16 Abril 2019
Martes Santo
Isaias 49, 1-6/Salmo 70/Juan 13, 21-33. 36-38
Tampok sa Unang Pagbasa ang usapan ng Panginoong Diyos sa Kanyang bayan. Sa bahagi kung saan nagsalita ang Israel na lingkod ng Diyos, binigyang-diin ang kabiguan. Buong kababaang-loob na inamin ng Israel na siya'y nabigo bilang bayan ng Diyos. Sa kabila pagpili't paghirang ng Panginoong Diyos sa bayang Israel upang maging Kanyang bayan, nakaranas sila ng kabiguan bilang isang bayan.
Itinuturo sa mga Pagbasa na kahit ang mga lingkod ng Diyos ay hindi ligtas mula sa kabiguan. Lahat ng mga taong tinawag at hinirang ng Diyos upang maging Kanyang mga lingkod ay nakaranas ng kabiguan. Hindi sila perpekto; sila'y mga tao lamang. Bilang tao, may mga pagkukulang din sila. Naranasan ng bawat lingkod ng Diyos ang madapa at magkulang dahil sa kanilang mga kahinaan. Hindi sila malakas sa lahat ng oras. May mga sandali sa kanilang buhay kung saan sila'y mahina.
Sa Ebanghelyo, inihayag ni Hesus na Siya'y ipagkakanulo ni Hudas Iskariote at tatlong ulit na ipagkakaila ni Apostol San Pedro. Ang dalawang apostol na ito'y pinili't hinirang ng Panginoong Hesus upang maging Kanyang mga alagad. Subalit, hindi ito nangangahulugang na hindi sila mabibigo. May mga pagkakataon kung saan sila'y nadapa't natalo dahil sa kanilang mga karupukan. Si Hudas Iskariote ay nasilaw sa kayamanan dito sa daigdig habang si Apostol San Pedro ay nagpadala sa kanyang takot sa mga autoridad.
Dalawang alagad ni Kristo ang itinampok sa Ebanghelyo. Tulad ng iba pa nilang mga kasama, binigo nila si Hesus. Subalit, isa lamang sa dalawang apostoles na pinagtuunan ng pansin sa salaysay sa Ebanghelyo ang nagpasiyang bumawi at bumangon mula sa kanyang kasalanan laban kay Hesus - si Apostol San Pedro. Sa kabila ng kanyang mga kahinaan, ipinasiya ni Apostol San Pedro na sikapin muli na maging tapat sa Panginoong Hesukristo.
Katulad ni Apostol San Pedro, may pag-asa pa tayo. Ang ating mga karupukan ay hindi dahilan upang isipin na wala na tayong pag-asang magbago at sikapin muli na manatiling tapat sa Panginoong Hesus. Ilang ulit man madapa ang bawat isa sa atin dahil sa ating mga karupukan, patuloy tayong binibigyan ng Diyos ng pagkakataong bumangon at magsimula muli. Habang nabubuhay pa tayo dito sa daigdig, may oras pa tayo upang sikapin maging tapat sa Diyos.
Habang tayo'y nabubuhay at naglalakbay sa daigdig, may mga pagkakataon kung saan ang bawat isa sa atin ay makakaranas ng kabiguan at magpapadaig sa ating mga karupukan. Subalit, mayroon ring mga pagkakataon para sa ating lahat upang bumangon mula sa mga kabiguan at magsimula muli.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento