9 Hunyo 2019
Linggo ng Pentekostes (Pagmimisa sa Araw ng Linggo) (K)
Mga Gawa 2, 1-11/Salmo 103/1 Corinto 12, 3b-7. 12-13 (o kaya: Roma 8, 8-17)/Juan 20, 19-23 (o kaya: 14, 15-16. 23b-26)
Bago umakyat sa langit, binilinan ng Panginoong Hesukristo ang mga apostol na manatili sa Herusalem hanggang sa matupad ang Kanyang mga sinabi tungkol sa ipinangakong pagbaba ng Espiritu Santo mula sa langit (Mga Gawa 1, 4. 8). Sabi pa ng Panginoong Hesus sa alternatibong Ebanghelyo para sa Dakilang Kapistahan ng Pentekostes ngayong Taon K na ang Espiritu Santo ang kanilang magiging kasama magpakailanman upang maging kanilang Patnubay. At bilang kanilang Patnubay, ang Espiritu Santo ang magtuturo sa kanila ng lahat ng bagay at magpapaalala ng lahat ng mga sinabi ni Kristo (Juan 14, 16. 26).
Limampung araw matapos ipagdiwang nang buong kagalakan ang Pasko ng Muling Pagkabuhay, ipinagdiriwang ng Simbahan ang Linggo ng Pentekostes. Ang araw na ito ay isang napakahalagang araw para sa Simbahan sapagkat inaaalala nang buong galak ang pagtupad sa pangakong ito na inihayag ng Panginoong Hesus. Bumaba mula sa langit ang Espiritu Santo at nilukuban ang mga apostol. At matapos silang lukuban at puspusin ng Espiritu Santo, ang mga apostol ay lumbas mula sa silid na kanilang pinagtitipunan at sinimulan ang kanilang misyon - ang magpatotoo tungkol kay Hesukristo sa iba't ibang panig ng daigdig. Ang kaganapang ito ay isinalaysay nang buo sa Unang Pagbasa.
Kaya, naipangaral ng mga apostol sa iba't ibang panig ng daigdig ang Mabuting Balita. Kaya nila naipakilala sa lahat si Hesus bilang Panginoon. Sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na masasabi ng sinumang pinapatnubayan ng Espiritu Santo na si Hesus ay Panginoon (12, 3b). Iyan ang dahilan kung bakit naipangaral ng mga apostol sa lahat na si Kristo ay Panginoon. Iyan ang dahilan kung bakit ang Mabuting Balita. Pinapatnubayan sila ng Espiritu Santo. Saan man sila pumunta, ang Espiritu Santo ang pumapatnubay at tumutulong sa kanila.
Ang misyon ng mga apostol ay inilahad sa kanila ni Hesus nang Siya'y magpakita sa kanila matapos na Siya'y mabuhay na mag-uli. Siya mismo ang nagsabi sa kanila sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo: "Kung paanong sinugo Ako ng Ama, gayon din naman, sinusugo Ko kayo" (20, 21). Si Hesus ay nagbigay ng misyon sa Kanyang mga apostol. Siya ang nagsugo sa mga apostol upang tuparin ang misyong ito. Sa bawat sandali ng pagtupad ng mga apostol sa misyong ibinigay sa kanila ni Hesus, lagi nilang kasama ang Espiritu Santo upang sila'y patnubayan at tulungan.
Hindi naging madali para sa mga apostol ang pagtupad sa misyong ibinigay sa kanila ng Panginoong Hesus. Marami silang hinarap na pag-uusig sa bawat sandali ng kanilang pagmimisyon. Marami ang hindi tumanggap sa kanila o sa Mabuting Balitang kanilang hatid at ipinapangaral. Subalit, sa kabila nito, patuloy nilang tinupad ang misyong ibinigay sa kanila ni Kristo hanggang kamatayan. Sa tulong ng Espiritu Santo, ang Patnubay, nanatili silang tapat sa misyong ibinigay sa kanila ng Panginoong Hesukristo hanggang wakas.
Ipinagpapatuloy ng Simbahan sa kasalukuyang panahon ang misyong ibinigay ng Panginoong Hesukristo sa mga apostol. Sa kabila ng mga pag-uusig na hinaharap sa kasalukuyang panahon, ang Simbahan ay patuloy na sumasaksi kay Kristo. Kahit na nililibak ng ilang mga pulitikal na pinuno ang pananampalatayang ipinangaral ng mga apostol, kahit na iniinsulto at nilalapastangan ang Diyos, ang Simbahan ay hindi titigil sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita. Ang Simbahan ay mananatiling tapat sa Panginoon hanggang wakas.
Ang Simbahan ay patuloy na pinapatnubayan at tinutulungan ng Espiritu Santo sa kasalukuyang panahon. Walang sandaling tumigil ang Espiritu Santo sa pagiging Patnubay. Bagkus, lagi Niyang sinasamahan at tinutulungan ang Simbahan. Siya'y nananatiling kasama ng Simbahan. Hindi pababayaan ng Espiritu Santo na mabigo ang Simbahan sa pagtupad sa misyong ibinigay ni Kristo Hesus. Patuloy Niyang tinutulungan ang Simbahan sa pagsaksi ng Mabuting Balita tungkol sa kaligtasang kaloob ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ni Hesukristo. At ang Espiritu Santo ang nagpapalakas sa Simbahan sa panahon ng mga pagsubok. Tinutulungan ng Espiritu Santo ang Simbahan na manatiling tapat kay Kristo hanggang wakas, gaano mang katindi ang pagsubok na hinaharap.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento