Lunes, Abril 8, 2019

TINIIS ANG LAHAT NG SAKIT DAHIL SA PAG-IBIG

PAGNINILAY SA IKAAPAT NA WIKA: 
"Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo Ako pinabayaan?" (Mateo 27, 46; Marcos 15, 34)



Labis ang sakit na tiniis at dinanas ng Panginoong Hesukristo sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Maraming sugat Siyang natamo mula sa paghagupit sa Kanya sa haliging bato. Lalo pang nabawasan ang Dugo mula sa Kanyang Katawan noong Siya'y putungan ng koronang tinik. Labis na nasaktan ang Kanyang balikat dahil sa bigat ng krus na pinasan Niya patungong Kalbaryo. At ang mga pako ay nagdulot ng matinding sakit sa Kanyang mga Kamay at Paa. Marami nang sakit ang dinanas ni Hesus sa Kanyang pangangatawan. Katawan pa lamang iyan. 

Hindi lamang pisikal ang sakit na dinanas ng Panginoong Hesus. Hindi lamang ang Kanyang Katawan ang labis na nasaktan. Nasaktan rin ang damdamin ni Hesus. Ang Puso ni Hesus ay labis na sinugatan. Nasaktan Siya nang labis-labis dahil sa mga pangungutya ng Kanyang mga kaaway. Ang paglilibak ng Kanyang mga kaaway habang Siya'y nakapako sa krus na walang kalaban-laban ay nagdulot ng malaking sugat sa Kanyang Puso. Bago pa man Siya sinibat ng isa sa mga kawal nang Siya'y malagutan ng hininga, nasugatan na ang Puso ni Hesus. Gaano kasakit ang sugat na ito? Maihahalintulad ito sa paghiwa ng balaraw. Hindi nawawala agad ang sakit nito. Habang tumatagal, lalong sumasakit. Patuloy na hinihiwa ng balaraw na iyon ang Kanyang Kabanal-banalang Puso.

Ang emosyonal na sakit na naramdaman ni Hesus sa mga sandaling iyon ay hindi lamang nagmula sa mga paglilibak na ginawa ng Kanyang mga kaaway. Lalo Siyang nasaktan sa ginawa ng mga itinuring Niyang kaibigan. Halimbawa na lamang ang ginawa ng nagkanulo sa Kanya na si Hudas Iskariote. Ipinagpalit ni Hudas si Hesus sa tatlumpung piraso ng pilak na inalok sa kanya ng mga Pariseo't matatanda ng bayan. Ang tatlong taong pagsasama at pagkakaibgan ay ibinasura na lamang ni Hudas para lamang sa sariling interes. Binalewala niya ang samahan nila ni Hesus dahil lamang sa salapi. Si Apostol San Pedro, tatlong ulit niyang ipinagkaila ang Panginoong Hesukristo. Malakas niyang ipinangako kay Hesus na handa siyang ipagtanggol at samahan ang Panginoon. Subalit, nang tanungin kung siya nga'y isa sa mga kasama ni Hesus, ipinagkaila niya ito nang tatlong ulit dahil sa kaduwagan. Ang iba pang mga apostol, maliban na lamang kay Apostol San Juan, ay agad na tumakas nang dakipin si Hesus sa Halamanan. Ang mga sumalubong at nagbigay-pugay sa Kanya noong Siya'y pumasok sa Herusalem, karamihan sa kanila ay bigla na lamang sumigaw ng "Ipako sa krus" noong Siya'y hinarap ni Poncio Pilato. 

Kaawa-awa ang kalagayan ni Hesus sa mga sandaling iyon. Wala Siyang kalaban-laban. Mahinang-mahina Siya sa mga sandaling iyon. Katunayan, naghihingalo Siya sa mga oras na iyon. Labis na ngang nasaktan ang Kanyang Katawan. Dumagdag pa ang emosyonal na sakit sa puso at damdamin. Bigla na lamang Siya tinalikuran ng lahat ng mga nagmamahal sa Kanya, maliban na lamang kina Apostol San Juan, sa Mahal na Birheng Maria, Santa Maria Magdalena, at iba pang mga kababaihan sa paanan ng krus. Hindi sapat ang mga salita upang ilarawan kung gaano nasaktan si Hesus. Inibig ni Hesus ang lahat ng mga taong iyon. Tapos, karamihan sa kanila ay umalis sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. 

Batid ng Panginoong Hesus na mangyayari ang lahat ng iyon. Bago pa man mangyari ang lahat ng iyan, alam ni Hesus kung ano ang mangyayari. Subalit, kahit alam na ni Hesus kung anong mangyayari sa Kanya, hindi Siya naging ligtas sa sakit dulot ng mga ito. Bukod sa pinakahalatang sakit na Kanyang naramdaman sa mga sandaling iyon, ang sakit sa pangangatawan, nakaramdam Siya ng sakit sa kaloob-looban Niya. Ang mga huling sandali ng buhay ni Hesus ay napuno ng sakit. Alam ni Hesus na napakatindi ang sakit na Kanyang dadanasin sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Alam Niyang labis Siyang masasaktan. 

Ang wikang ito ng Panginoong Hesukristo mula sa krus ay ang mga unang kataga ng Salmo 22. "Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo Ako pinabayaan?" Isang mahabang panalangin ang Salmong ito. Isinasalungguhit sa Salmong ito ang pananalig sa Diyos sa gitna ng mga kapighatian at kadiliman ng buhay. Isa itong panalangin ng mga taong nagdurusa sa buhay pero nagtitiwala pa rin sa Panginoon. At sa bandang huli ng Salmong ito, ang Diyos ay binigyan ng papuri't pasasalamat ng mang-aawit dahil sa Kanyang ginawa. 

Iyon nga lang, bakit pinili ni Hesus na bigkasin nang malakas ang mga unang kataga ng Salmo 22? Bakit hindi Niya dinasal nang malakas ang buong Salmo? Ano ang nais iparating o ipahiwatig ni Hesus? 

Sa pamamagitan ng pagbigkas sa mga salitang ito, ang mga unang kataga ng Salmo 22, ipinakita ni Hesus ang Kanyang pagkatao. Hindi lamang Siya tunay na Diyos; tunay rin Siyang tao. Ang Diyos ay naging tao sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Ang ating pagkatao ay kusa Niyang niyakap at tinanggap, maliban sa kasalanan. At nang maging tao, hinayaan ng Diyos na maranasan ang iba't ibang uri ng sakit sa buhay. Hindi lamang ang pisikal na sakit ng pangangatawan ang narasan ng Diyos kundi na rin ang emosyonal na sakit. Sa kabila ng Kanyang pagka-Diyos, hindi naging ligtas mula sa mga sakit na dinanas ng tao sa buhay ang Panginoong Hesus. 

Ipinasiya ng Diyos na tiisin ang lahat ng sakit hatid ng buhay dito sa lupa sa pamamagitan ni Hesus upang ipakita ang Kanyang pag-ibig para sa lahat. Ang lahat ng sakit, pisikal at emosyonal, ay tiniis at dinanas ng Panginoon upang iligtas ang bawat isa sa atin. Tayong lahat ay iniligtas ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang pagtitiis ng sakit at pagdurusa sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Ang pag-aalay ng sarili ng Diyos na nagkatawang-tao na si Kristo Hesus ang sagisag ng Kanyang pag-ibig sa ating lahat. Ang pag-ibig na nagdulot ng kaligtasan sa lahat. 

Pinahintulutan ng Diyos na maranasan ang iba't ibang mga sakit sa buhay dito sa lupa dahil sa Kanyang pag-ibig. Hindi naman Niya kailangang gawin iyon, kung tutuusin. Subalit, kahit hindi naman Niya kinailangang gawin ito, ipinasiya pa rin Niyang gawin ito. Isinugo Niya ang Kanyang Bugtong na Anak, ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo, upang tayong lahat ay iligtas. Sa pamamagitan nito, inihayag ng Diyos ang Kanyang pag-ibig para sa ating lahat. 

Mapalad tayong lahat sapagkat mayroon tayong Diyos na patuloy na umiibig sa atin sa kabila ng ating mga kasalanan. Pinatunayan Niya ito sa pamamagitan ng pag-aalay ng sarili ni Hesus sa Kalbaryo para sa ating kaligtasan. Iyan ang nais ipaalala ng larawan ni Kristong nakapako sa krus. Inalay ni Kristo ang Kanyang buhay sa krus dahil sa Kanyang pag-ibig para sa lahat. Tiniis Niya ang lahat ng sakit, pisikal man o emosyonal, alang-alang sa ating lahat. Ganyan tayo kamahal ng Panginoon. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento