay. Ang mga sugat na Kanyang tinamo sa Kanyang pagpapakasakit ang katibayan na tunay ang Kanyang Muling Pagkabuhay. Ang nakita ng mga apostoles sa silid ay hindi isang multo kundi ang Panginoong Muling Nabuhay na Siyang bukal ng awa at pag-ibig. At ang Kanyang awa at pag-ibig ay tunay na dakila at walang kapantay. 

Nagpakita rin ang Panginoong Hesukristo kay Santa Maria Faustina Kowalska, ang apostol ng Banal na Awa, upang ihayag sa kanya ang misteryo ng Kanyang awa. Ang lahat ng mga sinabi ni Hesus tungkol sa Kanyang Banal na Awa ay isinulat ni Santa Faustina sa kanyang talaarawan upang sumampalataya ang lahat ng makakabasa nito sa Banal na Awa. Ang Panginoong Hesus na Muling Nabuhay ay nagpakita kay Santa Faustina, tulad ng Kanyang pagpapakita sa mga apostol matapos mabuhay na mag-uli, upang ang lahat ay manalig at sumampalataya sa Kanyang Mabathalang Awa. Ang Mabathalang Awa ay ipinamalas ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. 

Tumingin tayo sa mga sugat ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay. Ang mga sugat na nagpapaalala sa atin ng Kanyang Mabathalang Awa. Dahil sa Kanyang Banal na Awa, nakamit Niya ang kaligtasan para sa ating lahat sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. 


KAYA MO BANG MAGING TAPAT SA KANYA?

27 Abril 2019 
Sabado sa Walong Araw na Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 4, 13-21/Salmo 117/Marcos 16, 9-15 


Sabi nina Apostol San Pedro at San Juan sa Sanedrin sa dulo ng Unang Pagbasa na hindi sila maaaring manatiling tahimik tungkol sa mga bagay na kanilang nakita't narinig (4, 20). Inihayag ng dalawang apostol na ito na hindi sila natatakot sa anumang banta laban sa kanila. Walang sinuman sa lupa ang makakapagpatahimik sa kanila. Hindi sila tatahimik dahil sa utos o banta ng mga autoridad. Bagkus, ang misyong ibinigay sa kanila ay patuloy nilang tutuparin. Kahit anumang mangyari sa kanila, ipagpapatuloy nila ang pagsaksi sa Panginoong Hesus na Muling Nabuhay. Patuloy silang mangangaral at magpapatotoo tungkol sa Panginoong Hesus, ang nagbigay sa kanila ng misyong iyon. 

Ang misyon nina Apostol San Pedro at San Juan sa Unang Pagbasa ay inilarawan sa dulo ng Ebanghelyo. Isinugo ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay ang mga apostol sa iba't ibang panig ng daigdig upang ipangaral at ipalaganap ang Mabuting Balita. Iyon ang ipinakita ng mga apostol tulad nina Apostol San Pedro at San Juan sa Unang Pagbasa. Ipinakita nilang handa silang ibuwis ang kanilang buhay alang-alang sa Mabuting Balita. Hindi sila magpapasindak sa anumang banta laban sa kanilang buhay. Sa kabila ng lahat ng mga tiisin sa buhay, tutuparin nila ang misyong ibinigay sa kanila ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay, kahit buhay pa nila ang magiging kapalit. 

Tayong lahat ay nananalig at sumasampalataya sa Panginoong Hesus na Muling Nabuhay dahil sa katapatan at kagitingan ng mga apostol. Tiyak na marami silang hinarap na pagsubok sa bawat sandali ng kanilang misyon bilang mga saksi ni Kristo. Subalit, sa kabila ng mga pagsubok sa buhay, ipinasiya nilang manatiling tapat sa misyong ibinigay sa kanila ng Panginoong Hesukristo. Nagpapatuloy pa rin hanggang sa kasalukuyang panahon ang misyon ng mga apostol. Ang Simbahan ang nagpapatuloy sa misyon ng mga apostol. 

Iyan ang tanong sa bawat isa sa atin. Kung ang mga apostol ay nanatiling tapat sa misyong ibinigay sa kanila ng Panginoong Hesukristong Muling Nabuhay, kaya ba nating manatiling tapat sa Kanya? Mananatili ba tayong tapat sa Panginoong Hesukristong Muling Nabuhay hanggang kamatayan? 

Huwebes, Abril 25, 2019

SIYA LAMANG ANG MAKAKAGAWA

26 Abril 2019 
Biyernes sa Walong Araw na Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 4, 1-12/Salmo 117/Juan 21, 1-14 


Sa Ebanghelyo, isinalaysay kung paanong nagpakita ang Panginoong Hesus sa mga apostol sa Lawa ng Tiberias matapos Siyang mabuhay na mag-uli. Ang Panginoong Hesus na Muling Nabuhay ay hindi nakilala agad ng mga apostol noong umagang iyon. Siya'y nakilala na lamang nila matapos makahuli ng napakaraming isda. Ang utos ni Kristong Muling Nabuhay na nakatayo sa pampang ay kanilang sinunod. Nang ihulog ang kanilang mga lambat sa dakong itinuro ng Panginoong Hesus, doon lamang napuno ang kanilang mga lambat ng mga isda. Si Apostol San Juan, ang minamahal na alagad, ang una sa mga apostol na nakakilala sa Panginoon. Bumalik sa kanyang isipan ang alaala kung paano sila nakahuli ng maraming isda sa tulong ni Kristo. At matapos mabuhay na mag-uli ang Panginoon, naulit muli ang himalang iyon. Kaya, nasabi ni Apostol San Juan, "Ang Panginoon iyon!" (21, 7). Walang ibang tumulong sa kanila kundi ang Panginoong Muling Nabuhay. Siya lamang ang tumutulong sa mga apostol. 

Isinalaysay sa ikalimang kabanata ng Ebanghelyo ni San Lucas kung paanong nakahuli ng maraming isda ang mga unang apostol sa tulong ni Hesus. Subalit, ang kaibahan lamang nito sa salaysay sa Ebanghelyo ni San Juan, naganap iyon bago sila tawagin ni Hesus. Sa salaysay naman ni San Juan na itinampok sa Ebanghelyo, ganap na silang mga alagad ng Panginoong Hesukristo. At ang pangyayaring ito ay naganap matapos mabuhay na mag-uli ang Panginoon. Ano ang kahalagahan nito? Muling pinatunayan ni Hesus sa pangyayaring ito na muli Siyang nabuhay. Kaya, inulit Niya ang Kanyang ginawa para sa mga una Niyang apostol bago pumasok sa Herusalem. Matapos mabuhay na mag-uli, inulit ni Hesus ang Kanyang ginawa para sa mga apostol upang sila'y maniwala. 

Kaya naman, buong katatagan at paniniwalang nagsalita si Apostol San Pedro sa mga eskriba, mga matatanda ng bayan, at mga punong saserdote ukol kay Hesus sa Unang Pagbasa. Kahit alam niyang maaaring malagay sa panganib ang kanyang buhay, nagsalita pa rin si Apostol San Pedro tungkol sa Panginoong Hesukristo. At ang Muling Pagkabuhay ni Hesus ay buong katatagan niyang pinatotohanan sa mga eskriba, mga matatanda ng bayan, at mga Pariseo. Siya at iba pang mga alagad ay pinalad na makita ang Panginoong Muling Nabuhay. Kaya sila'y nagpatotoo tungkol sa pinakadakilang himalang ito na tanging si Kristo lamang ang nakagagawa nang buong pagtitiwala at kagitingan. At pinatotohanan nilang tunay ngang nabuhay na mag-uli si Kristo dahil Siya mismo ang nagpalakad sa lalaking ipinanganak na lumpo. Ang mga apostol ay mga instrumento lamang ni Kristo. 

Tunay ngang nabuhay na mag-uli ang Panginoon. Patuloy Siyang nabubuhay sa piling natin, kahit hindi nakikita ng ating mga mata. Nagpapatuloy Siya sa paggawa ng mga kahanga-hangang bagay na nagpapamalas ng Kanyang kadakilaan. 

TANGING SIYA LAMANG

25 Abril 2019 
Huwebes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 3, 11-26/Salmo 8/Lucas 24, 35-48 


Sa Unang Pagbasa, inihayag ni Apostol San Pedro sa mga tao na ang lalaking isinilang na lumpo, ang pulubing nanghihingi ng limos malapit sa tinatawag na Pintuang Maganda, ay nakakalakad dahil sa kapangyarihan ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay. Ipinaliwanag nila na hindi silang dalawa ni Apostol San Juan ang dahilan kung bakit nakakalakad ang pulubing isinilang na lumpo. Inamin ng dalawang apostol na ito na hindi nila taglay ang kapangyarihang makakapaglakad sa mga lumpong tulad ng lalaking iyon. Bagkus, sila'y ginamit lamang bilang mga instrumento ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay. Si Hesus na ipinapatay ng mga autoridad ay muling nabuhay at patuloy na nabubuhay at gumagawa ng mga kahanga-hangang bagay sa pamamagitan ng mga apostol na Kanyang ginagamit bilang Kanyang mga instrumento. 

Isinalaysay sa Ebanghelyo ang pagpapakita ng Panginoong Hesukristo sa Kanyang mga alagad matapos Siyang mabuhay na mag-uli. Ipinakita ni Hesus sa mga alagad ang Kanyang mga kamay at paa bilang patunay na Siya nga ang kanilang nakikita sa kanilang harapan. Hindi isang multo ang kanilang nakikita o nakakausap sa silid na iyon. Bagkus, ang kanilang kaharap ay si Kristo. At matapos patunayan ni Kristo na Siya nga ang nasa piling ng Kanyang mga apostol, ipinaliwanag Niya sa kanila kung bakit nangyari sa Kanya ang lahat ng iyon. Ang lahat ng iyon ay katuparan ng lahat ng mga nasasaad sa Banal na Kasulatan. Ang Panginoong Muling Nabuhay ang tumupad sa lahat ng mga propesiya tungkol sa Mesiyas. At ngayon, taglay Niya ang buo Niyang kaluwalhatian sa Kanyang Muling Pagkabuhay. 

Ang mga Pagbasa ay nagsisilbing patunay na kahanga-hanga ang lahat ng mga gawa ng Panginoong Muling Nabuhay. Walang makakapantay o makakahihigit sa Kanya. Ang lahat ng Kanyang mga ginawa ay nagpapatunay na tunay nga Siyang dakila at kahanga-hanga. Mas lalong naging malinaw ang katotohanang ito sa Muling Pagkabuhay ng Panginoon. 

Hindi mapapantayan o mahihigatan ang Panginoon. Ang lahat ng Kanyang mga gawa ay kahanga-hanga. Tanging Siya lamang ang nakakagawa ng mga ito. 

Martes, Abril 23, 2019

MAPAGBIGAY ANG PANGINOON

24 Abril 2019 
Miyerkules sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 3, 1-10/Salmo 104/Lucas 24, 13-35 


Ang mga Pagbasa ay tungkol sa mga bigay ng Panginoon. Marami Siyang ibinibigay sa bawat isa. Marami Siyang ipinagkakaloob na pagpapala. Ang Panginoon ay mapagbigay. Hindi Siya naging madamot kailanman. At ang lahat ng Kanyang mga ibinibigay Niya sa ating lahat ay para sa kabutihan natin. Ang Panginoon ay hindi nagbibigay ng anumang makakasama sa atin kailanman. Siya'y nagbibigay ng mga bagay na para sa ating ikabubuti. 

Sa Unang Pagbasa, isang lalaking pulubi na ipinanganak na lumpo ay binigyan ng kakayahang makalakad. Siya'y nakakalakad dahil sa kapangyarihan ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay. Ang kapangyarihan ng Panginoong Muling Nabuhay ang nagpalakad sa lalaking ipinanganak na lumpo na nagmamalimos sa labas ng templo. Si Apostol San Pedro ang nagbahagi ng kapangyarihan ni Kristong Muling Nabuhay. Ginamit siya ng Panginoong Hesukristo bilang Kanyang instrumento. At bilang instrumento ng Panginoon, ibinahagi ni Apostol San Pedro sa pulubing ipinanganak na lumpo ang Kanyang kapangyarihan. Hindi si Apostol San Pedro ang pinagmulan ng kapangyarihang ito kundi ang Panginoon; si Apostol San Pedro ay ginamit lamang ng Panginoon bilang Kanyang instrumento. Sa pamamagitan ng Kanyang instrumentong si Apostol San Pedro, ipinagkaloob ng Panginoong Hesus sa lalaking ipinanganak na lumpo ang biyayang makatayo at makalakad. 

Isinalaysay sa Ebanghelyo kung paanong ang Panginoong Muling Nabuhay ay nagbigay ng galak sa dalawa sa Kanyang mga alagad. Hindi Siya nakilala agad ng dalawang alagad na ito nang Siya'y nagpakita at nakisabay sa kanilang paglalakbay patungong Emaus. Nakilala na lamang ng dalawang alagad na ito na ang kanilang nakasama ay ang Panginoong Hesus na Muling Nabuhay nang paghati-hatiin Niya ang tinapay. At nang makilala ng dalawang alagad na ito ang Panginoong Hesus na Muling Nabuhay, silang lahat ay napuspos ng galak. Iyan ang ibinigay sa kanila ng Panginoon. Siya'y nagbigay ng galak sa dalawang alagad na ito na punung-puno ng hapis at ligalig dahil sa mga naganap sa mga lumipas na araw. At ang kagalakang ito ay kanilang tinaglay at ibinahagi sa kanilang mga kasama sa Herusalem. 

Maraming ibinigay ang Panginoon sa bawat isa. Hindi lamang mga materyal na bagay ang ibinibigay sa atin. Nagbibigay Siya ng kagalakan, kapayapaan, at pag-asa. Hindi ito kayang ibigay ng daigdig. Higit pa sa mga kayang ipagkaloob sa atin ng daigdig ang Kanyang mga ipinagkakaloob. At ang lahat ng Kanyang mga kaloob sa atin ay para sa ating kapakinabangan at ikabubuti. Iyan ang ating Panginoon. Kaya, tayong lahat ay tunay na mapalad dahil mayroon tayong Panginoong mapagbigay. Walang sandaling naging madamot ang Panginoon. At ang mga kaloob sa atin ng Panginoon ay higit pa kaysa sa mga kaloob ng daigdig. 

ATING PANGINOON

23 Abril 2019 
Martes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 2, 36-41/Salmo 32/Juan 20, 11-18 


Sabi ni Apostol San Pedro sa pasimula ng Unang Pagbasa na si Hesus na ipinako sa krus ay ibinigay ng Diyos bilang Panginoon at Kristo (2, 36). Siya'y ipinagkaloob ng Diyos upang sa pamamagitan Niya'y maligtas ang sangkatauhan. Iniligtas ni Hesus ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Ang pagliligtas ng Diyos ay dumating sa daigdig sa pammaagitan ni Kristo Hesus, ang Bugtong na Anak ng Ama at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. 

Ang Panginoong Hesus na Muling Nabuhay ay ang pinakadakilang pagpapala mula sa Diyos. Sa pamamagitan Niya, nahayag ang habag at pag-ibig ng Diyos. Ang pag-ibig at habag na nagdudulot ng kaligtasan. Ang Diyos ay dumating sa daigdig upang tubusin ang sangkatauhan sa pamamagitan Niya. Wala Siyang ipinagdamot sa bawat isa sa atin. Kahit ang Kanyang Bugtong na Anak ay Kanyang ibinigay upang maging ating Tagapagligtas dahil tayong lahat ay tunay Niyang mahal. Wala Siyang ipinagdamot sa atin kailanman. `

Tampok sa Ebanghelyo ang salaysay ng pagpapakita ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay kay Santa Maria Magdalena. Si Santa Maria Magdalena ay umiiyak dahil inakala niyang ninakaw ang bangkay ng Panginoon. Inakala niyang hindi na iginalang ang Panginoong Hesukristo kahit patay na Siya. Dahil diyan, siya'y hindi nakapagpigil sa pag-iyak. At nang makatagpo na niya si Hesus, dalawa ang kanyang itinawag sa Panginoon. Ang unang tawag niya sa Panginoon ay "Ginoo" sapagkat inakala niyang hardinero ang kanyang kausap. At ang kanyang pangalawang tawag kay Kristo ay "Guro" nang siya'y Kanyang tawagin sa pangalan niya. Nang tawagin ni Kristo ang kanyang pangalan, doon lamang niya nakilala si Kristo, ang kanyang Panginoon at Gurong Muling Nabuhay. 

Si Hesus ang Panginoong Muling Nabuhay. Siya'y ipinagkaloob ng Diyos sa atin upang maging ating Panginoon at Tagapagligtas. Siya ang tumubos sa ating lahat sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Siya ang pumapawi sa mga luhang pumapatak mula sa ating mga mata. Siya rin ang tumatawag sa bawat isa sa atin sa pamamagitan ng ating mga pangalan, tulad ng Kanyang ginawa noong Siya'y nagpakita kay Santa Maria Magdalena matapos Siyang mabuhay na mag-uli. At hindi Siya magsasawa o titigil sa pagmamahal sa atin. Patuloy Niya tayong iibigin magpakailanman. Walang hanggan ang Kanyang pag-ibig para sa atin. 

Muling nabuhay ang Panginoong Hesus. Patuloy Siyang nabubuhay hanggang sa kasalukuyan. Tayong lahat ay Kanyang sinasamahan hanggang sa katapusan. At patuloy Niya iibigin magpakailanman. Tulad ng mga apostol at ng mga Hudyo sa Unang Pagbasa at ni Maria Magdalena sa Mabuting Balita, tanggapin natin nang buong puso't sarili si Kristong Muling Nabuhay bilang ating Panginoon. Siya ang Diyos na Tagapagligtas. Siya ang ating Panginoon. 

Lunes, Abril 22, 2019

SIYA ANG DAHILAN

22 Abril 2019 
Lunes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 2, 14. 22-33/Salmo 15/Mateo 28, 8-15 




Dalawang bersyon ng isang balita ang itinatampok sa Ebanghelyo. Ang balita tungkol sa libingang walang laman. Ang bersyon ng isang panig, nabuhay na mag-uli ang Panginoong Hesukristo. Ang bersyon ng kabilang panig, ninakaw ng mga alagad ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang bangkay mula sa libingan upang palabasing Siya'y muling nabuhay. Ang panig na nagbalitang ang Panginoong Hesus ay nabuhay na mag-uli ay ang mga babaeng pumunta sa libingan upang lagyan ng pabango ang Kanyang bangkay. Dalawa ang bumubuo sa kabilang panig na nagsabing ninakaw ang bangkay ng Panginoong Hesus - ang mga matatanda ng bayan at ang mga kawal na nagbantay sa libingan. 

Subalit, iisa lamang sa dalawang bersyon na ito ay totoo. At iyon ay ang balita tungkol sa Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesus. Si Hesus mismo ang nagpatunay na tunay at totoo ang balita tungkol sa Kanyang Muling Pagkabuhay sa pamamagitan ng Kanyang mga pagpapakita. Sa Ebanghelyo, Siya'y nagpakita sa mga kababaihang pumunta sa libingan upang lagyan sana ng pabango ang Kanyang bangkay. At matapos magpakita sa mga kababaihan, si Hesus ay nagpakita rin sa mga alagad matapos Siyang mabuhay na mag-uli. Iyan ang pinatotohanan ni Apostol San Pedro sa kanyang pangangaral sa mga tao noong araw ng Pentekostes sa Unang Pagbasa mula sa ikalawang kabanata ng mga Gawa ng mga Apostol. 

Bilang mga Kristiyanong bumubuo sa Simbahan, patuloy nating pinanaligan at sinasampalatayanan ang balita ukol sa Muling Pagkabuhay ni Kristo. Katunayan, ang Misteryo Paskwal ni Kristo ang pinakaimportanteng bahagi ng ating pananampalataya. Sapagkat kung hindi dahil sa Muling Pagkabuhay ni Kristo, hindi mabubuo ang Simbahan. Wala ang Simbahan kung si Kristo ay hindi nabuhay na mag-uli. Kaya, tayong lahat ay laging natitipon bilang isang sambayanan dahil kay Kristong Muling Nabuhay. Tayong lahat ay laging itinitipon ng Panginoong Muling Nabuhay. Siya ang bumubuo at nagbibigay-buhay sa ating lahat. Siya ang tumubos sa ating lahat sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Dahil diyan, ang bawat isa sa atin ay nananalig at sumasampalataya sa Kanya. 

Ang Panginoong Hesus na Muling Nabuhay ang dahilan kung bakit tayo'y laging nagtitipon bilang isang sambayanan. Siya ang nagtitipon sa ating lahat na bumubuo sa Simbahang Kanyang itinatag upang magdiwang linggo-linggo. Ang bawat isa sa atin ay lagi Niyang tinitipon sa banal na piging ng Banal na Eukaristiya upang pagsaluhan ang pagkai't inuming Kanyang handog - ang Kanyang Kabanal-banalang Katawan at Dugo. Siya rin ang dahilan kung bakit nating ipinagdiriwang ang kapanahunang ito sa Kalendaryo ng Simbahan nang buong kagalakan. Tayong lahat ay iniligtas ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Iyan ang ating pinananaligan at sinasampalatayanan bilang isang sambayanang binuo at pinagkaisa ni Kristong Muling Nabuhay. 

Bakit mayroong Simbahan? Bakit tayo nananalig at sumasampalataya? Dahil sa Panginoong Hesus na Muling Nabuhay. Sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay, tayong lahat ay naligtas. Iyan ang ipinagdiriwang nang buong kagalakan sa panahong ito na napakespesyal para sa Simbahan.

Linggo, Abril 21, 2019

ANG PINAKAMAHALAGANG ARAW

21 Abril 2019 
Pasko ng Muling Pagkabuhay: Pagmimisa sa Araw 
Mga Gawa 10, 34a. 37-43/Salmo 117/Colosas 3, 1-4 (o kaya: 1 Corinto 5, 6b-8)/Juan 20, 1-9 


Ang Pasko ng Muling Pagkabuhay ay ang pinakamahalagang araw sa Kalendaryo ng Simbahan. Sa pangalan pa lamang, malalaman natin ang dahilan kung bakit. 'Di hamak na mas mataas ang ranggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay kaysa sa iba pang mga kapistahan sa Kalendaryo ng Simbahan. Katunayan, mas mataas pa ang ranggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay kaysa sa Pasko ng Pagsilang. Sa Pasko ng Muling Pagkabuhay, ang Simbahan ay buong kagalakang nagdiriwang dahil ginawa ng Panginoong Hesus sa unang Pasko ng Muling Pagkabuhay na naganap 2000 taon na ang nakakaraan ang pinakadakilang himala. Ang pinakadakilang himalang ginawa ng Panginoong Hesus ay ang Kanyang Muling Pagkabuhay. 

Subalit, ano nga bang mayroon sa Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesus? Bakit ito ang pinakadakilang himala? Totoo ngang maraming ginawa himala si Hesus sa kabuuan ng Kanyang ministeryo. Subalit, ang Kanyang Muling Pagkabuhay ay ang pinakadakilang himala na Kanyang ginawa dahil ito ang nagpapatunay na totoo ang lahat ng Kanyang mga sinabi ukol sa Kanyang sarili. Paulit-ulit na sinabi ni Hesus sa mga apostol bago pumasok sa lungsod ng Herusalem na Siya'y magpapakasakit, mamamatay at muling mabubuhay. At pinatunayan ni Hesus ang lahat ng iyon sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay. 

Ipinamalas ng Panginoong Hesus sa Kanyang Muling Pagkabuhay ang Kanyang pagka-Diyos. Si Hesus, na inilarawan ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa bilang Korderong Pampaskuwa, ang Diyos na nagdudulot ng kaligtasan. Siya ang Diyos na bumaba mula sa langit at naging tao katulad natin, maliban sa kasalanan, upang iligtas ang sangkatauhan. Siya ang Diyos na Mesiyas, ang Tagapagligtas at Tagapagpalaya. Tayong lahat ay Kanyang iniligtas sa pamamagitan ng Kanyang krus AT ng Kanyang Muling Pagkabuhay. 

Winika ni Apostol San Pablo sa kanyang unang sulat sa mga taga-Corinto na walang saysay ang ating pananampalataya kung si Kristo ay muling nabuhay (15, 17). Kaya nga, magkakaugnay ang krus at Muling Pagkabuhay ni Kristo. Kung walang krus, walang Muling Pagkabuhay na magaganap. At kung walang Muling Pagkabuhay, alipin pa rin tayo ng kasalanan at kamatayan hanggang ngayon. Kaya, hinarap at tinanggap ni Kristo ang Kanyang kamatayan sa krus. Matapos pagdaanan ang pagpapakasakit at pagkamatay sa krus, Siya'y bumangon at lumabas mula sa libingan. Sa pamamagitan nito, tayong lahat ay pinagkalooban Niya ng kaligtasan at kalayaan mula sa kasalanan at kamatayan. 

Ang Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo ang paksang pinagtuunan ng pansin sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo. Sa Unang Pagbasa, nangaral si Apostol San Pedro sa sambahayan ni Cornelio. Sa isang bahagi ng kanyang pangangaral, nagsalita si Apostol San Pedro tungkol sa pagpapakita ng Panginoong Hesukristo sa kanila matapos Siyang mabuhay na mag-uli. Kaya sila naniniwalang nabuhay na mag-uli si Hesus dahil Siya'y nagpakita sa kanila. Nagpakita si Hesus sa mga alagad upang silang lahat ay maniwala. Si San Juan ay nangaral ukol sa Pagkabuhay ni Hesus sa pamamagitan ng pagsasalaysay tungkol sa libingang walang laman, ang tampok na salaysay sa Ebanghelyo. Ang telang pambalot sa ulo ni Hesus ay nakatiklop at hiwalay sa mga kayong lino. 

Bakit ang araw na ito'y ipinagdiriwang ng Simbahan nang buong galak? Bakit ang mga apostol ay nagtiis ng maraming hirap hanggang kamatayan sa bawat oras ng kanilang misyon bilang mga saksi ni Kristo sa iba't ibang panig ng daigdig? Ito ay dahil sa Muling Pagkabuhay ni Kristo. Si Kristo ay muling nabuhay at patuloy na nabubuhay hanggang ngayon. Ito ang dahilan kung bakit ang bawat isa sa atin ay sumasampalataya. Ito ang dahilan kung bakit ito'y ipinangaral ng mga apostol at patuloy na ipinapangaral ng Simbahan hanggang sa kasalukuyang panahon. Ito rin ang dahilan kung bakit ang araw na ito'y napakahalaga. Ang Panginoon ay tunay ngang nabuhay na mag-uli at nananatiling buhay. 

Tunay ngang muling nabuhay ang Panginoong Hesus! Ipagdiwang natin ito nang buong galak. Ang Panginoong Hesus na patuloy na umiibig sa atin ay namatay ngunit muling nabuhay! Hatid Niya'y galak, kaligtasan, kalayaan, pag-asa, at pag-ibig sa ating lahat na bumubuo sa Kanyang sambayanan dito sa lupa. 


Martes, Abril 16, 2019

MAGALAK AT MAGDIWANG

20 Abril 2019 (Sabado de Gloria) 
Ang Magdamagang Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay (K) 
Genesis 1, 1-2, 2 (o kaya: 1, 1. 26-31a)/Salmo 104 (o kaya: Salmo 32)/Genesis 22, 1-18 (o kaya: 22, 1-2. 9a. 10-13. 15-18)/Salmo 15/Exodo 14, 15-15, 1/Exodo 15/Isaias 54, 5-14/Salmo 29/Isaias 55, 1-11/Isaias 12/Baruc 3, 9-15. 32-4, 4/Salmo 18/Ezekiel 36, 16-17a. 18-28/Salmo 41 (o kaya: Salmo 50)/Roma 6, 3-11/Salmo 117/Lucas 24, 1-12 


"Bakit ninyo hinahanap ang buhay sa gitna ng mga patay? Wala na Siya rito - Siya'y muling nabuhay!" (24, 5-6) Ang mga salitang ito'y sinabi sa mga babaeng pumunta sa libingan ng Panginoong Hesus. Dalawang lalaking nagsuot ng nakakasilaw na damit ang nagsabi nito sa kanila. Ibinalita ng dalawang lalaking ito sa mga babaeng pumunta sa libingan na ang Panginoong Hesukristo ay muling nabuhay. Kagalakan ang hatid ng balitang ito. Iyon ang pinakamagandang balita - si Hesus ay muling nabuhay tulad ng Kanyang sinabi bago pumasok sa Herusalem upang harapin at tuparin ang Kanyang misyon bilang Mesiyas at Manunubos. Natupad ang lahat ng mga sinabi ni Kristo tungkol sa Kanyang sarili. Matapos tiisin at pagdaanan ang lahat ng hirap at pagdurusa hanggang sa Siya'y mamatay sa krus, nabuhay na mag-uli ang Panginoong Hesukristo. 

Hindi nagtapos sa kamatayan at libingan ang lahat para kay Hesus. Matapos pagdaanan at tiisin ang lahat ng hirap at pagdurusang kalakip ng Kanyang misyon bilang Mesiyas at Tagapagligtas, si Hesus ay muling nabuhay. Siya'y namatay sa krus, ngunit hindi nanatiling patay. Matapos ihandog ang sarili sa krus, si Hesus ay muling nabuhay. Mula sa kadiliman ng libingan, si Kristo Hesus ay bumangon at lumabas nang matagumpay. Ang kasalanan, kadiliman, at kamatayan ay Kanyang tinalo. Ang kapangyarihan ng Panginoong Hesus ay higit na makapangyarihan at dakila kaysa sa kapangyarihan ng kasalanan, kadiliman, at kamatayan. Pinatunayan ito ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay. 

Ang balita tungkol sa Muling Pagkabuhay ni Hesus ang pinakamagandang balita sa lahat ng balita. Ang balitang ito ay naghahatid ng kagalakan sa lahat. Ang panahon para magluksa ay tapos na. Ang Panginoong Hesukristo ay nagtagumpay laban sa kapangyarihan ng kasalanan, kadiliman, at kamatayan. Hindi nanatiling patay sa loob ng libingan ang Panginoong Hesukristo tulad ng Kanyang ipinangako. Hindi Siya nagpatalo sa kapangyarihan ng kasalanan, kadiliman, at kamatayan. Bagkus, tinalo Niya ang kapangyarihan ng mga ito. At sa pamamagitan ng tagumpay na ito ni Hesus, napawi ang lumbay at luha. Ang hapis ay naging galak. 

Kaya, noong nabuhay na mag-uli ang Panginoong Hesus, Siya'y nagpakita sa Mahal na Inang si Maria. Dinalaw ng Panginoong Hesukristo ang Mahal na Birheng Maria upang pawiin ang mga luha sa kanyang mga mata. Noong siya'y dalawin ni Hesus, galak ang namayani sa kanyang puso. Ang hapis at lumbay ni Maria dahil sa mga pangyayari noong unang Biyernes Santo ay pinawi ng Muling Nabuhay na si Hesus. Inihatid ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay sa Mahal na Inang si Maria ang dulot Niyang kagalakan. Sa pamamagitan nito, pinawi ni Kristo nang tuluyan ang hapis at lumbay sa puso ni Maria. 

Sabi nga sa panalanging Regina Caeli ("Reyna ng Langit"), "Matuwa ka at magalak, O Birheng Maria. Aleluya! Sapagkat tunay na muling nabuhay ang Panginoon, Aleluya!" Ang Mahal na Inang si Maria ay kasama nating lahat na nagdiriwang nang buong kagalakan sa Muling Pagkabuhay ni Kristo. Si Kristo ay nabuhay na mag-uli taglay ang buo Niyang kaluwalhatian bilang Diyos. Sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay, ang panahon ng hapis at pagluluksa ay naging panahon ng pagdiriwang at kagalakan. Sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay, binigyan ni Kristo ng dahilan ang bawat isa upang magdiwang nang buong kagalakan. Si Kristo ay nagtagumpay sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Ang Kanyang tagumpay ay para sa ating lahat. 

Nananawagan ang Simbahan sa bawat isa sa atin na kabilang sa sambayanang Kristiyano na magalak at magdiwang. Panahon na upang magdiwang at magalak sapagkat ang Panginoong Hesukristo ay Muling Nabuhay. Kagalakan ang Kanyang hatid sa ating lahat sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay. Ang hapis na tinataglay natin sa ating mga puso ay Kanyang pinapawi at pinupuno ng kagalakang bigay Niya sa ating lahat. 

MALIGAYANG PASKO NG MULING PAGKABUHAY!


Lunes, Abril 15, 2019

HUWAG NATING BALEWALAIN ANG PAG-IBIG NI KRISTO

19 Abril 2019 
Biyernes Santo sa Pagpapakasakit ng Panginoon 
Isaias 52, 13-53, 12/Salmo 30/Hebreo 4, 14-16; 5, 7-9/Juan 18, 1-19, 42 


Hindi kaila sa atin ang ilan sa mga pahayag ng isang kilalang pulitikong inihalal sa pinakamataas na posisyon sa pamahalaan. Sa mga pahayag na ito, napakalinaw ang kanyang paglapastangan sa Diyos. Sa isa sa mga pahayag na ito, tinawag niyang "estupido" ang Diyos dahil nilikha Niya ang sangkatauhan kahit alam Niyang ilalabag nila ang Kanyang mga utos. Halimbawa na lamang ang ginawang pagsuway nina Adan at Eba sa utos ng Diyos na isinalaysay sa ikatlong kabanata ng aklat ng Genesis. At sa isang hiwalay na pahayag, sinabi niyang si Kristo'y "nakakawala ng bilib" dahil hinayaan na lamang Niya ang Kanyang sarili na maipako sa krus na walang kalaban-laban sa halip na gamitin ang Kanyang kapangyarihan bilang Diyos upang lipulin ang Kanyang mga kaaway at ang mga erehe. 

Bakit nga ba nilikha ng Diyos ang sangkatauhan, kahit batid Niyang paulit-ulit na lamang nilang susuwayin ang Kanyang mga utos? Bakit hindi ginamit ni Hesukristo ang Kanyang kapangyarihan bilang Diyos upang lipulin ang Kanyang mga kaaway na walang ibang hangad kundi patayin Siya? Bakit hinayaan na lamang ni Kristo na Siya'y ipako sa krus? Sa unang tingin, mukhang may punto ang pulitikong ito. Kung pamantayan ng tao ang magiging batayan, kahangalan ang ginawa ni Kristo Hesus. Walang sinuman ang papayag na sila'y apihin o pagsamantalahan na lamang ng kanyang mga kaaway. Lalabanan niya sila kahit papaano. Subalit, si Kristo ay hindi man lamang kumibo noong Siya'y pinagsasamantalahan ng Kanyang mga kaaway. 

"Estupido" ba talaga ang Panginoon? Nakakawala ba Siya ng bilib? 

Sabi sa isang bahagi ng Unang Pagbasa, "Dahil sa ating mga kasalanan kaya Siya nasugatan; Siya ay binugbog dahil sa ating kasamaan. Tayo ay gumaling dahil sa pahirap na tinamo Niya at sa mga hampas na Kanyang tinanggap." Ang larawang ito ay pinagtuunan ng pansin sa Ikalawang Pagbasa noong si Hesus ay ipinakilala bilang Dakilang Saserdote. At bilang Dakilang Saserdote, inihain ng Panginoong Hesus ang buo Niyang sarili para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Nang dakipin sa unang bahagi ng mahabang salaysay ng Kanyang Mahal na Pasyon sa Ebanghelyo, ang mga kawal ay pinagsabihan Niyang pakawalan mga apostol. Ibinigay Niya ang Kanyang sarili sa mga kawal. Hindi tinakasan ni Hesus ang mga kawal na pumunta sa lugar na kinaroroonan Niya upang Siya'y dakipin. Bagkus, hinarap ni Hesus ang mga kawal at ibinigay ang buo Niyang sarili sa kanila. 

Ipinahihiwatig ng mga Pagbasa para sa Liturhiya ng Biyernes Santo ang dahilan kung bakit nilikha ng Diyos ang sangkatauhan at kung bakit Niya iniligtas sila noong sila'y nalugmok sa kasalanan. Iisa lamang ang dahilan kung bakit nilikha ng Diyos ang sangkatauhan sa pasimula ng panahon at kung bakit Niya iniligtas ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Ang Kanyang dakilang pag-ibig ang dahilan kung bakit ginawa ng Diyos ang lahat ng iyon. Pag-ibig ang dahilan kung ipinasiya ng Diyos na tayo'y likhain, kahit alam Niyang susuwayin ng bawat isa sa atin ang Kanyang mga utos. Kahit batid ng Diyos na paulit-ulit tayong magkakasala laban sa Kanya at sa kapwa, tayong lahat ay binigyan Niya pa rin ng pagkakataong mabuhay dito sa lupa. Pag-ibig rin ang dahilan kung bakit ipinadala ng Diyos si Hesus sa lupa upang tayong lahat ay iligtas. Sa pamamagitan ng mga ito, inihayag ng Diyos ang Kanyang dakilang pag-ibig para sa ating lahat. 

Dakilang pag-ibig ang dahilan kung bakit ginawa ng Diyos ang lahat ng iyon para sa bawat isa sa atin. Kahit hindi naman kinailangang gawin ang lahat ng iyon para sa atin, ipinasiya pa rin Niyang gawin ang mga iyon. Nais ng Diyos na imulat ang ating mga mata't puso sa Kanyang dakilang pag-ibig. Nais Niyang maranasan ng bawat isa ang Kanyang dakilang pag-ibig.  

"Estupido" ba ang Panginoon dahil pinili Niya tayong ibigin? Nakakawala ng bilib ba ang Kanyang pasiyang mahalin tayo sa kabila ng ating mga kasalanan? Ano ang magiging pakiramdam natin kapag ang bawat isa sa atin ay tinawag na "estupido", sinabihang nakakawala ng bilib, dahil ipinasiya nating magmahal? Kung tayong lahat ay nasasaktan kapag tayo'y sinabihang nakakawala tayo ng bilib at may tumawag sa atin na "estupido" dahil ipinasiya nating magmahal, ano pa kaya ang Diyos? Hindi ba mas masasaktan ang Diyos? 

Tiniis ni Hesus ang lahat ng hirap at pagdurusa para sa ating lahat. Ibinigay Niya ang buo Niyang sarili bilang handog sa isang kahoy na krus sa Kalbaryo noong unang Biyernes Santo. Tapos sasabihin na lamang ng bawat isa sa atin na hindi Siya nakakabilib at "estupido"? Kung iyan ang paniniwalang paiiralin natin, bakit pa nga ba tayo makikiisa sa mga pagdiriwang sa Mahal na Araw? Ano pa ba ang silbi ng pamamanata, pagdedebosyon, pananalangin, at pagsimba kung ang dakilang pag-ibig ni Kristo ay balewala sa atin? Binabalewala lamang natin ang pag-ibig ni Kristo kapag pinairal natin ang paniniwalang hindi nakakabilib ang paghahain Niya ng sarili sa isang kahoy na krus sa Kalbaryo alang-alang sa atin. 

Huwag nating balewalain ang dakilang pag-ibig ni Kristo. Tayong lahat ay hindi binalewala ni Kristo. Dahil diyan, ibigay natin ang nararapat kay Kristo. Ibigay natin ang buo nating sarili sa Kanya. Pahalagahan natin ang Kanyang dakilang pag-ibig para sa atin. Pahalagahan natin ang Kanyang pag-aalay ng sarili sa Kalbaryo alang-alang sa ating lahat. Mahalin natin Siya sapagkat tayong lahat ay mahal na mahal Niya. Dahil sa pagmamahal Niya sa atin, inihain Niya ang buo Niyang sarili sa krus noong unang Biyernes Santo. 


IBINIGAY ANG BUONG SARILI DAHIL SA PAG-IBIG

18 Abril 2019 
Huwebes Santo sa Paghahapunan ng Panginoon 
Exodo 12, 1-8. 11-14/Salmo 115/1 Corinto 11, 23-26/Juan 13, 1-15 


Sabi sa pambungad ng salaysay sa Ebanghelyo, "Mahal [ni Hesus] ang Kanyang mga tagasunod na nasa sanlibutan, at ngayo'y ipakikita Niya kung hanggang saan ang Kanyang pag-ibig sa kanila" (13, 1). Ang mga salitang ito ay maituturing na isang napakaikling buod ng Misteryo Paskwal ng Panginoong Hesukristo. Inihain ni Hesus ang buo Niyang sarili alang-alang sa lahat ng Kanyang mga minamahal. Sa kabila ng mga pagkukulang at pagkakasala ng Kanyang mga alagad laban sa Kanya, lalung-lalo na sa mga huling sandali ng Kanyang buhay, silang lahat ay minahal pa rin ni Hesus. At masasabi rin natin iyan tungkol sa bawat isa sa atin. Kahit lahat tayo'y mga makasalanan, mahal tayo ni Hesus. Ito ay Kanyang ipinakita sa mga huling sandali ng Kanyang buhay, ang Kanyang Misteryo Paskwal. 

Ang Banal na Tatlong Araw na Pagdiriwang ng Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo ang pinakamahalagang panahon sa Kalendaryo ng Simbahan. Sa tatlong araw na ito, ginugunita ng Simbahan ang ginawang pagpapakita ng pag-ibig ni Kristo. Sa mga huling sandali ng Kanyang buhay, pinatunayan ni Kristo na ang bawat isa sa atin ay tunay Niyang mahal. Ang pag-ibig ni Kristo ay hindi hungkag. Ang pag-ibig ni Kristo ay hindi isang kathang-isip lamang. Bagkus, ang pag-ibig ni Kristo ay tunay at totoo. Tunay tayong iniibig ni Kristo sa kabila ng ating mga pagkukulang at kasalanan laban sa Kanya. Iyan ang dahilan kung bakit Niya hinarap at tinanggap ang kamatayan sa krus para sa ating lahat. Ganyan tayo kamahal ng Panginoon.

Tatlong araw ang inilalaan ng Simbahan upang gunitain ang pag-ibig ng Diyos para sa ating lahat na Kanyang inihayag sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ni Kristo Hesus. Sinisimulan ng Simbahan ang paggunita sa Misteryo Paskwal ng Panginoong Hesukristo sa dapit-hapon ng Huwebes Santo kung saan ginugunita ang Huling Hapunan. Ang Panginoong Hesus ay nakipagsalu-salo sa mga apostol sa huling pagkakataon bago Siya mamatay sa krus. Sa Huling Hapunan, dalawang bagay ang ginawa ni Hesus upang ipakita sa kanila ang Kanyang pag-ibig.

Una, hinugasan ni Hesus ang paa ng mga apostol. Ito ang tampok na eksena sa salaysay ng Ebanghelyo para sa Misa sa Takipsilim ng Huwebes Santo. Hinugasan ni Hesus ang paa ng mga apostol upang ipakita sa kanila ang Kanyang pag-ibig. Sa paghugas sa paa ng mga apostol, nagpakita ng kababaang-loob si Hesus. Si Hesus ay nagpakababa dahil sa Kanyang pag-ibig. Buong kababaang-loob na ipinasiya ni Hesus na iwanan ang Kanyang maluwalhating kaharian sa langit at maging tao tulad nating lahat, maliban sa kasalanan, dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig. Ang dakilang pag-ibig ni Hesus ay hindi lamang para sa mga apostol na itinuring Niyang mga kaibigan kundi pati na rin para sa lahat ng mga kabilang sa Kanyang kawan.

Pangalawa, itinatag ni Hesus ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya. Ang eksenang ito sa Huling Hapunan ay pinagtuunan ng pansin ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Sa Sakramento ng Banal na Eukaristiya, na itinatag sa Huling Hapunan, ibinibigay ni Hesus ang Kanyang Katawan at Dugo bilang pagkain at inumin. Sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Misa, patuloy na dumarating si Hesus sa anyo ng tinapay at alak upang ipaalala sa atin ang Kanyang ginawa sa Kalbaryo. Sa Kalbaryo, inihain ni Hesus ang buo Niyang sarili para sa ating kaligtasan. Si Hesus ay patuloy na dumarating sa piling natin sa anyo ng tinapay at alak sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Eukaristiya upang patuloy na ipaaalala sa atin ang Kanyang ginawang paghahain ng sarili sa Kalbaryo. Tulad ng Kanyang pagbibigay ng buong sarili bilang hain sa Kalbaryo, ibinibigay ni Hesus ang buo Niyang sarili bilang pagkain at inumin sa pagdiriwang ng Banal na Misa upang ating mapakinabangan. Sa tuwing tayo'y nakikinabang sa Katawan at Dugo ni Hesus sa Banal na Misa, lagi nating inaaalala ang Kanyang ginawa sa Kalbaryo. 

Isinalaysay sa Unang Pagbasa ang pagtubos ng Panginoong Diyos sa mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Nilampasan ng Diyos ang mga bahay na may pahid ng dugo ng kordero, ang tanda na Israelita ang nakatira sa mga bahay na iyon, sa gabing nilipol Niya ang lahat ng panganay na lalaki sa Ehipto, tao man o hayop. Kung paanong ipinakita ng Diyos ang Kanyang pag-ibig para sa mga Israelita sa pamamagitan ng pagtubos sa kanila mula sa pagkaalipin sa Ehipto, ipinakita Niya ang Kanyang pag-ibig para sa lahat sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Si Kristo Hesus ay ibinigay sa atin ng Diyos para sa ating kaligtasan. Buong kababaang-loob na inihandog ni Kristo ang buo Niyang sarili, ibinubo ang Kanyang Dugo, upang tayong lahat ay Kanyang mailigtas.

Habang ang mga huling sandali ng Panginoong Hesukristo ay ating pinagninilayan at ginugunita sa Banal na Tatlong Araw, ang tatlong pinakaimportanteng araw sa Kalendaryo ng Simbahan, tandaan natin kung paano Niya ipinakita ang Kanyang dakilang pag-ibig. Ipinakita ng Panginoong Hesus ang Kanyang dakilang pag-ibig sa pamamagitan ng pagbibigay ng buo Niyang sarili para sa ating kaligtasan. Ang lahat ng hirap, sakit, at pagdurusa ay Kanyang hinarap, tiniis, at pinagdaanan nang buong kababaang-loob. Ibinigay Niya ang buo Niyang sarili bilang hain alang-alang sa ating lahat. Sa pamamagitan ng Kanyang paghahandog ng sarili, inihayag ni Hesus ang Kanyang dakilang pag-ibig para sa ating lahat. 


Biyernes, Abril 12, 2019

TIWALA SA DIYOS

17 Abril 2019 
Miyerkules Santo 
Isaias 50, 4-9a/Salmo 68/Mateo 26, 14-25 


Sa Ebanghelyo, inihayag ni Hesus na Siya'y ipagkakanulo ni Hudas Iskariote. Alam ni Hesus na nakipagsabwatan si Hudas sa Kanyang mga kaaway. Alam ni Hesus kung ano ang pinagplanuhan ni Hudas at ng Sanedrin. Alam ni Hesus na si Hudas ay nakipagkasundo sa Kanyang mga kaaway na Siya'y ipagkakanulo niya kapalit ng tatlumpung piraso ng pilak. Kahit mag-isa lamang si Hudas Iskariote noong siya'y nakipagpulong sa mga Pariseo, eskriba, at matatanda ng bayan, alam ni Hesus kung ano ang kanilang pinag-usapan at pinagkasunduan. 

Ang nakakapansin sa bahaging iyon ng salaysay sa Ebanghelyo, hindi pinigilan ng Panginoong Hesus si Hudas Iskariote. Kahit alam Niya kung ano ang balak gawin ni Hudas, hindi Niya ito pinigilan. Hindi sinabihan ng Panginoong Hesus ang iba pang mga alagad na gulpihin si Hudas. Bagkus, hinayaan na lang Niya si Hudas. Walang utos si Hesus sa mga alagad tungkol sa gagawin kay Hudas. 

Bakit walang ginawa si Kristo laban kay Hudas Iskariote? Alam naman Niya kung ano ang balak ni Hudas. Kapag ibang tao ang nasa posisyon ni Kristo, agad silang kikilos. Hindi sila magdadalawang-isip na maghiganti laban sa may balak traydorin sila. Katunayan, kapag nalaman nila ang plano ng traydor bago pa mangyari ang pagkakanulo, paniguradong mayroon na silang pinlano. Lalabanan nila ang traydor gamit ang dahas. Kahit umabot sa patayan, hindi sila aatras. 

May pagkakataon na nga si Hesus. Bakit wala Siyang ginawa? 

Nasasaad sa propesiya ni propeta Isaias na itinampok sa Unang Pagbasa na hindi tututulan ng Mesiyas ang pambubugbog at pang-iinsulto ng Kanyang mga kaaway. Bagkus, titiisin Niya ang lahat ng iyon. Gaano man ito kasakit sa Kanyang katawan at emosyon, titiisin Niya ang lahat ng iyon. Lahat ng pagpapahirap at paglilibak mula sa Kanyang mga kaaway ay Kanyang titiisin. Mananatili Siyang mahinahon sa harap ng Kanyang mga kaaway may masamang balak laban sa Kanya. Titiisin Niya ang lahat ng iyon dahil sa Kanyang tiwala sa Diyos. 

Kaya si Hesus ay hindi lumaban. Kaya hindi Niya tinutulan o pinigilan ang balak ni Hudas laban sa Kanya. Hindi pinigilan ni Hesus si Hudas dahil sa Kanyang tiwala sa Ama. Nanalig ang Panginoong Hesus na hindi Siya pababayaan ng Ama sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Ang Kanyang pasiyang hindi pigilan o tutulan ang plano ni Hudas at ng Kanyang mga kaaway ay nagpapahayag ng Kanyang tiwala sa Ama hanggang sa pinakahuling sandali ng Kanyang buhay. 

Itinuturo sa atin ng Panginoong Hesukristo na manalig sa kalooban ng Ama, kahit na may mga nagbabalak ng masama laban sa atin. Ang bawat isa sa atin ay hindi pababayaan ng Amang nasa langit. Lagi tayong sasamahan sa hirap at ginhawa. Hindi magmamaliw kailanman ang Kanyang katapatan sa atin.

Huwebes, Abril 11, 2019

KARANASAN NG KABIGUAN

16 Abril 2019 
Martes Santo 
Isaias 49, 1-6/Salmo 70/Juan 13, 21-33. 36-38 


Tampok sa Unang Pagbasa ang usapan ng Panginoong Diyos sa Kanyang bayan. Sa bahagi kung saan nagsalita ang Israel na lingkod ng Diyos, binigyang-diin ang kabiguan. Buong kababaang-loob na inamin ng Israel na siya'y nabigo bilang bayan ng Diyos. Sa kabila pagpili't paghirang ng Panginoong Diyos sa bayang Israel upang maging Kanyang bayan, nakaranas sila ng kabiguan bilang isang bayan. 

Itinuturo sa mga Pagbasa na kahit ang mga lingkod ng Diyos ay hindi ligtas mula sa kabiguan. Lahat ng mga taong tinawag at hinirang ng Diyos upang maging Kanyang mga lingkod ay nakaranas ng kabiguan. Hindi sila perpekto; sila'y mga tao lamang. Bilang tao, may mga pagkukulang din sila. Naranasan ng bawat lingkod ng Diyos ang madapa at magkulang dahil sa kanilang mga kahinaan. Hindi sila malakas sa lahat ng oras. May mga sandali sa kanilang buhay kung saan sila'y mahina. 

Sa Ebanghelyo, inihayag ni Hesus na Siya'y ipagkakanulo ni Hudas Iskariote at tatlong ulit na ipagkakaila ni Apostol San Pedro. Ang dalawang apostol na ito'y pinili't hinirang ng Panginoong Hesus upang maging Kanyang mga alagad. Subalit, hindi ito nangangahulugang na hindi sila mabibigo. May mga pagkakataon kung saan sila'y nadapa't natalo dahil sa kanilang mga karupukan. Si Hudas Iskariote ay nasilaw sa kayamanan dito sa daigdig habang si Apostol San Pedro ay nagpadala sa kanyang takot sa mga autoridad. 

Dalawang alagad ni Kristo ang itinampok sa Ebanghelyo. Tulad ng iba pa nilang mga kasama, binigo nila si Hesus. Subalit, isa lamang sa dalawang apostoles na pinagtuunan ng pansin sa salaysay sa Ebanghelyo ang nagpasiyang bumawi at bumangon mula sa kanyang kasalanan laban kay Hesus - si Apostol San Pedro. Sa kabila ng kanyang mga kahinaan, ipinasiya ni Apostol San Pedro na sikapin muli na maging tapat sa Panginoong Hesukristo. 

Katulad ni Apostol San Pedro, may pag-asa pa tayo. Ang ating mga karupukan ay hindi dahilan upang isipin na wala na tayong pag-asang magbago at sikapin muli na manatiling tapat sa Panginoong Hesus. Ilang ulit man madapa ang bawat isa sa atin dahil sa ating mga karupukan, patuloy tayong binibigyan ng Diyos ng pagkakataong bumangon at magsimula muli. Habang nabubuhay pa tayo dito sa daigdig, may oras pa tayo upang sikapin maging tapat sa Diyos. 

Habang tayo'y nabubuhay at naglalakbay sa daigdig, may mga pagkakataon kung saan ang bawat isa sa atin ay makakaranas ng kabiguan at magpapadaig sa ating mga karupukan. Subalit, mayroon ring mga pagkakataon para sa ating lahat upang bumangon mula sa mga kabiguan at magsimula muli. 

PAGKILALA KAY HESUS

15 Abril 2019 
Lunes Santo 
Isaias 42, 1-7/Salmo 26/Juan 12, 1-11 


Ipinakilala ng Panginoong Diyos sa Unang Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias ang Kanyang lingkod na hinirang. Siya ang ipinangakong Mesiyas na magmumula sa Diyos. Siya'y darating sa bayan ng Diyos upang ipalaganap ang katarungan, liwanag, at pag-asa. Sa pamamagitan Niya, ipapamalas ng Panginoon sa Kanyang bayan ang Kanyang kaluwalhatian. Ipapalaganap ng Diyos sa pamamagitan ng Mesiyas ang Kanyang pagpapala. Ang pahayag na ito'y tinupad ng Diyos noong dumating ang takdang panahon sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus. Ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Kristo Hesus ay ipinadala ng Diyos sa Kanyang bayan. 

Tampok sa salaysay sa Ebanghelyo ang pagpapahid sa mga paa ng Panginoong Hesus. Binuhusan ni Santa Maria ng Betania, ang kapatid nina Santa Marta at San Lazaro, ng mamamahaling pabango ang mga paa ni Hesus. Sa pamamagitan ng pagbubuhos ng pabango sa mga paa ni Hesus, kinilala ni Maria ang Panginoon. Ang ginawang pagbuhos ng pabango sa mga paa ni Hesus ay sumasaigsag sa pagkilala ni Maria kay Hesus bilang Panginoon. Kinilala ni Maria ang Panginoong Hesus bilang tagahatid ng pag-asa, liwanag, at kapayapaan. Dahil binuhay ng Panginoong Hesus ang kanyang kapatid na si Lazaro, ang pananalig, pag-asa, at tuwa ni Maria ay nabuhayan. Napawi ang kanyang hapis at muling sumilay ang kanyang tiwala at pag-asa. Ang lahat ng iyan ay dahil kay Kristo. 

Lagi tayong tumutungo sa Simbahan tuwing Linggo at sa mga espesyal na araw upang sumamba, purihin, at pasalamatan ang Diyos. May din tayong mga panata't debosyon. Subalit, lagi nating tandaan ang tunay na layunin ng pamamanata, pagdedebosyon. at pagsimba linggo-linggo. Ang layunin ng mga banal na gawaing ito'y palalalimin at palakasin ang ating pagkilala kay Kristo bilang ating Panginoon at Tagapagligtas. Tinutulungan tayo ng mga ito upang lalo pa nating makilala at lalong mapalapit sa Panginoong Hesukristo. 

Katulad ni Santa Maria ng Betania, hayaan nating lumalim at lumakas ang ating pagkilala kay Hesus. Alalahanin natin ang Kanyang mga ginawa para sa ating lahat bilang ating Manunubos. Huwag nating kalimutan ang Kanyang pag-ibig na patuloy Niyang ipinapakita't ipinapadama sa ating lahat. 

Miyerkules, Abril 10, 2019

DALAWANG SIGAW

14 Abril 2019 
Linggo ng Palaspas sa Pagpapakasakit ng Panginoon (K) 
[Prusisyon ng mga Palaspas] Lucas 19, 28-40
[Misa] Isaias 50, 4-7/Salmo 21/Filipos 2, 6-11/Lucas 22, 14-23, 56 (o kaya: 23, 1-49)


"Kapag tumahimik ang mga tao, ang mga bato na ang sisigaw" (Lucas 19, 40). Ito ang sagot ng Panginoong Hesus sa mga Pariseong nagnanais patahimikin ang mga taong sumisigaw at nagbubunyi sa Kanyang maringal na pagpasok sa Herusalem sa huling bahagi ng Ebanghelyo para sa Prusisyon at Pagbabasbas ng mga Palaspas. Sa pahayag na ito ni Hesus, binigyan ng pansin ang salitang "sigaw". Ang mga tao'y sumigaw dahil sa Panginoong Hesus. Dalawang sigaw ang nais bigyan ng pansin sa mga Pagbasa para sa unang araw ng mga Mahal na Araw, ang Linggo ng Palaspas sa Pagpapakasakit ng Panginoon. 

Dalawang sigaw. Sa tuwing ginugunita ng Simbahan ang mga Mahal na Araw taon-taon, inaaalala ng Simbahan ang dalawang sigaw ng mga tao dahil kay Hesus. Ang unang sigaw ay naganap noong pumasok si Hesus sa Herusalem na nakasakay sa isang bisirong asno. Ang mga sigaw na natanggap ni Hesus noong Siya'y pumasok sa Herusalem ay mga sigaw ng pagpupugay at pagbubunyi. Ang pangalawang sigaw ay naganap noong iniharap ni Poncio Pilato si Hesus. Subalit, hindi ito katulad ng mga sigaw noong pumasok sa Herusalem ang Panginoon. Bagkus, mga sigaw ng paglilibak at pagkamuhi ang narinig mula sa mga tao. "Ipako sa krus!" 

Kaya nga, kung mapapansin natin, may dalawang Ebanghelyo para sa pagdiriwang ng Linggong ito na siyang simula ng mga Mahal na Araw. Ang unang Ebanghelyo ay tungkol sa pagpasok ng Panginoong Hesus sa Herusalem. Binasa ang salaysay na ito sa Prusisyon at Pagbabasbas ng mga Palaspas. At ang pangalawang Ebanghelyo ay tungkol sa pagpapakasakit at pagkamatay ng Panginoong Hesus. Napakahaba ng salaysay sa pangalawang Ebanghelyo. 

Tampok sa dalawang Ebanghelyo ang dalawang sigaw. Noong si Hesus ay pumasok sa Herusalem, sumigaw ang mga tao upang magbigay-pugay at pagbubunyi. May mga palaspas pa nga silang iwinawagayway sa kanilang pagsalubong kay Hesus na pumapok sa Herusalem na nakasakay sa isang asno upang tuparin ang misyon Niya bilang Tagapagligtas. Subalit, hindi nagtagal ang pagsigaw ng mga tao para kay Hesus dahil nag-iba ito pagkalipas ng ilang araw. Noong iniharap ni Pilato si Hesus sa taumbayan, iba na ang kanilang isinigaw. Sumigaw sila nang malakas kay Pilato upang hilingin sa kanya na si Hesus ay ipako sa krus. 

Bago pa man nangyari ang lahat ng iyon, nagsalita si propeta Isaias tungkol dito. Sa Unang Pagbasa, nagsalita si propeta Isaias tungkol sa mga huling sandali ng buhay ng Mesiyas, ang dakilang lingkod ng Diyos. Sa isang bahagi ng kanyang pahayag na inilahad sa Unang Pagbasa, binanggit ni propeta Isaias na ang lingkod ng Diyos ay makakatanggap ng maraming insulto mula sa kanyang mga kaaway. Nangyari ito kay Hesus sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Mula noong Siya'y dakipin sa Halamanan ng Hetsemani hanggang sa Siya'y naipako sa krus, nakatanggap Siya ng napakaraming insulto. Ang masakit pa niyan, nakisali pa ang karamihan sa mga sumalubong sa Kanya noong Siya'y pumasok sa Herusalem. 

Alam naman ni Kristo na mangyayari ang lahat ng iyon. Alam ni Kristo na Siya'y tatalikuran at itatakwil ng karamihan sa mga sumalubong sa Kanya noong Siya'y pumasok nang matagumpay sa Herusalem. Subalit, hindi Niya pinigilan ang lahat ng iyon dahil ito'y niloob ng Ama. Sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang sulat sa mga taga-Filipos na si Kristo ay nanatiling "masunurin hanggang kamatayan, oo, hanggang kamatayan sa krus" (2, 8). Magbago man ang sigaw ng mga tao, mananatili Siyang tapat sa Ama. Niloob ng Ama na tanggapin ng Kanyang Anak na si Kristo Hesus ang lahat ng insulto at paglilibak ng Kanyang bayan upang ihayag ang Kanyang pag-ibig. Dahil sa Kanyang pag-ibig, tinanggap ng Diyos ang lahat ng mga insulto ng Kanyang mga kaaway hanggang sa malagutan ng hininga sa krus sa pamamagitan ni Hesus. 

Kahit napakalakas ng mga sigaw ng mga tao, nanatiling tapat si Hesus sa Ama. Ang tinig ng Ama, na naririnig lamang ni Hesus sa katahimikan, ang pinili Niyang pakinggan at sundin. Kahit nag-iba ang mga sigaw, iisa lamang ang ibinulong ni Hesus sa lahat - mahal Niya sila. Inihayag Niya sa pamamagitan ng Kanyang krus na tayong lahat ay tunay Niyang minamahal. Magbago man ang sigaw ng mga tao, lalung-lalo na sa kasalukuyang panahon, ang Kanyang pag-ibig para sa atin ay hindi magbabago. Ito'y patuloy Niyang ibinubulong sa atin sa katahimikan. 

Dalawang sigaw ang itinatampok tuwing sasapit ang Linggo ng Palaspas sa bawat taon. Subalit, sa kabila ng dalawang sigaw na ito, iisa lamang ang hindi nagbabago - ang pag-ibig ng Diyos. Ilang araw matapos magbitiw ng mga sigaw ng pagbubunyi para kay Hesus, sumigaw muli ang mga tao para sa kamatayan ni Hesus. Silang lahat ay nagbago. Binago nila ang kanilang mga sigaw. Subalit, sa kabila nito, may hindi magbabago kailanman. Hindi magbabago ang pag-ibig ng Diyos kailanman. Mananatili ang Kanyang pag-ibig para sa atin magpakailanman. 

HANGGANG SA HULI

PAGNINILAY SA IKAPITONG WIKA: 
"Ama, sa mga kamay Mo'y ipinagtatagubilin Ko ang Aking Espiritu." (Lucas 23, 46) 


Bago malagutan ng hininga, ang Panginoong Hesus ay tumawag muli sa Ama. Ang pagtawag ni Hesus sa Ama ay hindi bago sa Ebanghelyo ni San Lucas. Hindi lang sa mga huling sandali ng Kanyang buhay kung saang tumawag Siya sa Ama. Ayon sa salaysay sa Ebanghelyo ni San Lucas, may mga pagkakataon sa buhay ni Hesus kung saan Siya'y nakikitang nananalangin sa Ama. Kadalasan, bago ang mga importanteng pangyayari sa salaysay. Ilang halimbawa nito ay ang sandaling Siya'y umahon mula sa tubig ng Ilog Jordan noong Siya'y binyagan, bago Niya piliin ang labindalawang apostol, bago Siya nagbagong-anyo sa bundok, at higit sa lahat, bago Siya dakipin ng mga kawal sa Halamanan ng Hetsemani. 

Hindi ipinagkaila ni Hesus ang Kanyang relasyon sa Ama. Hindi Siya nahiyang ipakita ang pagmamahal Niya sa Ama. Mahal na mahal ni Hesus ang Amang nasa langit. Ang Kanyang pakikipag-usap sa Ama sa pamamagitan ng pananalangin ay nagpapakita ng Kanyang pag-ibig para sa Ama. Nakikipag-usap Siya sa Ama sa bawat oras. Naglalaan Siya ng oras upang makipag-usap sa Ama. Kadalasan itong ginagawa ng Panginoong Hesus nang mag-isa. 

Ipinakita ni Hesus sa mga sandaling Siya'y natagpuang nananalangin nang mag-isa na lagi Siyang handang makinig sa Ama. Sa bawat sandaling kinakausap Niya ang Ama sa pamamagitan ng pananalangin, pinakikinggan Niya ang tinig ng Ama. Ang panalangin ay hindi lamang pagkakataon para kay Hesus na magsalita sa Ama kundi na rin para pakinggan ang Ama. Ipinapakita ni Hesus sa pamamagitan nito ang Kanyang ugnayan sa Ama. Silang dalawa ng Ama ay iisa, tulad ng Kanyang sinabi sa Ebanghelyo ni San Juan (10, 30). 

Walang sandali sa buhay ni Hesus kung saan binalak Niyang suwayin ang kalooban ng Ama. Kahit noong Siya'y natatakot at nagdurusa sa Halamanan ng Hetsemani, hindi Niya binalak suwayin ang kalooban ng Ama. Bagkus, tumalima si Hesus sa kalooban ng Ama. Sa kabila ng matinding takot at hapis na nadama dahil sa malagim na kamatayang naghihintay sa Kanya, ipinasiya ni Hesus na tanggapin at sundin ang kalooban ng Ama. Sabi nga Niya sa Kanyang panalangin sa Halamanan, "Huwag ang kalooban Ko kundi ang kalooban Mo ang masunod" (Lucas 22, 40). 

Kaya naman, bago Siya malagutan ng hininga, ang mga salitang ito'y namutawi mula sa mga labi ni Kristo Hesus: "Ama, sa mga Kamay Mo'y ipinagtatagubilin Ko ang Aking Espiritu" (23, 46). Inihayag ni Hesus sa pinakahuling wika na Kanyang namutawi bago mamatay na nananatili Siyang tapat hanggang kamatayan. Ang bawat hirap, sakit, at pagdurusang kalakip ng Kanyang misyon bilang Mesiyas at Tagapagligtas, ang misyong ibinigay sa Kanya ng Ama, ay Kanyang tiniis bilang pagsunod sa kalooban ng Ama. 

Alam naman ng Panginoong Hesus kung ano ang magiging kapalit ng pagsunod sa kalooban ng Ama. Alam Niya kung gaano katindi ang sakit idudulot sa Kanyang pangangatawan at damdamin ng pagtalima sa kalooban ng Ama. Bago pa man mangyari ang lahat ng iyon, alam na Niya ang sakit. Nailalarawan na ni Hesus sa Kanyang isipan ang sakit at pighati dulot ng pagtanggap at pagsunod sa kalooban ng Ama hanggang kamatayan. 

Maaari sana Siyang gumawa ng kompromiso sa Ama. Maaari na lang sana Niyang hilingin sa Ama na gumawa na lang ng ibang plano. Kung nagkagayon, hindi na kakailanganin ni Hesus na tiisin ang lahat ng iyon. Hindi biro ang sakit na dinanas ni Hesus sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Hindi nga sapat ang mga salita upang ilarawan kung gaano kasakit para kay Hesus na tiisin ang lahat ng iyon. 

Subalit, hindi nakipagkompromiso si Hesus. Ang kalooban ng Ama ay Kanyang tinanggap at sinunod. Kahit mas maigi pang gumawa ng ibang paraan upang iligtas ang sangkatauhan na hindi kailangang pagdaanan ni Kristo ang lahat ng iyon, ang orihinal na plano ay tinanggap at sinunod ni Kristo. Ipinasiya ni Kristo na manatiling masunurin hanggang sa Kanyang huling hininga. Kahit napakasakit ang kinailangan Niyang pagdaanan, tinanggap pa rin Niya ang lahat ng iyon. Ang lahat ng sakit na kalakip ng Kanyang misyon bilang Mesiyas ay tinanggap ni Hesus. 

Itinuturo sa atin ni Hesus sa Kanyang ikapitong wika, ang Kanyang pinakahuling wika mula sa krus, kung paanong sumunod sa kalooban ng Ama, gaano mang kahirap gawin ito. Alam ni Hesus na napakahirap sumunod sa kalooban ng Ama, lalung-lalo na't maraming mga tukso sa buhay. Nakakatakot rin tanggapin at sundin ang kalooban ng Ama dahil napakasakit ang magiging kapalit nito. Subalit, nanatiling masunurin si Hesus sa Ama hanggang sa malagutan ng Kanyang hininga. Ang aral na ipinapaabot sa atin ni Hesus sa wikang ito, bago Siya malagutan ng hininga, tularan ang Kanyang halimbawa. Tanggapin at sundin ang kalooban ng Ama hanggang sa huling sandali ng ating buhay, gaano mang kahirap ito gawin, lalung-lalo na sa kasalukuyang panahon. 

Hinihimok ni Hesus na maging tapat at masunurin sa kalooban ng Ama hanggang kamatayan. Turo ni Hesus sa atin na ang Diyos ay ang ating Ama. Bilang mga anak ng Diyos at mga kapatid ni Kristo, tanggapin natin at sundin ang kalooban ng Ama. Sikapin nating tularan ang halimbawang ipinakita sa atin ng Panginoong Hesus, ang ating Kapatid at Tagapagligtas. Manatili tayong tapat sa Ama hanggang sa huling sandali ng ating buhay dito sa lupa tulad ni Hesus.