Martes, Abril 30, 2019

GAMITIN ANG KAMAY

1 Mayo 2019 
Paggunita kay San Jose, manggagawa 
Genesis 1, 26-2, 3 (o kaya: Colosas 3, 14-15. 17. 23-24)/Salmo 89/Mateo 13, 54-58 


Tulad ng ibang mga bahagi ng katawan, ang mga kamay ay ginagamit para sa iba't ibang tungkulin. Ginagamit ang mga kamay sa pagkuha at pagbuhat ng iba't ibang bagay, lalo na ang mga mabibigat. Ginagamit rin ang mga kamay sa pagluluto, paglilinis, at paglalaba. Sino ba naman ang sumubok na maglinis o magluto gamit ang paa? Ang mga kamay ay may sariling tungkulin, katulad ng ibang bahagi ng katawan. May mga bagay na kung saan mas ginagamit ang kamay kaysa sa ibang mga bahagi ng katawan. Kung tutuusin, sa karamihan ng mga bagay o tungkuling ginagawa natin, mas ginagamit natin ang ating mga kamay.

Ginugunita sa araw na ito si San Jose bilang isang manggagawa. Inaaalala sa araw na ito kung paanong ginamit ni San Jose ang kanyang mga kamay para sa kanyang pamilya. Si San Jose ay nagtrabaho nang buong kasipagan bilang isang karpintero upang gumanda at guminhawa ang buhay ng kanyang pamilya. Naghanap-buhay siya para sa Mahal na Birheng Maria at sa Panginoong Hesukristo. Iyan ang isa sa mga bagay na itinanong ng mga nasa sinagoga sa Nazaret sa Ebanghelyo. Si Hesus ay kilala nila bilang anak ng isang simpleng karpinterong si San Jose at ng Mahal na Birheng Maria. Hindi sila makapaniwalang puno ng karunungan ang anak ng isang simpleng karpintero. Labis silang nagulat nang marinig nila ang Panginoong Hesus na nagtuturo sa sinagoga sa kanilang bayan ng Nazaret. 

May hindi napagtanto ang mga kababayan ni Kristo tungkol sa Kanya. Hindi nila alam na si Kristo ang lumikha sa sanlibutan. Hindi nila alam na si Kristo ay Diyos buhat pa noong una. Bago pa man magsimula ang panahon, si Kristo ay naroon na kasama ang Ama at ang Espiritu Santo. Siya ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. Naroon na Siya noong nilikha ang tao, tulad ng pinagtuunan ng pansin sa Unang Pagbasa. Si Kristo ay hindi lamang isang payak na taong namuhay sa bayan ng Nazaret; Siya rin ang Diyos. Siya ang Diyos na bumaba mula sa langit at naging tao katulad natin, maliban sa kasalanan, upang tayo'y iligtas sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Ang pagligtas ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus ang pinakadakila Niyang gawa. Tunay ngang kahanga-hanga ang pagtubos sa atin ng Diyos. 

Habang naghahanap-buhay bilang isang anluwage, laging inaaalala ni San Jose ang lahat ng mga gawa ng Diyos. Hindi niya nakalimutan kahit kailan ang lahat ng mga kahanga-hangang bagay na ginawa ng Diyos. Hindi rin niya inalis mula sa kanyang puso't isipan na ang Diyos ang pinakadakila sa lahat ng mga manggagawa. Bagkus, lagi niyang ipinapaalala ang kanyang sarili na hinding-hindi niya mapapantayan o mahihigitan ang mga gawa ng Diyos. Buong kasipagan siyang maghahanap-buhay bilang isang karpintero para kina Maria at Hesus, subalit hindi siya makikipag-kompetensya laban sa Diyos. Bagkus, laging niyang pupurihin ang Panginoong Diyos at susundin ang anumang loobin Niya. 

Katulad ni San Jose Manggagawa, maghanap-buhay tayo nang buong kasipagan. Gamitin natin ang ating mga kamay upang gumawa ng mabuti para sa kapwa at para sa ating pamilya. Subalit, tulad rin ni San Jose Manggagawa, huwag nating iisiping mahihigitan o mapapantayan ng ating mga gawa ang mga gawa ng Diyos. Lagi nating tandaan na ang mga gawa ng Diyos ay higit na dakila kaysa sa anumang gawin natin. Hinding-hindi mapapantayan o mahihigitan ang Kanyang mga gawa. Huwag tayong mag-ambisyong makipag-kompetensya sa Diyos. Bagkus, ibigay ang nararapat sa Diyos. Purihin, sambahin, at ibigin natin Siya nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong isipan. 

Gamitin natin ang ating mga kamay sa paggawa ng mabuti para sa kapwa, pamilya, at sarili, tulad ni San Jose. Gamitin rin natin ang ating mga kamay sa pagbibigay ng papuri, pagsamba, at pasasalamat sa Diyos, tulad ni San Jose. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento