Linggo, Mayo 12, 2019

HUWAG NATING MALIITIN ANG KANYANG TULONG

13 Mayo 2019 
Paggunita sa Mahal na Birhen ng Fatima 
Lunes sa Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Mga Gawa 11, 1-18/Salmo 41/Juan 10, 1-10 


Tampok sa salaysay sa Unang Pagbasa ang dalawang reaksyon ng mga apostol at ng iba pang mga sinaunang Kristiyano sa Judea sa balita ng pagtanggap ng mga Hentil sa Salita ng Diyos. Noong una nila itong nabalitaan, si Apostol San Pedro ay pinuna nila dahil sa kanyang pakikipaghalibuilo sa mga Hentil. Para sa kanila, ang mga Hentil ay hindi kabilang sa mga pinili't hinirang ng Diyos. Kaya gayon na lamang ang kanilang pagpupuna kay Apostol San Pedro. Subalit, nang marinig nila ang kuwento ni Apostol San Pedro tungkol sa kanyang nasaksihan sa sambahayan ni Cornelio sa Jope, silang lahat ay nagpuri sa Diyos. Pinuri nila ang Diyos sapagkat ipinakita Niya ang Kanyang habag sa mga Hentil. 

Iyan din ang inihayag ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay sa dulo ng salaysay sa Ebanghelyo. Inihayag Niyang Siya'y naparito upang bigyan ng isang buhay na ganap at kasiya-siya ang Kanyang kawan. Iyan ang habag ng Diyos. Ang mga kaloob ng Diyos sa atin ay tunay ngang mabuti. Walang masamang ibinibigay sa atin ang Panginoon. Siya ang nagbigay sa atin ng buhay. Siya ang nagbibigay ng pag-asa at kagalakan sa bawat isa. Ang mga kaloob ng Panginoon sa atin ang nagpapaalala sa atin na tayong lahat ay tunay Niyang iniibig at kinakalinga. 

Si Maria, ang Mahal na Birhen ng Fatima, ay ibinigay ng Panginoong Hesukristo sa ating lahat upang maging ating Mahal na Ina. Bilang ating Mahal na Ina, lagi niya tayong isinasama sa kanyang mga panalangin. Hindi niya tayo nakakalimutan sa kanyang mga panalangin. Lagi niyang ipinapanalangin ang ating kapakanan. Sa pamamagitan ng kanyang mga panalangin para sa ating lahat, ipinapakita ng Mahal na Birheng Maria ang kanyang pagmamahal at pagkalinga. 

Nang magpakita ang Mahal na Birheng Maria kila Sor Lucia at sa kanyang mga pinsang sina San Francisco at Santa Jacinta Marto sa bayan ng Fatima noong 1917, marami siyang ipinarating na mensahe sa kanila. Marami siyang ipinakiusap sa kanila. Subalit, ang kanyang pangunahing pakiusap sa Fatima, dasalin ang Santo Rosaryo araw-araw. Sa tuwing dinadasal natin ang Santo Rosaryo, tayong lahat ay sinasamahan ng Mahal na Ina sa pananalangin at pagninilay sa buhay ni Kristo. Hindi tayo nag-iisa sa pagdarasal ng Santo Rosaryo; ang Mahal na Birheng Maria ay kasama natin sa pagninilay at pananalangin. Tayong lahat ay tinutulungan ni Maria sa ating pagdulog at pananalangin kay Kristo para sa lahat ng ating mga kahilingan sa buhay at lalung-lalo na para sa kapayapaan sa buong daigdig. Tayong lahat ay sinasamahan ni Maria na dumulog at manalangin sa Diyos. Ang kaloob ng Diyos ay makakamit ng sinumang dumudulog at nananalangin sa Kanya sa tulong ng Mahal na Birheng Maria.

Kasama natin si Maria, ang Mahal na Birhen ng Fatima, sa ating pagdulog at pananalangin sa Diyos. Huwag nating maliitin ang kanyang pagtulong sa atin. Huwag nating kalimutan na tayong lahat ay kanyang mga anak na tunay niyang minamahal at kinakalinga. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento