Linggo, Abril 21, 2019

ANG PINAKAMAHALAGANG ARAW

21 Abril 2019 
Pasko ng Muling Pagkabuhay: Pagmimisa sa Araw 
Mga Gawa 10, 34a. 37-43/Salmo 117/Colosas 3, 1-4 (o kaya: 1 Corinto 5, 6b-8)/Juan 20, 1-9 


Ang Pasko ng Muling Pagkabuhay ay ang pinakamahalagang araw sa Kalendaryo ng Simbahan. Sa pangalan pa lamang, malalaman natin ang dahilan kung bakit. 'Di hamak na mas mataas ang ranggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay kaysa sa iba pang mga kapistahan sa Kalendaryo ng Simbahan. Katunayan, mas mataas pa ang ranggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay kaysa sa Pasko ng Pagsilang. Sa Pasko ng Muling Pagkabuhay, ang Simbahan ay buong kagalakang nagdiriwang dahil ginawa ng Panginoong Hesus sa unang Pasko ng Muling Pagkabuhay na naganap 2000 taon na ang nakakaraan ang pinakadakilang himala. Ang pinakadakilang himalang ginawa ng Panginoong Hesus ay ang Kanyang Muling Pagkabuhay. 

Subalit, ano nga bang mayroon sa Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesus? Bakit ito ang pinakadakilang himala? Totoo ngang maraming ginawa himala si Hesus sa kabuuan ng Kanyang ministeryo. Subalit, ang Kanyang Muling Pagkabuhay ay ang pinakadakilang himala na Kanyang ginawa dahil ito ang nagpapatunay na totoo ang lahat ng Kanyang mga sinabi ukol sa Kanyang sarili. Paulit-ulit na sinabi ni Hesus sa mga apostol bago pumasok sa lungsod ng Herusalem na Siya'y magpapakasakit, mamamatay at muling mabubuhay. At pinatunayan ni Hesus ang lahat ng iyon sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay. 

Ipinamalas ng Panginoong Hesus sa Kanyang Muling Pagkabuhay ang Kanyang pagka-Diyos. Si Hesus, na inilarawan ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa bilang Korderong Pampaskuwa, ang Diyos na nagdudulot ng kaligtasan. Siya ang Diyos na bumaba mula sa langit at naging tao katulad natin, maliban sa kasalanan, upang iligtas ang sangkatauhan. Siya ang Diyos na Mesiyas, ang Tagapagligtas at Tagapagpalaya. Tayong lahat ay Kanyang iniligtas sa pamamagitan ng Kanyang krus AT ng Kanyang Muling Pagkabuhay. 

Winika ni Apostol San Pablo sa kanyang unang sulat sa mga taga-Corinto na walang saysay ang ating pananampalataya kung si Kristo ay muling nabuhay (15, 17). Kaya nga, magkakaugnay ang krus at Muling Pagkabuhay ni Kristo. Kung walang krus, walang Muling Pagkabuhay na magaganap. At kung walang Muling Pagkabuhay, alipin pa rin tayo ng kasalanan at kamatayan hanggang ngayon. Kaya, hinarap at tinanggap ni Kristo ang Kanyang kamatayan sa krus. Matapos pagdaanan ang pagpapakasakit at pagkamatay sa krus, Siya'y bumangon at lumabas mula sa libingan. Sa pamamagitan nito, tayong lahat ay pinagkalooban Niya ng kaligtasan at kalayaan mula sa kasalanan at kamatayan. 

Ang Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo ang paksang pinagtuunan ng pansin sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo. Sa Unang Pagbasa, nangaral si Apostol San Pedro sa sambahayan ni Cornelio. Sa isang bahagi ng kanyang pangangaral, nagsalita si Apostol San Pedro tungkol sa pagpapakita ng Panginoong Hesukristo sa kanila matapos Siyang mabuhay na mag-uli. Kaya sila naniniwalang nabuhay na mag-uli si Hesus dahil Siya'y nagpakita sa kanila. Nagpakita si Hesus sa mga alagad upang silang lahat ay maniwala. Si San Juan ay nangaral ukol sa Pagkabuhay ni Hesus sa pamamagitan ng pagsasalaysay tungkol sa libingang walang laman, ang tampok na salaysay sa Ebanghelyo. Ang telang pambalot sa ulo ni Hesus ay nakatiklop at hiwalay sa mga kayong lino. 

Bakit ang araw na ito'y ipinagdiriwang ng Simbahan nang buong galak? Bakit ang mga apostol ay nagtiis ng maraming hirap hanggang kamatayan sa bawat oras ng kanilang misyon bilang mga saksi ni Kristo sa iba't ibang panig ng daigdig? Ito ay dahil sa Muling Pagkabuhay ni Kristo. Si Kristo ay muling nabuhay at patuloy na nabubuhay hanggang ngayon. Ito ang dahilan kung bakit ang bawat isa sa atin ay sumasampalataya. Ito ang dahilan kung bakit ito'y ipinangaral ng mga apostol at patuloy na ipinapangaral ng Simbahan hanggang sa kasalukuyang panahon. Ito rin ang dahilan kung bakit ang araw na ito'y napakahalaga. Ang Panginoon ay tunay ngang nabuhay na mag-uli at nananatiling buhay. 

Tunay ngang muling nabuhay ang Panginoong Hesus! Ipagdiwang natin ito nang buong galak. Ang Panginoong Hesus na patuloy na umiibig sa atin ay namatay ngunit muling nabuhay! Hatid Niya'y galak, kaligtasan, kalayaan, pag-asa, at pag-ibig sa ating lahat na bumubuo sa Kanyang sambayanan dito sa lupa. 


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento