15 Abril 2019
Lunes Santo
Isaias 42, 1-7/Salmo 26/Juan 12, 1-11
Ipinakilala ng Panginoong Diyos sa Unang Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias ang Kanyang lingkod na hinirang. Siya ang ipinangakong Mesiyas na magmumula sa Diyos. Siya'y darating sa bayan ng Diyos upang ipalaganap ang katarungan, liwanag, at pag-asa. Sa pamamagitan Niya, ipapamalas ng Panginoon sa Kanyang bayan ang Kanyang kaluwalhatian. Ipapalaganap ng Diyos sa pamamagitan ng Mesiyas ang Kanyang pagpapala. Ang pahayag na ito'y tinupad ng Diyos noong dumating ang takdang panahon sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus. Ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Kristo Hesus ay ipinadala ng Diyos sa Kanyang bayan.
Tampok sa salaysay sa Ebanghelyo ang pagpapahid sa mga paa ng Panginoong Hesus. Binuhusan ni Santa Maria ng Betania, ang kapatid nina Santa Marta at San Lazaro, ng mamamahaling pabango ang mga paa ni Hesus. Sa pamamagitan ng pagbubuhos ng pabango sa mga paa ni Hesus, kinilala ni Maria ang Panginoon. Ang ginawang pagbuhos ng pabango sa mga paa ni Hesus ay sumasaigsag sa pagkilala ni Maria kay Hesus bilang Panginoon. Kinilala ni Maria ang Panginoong Hesus bilang tagahatid ng pag-asa, liwanag, at kapayapaan. Dahil binuhay ng Panginoong Hesus ang kanyang kapatid na si Lazaro, ang pananalig, pag-asa, at tuwa ni Maria ay nabuhayan. Napawi ang kanyang hapis at muling sumilay ang kanyang tiwala at pag-asa. Ang lahat ng iyan ay dahil kay Kristo.
Lagi tayong tumutungo sa Simbahan tuwing Linggo at sa mga espesyal na araw upang sumamba, purihin, at pasalamatan ang Diyos. May din tayong mga panata't debosyon. Subalit, lagi nating tandaan ang tunay na layunin ng pamamanata, pagdedebosyon. at pagsimba linggo-linggo. Ang layunin ng mga banal na gawaing ito'y palalalimin at palakasin ang ating pagkilala kay Kristo bilang ating Panginoon at Tagapagligtas. Tinutulungan tayo ng mga ito upang lalo pa nating makilala at lalong mapalapit sa Panginoong Hesukristo.
Katulad ni Santa Maria ng Betania, hayaan nating lumalim at lumakas ang ating pagkilala kay Hesus. Alalahanin natin ang Kanyang mga ginawa para sa ating lahat bilang ating Manunubos. Huwag nating kalimutan ang Kanyang pag-ibig na patuloy Niyang ipinapakita't ipinapadama sa ating lahat.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento