Miyerkules, Abril 10, 2019

HANGGANG SA HULI

PAGNINILAY SA IKAPITONG WIKA: 
"Ama, sa mga kamay Mo'y ipinagtatagubilin Ko ang Aking Espiritu." (Lucas 23, 46) 


Bago malagutan ng hininga, ang Panginoong Hesus ay tumawag muli sa Ama. Ang pagtawag ni Hesus sa Ama ay hindi bago sa Ebanghelyo ni San Lucas. Hindi lang sa mga huling sandali ng Kanyang buhay kung saang tumawag Siya sa Ama. Ayon sa salaysay sa Ebanghelyo ni San Lucas, may mga pagkakataon sa buhay ni Hesus kung saan Siya'y nakikitang nananalangin sa Ama. Kadalasan, bago ang mga importanteng pangyayari sa salaysay. Ilang halimbawa nito ay ang sandaling Siya'y umahon mula sa tubig ng Ilog Jordan noong Siya'y binyagan, bago Niya piliin ang labindalawang apostol, bago Siya nagbagong-anyo sa bundok, at higit sa lahat, bago Siya dakipin ng mga kawal sa Halamanan ng Hetsemani. 

Hindi ipinagkaila ni Hesus ang Kanyang relasyon sa Ama. Hindi Siya nahiyang ipakita ang pagmamahal Niya sa Ama. Mahal na mahal ni Hesus ang Amang nasa langit. Ang Kanyang pakikipag-usap sa Ama sa pamamagitan ng pananalangin ay nagpapakita ng Kanyang pag-ibig para sa Ama. Nakikipag-usap Siya sa Ama sa bawat oras. Naglalaan Siya ng oras upang makipag-usap sa Ama. Kadalasan itong ginagawa ng Panginoong Hesus nang mag-isa. 

Ipinakita ni Hesus sa mga sandaling Siya'y natagpuang nananalangin nang mag-isa na lagi Siyang handang makinig sa Ama. Sa bawat sandaling kinakausap Niya ang Ama sa pamamagitan ng pananalangin, pinakikinggan Niya ang tinig ng Ama. Ang panalangin ay hindi lamang pagkakataon para kay Hesus na magsalita sa Ama kundi na rin para pakinggan ang Ama. Ipinapakita ni Hesus sa pamamagitan nito ang Kanyang ugnayan sa Ama. Silang dalawa ng Ama ay iisa, tulad ng Kanyang sinabi sa Ebanghelyo ni San Juan (10, 30). 

Walang sandali sa buhay ni Hesus kung saan binalak Niyang suwayin ang kalooban ng Ama. Kahit noong Siya'y natatakot at nagdurusa sa Halamanan ng Hetsemani, hindi Niya binalak suwayin ang kalooban ng Ama. Bagkus, tumalima si Hesus sa kalooban ng Ama. Sa kabila ng matinding takot at hapis na nadama dahil sa malagim na kamatayang naghihintay sa Kanya, ipinasiya ni Hesus na tanggapin at sundin ang kalooban ng Ama. Sabi nga Niya sa Kanyang panalangin sa Halamanan, "Huwag ang kalooban Ko kundi ang kalooban Mo ang masunod" (Lucas 22, 40). 

Kaya naman, bago Siya malagutan ng hininga, ang mga salitang ito'y namutawi mula sa mga labi ni Kristo Hesus: "Ama, sa mga Kamay Mo'y ipinagtatagubilin Ko ang Aking Espiritu" (23, 46). Inihayag ni Hesus sa pinakahuling wika na Kanyang namutawi bago mamatay na nananatili Siyang tapat hanggang kamatayan. Ang bawat hirap, sakit, at pagdurusang kalakip ng Kanyang misyon bilang Mesiyas at Tagapagligtas, ang misyong ibinigay sa Kanya ng Ama, ay Kanyang tiniis bilang pagsunod sa kalooban ng Ama. 

Alam naman ng Panginoong Hesus kung ano ang magiging kapalit ng pagsunod sa kalooban ng Ama. Alam Niya kung gaano katindi ang sakit idudulot sa Kanyang pangangatawan at damdamin ng pagtalima sa kalooban ng Ama. Bago pa man mangyari ang lahat ng iyon, alam na Niya ang sakit. Nailalarawan na ni Hesus sa Kanyang isipan ang sakit at pighati dulot ng pagtanggap at pagsunod sa kalooban ng Ama hanggang kamatayan. 

Maaari sana Siyang gumawa ng kompromiso sa Ama. Maaari na lang sana Niyang hilingin sa Ama na gumawa na lang ng ibang plano. Kung nagkagayon, hindi na kakailanganin ni Hesus na tiisin ang lahat ng iyon. Hindi biro ang sakit na dinanas ni Hesus sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Hindi nga sapat ang mga salita upang ilarawan kung gaano kasakit para kay Hesus na tiisin ang lahat ng iyon. 

Subalit, hindi nakipagkompromiso si Hesus. Ang kalooban ng Ama ay Kanyang tinanggap at sinunod. Kahit mas maigi pang gumawa ng ibang paraan upang iligtas ang sangkatauhan na hindi kailangang pagdaanan ni Kristo ang lahat ng iyon, ang orihinal na plano ay tinanggap at sinunod ni Kristo. Ipinasiya ni Kristo na manatiling masunurin hanggang sa Kanyang huling hininga. Kahit napakasakit ang kinailangan Niyang pagdaanan, tinanggap pa rin Niya ang lahat ng iyon. Ang lahat ng sakit na kalakip ng Kanyang misyon bilang Mesiyas ay tinanggap ni Hesus. 

Itinuturo sa atin ni Hesus sa Kanyang ikapitong wika, ang Kanyang pinakahuling wika mula sa krus, kung paanong sumunod sa kalooban ng Ama, gaano mang kahirap gawin ito. Alam ni Hesus na napakahirap sumunod sa kalooban ng Ama, lalung-lalo na't maraming mga tukso sa buhay. Nakakatakot rin tanggapin at sundin ang kalooban ng Ama dahil napakasakit ang magiging kapalit nito. Subalit, nanatiling masunurin si Hesus sa Ama hanggang sa malagutan ng Kanyang hininga. Ang aral na ipinapaabot sa atin ni Hesus sa wikang ito, bago Siya malagutan ng hininga, tularan ang Kanyang halimbawa. Tanggapin at sundin ang kalooban ng Ama hanggang sa huling sandali ng ating buhay, gaano mang kahirap ito gawin, lalung-lalo na sa kasalukuyang panahon. 

Hinihimok ni Hesus na maging tapat at masunurin sa kalooban ng Ama hanggang kamatayan. Turo ni Hesus sa atin na ang Diyos ay ang ating Ama. Bilang mga anak ng Diyos at mga kapatid ni Kristo, tanggapin natin at sundin ang kalooban ng Ama. Sikapin nating tularan ang halimbawang ipinakita sa atin ng Panginoong Hesus, ang ating Kapatid at Tagapagligtas. Manatili tayong tapat sa Ama hanggang sa huling sandali ng ating buhay dito sa lupa tulad ni Hesus. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento