PAGNINILAY SA IKALIMANG WIKA:
"Nauuhaw Ako!" (Juan 19, 28)
May dalawang babae na matalik na magkaibigan. Parehas silang nagtatrabaho para sa isang kumpanya. Isang araw, nagpasiyang lumabas ang isa sa kanila upang bumili ng pagkain sa isa sa mga tindahang malapit sa kanilang opisina. Bago umalis, tinanong ng babaeng ito ang kanyang kaibigan kung ano ang gusto niyang ipabiling pagkain. Ang sagot ng kaibigang ito, "Yung pagkaing mabubusog ako... sa pagmamahal!" Nang marinig ito mula sa kanyang kaibigan, tinanong na lamang ng babae kung anong gusto niyang inumin upang may mabili siya para sa kanyang kaibigan. Sumagot na naman yung kaibigan, "Matagal na 'kong uhaw sa pag-ibig. Tapos itatanong mo pa ngayon?" Nang marinig ito, tinanong na lamang ng babae ang kanyang kaibigan kung may gusto siyang i-meryenda. Sumagot uli ang kaibigang ito, "Bakit? Kaya mo bang bilhin yung gusto ko? Ayaw nga sa akin yung gusto ko, eh!" Dahil ubos na ang pasensya ng babae, sinabi na lamang niya sa kanyang kaibigan, "Eh kasi yung gusto mo, hindi naman available! Puro ka hugot, eh!" Saka umalis ang babae. Pero, nang paalis na ang babaeng ito, sinabi niya na gusto niya ng cheeseburger, fries, at ketchup.
Ang maikling kuwentong ito ay hango mula sa isang bidyo sa YouTube na nailathala ng isang kilalang istasyon ng radyo. Dalawang babae na nagtatrabaho bilang mga DJ sa nasabing istasyon ang gumanap sa dalawang magkaibigan. Inilalarawan nito kung paanong iniuugnay ng karamihan, lalung-lalo na ng mga kabataan, ang pag-ibig sa ibang mga paksa. Tulad na lamang sa maikling kuwentong iyon. Kahit na tungkol sa pagkain at inumin ang katanungan, tungkol sa buhay pag-ibig ang sagot. Lahat na lamang ay kinokonekta sa pag-ibig. Ang tawag sa mga linyang ito ay mga "hugot." May pinaghuhugutan ang karamihan ng mga kabataan sa panahon ngayon. Halos lahat na lamang ng bagay na kanilang makita ay magpapaalala sa kanila tungkol sa pag-ibig. Hindi lamang mga kabataan ang humuhugot. Kahit na sino ang maaaring magbitaw ng mga hugot.
Inilalabas ng mga bumabanat ng mga hugot ang kanilang mga saloobin. Ang kanilang mga nararamdaman dahil sa kanilang mga karanasan ay nasasalamin sa mga hugot. Kaya naman, kapag may bumanat ng hugot, iisipin agad ng karamihan sa paligid nila na mayroon silang naaalala. Naaalala ang mga sakit at problema sa buhay pag-ibig. Mga masasamang alaala dulot ng paghihiwalay.
Kadalasan ring inaaasar ang mga bumabanat ng mga hugot. Para sa karamihan, nakakatawa kasing pakinggan. Lalo na kung kilala ang taong iyon bilang isang taong sawi sa pag-ibig. Tatawagin silang mga inggit o mga ampalaya. Halos lahat na lang kasi ng kanilang nakikita o naririnig ay nagpapaalala sa kanila sa mga alaala ng kanilang nakaraan sa buhay pag-ibig.
Maituturing na isang hugot ang ikalimang wika ng Panginoong Hesukristo habang nakabayubay sa krus. Kahit na labis Siyang nanghina at nasaktan sa mga sandaling iyon, nakuha pa ng Panginoong Hesus na bumanat ng isang hugot. Kung tutuusin, bago pa man nauso ang mga hugot na binabasa at napapakinggan ng karamihan sa panahon ngayon, bumanat ng hugot si Hesus. "Nauuhaw Ako!" Kung ito'y sinabi sa kasalukuyang panahon, hihintayin muna ng karamihan ang magiging kasunod nito. Mukhang may kulang kasi. Hindi sapat ang mga salitang "Nauuhaw Ako!" Kasi, iisipin ng karamihan na baka hindi tubig o anumang inumin ang tinutukoy.
Kapansin-pansin sa wikang ito ang hindi pag-ubos ng Panginoong Hesus sa sukang inalok sa Kanya. Kahit na namutawi mula sa Kanyang mga labi ang mga salitang "Nauuhaw Ako," hindi Niya ininom o inubos ang suka. Sinipsip lamang Niya ito, pero hindi Niya tinuloy ang pag-inom nito. Para bang tahimik na sinasabi ni Hesus sa nag-abot ng suka sa Kanya gamit ang sanga ng isopo na hindi naman iyan ang kinauuhawan Niya. Hindi pisikal na uhaw ang Kanyang tinutukoy. Ibang pagka-uhaw ang tinutukoy ni Kristo.
Siguro, mas lalong maiintindihan at mararamdaman ng karamihan sa panahon ngayon ang emosyon ng Panginoong Hesus. Bukod sa ikaapat na wikang namutawi mula sa Kanyang mga labi habang nakabayubay sa krus, nakita sa ikalimang wikang ito ang pagka-emosyonal ni Hesus. Halos lahat kasi ng mga tao sa kasalukuyang panahon ay emosyonal, kung tutuusin. Lahat na lang ng kanilang mga emosyon ay kanilang ipinapakita. May ilan na inililihim ito sa iba. Makikita ng mga tao sa wikang ito kung gaano ka-emosyonal ang Panginoon. Tulad nating lahat, may mga emosyon din ang Diyos. Ipinakita Niya ito sa pamamagitan ni Kristo.
Layunin ng mga hugot ang ilabas ang emosyon ng bawat isa. Inilalabas sa mga hugot ang pagka-uhaw ng karamihan para sa pagmamahal. Uhaw sila sa pag-ibig. Uhaw sila sa matamis na "oo" ng kanilang sinisinta. Hinahangad at inaaasam-asam nilang makapiling at magkatuluyan ng kanilang sinisinta. Iyan ang tanging hiling at dasal ng karamihan, lalung-lalo na ang mga kabataan, sa panahon ngayon. Sino nga ba naman ang hindi sasaya kapag nakasama't nakatuluyan niya ang nilalaman ng kanilang mga puso?
Inilabas ng Panginoong Hesus ang Kanyang mga emosyon sa wikang ito. Inihayag ni Kristo ang Kanyang nararamdaman para sa atin. Hangad Niyang makasama sa langit ang bawat isa sa atin. Hangad ni Hesus na matanggap natin ang Kanyang pag-ibig na patuloy Niyang ibinibigay sa atin hanggang sa kasalukuyang panahon. Hangad ng Panginoon na lalo tayong mapalapit sa Kanya.
Sa wikang ito, inilabas ni Hesus ang Kanyang mga emosyon. Tayong lahat ay kinauuhawan Niya. Uhaw Siya para sa ating pagtanggap at pag-ibig. Tatanggapin at mamahalin ba natin si Hesus nang buong-buo? Papawiin ba natin ang Kanyang pagka-uhaw para sa atin?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento