Martes, Hunyo 18, 2019

IPAKILALA SIYA SA LAHAT

27 Hunyo 2019 
Kapistahan ng Mahal na Ina ng Laging Saklolo 
Juan 19, 25-27 


Bilin ni Papa Pio IX sa mga paring Redemptorista matapos ibigay sa kanila ang larawan ng Mahal na Ina ng Laging Saklolo: "Ipakilala siya sa buong daigdig." Ang mga Redemptorista ay binigyan ng isang napakalaking misyon ng nasabing Santo Papa noong kapanahunang yaon. Ipakilala ang Mahal na Birheng Maria bilang Ina ng Laging Saklolo. Ipalaganap ang debosyon sa kanya. Sa kasalukuyang panahon, buhay na buhay ang debosyon sa Mahal na Ina ng Laging Saklolo, lalung-lalo na sa Republika ng Pilipinas. Katunayan, halos lahat ng mga Simbahan sa Pilipinas ay may imahen ng Ina ng Laging Saklolo. At tuwing sasapit ang Miyerkules, marami ang dumadagsa sa Simbahan ng Baclaran upang humingi ng tulong mula sa Mahal na Ina ng Laging Saklolo. 

Subalit, ang unang nagpakilala sa Mahal na Birheng Maria sa Simbahan ay walang iba kundi ang Panginoong Hesukristo. Tampok sa Ebanghelyo ang isang emosyonal na eksena mula sa mga huling sandali sa buhay ni Hesus. Habang naghihingalo sa krus, inihabilin ni Hesus ang Mahal na Birheng Maria sa pangangalaga ng Kanyang alagad na minamahal na si Apostol San Juan. Mula noong inihabilin ng Panginoong Hesus ang Mahal na Birheng Maria sa pangangalaga ni Apostol San Juan, ang bawat isa ay naging anak ni Maria. Si Maria ay ipinakilala ni Hesus bilang Ina ng Simbahan. At bilang Ina ng Sambayanang Kristiyano, ang Mahal na Birheng Maria ay laging handang sumaklolo. Siya'y laging handang manalangin at mag-abot ng tulong sa ating lahat na naglalakbay dito sa lupa. 

Ang misyong ibinigay ng Santo Papa sa mga paring Redemptorista ay misyon rin natin bilang Kristiyano. Ipakilala natin si Maria bilang ating Mahal na Ina. Siya'y ibinigay ni Kristo sa bawat isa sa atin na bumubuo sa Kanyang Simbahan upang maging atin ring Ina. Siya'y ibinigay sa atin ni Kristo upang maging ating takbuhan sa mga sandali ng pangangailangan. Ganyan tayo ka-mahal ni Kristo Hesus. Ang Kanyang Inang si Maria ay ibinigay Niya sa atin upang maging atin ring Ina. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento