Biyernes, Abril 12, 2019

TIWALA SA DIYOS

17 Abril 2019 
Miyerkules Santo 
Isaias 50, 4-9a/Salmo 68/Mateo 26, 14-25 


Sa Ebanghelyo, inihayag ni Hesus na Siya'y ipagkakanulo ni Hudas Iskariote. Alam ni Hesus na nakipagsabwatan si Hudas sa Kanyang mga kaaway. Alam ni Hesus kung ano ang pinagplanuhan ni Hudas at ng Sanedrin. Alam ni Hesus na si Hudas ay nakipagkasundo sa Kanyang mga kaaway na Siya'y ipagkakanulo niya kapalit ng tatlumpung piraso ng pilak. Kahit mag-isa lamang si Hudas Iskariote noong siya'y nakipagpulong sa mga Pariseo, eskriba, at matatanda ng bayan, alam ni Hesus kung ano ang kanilang pinag-usapan at pinagkasunduan. 

Ang nakakapansin sa bahaging iyon ng salaysay sa Ebanghelyo, hindi pinigilan ng Panginoong Hesus si Hudas Iskariote. Kahit alam Niya kung ano ang balak gawin ni Hudas, hindi Niya ito pinigilan. Hindi sinabihan ng Panginoong Hesus ang iba pang mga alagad na gulpihin si Hudas. Bagkus, hinayaan na lang Niya si Hudas. Walang utos si Hesus sa mga alagad tungkol sa gagawin kay Hudas. 

Bakit walang ginawa si Kristo laban kay Hudas Iskariote? Alam naman Niya kung ano ang balak ni Hudas. Kapag ibang tao ang nasa posisyon ni Kristo, agad silang kikilos. Hindi sila magdadalawang-isip na maghiganti laban sa may balak traydorin sila. Katunayan, kapag nalaman nila ang plano ng traydor bago pa mangyari ang pagkakanulo, paniguradong mayroon na silang pinlano. Lalabanan nila ang traydor gamit ang dahas. Kahit umabot sa patayan, hindi sila aatras. 

May pagkakataon na nga si Hesus. Bakit wala Siyang ginawa? 

Nasasaad sa propesiya ni propeta Isaias na itinampok sa Unang Pagbasa na hindi tututulan ng Mesiyas ang pambubugbog at pang-iinsulto ng Kanyang mga kaaway. Bagkus, titiisin Niya ang lahat ng iyon. Gaano man ito kasakit sa Kanyang katawan at emosyon, titiisin Niya ang lahat ng iyon. Lahat ng pagpapahirap at paglilibak mula sa Kanyang mga kaaway ay Kanyang titiisin. Mananatili Siyang mahinahon sa harap ng Kanyang mga kaaway may masamang balak laban sa Kanya. Titiisin Niya ang lahat ng iyon dahil sa Kanyang tiwala sa Diyos. 

Kaya si Hesus ay hindi lumaban. Kaya hindi Niya tinutulan o pinigilan ang balak ni Hudas laban sa Kanya. Hindi pinigilan ni Hesus si Hudas dahil sa Kanyang tiwala sa Ama. Nanalig ang Panginoong Hesus na hindi Siya pababayaan ng Ama sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Ang Kanyang pasiyang hindi pigilan o tutulan ang plano ni Hudas at ng Kanyang mga kaaway ay nagpapahayag ng Kanyang tiwala sa Ama hanggang sa pinakahuling sandali ng Kanyang buhay. 

Itinuturo sa atin ng Panginoong Hesukristo na manalig sa kalooban ng Ama, kahit na may mga nagbabalak ng masama laban sa atin. Ang bawat isa sa atin ay hindi pababayaan ng Amang nasa langit. Lagi tayong sasamahan sa hirap at ginhawa. Hindi magmamaliw kailanman ang Kanyang katapatan sa atin.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento