Lunes, Abril 22, 2019

SIYA ANG DAHILAN

22 Abril 2019 
Lunes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 2, 14. 22-33/Salmo 15/Mateo 28, 8-15 




Dalawang bersyon ng isang balita ang itinatampok sa Ebanghelyo. Ang balita tungkol sa libingang walang laman. Ang bersyon ng isang panig, nabuhay na mag-uli ang Panginoong Hesukristo. Ang bersyon ng kabilang panig, ninakaw ng mga alagad ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang bangkay mula sa libingan upang palabasing Siya'y muling nabuhay. Ang panig na nagbalitang ang Panginoong Hesus ay nabuhay na mag-uli ay ang mga babaeng pumunta sa libingan upang lagyan ng pabango ang Kanyang bangkay. Dalawa ang bumubuo sa kabilang panig na nagsabing ninakaw ang bangkay ng Panginoong Hesus - ang mga matatanda ng bayan at ang mga kawal na nagbantay sa libingan. 

Subalit, iisa lamang sa dalawang bersyon na ito ay totoo. At iyon ay ang balita tungkol sa Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesus. Si Hesus mismo ang nagpatunay na tunay at totoo ang balita tungkol sa Kanyang Muling Pagkabuhay sa pamamagitan ng Kanyang mga pagpapakita. Sa Ebanghelyo, Siya'y nagpakita sa mga kababaihang pumunta sa libingan upang lagyan sana ng pabango ang Kanyang bangkay. At matapos magpakita sa mga kababaihan, si Hesus ay nagpakita rin sa mga alagad matapos Siyang mabuhay na mag-uli. Iyan ang pinatotohanan ni Apostol San Pedro sa kanyang pangangaral sa mga tao noong araw ng Pentekostes sa Unang Pagbasa mula sa ikalawang kabanata ng mga Gawa ng mga Apostol. 

Bilang mga Kristiyanong bumubuo sa Simbahan, patuloy nating pinanaligan at sinasampalatayanan ang balita ukol sa Muling Pagkabuhay ni Kristo. Katunayan, ang Misteryo Paskwal ni Kristo ang pinakaimportanteng bahagi ng ating pananampalataya. Sapagkat kung hindi dahil sa Muling Pagkabuhay ni Kristo, hindi mabubuo ang Simbahan. Wala ang Simbahan kung si Kristo ay hindi nabuhay na mag-uli. Kaya, tayong lahat ay laging natitipon bilang isang sambayanan dahil kay Kristong Muling Nabuhay. Tayong lahat ay laging itinitipon ng Panginoong Muling Nabuhay. Siya ang bumubuo at nagbibigay-buhay sa ating lahat. Siya ang tumubos sa ating lahat sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Dahil diyan, ang bawat isa sa atin ay nananalig at sumasampalataya sa Kanya. 

Ang Panginoong Hesus na Muling Nabuhay ang dahilan kung bakit tayo'y laging nagtitipon bilang isang sambayanan. Siya ang nagtitipon sa ating lahat na bumubuo sa Simbahang Kanyang itinatag upang magdiwang linggo-linggo. Ang bawat isa sa atin ay lagi Niyang tinitipon sa banal na piging ng Banal na Eukaristiya upang pagsaluhan ang pagkai't inuming Kanyang handog - ang Kanyang Kabanal-banalang Katawan at Dugo. Siya rin ang dahilan kung bakit nating ipinagdiriwang ang kapanahunang ito sa Kalendaryo ng Simbahan nang buong kagalakan. Tayong lahat ay iniligtas ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Iyan ang ating pinananaligan at sinasampalatayanan bilang isang sambayanang binuo at pinagkaisa ni Kristong Muling Nabuhay. 

Bakit mayroong Simbahan? Bakit tayo nananalig at sumasampalataya? Dahil sa Panginoong Hesus na Muling Nabuhay. Sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay, tayong lahat ay naligtas. Iyan ang ipinagdiriwang nang buong kagalakan sa panahong ito na napakespesyal para sa Simbahan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento