27 Abril 2019
Sabado sa Walong Araw na Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 4, 13-21/Salmo 117/Marcos 16, 9-15
Sabi nina Apostol San Pedro at San Juan sa Sanedrin sa dulo ng Unang Pagbasa na hindi sila maaaring manatiling tahimik tungkol sa mga bagay na kanilang nakita't narinig (4, 20). Inihayag ng dalawang apostol na ito na hindi sila natatakot sa anumang banta laban sa kanila. Walang sinuman sa lupa ang makakapagpatahimik sa kanila. Hindi sila tatahimik dahil sa utos o banta ng mga autoridad. Bagkus, ang misyong ibinigay sa kanila ay patuloy nilang tutuparin. Kahit anumang mangyari sa kanila, ipagpapatuloy nila ang pagsaksi sa Panginoong Hesus na Muling Nabuhay. Patuloy silang mangangaral at magpapatotoo tungkol sa Panginoong Hesus, ang nagbigay sa kanila ng misyong iyon.
Ang misyon nina Apostol San Pedro at San Juan sa Unang Pagbasa ay inilarawan sa dulo ng Ebanghelyo. Isinugo ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay ang mga apostol sa iba't ibang panig ng daigdig upang ipangaral at ipalaganap ang Mabuting Balita. Iyon ang ipinakita ng mga apostol tulad nina Apostol San Pedro at San Juan sa Unang Pagbasa. Ipinakita nilang handa silang ibuwis ang kanilang buhay alang-alang sa Mabuting Balita. Hindi sila magpapasindak sa anumang banta laban sa kanilang buhay. Sa kabila ng lahat ng mga tiisin sa buhay, tutuparin nila ang misyong ibinigay sa kanila ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay, kahit buhay pa nila ang magiging kapalit.
Tayong lahat ay nananalig at sumasampalataya sa Panginoong Hesus na Muling Nabuhay dahil sa katapatan at kagitingan ng mga apostol. Tiyak na marami silang hinarap na pagsubok sa bawat sandali ng kanilang misyon bilang mga saksi ni Kristo. Subalit, sa kabila ng mga pagsubok sa buhay, ipinasiya nilang manatiling tapat sa misyong ibinigay sa kanila ng Panginoong Hesukristo. Nagpapatuloy pa rin hanggang sa kasalukuyang panahon ang misyon ng mga apostol. Ang Simbahan ang nagpapatuloy sa misyon ng mga apostol.
Iyan ang tanong sa bawat isa sa atin. Kung ang mga apostol ay nanatiling tapat sa misyong ibinigay sa kanila ng Panginoong Hesukristong Muling Nabuhay, kaya ba nating manatiling tapat sa Kanya? Mananatili ba tayong tapat sa Panginoong Hesukristong Muling Nabuhay hanggang kamatayan?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento