Linggo, Abril 7, 2019

NAKAKAPANLIIT ANG KANYANG PAG-IBIG

PAGNINILAY SA IKATLONG WIKA: 
"Ginang, narito ang iyong Anak... Narito ang iyong ina." (Juan 19, 26-27) 





Ipinakita ng Panginoong Hesus sa wikang ito ang Kanyang pag-ibig para sa ating lahat. Ang Mahal na Birheng Maria at ang minamahal na alagad na si Apostol San Juan ay ipinagkatiwala ni Hesus sa pangangalaga ng isa't isa. Si Apostol San Juan ang kumatawan sa bawat isa sa atin na bumubuo sa sambayanang Kristiyano noong unang Biyernes Santo. Sa sandaling ibinigay ni Hesus ang Kanyang Inang si Maria kay Apostol San Juan, tayong lahat ay naging mga anak ni Maria. Mula sa krus, si Maria ay ibinigay sa atin ni Hesus upang maging ating Mahal na Ina. Dahil ang bawat isa sa atin ay naging mga anak ni Maria mula noong oras na iyon, si Hesus ay naging kapatid na rin natin. Kapamilya natin ang Panginoong Hesukristo. 

Tunay ngang nakakapanliit ang ginawang ito ni Hesus para sa atin. Samantalang nakabayubay sa krus, ibinigay Niya sa atin ang Kanyang Ina. Sa pamamagitan nito, ibinilang Niya ang bawat isa sa atin sa Kanyang pamilya. Ang Kanyang pagbibigay kay Maria sa atin upang maging Ina natin ang tanda ng Kanyang pagtanggap sa atin sa Kanyang pamilya. Nakakapanliit. Nakakamangha. Nakakagulat. 

Halos katulad ng katanungan ni Elisabet noong siya'y dinalaw ni Maria ang ating katanungan. May kaunting pagkakaiba nga lang sa ilang mga salitang ginamit sa ating bersyon. Bukod pa roon, halos magkakatulad lang ang tono at esensya ang tanong ni Elisabet at ang tanong ng bawat isa sa atin. Ang tanong ni Elisabet noong siya'y dinalaw ng kanyang kamag-anak na si Maria, "Sino ako upang dalawin ng Ina ng aking Panginoon?" (Lucas 1, 43) Ang tanong naman ng bawat isa sa atin: "Sino ba ako upang ako'y ituring ng Panginoon bilang Kanyang kapamilya?" Sa tanong na ito'y nasasalamin ang ating kababaang-loob. Hindi tayo karapat-dapat na ibilang ng Panginoon dahil sa dami ng mga kasalanang ginawa natin laban sa Kanya. Subalit, sa kabila nito, itinuring Niya tayong kapamilya. 

Walang sinuman sa atin ang makakapagsabing karapat-dapat tayong ituring na kapamilya ng Panginoon. Kayabangan na iyan. Paulit-ulit tayong nagkakasala laban sa Kanya. Ang mga kasalanan natin ang dahilan kung bakit Siya ipinako sa krus. Ang bawat isa sa atin ang dahilan ng pagdurusa ni Kristo hanggang sa Siya'y malagutan ng hininga sa krus. Tayo na nga ang mga nagkasala, tayo pa ang may lakas ng loob na magsabing nararapat lamang na ibilang sa pamilya ni Kristo. May tawag sa mga gumagawa ng ganyan: makapal ang mukha. Dahil nasobrahan sa yabang, kinapalan ang mukha. Wala man lang kahihiyang ipinakita kay Kristong ipinako sa krus. Hindi natin maipagkakaila ang katotohanang iyan. Ang bawat isa sa atin ay hindi karapat-dapat na maging kapamilya ng Panginoon.

Batid naman ng Panginoon ang katotohanan tungkol sa ating pagkatao at sa ating mga kahinaan. Batid Niya ang bigat ng ating mga pagkakasala. Batid Niya ang sakit dulot ng mga kasalanang ginawa natin laban sa Kanya - ang dahilan kung bakit inalay Niya ang buo Niyang sarili sa krus. Subalit, sa kabila ng katotohanang ito tungkol sa ating pagkatao, sa kabila ng ating mga pagkakasala, ang bawat isa sa atin ay tinanggap pa rin Niya bilang Kanyang mga kapatid. Hindi ito nangangahulugang kinukunsinti Niya ang ating mga kasalanan dahil kahit kailan ay hinding-hindi Niya iyon gagawin. Pero, ang bawat isa ay ibinilang Niya sa Kanyang pamilya. 

Ang pagtanggap ng Panginoon sa atin bilang Kanyang mga kapamilya ay hindi naman tungkol sa atin. Hindi naman ito tungkol sa mga kasalanang nagawa natin laban sa Kanya. Hindi naman tayo ang itinatampok. Bagkus, ang pagtanggap ni Kristo sa bawat isa sa atin bilang Kanyang mga kapatid ay tungkol sa Kanyang pag-ibig. Iyan ang nag-iisang kadahilanan kung bakit tayong lahat ay ibinilang ni Hesus sa Kanyang pamilya. Sa pamamagitan ng pagturing sa bawat isa sa ating lahat bilang Kanyang mga kapamilya, ipinakita ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang pag-ibig para sa ating lahat. Kahit tayong lahat ay mga makasalanan, pamilya pa rin ang turing sa atin ng Panginoong Hesukristo. 

Nakakapanliit. Marami tayong mga nagawang kasalanan laban kay Kristo. Subalit, sa kabila ng mga ito, ipinasiya Niyang tanggapin at ibilang ang bawat isa sa atin sa Kanyang pamilya. Hindi sapat ang mga salita upang ilarawan ang pag-ibig ni Kristo para sa bawat isa sa atin. Tunay ngang mapagmahal ang Panginoon. Hindi sapat ang mga salita upang ilarawan ang pag-ibig ng Panginoon. Kahit tayong lahat ay maraming ulit na nagkasala, pinakitaan pa rin tayo ni Kristo ng Kanyang pag-ibig.

Ipinakita ng Panginoon sa wikang ito ang Kanyang hangarin na maging bahagi ng pamilya Niya. Iyan naman ang dahilan kung bakit Siya bumaba mula sa langit at naging tao katulad natin, maliban sa kasalanan. Iyan ang dahilan kung bakit tayong lahat ay Kanyang iniligtas. Iyan rin ang dahilan kung bakit ang Mahal na Inang si Maria ay Kanyang ibinigay sa bawat isa sa atin upang maging ating Ina. Nais ng Panginoong Hesus na maging kapamilya natin Siya. Nais Niyang maranasan nating lahat ang galak sa pagiging kabilang sa Kanyang pamilya.

Patuloy tayong ipinaalalahanan ni Maria, ang ating Mahal na Ina, tungkol sa pag-ibig ng Diyos na nakakapanliit. Ang kanyang pagkalinga sa atin bilang kanyang mga anak sa pamamagitan ng patuloy niyang pananalangin ang nagpapaalala sa atin sa espesyal na sandaling ito sa kasaysayan ng ating kaligtasan. Si Maria, ang Mahal na Ina ni Hesus, ay ibinigay sa ating lahat upang maging ating Ina. Bilang ating Ina, siya'y nagsisilbing paalala sa atin tungkol sa pag-ibig ng ating Panginoon at Kapatid na si Hesus. Sa kabila ng ating mga kasalanan na hindi na mabilang, itinuring pa rin Niya tayong Kanyang mga kapamilya.

Tayong lahat ay tunay ngang pinagpala bilang isang sambayanang Kristiyano. May pamilyang ibinigay sa atin ang Diyos. Ang Mahal na Birheng Maria ay ibinigay sa atin ng Panginoong Hesus upang maging ating Ina. Sa pamamagitan nito, ibinigay ng Panginoong Hesus ang Kanyang sarili sa atin bilang ating Kapatid. Isa itong biyaya mula sa Diyos. Kahit hindi tayo karapat-dapat dahil sa ating mga kasalanan, ang bawat isa'y tinanggap at minahal pa rin ng Panginoong Hesus bilang Kanyang kapamilya. Kapamilya natin si Hesus.

Nakakapanliit nga ang pag-ibig ng Diyos. Ito'y dahil tayong lahat ay tunay Niyang minamahal sa kabila ng ating mga kasalanan laban sa Kanya. Ipinakita Niya ang Kanyang pag-ibig para sa ating lahat sa pamamagitan ni Hesus. Ang bawat isa sa atin ay ibinilang ng Ama bilang Kanyang mga Anak sa pamamagitan ni Hesus. Isa itong biyaya para sa ating lahat. Tayong lahat ay kabilang sa pamilya ng Diyos. Si Maria ang ating Mahal na Ina. Si Hesus, ang Panginoon at Tagapagligtas nating lahat, ay Kapatid nating lahat. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento