Sabado, Abril 6, 2019

PARAISONG PANGARAP

PAGNINILAY SA IKALAWANG WIKA: 
"Sinasabi Ko sa iyo: Ngayon di'y isasama Kita sa Paraiso." (Lucas 23, 43) 



Likas sa bawat tao ang mangarap. May mga pangarap ang bawat isa sa buhay. Sari-sari ang mga pinapangarap natin sa buhay. May mga nangangarap maging isang doktor, pulis, negosyante, inhinyero (inhinyera kung babae), abugado, o 'di kaya artista. Hindi lingid sa tao ang mangarap. Talagang may mga pinapangarap ang bawat tao. Maski nga sa buhay pag-ibig, may mga pangarap din ang bawat isa. Pinapangarap ng bawat taong umiibig na makarelasyon at makapiling ang kanilang sinisinta. Mula pagkabata, may mga pangarap na tayo sa buhay. Mas malinaw ito sa mga kabataan dahil mayroon silang pinapangarap para sa kanilang kinabukasan. 

Subalit, sa kabila ng dami ng ating mga pangarap sa buhay, iisa lamang ang ating pinapangarap sa katapusan ng ating buhay dito sa lupa. Kung ang bawat isa sa ati'y may maraming pangarap sa buhay, iisa lamang ang pangarap nating makamit sa katapusan nito. Magkaiba man ang ating mga pinapangarap habang tayo'y naglalakbay sa daigdig na ito, iisa lamang ang ating pangarap sa huling sandali ng ating buhay sa lupa. Ang nag-iisang pangarap na iyon, na pinapangarap ng bawat isa sa atin, ay ang makapasok sa langit pagdating ng oras ng ating paglisan sa daigdig na ito. Pangarap nating lahat na makapiling ang Diyos sa Kanyang kaharian sa langit magpakailanman pagsapit ng huling sandali ng ating buhay dito sa lupa. 

Katulad ng pagkamit ng mga pangarap natin sa buhay, mahirap matamasa ang pangako ng buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos sa langit. Katunayan, mas mahirap pa ngang makamit ang pangako ng Paraiso na kaloob ng Diyos sa wakas ng ating buhay dito sa lupa kung ito'y ikukumpara sa pagkakamit ng mga pangarap sa buhay. Kung ang mga pangarap natin sa buhay ay nakasalalay sa ating kasipagan at katiyagaan, lalo na pagdating sa pag-aaral para sa mga kabataan, ang pagpasok natin sa langit ay nakasalalay naman sa mga ginagawa natin habang ang bawat isa sa atin ay naglalakbay dito sa lupang ibabaw. 

Tanging mga banal lamang ang nakakapasok sa langit. Sabi nga sa aklat ng Pahayag: "[H]indi makakapasok [sa langit - ang Bagong Herusalem] ang anumang bagay na marumi sa paningin ng Diyos, ang sinumang gumagawa ng kahihiyan, at ang mga sinungaling." (21, 27) Ang problema lamang, hindi tayo malinis. Maraming tayong mga karumihan. Lahat tayo ay may dungis ng kasalanan. Madalas tayong natitisod, nadadapa, sa bawat sandali ng ating paglalakbay dito sa lupa. May mga pagkakataon sa buhay natin kung saan tayo'y nagkakasala. Walang sinuman sa atin ang makakapagsasabing malinis siya at karapat-dapat pumasok sa langit. Ang mga magsasabing wala silang bahid ng kasalanan o hindi nagkasala kailanman sa kanilang buhay ay mga sinungaling. 

Pero, kung titingnan natin ang lahat ng mga banal katulad nina Apostol San Pedro, Apostol San Pablo, San Agustin, lahat sila ay may nakaraan. Lahat sila ay nagkasala rin noong sila'y namumuhay pa dito sa lupa. Si Apostol San Pedro, tatlong ulit niyang ipinagkaila si Hesus bago tumilaok ang manok. Si Apostol San Pablo ang umusig sa mga sinaunang Kristiyano bago pa niya nakatagpo sa daang patungong Damasco si Kristo. Si San Agustin ay gumawa ng maraming kasalanan bago naging Obispo, tulad ng kanyang isinalaysay sa kanyang Mga Kumpesyon (Confessions). 

Ang bawat banal sa langit ay may nakaraan. Hindi sila naging perpekto sa bawat sandali ng kanilang buhay dito sa lupa. May mga pagkakataon kung saan sila'y bumigay sa mga tukso sa buhay. Subalit, ang mga kasalanang ito'y kanilang pinagsisihan. Lagi nilang nagsumikap na maging tapat at masunurin sa Diyos. Ang loobin ng Panginoon ay buong puso nilang tinanggap at sinunod, kahit mahirap itong gawin dahil sa dami ng mga tukso sa buhay. Kung tutuusin, araw-araw nilang hinarap at nilabanan ang mga tukso sa buhay. 

Itinatampok sa Ikalawang Wika ng Panginoong Hesus mula sa krus ang kuwento ng pagbabalik-loob ng isang salaring kilala sa tradisyon bilang si Dimas. Si Dimas ay hinatulan ng kamatayan sa krus dahil sa pagnanakaw. Siya ang salaring nakipag-usap sa Panginoong Hesukristo habang siya'y nakapakong kasama Niya sa bundok ng Kalbaryo. Ipinangako sa kanya ni Kristo na siya'y isasama Niya sa Paraiso. Kung tutuusin, inunahan ni Dimas ang mga apostol sa langit, ang tunay na Paraiso. Siya ang unang pinapasok ng Panginoong Hesus sa langit. 

Habang nakabayubay sa krus si Dimas tulad ni Hesus, buong kataimtiman siyang nagsisi't nagbalik-loob sa Panginoon. Batid niyang napakarami ang mga kasalanang ginawa niya buong buhay niya. Batid niya na bago pa siya hinatulan ng kamatayan, marami na siyang pagkakamali. Puro pagkakasala na lamang ang kanyang ginawa. Ang lahat ng mga masasamang bagay ay kanyang ginawa. Bagamat kilala siya sa tradisyon bilang isang magnanakaw, marahil ay hindi lamang siya nagnakaw. Ang ibang mga bagay na kanyang ginawa ay hindi natin alam, subalit alam nating masama ang lahat ng iyan sa paningin ng Diyos. Marahil siya'y pumatay ng kapwa, o 'di kaya nakiapid sa isang babaeng may asawa. 

Sa kabila ng mga paglilibak na ginawa laban kay Kristo, si Dimas ay nagpasiyang magbalik-loob nang buong kataimtiman. Hindi siya nagpadala sa mga paglilibak na ginawa ng mga kaaway ni Hesus. Kung si Hestas, ang isa pang salarin na ipinakong kasama nina Hesus at Dimas, ay nakisali sa paglilibak kay Hesus kahit na siya'y ipinako rin sa krus tulad Niya, si Dimas ay sumalungat sa agos. Si Dimas ay hindi nagpaimpluwensiya sa mga pangungutya laban sa Panginoon. Kahit na natutukso siyang gayahin si Hestas at ang mga kaaway ni Hesus, hindi siya nagpatalo sa tuksong iyon. Ang tuksong iyon ay kanyang nilabanan at pinagtagumpayan sa pamamagitan ng kanyang taos-pusong pagsisisi't pagbabalik-loob sa mga nalalabing sandali ng kanyang buhay dito sa daigdig. 

Nang marinig ni Hesus ang taos-pusong pagtitika ni Dimas, naibsan ang sakit na Kanyang naramdaman sa mga oras na iyon. Hindi lamang ang Kanyang Katawan ang nakaramdam ng matinding sakit sa mga sandaling iyon. Nakaramdam din ng sakit si Hesus sa Kanyang puso't damdamin. Labis Siyang nasaktan sa mga salitang binitiwan ng Kanyang mga kaaway. Subalit, sa kabila ng lahat ng sakit na Kanyang naramdaman, si Hesus ay natuwa nang marinig ang tinig ng pagsisisi ni Dimas. Sa gitna ng hapdi't pagdurusa sa krus, nakaramdam ng tuwa si Hesus. At ang sanhi ng tuwang naramdaman ni Hesus ay ang pagsisisi ni Dimas. Ipinakita ni Hesus ang Kanyang tuwa sa pagbabalik-loob ng magnanakaw na si Dimas sa pamamagitan ng pagbibitiw ng isang pangako. Ipinangako ni Hesus kay Dimas na siya'y Kanyang isasama sa tunay na Paraiso - ang Kanyang kaharian sa langit. 

Itinuturo sa atin ng Ikalawang Wika ni Kristo mula sa krus na Siya'y natutuwa kapag tayong lahat ay nagsisi't nagbalik-loob sa Kanya. Lagi Niyang hinihintay ang araw o oras ng ating pagtitika. Tulad ng Ama sa Talinghaga ng Alibughang Anak (Lucas 15, 11-32), laging inaabangan ng Panginoon ang ating pagbabalik-loob. Sa sandali ng ating pagbabalik-loob sa Kanya, labis Siyang natutuwa at nagagalak dahil hinahangad Niya na tayong lahat ay makabalik-loob sa Kanya. Hindi Niya nais mapahamak ang bawat isa gawa ng kani-kanilang mga kasalanan. Ang nais ng Panginoon, maligtas ang lahat at makapiling Siya magpakailanman sa langit. 

Batid ng Panginoon na may mga pagkakataon sa buhay natin dito sa lupa kung saan tayo'y magkakamali't magkakasala laban sa Kanya. Subalit, lagi Siyang handang ibukas ang Kanyang pintuan para sa bawat isa. Lagi Niyang hinihintay na tayo'y magbalik-loob sa Kanya. At ang pangako Niya sa mga nagsisisi't nagbabalik-loob sa Kanya, isasama Niya sila sa langit. 

Laging nagkakasala ang bawat tao. Paulit-ulit nga, kung tutuusin. Subalit, may pag-asa pa ang bawat isa sa atin na makapiling ang Panginoon sa langit. Habang tayo'y naglalakbay dito sa daigdig, samantalahin natin ang bawat pagkakataong ibinibigay sa atin ng Diyos na makapagsisi't makabalik-loob sa Kanya. Sundin rin natin ang Kanyang kalooban. At kapag ginawa natin ang mga iyon, makakamit natin ang pangako ng Paraiso na inaasam-asam nating lahat. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento