Lunes, Abril 15, 2019

IBINIGAY ANG BUONG SARILI DAHIL SA PAG-IBIG

18 Abril 2019 
Huwebes Santo sa Paghahapunan ng Panginoon 
Exodo 12, 1-8. 11-14/Salmo 115/1 Corinto 11, 23-26/Juan 13, 1-15 


Sabi sa pambungad ng salaysay sa Ebanghelyo, "Mahal [ni Hesus] ang Kanyang mga tagasunod na nasa sanlibutan, at ngayo'y ipakikita Niya kung hanggang saan ang Kanyang pag-ibig sa kanila" (13, 1). Ang mga salitang ito ay maituturing na isang napakaikling buod ng Misteryo Paskwal ng Panginoong Hesukristo. Inihain ni Hesus ang buo Niyang sarili alang-alang sa lahat ng Kanyang mga minamahal. Sa kabila ng mga pagkukulang at pagkakasala ng Kanyang mga alagad laban sa Kanya, lalung-lalo na sa mga huling sandali ng Kanyang buhay, silang lahat ay minahal pa rin ni Hesus. At masasabi rin natin iyan tungkol sa bawat isa sa atin. Kahit lahat tayo'y mga makasalanan, mahal tayo ni Hesus. Ito ay Kanyang ipinakita sa mga huling sandali ng Kanyang buhay, ang Kanyang Misteryo Paskwal. 

Ang Banal na Tatlong Araw na Pagdiriwang ng Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo ang pinakamahalagang panahon sa Kalendaryo ng Simbahan. Sa tatlong araw na ito, ginugunita ng Simbahan ang ginawang pagpapakita ng pag-ibig ni Kristo. Sa mga huling sandali ng Kanyang buhay, pinatunayan ni Kristo na ang bawat isa sa atin ay tunay Niyang mahal. Ang pag-ibig ni Kristo ay hindi hungkag. Ang pag-ibig ni Kristo ay hindi isang kathang-isip lamang. Bagkus, ang pag-ibig ni Kristo ay tunay at totoo. Tunay tayong iniibig ni Kristo sa kabila ng ating mga pagkukulang at kasalanan laban sa Kanya. Iyan ang dahilan kung bakit Niya hinarap at tinanggap ang kamatayan sa krus para sa ating lahat. Ganyan tayo kamahal ng Panginoon.

Tatlong araw ang inilalaan ng Simbahan upang gunitain ang pag-ibig ng Diyos para sa ating lahat na Kanyang inihayag sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ni Kristo Hesus. Sinisimulan ng Simbahan ang paggunita sa Misteryo Paskwal ng Panginoong Hesukristo sa dapit-hapon ng Huwebes Santo kung saan ginugunita ang Huling Hapunan. Ang Panginoong Hesus ay nakipagsalu-salo sa mga apostol sa huling pagkakataon bago Siya mamatay sa krus. Sa Huling Hapunan, dalawang bagay ang ginawa ni Hesus upang ipakita sa kanila ang Kanyang pag-ibig.

Una, hinugasan ni Hesus ang paa ng mga apostol. Ito ang tampok na eksena sa salaysay ng Ebanghelyo para sa Misa sa Takipsilim ng Huwebes Santo. Hinugasan ni Hesus ang paa ng mga apostol upang ipakita sa kanila ang Kanyang pag-ibig. Sa paghugas sa paa ng mga apostol, nagpakita ng kababaang-loob si Hesus. Si Hesus ay nagpakababa dahil sa Kanyang pag-ibig. Buong kababaang-loob na ipinasiya ni Hesus na iwanan ang Kanyang maluwalhating kaharian sa langit at maging tao tulad nating lahat, maliban sa kasalanan, dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig. Ang dakilang pag-ibig ni Hesus ay hindi lamang para sa mga apostol na itinuring Niyang mga kaibigan kundi pati na rin para sa lahat ng mga kabilang sa Kanyang kawan.

Pangalawa, itinatag ni Hesus ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya. Ang eksenang ito sa Huling Hapunan ay pinagtuunan ng pansin ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Sa Sakramento ng Banal na Eukaristiya, na itinatag sa Huling Hapunan, ibinibigay ni Hesus ang Kanyang Katawan at Dugo bilang pagkain at inumin. Sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Misa, patuloy na dumarating si Hesus sa anyo ng tinapay at alak upang ipaalala sa atin ang Kanyang ginawa sa Kalbaryo. Sa Kalbaryo, inihain ni Hesus ang buo Niyang sarili para sa ating kaligtasan. Si Hesus ay patuloy na dumarating sa piling natin sa anyo ng tinapay at alak sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Eukaristiya upang patuloy na ipaaalala sa atin ang Kanyang ginawang paghahain ng sarili sa Kalbaryo. Tulad ng Kanyang pagbibigay ng buong sarili bilang hain sa Kalbaryo, ibinibigay ni Hesus ang buo Niyang sarili bilang pagkain at inumin sa pagdiriwang ng Banal na Misa upang ating mapakinabangan. Sa tuwing tayo'y nakikinabang sa Katawan at Dugo ni Hesus sa Banal na Misa, lagi nating inaaalala ang Kanyang ginawa sa Kalbaryo. 

Isinalaysay sa Unang Pagbasa ang pagtubos ng Panginoong Diyos sa mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Nilampasan ng Diyos ang mga bahay na may pahid ng dugo ng kordero, ang tanda na Israelita ang nakatira sa mga bahay na iyon, sa gabing nilipol Niya ang lahat ng panganay na lalaki sa Ehipto, tao man o hayop. Kung paanong ipinakita ng Diyos ang Kanyang pag-ibig para sa mga Israelita sa pamamagitan ng pagtubos sa kanila mula sa pagkaalipin sa Ehipto, ipinakita Niya ang Kanyang pag-ibig para sa lahat sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Si Kristo Hesus ay ibinigay sa atin ng Diyos para sa ating kaligtasan. Buong kababaang-loob na inihandog ni Kristo ang buo Niyang sarili, ibinubo ang Kanyang Dugo, upang tayong lahat ay Kanyang mailigtas.

Habang ang mga huling sandali ng Panginoong Hesukristo ay ating pinagninilayan at ginugunita sa Banal na Tatlong Araw, ang tatlong pinakaimportanteng araw sa Kalendaryo ng Simbahan, tandaan natin kung paano Niya ipinakita ang Kanyang dakilang pag-ibig. Ipinakita ng Panginoong Hesus ang Kanyang dakilang pag-ibig sa pamamagitan ng pagbibigay ng buo Niyang sarili para sa ating kaligtasan. Ang lahat ng hirap, sakit, at pagdurusa ay Kanyang hinarap, tiniis, at pinagdaanan nang buong kababaang-loob. Ibinigay Niya ang buo Niyang sarili bilang hain alang-alang sa ating lahat. Sa pamamagitan ng Kanyang paghahandog ng sarili, inihayag ni Hesus ang Kanyang dakilang pag-ibig para sa ating lahat. 


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento