Martes, Abril 23, 2019

MAPAGBIGAY ANG PANGINOON

24 Abril 2019 
Miyerkules sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 3, 1-10/Salmo 104/Lucas 24, 13-35 


Ang mga Pagbasa ay tungkol sa mga bigay ng Panginoon. Marami Siyang ibinibigay sa bawat isa. Marami Siyang ipinagkakaloob na pagpapala. Ang Panginoon ay mapagbigay. Hindi Siya naging madamot kailanman. At ang lahat ng Kanyang mga ibinibigay Niya sa ating lahat ay para sa kabutihan natin. Ang Panginoon ay hindi nagbibigay ng anumang makakasama sa atin kailanman. Siya'y nagbibigay ng mga bagay na para sa ating ikabubuti. 

Sa Unang Pagbasa, isang lalaking pulubi na ipinanganak na lumpo ay binigyan ng kakayahang makalakad. Siya'y nakakalakad dahil sa kapangyarihan ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay. Ang kapangyarihan ng Panginoong Muling Nabuhay ang nagpalakad sa lalaking ipinanganak na lumpo na nagmamalimos sa labas ng templo. Si Apostol San Pedro ang nagbahagi ng kapangyarihan ni Kristong Muling Nabuhay. Ginamit siya ng Panginoong Hesukristo bilang Kanyang instrumento. At bilang instrumento ng Panginoon, ibinahagi ni Apostol San Pedro sa pulubing ipinanganak na lumpo ang Kanyang kapangyarihan. Hindi si Apostol San Pedro ang pinagmulan ng kapangyarihang ito kundi ang Panginoon; si Apostol San Pedro ay ginamit lamang ng Panginoon bilang Kanyang instrumento. Sa pamamagitan ng Kanyang instrumentong si Apostol San Pedro, ipinagkaloob ng Panginoong Hesus sa lalaking ipinanganak na lumpo ang biyayang makatayo at makalakad. 

Isinalaysay sa Ebanghelyo kung paanong ang Panginoong Muling Nabuhay ay nagbigay ng galak sa dalawa sa Kanyang mga alagad. Hindi Siya nakilala agad ng dalawang alagad na ito nang Siya'y nagpakita at nakisabay sa kanilang paglalakbay patungong Emaus. Nakilala na lamang ng dalawang alagad na ito na ang kanilang nakasama ay ang Panginoong Hesus na Muling Nabuhay nang paghati-hatiin Niya ang tinapay. At nang makilala ng dalawang alagad na ito ang Panginoong Hesus na Muling Nabuhay, silang lahat ay napuspos ng galak. Iyan ang ibinigay sa kanila ng Panginoon. Siya'y nagbigay ng galak sa dalawang alagad na ito na punung-puno ng hapis at ligalig dahil sa mga naganap sa mga lumipas na araw. At ang kagalakang ito ay kanilang tinaglay at ibinahagi sa kanilang mga kasama sa Herusalem. 

Maraming ibinigay ang Panginoon sa bawat isa. Hindi lamang mga materyal na bagay ang ibinibigay sa atin. Nagbibigay Siya ng kagalakan, kapayapaan, at pag-asa. Hindi ito kayang ibigay ng daigdig. Higit pa sa mga kayang ipagkaloob sa atin ng daigdig ang Kanyang mga ipinagkakaloob. At ang lahat ng Kanyang mga kaloob sa atin ay para sa ating kapakinabangan at ikabubuti. Iyan ang ating Panginoon. Kaya, tayong lahat ay tunay na mapalad dahil mayroon tayong Panginoong mapagbigay. Walang sandaling naging madamot ang Panginoon. At ang mga kaloob sa atin ng Panginoon ay higit pa kaysa sa mga kaloob ng daigdig. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento