Miyerkules, Abril 10, 2019

DALAWANG SIGAW

14 Abril 2019 
Linggo ng Palaspas sa Pagpapakasakit ng Panginoon (K) 
[Prusisyon ng mga Palaspas] Lucas 19, 28-40
[Misa] Isaias 50, 4-7/Salmo 21/Filipos 2, 6-11/Lucas 22, 14-23, 56 (o kaya: 23, 1-49)


"Kapag tumahimik ang mga tao, ang mga bato na ang sisigaw" (Lucas 19, 40). Ito ang sagot ng Panginoong Hesus sa mga Pariseong nagnanais patahimikin ang mga taong sumisigaw at nagbubunyi sa Kanyang maringal na pagpasok sa Herusalem sa huling bahagi ng Ebanghelyo para sa Prusisyon at Pagbabasbas ng mga Palaspas. Sa pahayag na ito ni Hesus, binigyan ng pansin ang salitang "sigaw". Ang mga tao'y sumigaw dahil sa Panginoong Hesus. Dalawang sigaw ang nais bigyan ng pansin sa mga Pagbasa para sa unang araw ng mga Mahal na Araw, ang Linggo ng Palaspas sa Pagpapakasakit ng Panginoon. 

Dalawang sigaw. Sa tuwing ginugunita ng Simbahan ang mga Mahal na Araw taon-taon, inaaalala ng Simbahan ang dalawang sigaw ng mga tao dahil kay Hesus. Ang unang sigaw ay naganap noong pumasok si Hesus sa Herusalem na nakasakay sa isang bisirong asno. Ang mga sigaw na natanggap ni Hesus noong Siya'y pumasok sa Herusalem ay mga sigaw ng pagpupugay at pagbubunyi. Ang pangalawang sigaw ay naganap noong iniharap ni Poncio Pilato si Hesus. Subalit, hindi ito katulad ng mga sigaw noong pumasok sa Herusalem ang Panginoon. Bagkus, mga sigaw ng paglilibak at pagkamuhi ang narinig mula sa mga tao. "Ipako sa krus!" 

Kaya nga, kung mapapansin natin, may dalawang Ebanghelyo para sa pagdiriwang ng Linggong ito na siyang simula ng mga Mahal na Araw. Ang unang Ebanghelyo ay tungkol sa pagpasok ng Panginoong Hesus sa Herusalem. Binasa ang salaysay na ito sa Prusisyon at Pagbabasbas ng mga Palaspas. At ang pangalawang Ebanghelyo ay tungkol sa pagpapakasakit at pagkamatay ng Panginoong Hesus. Napakahaba ng salaysay sa pangalawang Ebanghelyo. 

Tampok sa dalawang Ebanghelyo ang dalawang sigaw. Noong si Hesus ay pumasok sa Herusalem, sumigaw ang mga tao upang magbigay-pugay at pagbubunyi. May mga palaspas pa nga silang iwinawagayway sa kanilang pagsalubong kay Hesus na pumapok sa Herusalem na nakasakay sa isang asno upang tuparin ang misyon Niya bilang Tagapagligtas. Subalit, hindi nagtagal ang pagsigaw ng mga tao para kay Hesus dahil nag-iba ito pagkalipas ng ilang araw. Noong iniharap ni Pilato si Hesus sa taumbayan, iba na ang kanilang isinigaw. Sumigaw sila nang malakas kay Pilato upang hilingin sa kanya na si Hesus ay ipako sa krus. 

Bago pa man nangyari ang lahat ng iyon, nagsalita si propeta Isaias tungkol dito. Sa Unang Pagbasa, nagsalita si propeta Isaias tungkol sa mga huling sandali ng buhay ng Mesiyas, ang dakilang lingkod ng Diyos. Sa isang bahagi ng kanyang pahayag na inilahad sa Unang Pagbasa, binanggit ni propeta Isaias na ang lingkod ng Diyos ay makakatanggap ng maraming insulto mula sa kanyang mga kaaway. Nangyari ito kay Hesus sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Mula noong Siya'y dakipin sa Halamanan ng Hetsemani hanggang sa Siya'y naipako sa krus, nakatanggap Siya ng napakaraming insulto. Ang masakit pa niyan, nakisali pa ang karamihan sa mga sumalubong sa Kanya noong Siya'y pumasok sa Herusalem. 

Alam naman ni Kristo na mangyayari ang lahat ng iyon. Alam ni Kristo na Siya'y tatalikuran at itatakwil ng karamihan sa mga sumalubong sa Kanya noong Siya'y pumasok nang matagumpay sa Herusalem. Subalit, hindi Niya pinigilan ang lahat ng iyon dahil ito'y niloob ng Ama. Sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang sulat sa mga taga-Filipos na si Kristo ay nanatiling "masunurin hanggang kamatayan, oo, hanggang kamatayan sa krus" (2, 8). Magbago man ang sigaw ng mga tao, mananatili Siyang tapat sa Ama. Niloob ng Ama na tanggapin ng Kanyang Anak na si Kristo Hesus ang lahat ng insulto at paglilibak ng Kanyang bayan upang ihayag ang Kanyang pag-ibig. Dahil sa Kanyang pag-ibig, tinanggap ng Diyos ang lahat ng mga insulto ng Kanyang mga kaaway hanggang sa malagutan ng hininga sa krus sa pamamagitan ni Hesus. 

Kahit napakalakas ng mga sigaw ng mga tao, nanatiling tapat si Hesus sa Ama. Ang tinig ng Ama, na naririnig lamang ni Hesus sa katahimikan, ang pinili Niyang pakinggan at sundin. Kahit nag-iba ang mga sigaw, iisa lamang ang ibinulong ni Hesus sa lahat - mahal Niya sila. Inihayag Niya sa pamamagitan ng Kanyang krus na tayong lahat ay tunay Niyang minamahal. Magbago man ang sigaw ng mga tao, lalung-lalo na sa kasalukuyang panahon, ang Kanyang pag-ibig para sa atin ay hindi magbabago. Ito'y patuloy Niyang ibinubulong sa atin sa katahimikan. 

Dalawang sigaw ang itinatampok tuwing sasapit ang Linggo ng Palaspas sa bawat taon. Subalit, sa kabila ng dalawang sigaw na ito, iisa lamang ang hindi nagbabago - ang pag-ibig ng Diyos. Ilang araw matapos magbitiw ng mga sigaw ng pagbubunyi para kay Hesus, sumigaw muli ang mga tao para sa kamatayan ni Hesus. Silang lahat ay nagbago. Binago nila ang kanilang mga sigaw. Subalit, sa kabila nito, may hindi magbabago kailanman. Hindi magbabago ang pag-ibig ng Diyos kailanman. Mananatili ang Kanyang pag-ibig para sa atin magpakailanman. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento