Lunes, Mayo 6, 2019

ANG MABUTING BALITA NG MABUTING PASTOL

12 Mayo 2019 
Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (K)
Linggo ng Mabuting Pastol 
Mga Gawa 13, 14. 43-52/Salmo 99/Pahayag 7, 9. 14b-17/Juan 10, 27-30 


Sa Ebanghelyo, inihayag ng Panginoong Hesus na Siya ang Mabuting Pastol. Siya ang nagbibigay ng buhay na walang hanggan sa Kanyang mga tupa. Ang Kanyang mga tupa ay hindi mapapahamak o maaagaw mula sa Kanya sapagkat ang Kanyang tinig ay kanilang nakikilala. Wala silang ibang pananaligan at susundan nang buong puso kundi ang Mabuting Pastol na si Hesus. Kapag ang tinig ng Muling Nabuhay na si Hesus ay kanilang narinig, pumapanatag ang kanilang loob dahil naniniwala silang hindi sila mapapahamak kapag Siya'y kapiling nila. 

Tampok sa pangitain ni San Juan na kanyang inilahad sa Ikalawang Pagbasa mula sa aklat ng Pahayag ang larawang ito ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay bilang Mabuting Pastol. Ang Korderong nakita ni San Juan sa kanyang pangitain, ang Korderong nasa gitna ng trono, ang papastol sa lahat ng tao (7, 17). Aarugain Niya ang lahat ng tao mula sa iba't ibang lipi, wika, bayan, at bansa. Ang lahat ng mga nagtipon at nagbigay-puri sa Kordero, na nakita rin ni San Juan sa kanyang pangitain, ay makakaranas ng pagkalinga mula sa nag-iisang Mabuting Pastol na si Kristong Muling Nabuhay. At ang pagkalinga ni Kristo bilang Mabuting Pastol ay tunay, wagas, at hindi mapapantayan. 

Iyan ang Mabuting Balita. Tunay at totoo ang pag-ibig at pagkalinga ng Mabuting Pastol na si Kristo. Ipinakita ni Kristo ang Kanyang pag-ibig at pagkalinga sa ating lahat na bumubuo sa Kanyang kawan dito sa lupa sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Tayong lahat ay binigyan Niya ng bagong buhay, pag-asa, at kalayaan sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Iyan ang buong siglang ipinangaral ng mga apostol at ng mga sinaunang Kristiyano katulad ni Apostol San Pablo at ng kanyang kasamang si San Bernabe sa Unang Pagbasa. Ang Mabuting Balita tungkol kay Kristo Hesus ay kanilang ipinangaral at ipinalaganap sa iba't ibang panig ng daigdig nang buong sigla at galak, kahit ang kapalit nito'y ang kanilang buhay dito sa lupa. 

Patuloy na ipinapangaral ng Simbahan sa kasalukuyan ang Mabuting Balita tungkol kay Hesus, ang Mabuting Pastol. Ang Mabuting Balita na ating pinapahalagahan at sinasampalatayanan nang buong puso bilang mga Kristiyano. Ang Simbahan ay hindi titigil o magsasawa sa pagbibigay ng halaga sa Mabuting Balitang ito, kahit ilang ulit itong napakinggan ng bawat Kristiyano sa paglipas ng panahon. Paulit-ulit na itinuturo ng Mabuting Balita kung paanong ipinamalas ng Mabuting Pastol na si Kristo Hesus sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay ang Kanyang pag-ibig at pagkalinga sa Kanyang kawan. Iyan ang ating sinasampalatayanan nang buong puso bilang mga Kristiyano. Iyan ang dahilan kung bakit ang bawat isa sa atin ay may pananampalataya sa Kanya bilang isang Simbahan. Ang Mabuting Pastol na si Hesus ay tunay na umiibig at kumakalinga sa atin. Pinatunayan Niya ito sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. 

Mayroon tayong Mabuting Pastol na tunay na umiibig at kumakalinga sa ating lahat. Siya'y walang iba kundi ang Panginoong Hesus na Muling Nabuhay. Makinig at sumunod sa Kanya na tunay na umaaruga at nagmamahal sa atin. Pakinggan natin ang Kanyang tinig. Wala Siyang masamang balak laban sa atin. Siya'y hindi katulad ng ibang mga pastol na walang malasakit para sa Kanyang mga tupa. Ang bawat isa sa atin ay hindi Niya ipapahamak kailanman. Bagkus, tayong lahat ay makakaranas ng tunay na pag-aruga at pagmamahal mula sa Kanya. Ating ibigay sa Kanya ang buong puso nating pagmamahal, pananalig, at pagsamba sa Kanya. Siya, ang ating Panginoon at Diyos, ang tunay na umaaruga at nagmamahal sa bawat isa sa atin. Kapag ating pinakinggan at sinundan ang Kanyang tinig, ang ating mga puso't loobin ay mapapanatag dahil matitiyak natin na tayong lahat ay Kanyang iibigin at kakalingain. At ang Kanyang pag-ibig at pagkalinga ay tunay. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento