Lunes, Hunyo 17, 2019

HINIRANG UPANG MAGING PAALAALA NG KATAPATAN NG DIYOS

24 Hunyo 2019 
Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista 
Isaias 49, 1-6/Salmo 138/Mga Gawa 13, 22-26/Lucas 1, 57-66. 80


Sabi sa pambungad ng Unang Pagbasa: "Pinili na ako ng Panginoon bago pa isilang at hinirang Niya ako para Siya'y paglingkuran" (49, 1). Akmang-akma ang mga katagang ito sa  temang pinagninilayan sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista. Bago pa man siya isilang sa daigdig, nahayag ang misyong ibinigay ng Diyos kay San Juan Bautista. Sabi ng Arkanghel na si San Gabriel sa ama niyang si Zacarias na siya'y mauuna sa Panginoon upang ihanda ang lahat ng bumubuo sa Kanyang bayan para sa Kanyang pagdating (Lucas 1, 17). 

Binanggit ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa ang misyong ibinigay ng Diyos kay San Juan Bautista. Nang banggitin ito sa kanyang pangaral, binigyan ng pansin ni Apostol San Pablo kung paanong nanatiling tapat si San Juan Bautista sa misyong ibinigay sa kanya ng Panginoong Diyos. Hindi siya nagpadala o nagpabulag sa kanyang kasikatan. Hindi niya binalak agawin ang atensyon ng mga tao mula sa Panginoong Hesukristo, ang ipinangakong Mesiyas. Hindi niya binalak na siraan o makipagkumpetensya sa Panginoong Hesukristo kailanman. Bagkus, nanatili siyang tapat sa kanyang misyon. 

Isinalaysay sa Ebanghelyo ang pagsilang ng sanggol na si San Juan Bautista at ang pagtutuli sa kanya. "Juan" ang pangalang ibinigay sa kanya sapagkat siya ay isang tunay na pagpapala mula sa Diyos. Katunayan, iyan ang ipinapahiwatig ng kahulugan ng kanyang pangalan. Ang ibig sabihin ng kanyang pangalan, "Ang Diyos ay mapagpala." Isang tunay na pagpapala mula sa Diyos si San Juan Bautista. Siya'y hinirang ng Diyos upang maging isang pagpapala sa lahat. Siya ang tagapaghanda ng daraanan ng Panginoon. Ipinapaalala niya sa lahat na ang Diyos ay tunay na matapat. Ang Kanyang mga pangako ay Kanyang tinutupad. Kung paano Niyang tinupad ang Kanyang pangako kina Zacarias at Elisabet, tinupad rin ng Diyos ang Kanyang pinakadakilang pangako. At ang pinakadakilang pangako ng Diyos ay ang pagtubos Niya sa lahat sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Hesukristo. Si San Juan Bautista ang nauna sa daan ni Hesus upang ihayag sa lahat na ang Diyos ay tapat sa Kanyang pangako. 

Si San Juan Bautista ay hinirang ng Diyos upang ipaalala sa lahat na Siya'y tunay na matapat. Hindi nakakalimot ang Diyos sa mga pangakong binitiwan. Wala Siyang ipinakong pangako kailanman. Bagkus, lagi Siyang tapat sa Kanyang pangako. Iyan ang dahilan kung bakit si San Juan Bautista ay ang tagapagpauna ni Kristo. Bilang tagapagpauna ni Kristo, inihanda ni San Juan Bautista ang Kanyang daraanan. At nananatiling tapat si San Juan Bautista sa kanyang misyon. Tinupad ni San Juan Bautista nang buong katapatan ang misyong ibinigay sa kanya ng Panginoon. Sa pamamagitan ng kanyang katapatan sa misyon, inihayag Niya ang katapatan ng Diyos. Ang Diyos na humirang at nagsugo kay San Juan Bautista ay tapat. Walang hanggan ang Kanyang katapatan. 

Tulad ni San Juan Bautista, tayong lahat ay hinirang ng Diyos. Tayong lahat ay may misyon mula sa Diyos. Sa pamamagitan ng pagtupad sa misyong ito, ang bawat isa sa atin ay nagiging larawan ng walang hanggang katapatan ng Panginoon. Tayong lahat ay gagamitin ng Panginoong Diyos upang maging Kanyang instrumento sa paghahayag ng Kanyang walang hanggang katapatan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento