Huwebes, Mayo 30, 2019

ANG LANGIT AY TOTOO

2 Hunyo 2019 
Dakilang Kapistahan ng Pag-Akyat (K) 
Mga Gawa 1, 1-11/Salmo 46/Efeso 1, 17-23 (o kaya: Hebreo 9, 24-28; 10, 19-23)/Lucas 24, 46-53 


Ang langit ay totoo. Hindi ito isang kathang-isip lamang. Iyan ang nais pagtuunan ng pansin ng Dakilang Kapistahan ng Pag-Akyat sa Langit ng Panginoon. Matapos tuparin ang Kanyang misyon bilang Mesiyas, ang Panginoong Hesus ay umakyat sa langit taglay ang Kanyang kapangyarihan at kaluwalhatian bilang Diyos. Matapos mamatay sa krus at mabuhay na mag-uli sa ikatlong araw, nilisan ni Hesus ang daigdig at bumalik sa langit. Tulad ng Kanyang sinabi sa ika-16 na kabanata ng Ebanghelyo ni San Juan, Siya'y nagmula sa Ama at babalik rin sa Kanya. At iyon ang pinagtuunan ng pansin sa Kanyang maluwalhating Pag-Akyat sa Langit na isinalaysay sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo. Katunayan, iisa lamang ang nagsulat ng mga tampok na salaysay sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo sa pagdiriwang ng solemnidad na ito sa Taon K. At iyon ay walang iba kundi si San Lucas.

Isang kapansin-pansin na detalye sa dalawang salaysay ni San Lucas ng Pag-Akyat ni Hesus sa Langit na itinampok sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo ay ang kanyang pagbibigay ng pansin sa misyon ng mga apostol. Ang mga apostol ay iniatasan ni Hesus na maging Kanyang mga saksi sa bawat sulok ng daigdig. Silang lahat ay magpapatotoo tungkol kay Kristo Hesus saanman sila pumunta. Ipapangaral nila sa lahat na totoong may langit. Si Hesus na nagmula sa Amang nasa langit at bumalik sa Kanya matapos ang Kanyang pagkamatay sa krus at Muling Pagkabuhay ang patunay na totoo ang langit. Sa langit, nananahan ang Diyos na puspos ng pag-ibig at kagandahang-loob para sa ating lahat. Ang pinakadakilang larawan nito ay ang Kanyang pagtubos sa sangkatauhan sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Tunay ngang may langit; hindi ito isang kathang-isip lamang.

Binanggit ni Apostol San Pablo sa kanyang pangangaral sa Ikalawang Pagbasa na si Kristo ay nakaluklok sa kanan ng Diyos sa langit (1, 20). Ang bumaba mula sa langit at naging tao katulad natin, maliban sa kasalanan, upang iligtas sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay ay umakyat sa langit at nakaluklok sa kanan ng Ama. Sa pamamagitan nito, pinatotohanan niya na ang langit ay tunay. Gayon din ang ginawa ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo sa Ikalawang Pagbasa. Sabi niya sa pambungad na si Kristo ay pumasok sa langit at namamagitan para sa atin sa Ama. Dagdag pa niya sa bahaging iyon, ang langit ay hindi isang konseptong likha ng tao kundi ang tunay na pananahan ng Diyos (9, 24). Tunay nga ang langit. Sa langit, nananahan ang Diyos. Sa langit, matatagpuan ang buhay na walang hanggan. Sa langit, mararanasan natin nang lubusan ang pag-ibig ng Diyos. Ang langit ang tunay na Paraiso kung saan makakapiling natin ang Diyos magpakailanman. Tunay ang langit. Tunay ang Panginoong Diyos na ating sinasamba at iniibig. Tunay ang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos. 

Ang misyong ibinigay ni Hesus sa mga apostol ay ipinagpapatuloy ng Simbahan hanggang sa kasalukuyang panahon. Ang Simbahan ay patuloy na nangangaral at sumasaksi sa Panginoong Hesus. Patuloy na ipinapakilala ng Simbahan si Kristo sa iba't ibang panig ng daigdig. Patuloy na ipinapalaganap ng Simbahan ang Mabuting Balita na ating sinasampalatayanan bilang mga Kristiyano. Ang Mabuting Balita tungkol sa pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Iyan ang ating sinasampalatayanan bilang mga tagasunod ni Kristo. 

Tunay ngang may langit. Tunay ngang may buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos sa kalangitan. Tunay nga ang Diyos na ating iniibig, sinasampalatayanan, at sinasamba. Hindi ito kathang-isip. Ang lahat ng iyan ay pawang katotohanan. Iyan ang ating pananampalataya. Iyan ang ating maipagmamapuri bilang mga kapanig ng ating Panginoon at Manunubos na si Hesukristo. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento