Huwebes, Hunyo 6, 2019

AKTIBO SA PANGANGALAGA

10 Hunyo 2019 
Paggunita sa Mahal na Birheng Mariang Ina ng Simbahan 
Genesis 3, 9-15. 20 (o kaya: Mga Gawa 1, 12-14)/Salmo 86/Juan 19, 25-34 


Tampok sa unang bahagi ng Ebanghelyo ang isang eksena mula sa salaysay ng pagpapakasakit at pagkamatay ng Panginoong Hesukristo. Sa mga huling sandali ng Kanyang buhay kung saan Siya'y nakabayubay sa krus, inihabilin ni Hesus ang Kanyang Inang si Maria sa pangangalaga ng Kanyang alagad na minamahal na si Apostol San Juan. At sa mga sandaling iyon, si Apostol San Juan ang kumatawan sa buong Simbahan. Kaya, sa mga sandaling iyon, ipinakilala ni Hesus sa Kanyang Simbahan ang Mahal na Birheng Maria bilang Ina ng Simbahan. 

At bilang Ina ng Simbahan, ano ang ginagawa ng Mahal na Inang si Maria? Siya'y laging nananalangin para sa Simbahan. Lagi siyang aktibo sa pagtupad ng kanyang tungkulin bilang Ina ng Simbahan. Lagi siyang nakaantabay sa kapakanan ng kanyang mga anak, tulad ng kanyang ginawa para kay Kristo. Sinasamahan ang Simbahan sa bawat sandali. Kailan man ay hindi niya pinabayaan ang Simbahang itinatag ni Hesukristo. Iyon ang kanyang ginawa sa tampok na salaysay sa Unang Pagbasa kung saan siya'y nakitang sinasamahan ang mga apostol at iba pang mga tagasunod ni Kristo Hesus sa pananalangin habang hinihintay ang pagpanaog ng Espiritu Santo noong Pentekostes. 

Iyan ang ating Ina. Iyan ang Mahal na Birheng Maria. Lagi siyang nananalangin para sa ating lahat. Hindi niya tayo pinababayaan. Hindi siya nakakalimot sa ating lahat. Kaya siya ibinigay ng Panginoong Hesus sa Simbahan. Ang Mahal na Inang si Maria ay ibinigay ni Hesus sa Simbahan upang samahan at kalingain. Ang buong sambayanang Kristiyano ay laging kinakalinga at inaaruga ni Maria, katulad ng kanyang pagkalinga at pag-aruga kay Hesus. Sa pamamagitan ng kanyang mga panalangin para sa atin sa bawat sandali ng ating paglalakbay dito sa lupa, ipinapadama ng Mahal na Birheng Maria ang kanyang pag-aruga at pagkalinga sa ating lahat na bumubuo sa Simbahang itinatag ni Kristo. Aktibo siya sa pagkalinga sa ating lahat na kanyang mga anak. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento