5 Mayo 2019
Ikatlong Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (K)
Mga Gawa 5, 27b-32. 40b-41/Salmo 29/Pahayag 5, 11-14/Juan 21, 1-19 (o kaya: 21, 1-14)
Galak at pag-ibig ang hatid ng Panginoong Hesus na Muling Pagkabuhay. Ito ang paksang binibigyan ng pansin sa mga Pagbasa. Katunayan, ang paksang ito'y paulit-ulit na tinatalakay at pinagninilayan ng Simbahan sa buong kapanahunan ng Pasko ng Muling Pagkabuhay na isang panahong inilalaan upang magdiwang nang buong kagalakan. At ang dahilan ng masaya nating pagdiriwang sa panahong ito ay walang iba kundi ang Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo.
May dalawang bahagi ang Ebanghelyo. Sa unang bahagi ng Ebanghelyo, nagpakita ang Panginoong Hesus na Muling Nabuhay sa mga apostol sa Lawa ng Galilea. Sa tulong ni Hesus, nakahuli ng maraming isda ang mga apostol. Iyon ang nagpamulat sa kanilang mga mata na ang nagturo sa kanila kung saan ihahagis ang lambat upang magkaroon ng huli ay walang iba kundi ang Panginoong Muling Nabuhay. Si Kristo lamang ang nakakagawa niyon. Ginawa Niya iyon dati noong una nila Siyang nakilala. Tinulungan ni Kristo ang mga apostol, lalung-lalo na sina Apostol San Pedro, San Andres, Santo Santiago, at San Juan, na makahuli ng maraming isda bago sila tawagin upang maging Kanyang mga alagad. At nang muling mabuhay, inulit Niya ito upang Siya'y makilala ng mga apostol. At nang makilala Siya ng mga apostol, si Apostol San Juan ang unang nakakilala sa Kanya sa grupong iyon, silang lahat ay napuspos ng galak. Iyan ang dahilan kung bakit si Apostol San Pedro ay tumalon mula sa bangka at lumangoy pabalik sa pampang kung saan si Hesus ay natagpuan nilang naghahanda ng almusal. Iyan ang unang kaloob ng Panginoong Hesukristong Muling Nabuhay sa mga apostol - galak.
Sa ikalawang bahagi ng Ebanghelyo, tatlong ulit na tinanong ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay si Apostol San Pedro kung Siya ba'y iniibig niya matapos mag-almusal. Labis na nasaktan si Apostol San Pedro dahil sa tatlong ulit na pagtatanong ng Kristo kung Siya ba'y tunay niyang iniibig. Subalit, kahit labis siyang nasaktan, naramdaman pa rin ni Apostol San Pedro ang pag-ibig hatid ni Kristong Muling Nabuhay. Ang pag-ibig na humihilom at muling bumubuo sa mga labis na nasaktan. Sa pamamagitan nito, ipinakita't ipinadama ng Kristong Muling Nabuhay ang Kanyang pag-ibig. Si Apostol San Pedro ay tatlong ulit na tinanong ni Hesus tungkol sa kanyang pag-ibig para sa Kanya at tatlong ulit ring inutusang pakainin ang Kanyang mga tupa upang maranasan ang Kanyang paghihilom. Ganyan magmahal ang Panginoong Hesus na Muling Nabuhay. Ang lahat ng mga nasaktan ay binibigyan Niya ng pagkakataong maghilom at maging buo muli. Siya ang naghihilom at bumubuo muli sa mga labis na nasaktan.
Kaya, ang mga apostol ay sumaksi sa Panginoong Muling Nabuhay taglay ang galak at pag-ibig na Kanyang kaloob. Buong sigla nilang ipinangaral ang Mabuting Balita tungkol sa Panginoong Hesukristo sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Sa kabila ng lahat ng mga banta laban sa kanila, hindi sila tumigil sa pagpapatotoo tungkol kay Hesus. Tulad na lamang ng nasasaad sa Unang Pagbasa. Kahit na mahigpit silang ipinagbawal ng Sanedrin na mangaral tungkol sa Panginoong Hesus, ipinagpatuloy pa rin nila ang pangangaral tungkol sa Kanya. Katunayan, napahiya pa nga ang Sanedrin sa sagot ng mga apostol. Dahil napahiya ang buong Sanedrin, ipinasiya nilang palayain na lamang ang mga apostol. At ang mga apostol ay napuspos ng galak sa kanilang pag-alis dahil sa pagtulong ng Diyos. Tinulungan sila ng Diyos na harapin ang mga may masasamang balak laban sa kanila. Tinulungan Niya silang sagutin ang mga may masasamang balak laban sa kanila tulad ng Sanedrin. Dahil diyan, naipagpatuloy nila ang kanilang pagpapatotoo sa Panginoong Hesukristong Muling Nabuhay sa iba't ibang panig ng daigdig hanggang sa huli.
Ito rin ang pinagtuunan ng pansin sa Ikalawang Pagbasa. Kahit na siya'y namuhay bilang isang taong desterado sa isla ng Patmos, hindi tumigil si San Juan sa pagpapatotoo tungkol sa Panginoong Hesus na Muling Nabuhay. Patuloy niya itong ginawa sa pamamagitan ng pagsusulat. At sa isla ng Patmos, nakatanggap siya ng mga pangitain mula sa Panginoon na isinulat niya sa aklat ng Pahayag. Sa tampok na pangitain sa Ikalawang Pagbasa, nakita ni San Juan kung paanong ang mga anghel at ang iba pang mga nilalang ay nagbigay papuri sa Korderong pinatay. Ang Korderong iyon ay walang iba kundi si Hesus, ang Muling Nabuhay na Panginoon. Siya, ang Panginoong naghahatid ng pag-ibig at galak, ay namatay ngunit muling nabuhay sa ikatlong araw. Sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus at Muling Pagkabuhay, inihayag Niya ang Kanyang pag-ibig sa lahat. Kaya, ang lahat ay nagagalak sapagkat nakamit na Niya ang tagumpay sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus. At sa pagkamit ng tagumpay, galak at pag-ibig ang inihatid ng Panginoong Hesukristo sa lahat.
Ang mga apostol ay sumaksi kay Hesus, ang Kristong Muling Nabuhay, taglay ang hatid Niyang galak at pag-ibig sa kanilang mga puso. Iyan ang dahilan kung bakit patuloy silang nangaral tungkol sa pag-ibig at habag ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Hesus sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Sa kabila ng lahat ng mga pag-uusig na kanilang hinarap at dinanas, nanatili silang tapat sa kanilang misyon bilang mga saksi ni Kristo. Hindi naging hadlang ang dami ng mga banta ng mga nakaluklok sa kapangyarihan ng pamahalaan noon. Hindi rin sila tumigil sa pagsaksi kay Hesus dahil sa iba pang mga pagsubok sa buhay. Bagkus, patuloy silang ipinangaral at pinatotohanan ang Mabuting Balita tungkol kay Kristo Hesus na Muling Nabuhay hanggang sa kanilang huling hininga. Sa kasalukuyang panahon, ang Simbahan ang nagpapatuloy ng misyong ibinigay ni Hesus sa mga apostol. Hindi tumigil ang Simbahan sa pagtupad sa misyong ito kailanman.
Hinahamon tayong lahat na tularan ang mga apostol. Tulad ng mga apostol, maging mga saksi tayo ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay. Tayong lahat ay tinatawag ng Panginoong Hesus upang maging Kanyang mga saksing puspos ng galak at pag-ibig na dulot Niya. Ipalaganap natin ang kaloob Niyang galak at pag-ibig na ating tinanggap sa bawat isa sa pamamagitan ng pagsaksi sa Kanya.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento