Linggo, Hunyo 23, 2019

ISA LAMANG ANG KANYANG SAGOT

28 Hunyo 2019 
Dakilang Kapistahan ng Kamahal-Mahalang Puso ni Hesus (K) 
Ezekiel 34, 11-16/Salmo 22/Roma 5, 5b-17/Lucas 15, 1-7 


Tuwing Lunes hanggang Biyernes mula ika-11:00 ng umaga hanggang ika-3:00 ng hapon, may mapapakinggang palatuntunan sa himpapawid kung saan pinatutugtog ang mga lumang awitin. Mga awitin mula sa dekada '70, '80, '90, o 'di kaya mula sa mga unang taon ng bagong milenyo. Katunayan, may mga pagkakataon pa nga kung saan pinatutugtog ang ilang mga kanta inilabas apat o tatlong taon na ang nakakaraan. Basta mga lumang tugtugin, pinatutugtog sa palatuntunang yaon. 

Minsan, pinatugtog sa palatuntunang iyon ang ilan sa mga kanta ni Donna Cruz. At isa sa kanyang mga kanta na pinatugtog sa nasabing palatuntunan ay ang "Isang Tanong, Isang Sagot." Awit ito ng mga taong umaaasa na sila'y iiibigin ng kanilang pinupusuan. Gustuhin man nilang magtapat sa pinupusuan nila, hindi nila magawa sapagkat sila'y natatakot na maiwasan sila ng kanilang pinupusuan. Umaaasa sila na may nararamdaman rin ang kanilang mga pinupusuan para sa kanila. Iyon ay dahil sa mga kilos ng kanilang mga pinupusuan na nagpapahiwatig na gayon din ang kanilang nararamdaman para sa mga nagkakagusto sa kanila. Iyon nga lang, hindi nila kayang tanungin ang kanilang mga pinupusuan upang kumpirmahin ang kanilang iniisip dahil baka magkamali sila ng akala. Masakit pa naman umasa sa wala. Yung inakala mong may nararamdaman pero mabait lang pala. 

Kaya nga, sabi sa isang bahagi ng awiting iyon: "Ang hirap naman ng lagay ko,/'di puwedeng mauna sa 'yo./Kailan ko ba maririnig/na akin ang iyong pag-ibig?" At sabi rin sa unang bahagi ng koro ng awiting ito, "Isang tanong, isang sagot lang ang akin:/Ako ba ang nilalaman ng iyong damdamin?" Iyan ang gustong tanungin. Pero, hindi kayang tanungin dahil nahihiya't natatakot.

Binibigyan ng pansin sa Dakilang Kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus ang Kanyang sagot sa tanong na iyon. Kung iyon ang itatanong sa Kanya, ano ang isasagot Niya? Ang sagot ng Panginoong Hesukristo sa katanungang iyon: "Oo, kayong lahat ang laman ng Aking Mahal na Puso. Kayong lahat ay Aking iniibig nang buong-buo. Tunay ang Aking pag-ibig para sa inyo." At iyon ang temang pinagtutuunan ng pansin sa mga Pagbasa para sa Dakilang Pistang ito. 

Tampok sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo ang larawan ng isang pastol. Ang larawan ng pastol ay ginagamit upang ilarawan ang pag-ibig ng Diyos. Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni propeta Ezekiel na Siya mismo ang magiging pastol ng Kanyang bayan. Sa Ebanghelyo, inilarawan ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng Talinghaga ng Nawawalang Tupa ang pag-ibig ng Diyos. 

Sa Ikalawang Pagbasa, si Apostol San Pablo ay nangaral tungkol sa dakilang pag-ibig ng Diyos. Pinatotohanan ni Apostol San Pablo kung paanong ipinadama ng Diyos ang Kanyang pag-ibig para sa ating sa lahat sa pamamagitan ni Kristo. Sa pamamagitan ni Kristo Hesus, ang Diyos ay bumaba mula sa langit at naging tao katulad natin, maliban sa kasalanan, upang tayong lahat ay iligtas. Tayong lahat ay tinubos ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Ang Misteryo Paskwal ni Kristo ang pinakadakilang larawan ng Kanyang pag-ibig para sa ating lahat. Ganyan tayo ka-mahal ng Panginoon. Inalay Niya ang Kanyang sarili upang tayong lahat ay Kanyang iligtas. 

Iyan ang mensaheng nais iparating ng Mahal na Puso ni Hesus. Siya'y tunay na mapagmahal. Tayong lahat ay tunay Niyang iniibig. Pinatunayan Niya ang Kanyang dakilang pag-ibig para sa atin noong ipinasiya Niyang tayong lahat ay tubusin sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Ang Kanyang pag-ibig ay tunay. Hindi peke o kathang-isip lamang ang pag-ibig ng Panginoon. Higit sa lahat, Siya'y hindi paaasa. Bagkus, Siya'y tunay na mapagmahal sa lahat. 

Paulit-ulit man Siyang tanungin tungkol sa Kanyang pag-ibig para sa ating lahat, iisa lamang ang magiging sagot ng Panginoong Hesus. "Oo, mahal Ko kayo." Iyan ang nag-iisang sagot ng Panginoong Hesus. Ilang beses man Siyang tanungin tungkol dito, hindi magbabago ang Kanyang sagot. Tayong lahat ay Kanyang minamahal. Walang hanggan ang Kanyang pag-ibig para sa atin. Iyan ang mensahe ng Kanyang Mahal na Puso. 

Hindi paasa si Hesus. Bagkus, Siya'y tunay na mapagmahal. Ang Kanyang pag-ibig para sa ating lahat ay walang katapusan. Tayong lahat ay tunay Niyang minamahal. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento