Huwebes, Abril 25, 2019

TANGING SIYA LAMANG

25 Abril 2019 
Huwebes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 3, 11-26/Salmo 8/Lucas 24, 35-48 


Sa Unang Pagbasa, inihayag ni Apostol San Pedro sa mga tao na ang lalaking isinilang na lumpo, ang pulubing nanghihingi ng limos malapit sa tinatawag na Pintuang Maganda, ay nakakalakad dahil sa kapangyarihan ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay. Ipinaliwanag nila na hindi silang dalawa ni Apostol San Juan ang dahilan kung bakit nakakalakad ang pulubing isinilang na lumpo. Inamin ng dalawang apostol na ito na hindi nila taglay ang kapangyarihang makakapaglakad sa mga lumpong tulad ng lalaking iyon. Bagkus, sila'y ginamit lamang bilang mga instrumento ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay. Si Hesus na ipinapatay ng mga autoridad ay muling nabuhay at patuloy na nabubuhay at gumagawa ng mga kahanga-hangang bagay sa pamamagitan ng mga apostol na Kanyang ginagamit bilang Kanyang mga instrumento. 

Isinalaysay sa Ebanghelyo ang pagpapakita ng Panginoong Hesukristo sa Kanyang mga alagad matapos Siyang mabuhay na mag-uli. Ipinakita ni Hesus sa mga alagad ang Kanyang mga kamay at paa bilang patunay na Siya nga ang kanilang nakikita sa kanilang harapan. Hindi isang multo ang kanilang nakikita o nakakausap sa silid na iyon. Bagkus, ang kanilang kaharap ay si Kristo. At matapos patunayan ni Kristo na Siya nga ang nasa piling ng Kanyang mga apostol, ipinaliwanag Niya sa kanila kung bakit nangyari sa Kanya ang lahat ng iyon. Ang lahat ng iyon ay katuparan ng lahat ng mga nasasaad sa Banal na Kasulatan. Ang Panginoong Muling Nabuhay ang tumupad sa lahat ng mga propesiya tungkol sa Mesiyas. At ngayon, taglay Niya ang buo Niyang kaluwalhatian sa Kanyang Muling Pagkabuhay. 

Ang mga Pagbasa ay nagsisilbing patunay na kahanga-hanga ang lahat ng mga gawa ng Panginoong Muling Nabuhay. Walang makakapantay o makakahihigit sa Kanya. Ang lahat ng Kanyang mga ginawa ay nagpapatunay na tunay nga Siyang dakila at kahanga-hanga. Mas lalong naging malinaw ang katotohanang ito sa Muling Pagkabuhay ng Panginoon. 

Hindi mapapantayan o mahihigatan ang Panginoon. Ang lahat ng Kanyang mga gawa ay kahanga-hanga. Tanging Siya lamang ang nakakagawa ng mga ito. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento