Sabado, Oktubre 22, 2022

ANG KATOTOHANAN TUNGKOL SA WALANG HANGGAN

6 Nobyembre 2022 
Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
2 Macabeo 7, 1-2. 9-14/Salmo 16/2 Tesalonica 2, 16-3, 5/Lucas 20, 27-38 (o kaya: 20, 27. 34-48) 

Jan van Eyck, The Ghent Altarpiece: Singing Angels (detail), from the Saint Bavo Cathedral Collection, is under the Public Domain ("No Known Copyright") due to its age.

"Sa buhay na ito, ang mga lalaki at mga babae'y nag-aasawa, ngunit ang mga lalaki't babaing karapat-dapat na muling buhayin para sa kabilang buhay ay hindi na mag-aasawa. Hindi na sila mamamatay sapagkat matutulad sila sa mga anghel. At sila'y mga anak ng Diyos yamang muli silang binuhay" (Lucas 20, 34-36). Ang mga salitang ito ay binigkas ng Panginoong Hesus sa Ebanghelyo bilang tugon sa tanong sa Kanya ng mga Saduseo tungkol sa pagkabuhay na muli ng mga nangamatay na tao. Hindi lamang inilarawan ni Hesus sa sagot Niyang ito ang pagkabuhay na mag-uli ng mga yumao. Bagkus, inilarawan rin Niya ang katotohanan tungkol sa kabilang buhay - ang walang hanggan. Sa kabilang buhay, matatagpuan ang walang hanggan. Ang buhay dito sa mundo ay pansamantala lamang. Ang kabilang buhay ay walang hanggan. 

Muling itinutuon ng Simbahan ang ating mga kamalayan sa katotohanan tungkol sa buhay dito sa mundo at sa kabilang buhay. Hindi matatagpuan sa mundong ito ang walang hanggan. Mayroong hangganan ang buhay dito sa mundo. Ang dami ng mga libingan o sementeryo ay isang patunay nito. Ang walang hanggan ay matatagpuan sa kabilang buhay. Isa lamang sa dalawang ito ang ating mapupuntahan pagsapit ng panahong tatawid tayo sa kabilang buhay - sa piling ng Diyos sa Kanyang kaharian sa kalangitan o sa naglalagablab at hindi mamamatay na apoy ng impiyerno kasama ang demonyo at ang kanyang mga kampon. Paalala lamang na ang Purgatoryo ay pansamantala lamang dahil ang mga kaluluwang naroroon ay tutungo rin sa langit balang araw. Pinili ng mga kaluluwang nasa Purgatoryo ang langit. Dinadalisay lang sila roon bilang paghahanda para sa kanilang pagpasok sa langit. 

Inihayag ng isang ina at ang kanyang pitong anak na lalaki sa Unang Pagbasa ang paniniwala nila sa kabilang buhay at ang pagkabuhay na muli ng mga nangamatay na tao. Ito ang dahilan kung bakit hindi sila natakot mamatay bilang mga martir. Nanalig at umasa sila sa pangako ng buhay na walang hanggan sa kaharian ng Panginoong Diyos sa langit. Ang kanilang kabanalan at katapatan sa Panginoong Diyos hanggang sa huli ay gagantimpalaan.  

Nagbigay ng mga salitang nagpapalakas at nagpapanatag ng loob sa mga Kristiyano sa Tesalonica si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Humingi rin siya ng mga panalangin mula sa kanila. Sa mga salitang ito, pinagtuunan ng pansin ang kabilang buhay. Sa pamamagitan nito, itinuro ni Apostol San Pablo na ang buhay sa mundo ay isang paghahanda para sa kabilang buhay. Sa mundong ito, pinagpapasiyahan natin at pinaghahandaan ang kabilang buhay. Magiging tapat ba tayo sa Panginoong Diyos o hindi? Tayo mismo ang magpapasiya. Ipinasiya ni Apostol San Pablo na manatiling tapat sa Panginoon hanggang sa huli. Ito rin ba ang magiging pasiya natin? 

Ang walang hanggan ay hindi matatagpuan dito sa mundo. Ang walang hanggan ay matatagpuan sa kabilang buhay. Kaya, ngayon pa lamang, paghandaan na natin ang kabilang buhay. Habang namumuhay at naglalakbay tayo sa mundo kung saan may hangganan ang lahat, pagpasiyahan at paghandaan natin ang kabilang buhay. Kung nais nating makapiling ang Panginoong Diyos sa Kanyang maluwalhating kaharian sa langit magpakailanman, tahakin natin ang landas ng kabanalan at maging tapat tayo sa Kanya hanggang sa huli. 

Biyernes, Oktubre 21, 2022

IISANG HANGARIN

2 Nobyembre 2022 
Paggunita sa Lahat ng mga Pumanaw na Kristiyano 
[Ang mga Pagbasa ay isang pangkat ng mga Pagbasa mula sa Mga Pagdiriwang ng Misa para sa Yumao]
Karunungan 4, 7-15/Salmo 25/1 Tesalonica 4, 13-18/Juan 5, 24-29 

William-Adolphe Bouguereau (1825–1905), The Day of the Dead, from the Musée des Beaux-Arts de Bordeaux Collection, is under Public Domain ("No Known Copyright") due to its age.

Bukod sa pagiging araw ng pananalangin at paggunita sa mga Kristiyanong yumao, ang araw na ito ay inilaan ng Simbahan sa pagpapaalala sa atin tungkol sa pag-asang hatid ng pangako ng buhay na walang hanggan sa piling ng Panginoon sa langit. Ang pangako ng walang hanggang kapahingahan at buhay na walang hanggan sa piling ng Panginoon sa langit ay nais nating matamasa bilang mga Kristiyano. Kaya naman, lagi nating sinisikap na magpakabuti at magpakabanal bilang paghanda sa ating mga sarili na makapiling ang Panginoon sa langit. Ito ang tangi nating hangarin bilang mga Kristiyanong naglalakbay sa mundong ito nang pansamantala. 

Hinangad rin ng mga kaluluwa ng mga kapatid nating yumao, lalung-lalo na ang mga kaluluwang nasa Purgatoryo, na makapiling ang Diyos sa langit sa wakas ng kanilang buhay sa mundo. Subalit, hindi agad dumidiretsyo sa kaharian ng Diyos sa langit ang mga kaluluwang nasa Purgatoryo. Ang mga kaluluwang ito ay dinadalisay muna sa Purgatoryo bago sila papasukin sa kaharian ng Diyos sa langit. Hindi natin alam kung gaano katagal ang proseso ng pagdalisay sa kanila sa Purgatoryo. Kaya naman, lagi tayong pinakikiusapan ng Simbahan na laging alalahanin at manalangin para sa mga yumao nating kapatid sa Purgatoryo. Katulad natin, minsan silang umasa at nanalig sa pangako ng Panginoon. 

Ang mga salita sa Unang Pagbasa ay isang pangako para sa mga taong nagpasiyang mamuhay nang may kabanalan habang namumuhay sa mundong ito. Gaano man kahirap itong gawin, ipinasiya pa rin nilang gawin ito. Batid nilang pansamantala lamang ang kanilang buhay sa lupa. Kaya naman, lagi nilang pinagsisikapang maging banal. Dahil sa pasiyang ito, ginantimpalaan sila ng Diyos. Ito ang pangako ng Diyos para sa mga mamumuhay nang banal dito sa mundo. Makakasama nila Siya sa langit magpakailanman. Ang pangakong ito ng Panginoong Diyos ay tinalakay rin ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Ang mga nananalig kay Kristo Hesus ay Kanyang isasama sa kalangitan. Ang pananalig sa Panginoong Hesukristo ay naipapahayag sa pamamagitan ng pamumuhay nang banal. Ang pangakong ito ay inihayag muli ni Hesus mismo sa Ebanghelyo. Sabi ng Panginoong Hesus na pagkakalooban ng buhay na walang hanggan ang mga mananalig sa Kanya. Sa pamamagitan ng paggawa ng kabutihan, naipapahayag ang tunay at wagas na pananalig sa Kanya (Juan 5, 29). 

Noong namumuhay at naglalakbay pa sila sa mundo, laging pinagsikapan ng mga yumao nating kapatid sa Purgatoryo na isabuhay ang mga turo at aral ng Panginoon upang matamasa nila ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa langit. Ayaw nilang mawalay sa Panginoong Diyos magpakailanman sa impiyerno. Dahil sa hangaring ito, lagi silang nagsisikap na maging banal. Ito pa rin ang kanilang hangarin habang sila'y dinadalisay sa Purgatoryo. Kaya naman, laging nakikiusap sa atin ang Simbahan na lagi silang isama sa ating mga panalangin upang matamasa nila ang pangakong ito. 

Katulad ng mga yumao nating kapatid sa Purgatoryo, lagi tayong manalig at umasa sa Panginoong Diyos at lagi nating piliin ang kabanalan upang matamasa natin ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa Kanyang piling sa Kanyang kaharian sa langit magpakailanman sa wakas ng ating buhay sa mundong ito. Lagi rin nating isama sa ating mga panalangin ang mga yumao nating kapatid, lalung-lalo na ang mga nasa Purgatoryo, upang ang pangakong ito ng Panginoon ay matamasa rin nila. 

Huwebes, Oktubre 20, 2022

DAHILAN NG TAGUMPAY NG MGA BANAL

1 Nobyembre 2022 
Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal 
Pahayag 7, 2-4. 9-14/Salmo 23/1 Juan 3, 1-3/Mateo 5, 1-12a


Ang mga banal na tao sa piling ng Panginoong Diyos sa Kanyang maluwalhati at walang hanggang kaharian sa langit ay inilarawan sa katapusan ng Unang Pagbasa sa ganitong pamamaraan: "Sila ang mga nagtagumpay sa kabila ng mahigpit na pag-uusig. Nilinis nila at pinaputi ng Kordero ang kanilang damit" (Pahayag 7, 14). Ito ay isang buod ng buhay ng mga banal na tao sa piling ng Diyos sa langit noong namuhay pa sila dito sa mundo. Marami silang mga pinagdaanang mga pagsubok at tiiisin sa buhay. Subalit, sa kabila ng mga tiisin, pag-uusig, at iba pang mga pagsubok noong namumuhay pa sila dito sa lupa, ipinasiya pa rin nilang manatiling tapat sa Diyos at tahakin ang landas ng kabanalan. Nagawa nila ito dahil lamang sa grasya ng Diyos. 

Inilaan ng Simbahan ang araw na ito upang gunitain at ipagdiwang ang tagumpay ng lahat ng mga banal sa piling ng Diyos sa langit. Dahil sa kanilang pasiyang maging tapat sa Panginoong Diyos hanggang sa huling sandali ng kanilang pamumuhay dito sa daigdig, ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos sa langit ay kanilang natamasa. Araw-araw silang nagpupuri nang buong galak sa Panginoong Diyos. Ito ang kanilang gantimpala para sa kanilang katapatan sa Kanya. Pinili nilang maging tapat sa Diyos. Kaya naman, ipinagkaloob sa kanila ng Diyos ang Kanyang walang hanggang pagpapala sa Kanyang kaharian sa langit. 

Sa Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito, pinagtutuunan ng pansin ang dahilan kung bakit napagtagumpayan ng mga banal sa langit ang lahat ng mga tiisin sa buhay sa mundo. Marami silang hinarap at tiniis na pag-uusig, hirap, at pagsubok noong namuhay sila sa mundong ito. Ang kanilang buhay dito sa mundo ay hindi naging halamanan ng mga rosas. Maraming pagkakataon sa kanilang buhay dito sa mundo kung kailan hindi sila nakaranas ng kaginhawaan. Maraming ulit silang inusig, pinahirapan, at sinubok. Subalit, sa kabila ng mga ito, ipinasiya pa rin ng mga banal na manatiling tapat sa Panginoong Diyos hanggang sa pinakahuling sandali ng kanilang buhay sa mundo. Isa lamang ang dahilan nito - ang grasya ng Diyos. Kung hindi dahil sa grasya o biyaya ng Diyos, hindi sila mananatiling tapat. 

Dahil sa biyaya ng Diyos, isinabuhay ng mga banal sa langit ang mga itinuro ni Hesus sa Ebanghelyo para sa araw na ito noong namumuhay pa sila sa mundong ito. Gaano man katindi o ka-hirap ang mga tiisin at pagsubok sa buhay dito sa mundo, ipinasiya pa rin nilang manatiling tapat sa Diyos. Sa pamamagitan ng kanilang pagsisikap na isabuhay ang mga turo ni Hesus sa Ebanghelyo para sa Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito, naipakita nila ang kanilang katapatan sa Panginoon. Ang biyaya ng Panginoon na sumasalamin sa Kanyang dakilang pag-ibig na tinalakay ni Apostol San Juan sa Ikalawang Pagbasa ay ang dahilan kung bakit nila ito nagawa. 

Kung hindi dahil sa biyaya ng Diyos, hindi mapagtatagumpayan ng mga banal sa langit ang mga tukso at tiisin sa buhay sa mundo. Ang grasya ng Diyos lamang ang dahilan ng kanilang tagumpay. Dahil sa grasya ng Panginoong Diyos, ipinasiya pa rin nilang tahakin ang landas ng kabanalan. Dahil sa pasiyang ito, kapiling na nila sa langit ang Panginoon bilang gantimpala. Ito ang pinakadakilang gantimpala - ang Panginoong Diyos ay makasama at makapiling sa Kanyang maluwalhating kaharian sa langit magpakailanman. 

Maaari nating mapagtagumpayan ang mga tiisin at tukso sa buhay sa mundo. Ang katotohanang ito ay pinatunayan ng mga banal sa langit. Isa lamang ang dahilan nito - ang pagpapala ng Diyos. Dahil sa pagpapala ng Diyos, ang mga pagsubok at tukso sa buhay sa mundo ay kanilang napagtagumpayan. Katulad ng mga banal sa langit, ang mga tiisin at tukso sa buhay sa mundo ay maaari rin nating mapagtagumpayan. Buksan lamang natin ang ating mga sarili sa biyaya ng Diyos na sumasalamin sa pag-ibig Niya para sa atin. Ito ang tutulong sa atin na piliin ang landas ng kabanalan. Ang pagtahak sa landas na ito ay ang landas patungo sa Diyos. Tinahak ito ng mga banal na tao sa langit. Kaya naman, tahakin rin natin ito upang matamasa rin natin ang walang hanggang kagalakan sa piling ng Diyos sa Kanyang kaharian sa langit. Ito ang tunay na tagumpay. Ito ang tagumpay ng mga banal. 

Biyernes, Oktubre 14, 2022

ANG MGA TUNAY NA NAGPAPAAKIT AT NAGPAPAPUKAW SA HABAG AT AWA NG DIYOS AY NAGBABAGONG-BUHAY

30 Oktubre 2022 
Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Karunungan 11, 2-12, 2/Salmo 144/2 Tesalonica 1, 11-2, 2/Lucas 19, 1-10 

Paula Nash Giltner, Zacchaeus the Tax Collector, Good News Productions International and College Press Publishing/Free Bible Images (FreeBibleimages.org), is licensed under CC BY-NC-ND 4.0

Tampok sa salaysay sa Ebanghelyo para sa Linggong ito ang pagbabagong-buhay ng isang publikanong nagngangalang Zaqueo. Ang kanyang pakikipagtagpo kay Hesus ay naghatid ng pagbabago sa kanyang buhay. Dahil sa habag at awa na ipinakita sa kanya ni Kristo Hesus na nakipagtagpo sa kanya at dalawin siya sa kanyang bahay, si Zacarias ay napukaw na magbagong-buhay at magbalik-loob sa Diyos. Ipinamalas sa sandaling ito ang kapangyarihan ng habag at awa ng Panginoon. Ang habag at awa ni Hesus ay mayroong kapangyarihang akitin at pukawin ang mga makasalanan upang magbagong-buhay at magbalik-loob sa Kanya. 

Sa Unang Pagbasa, inilarawan ang habag at awa ng Diyos para sa lahat. Sa unang bahagi, inilarawan kung paanong hindi naman kinailangan ng Diyos ang lahat ng mga nilalang, lalung-lalo na ang daigdig na ito. Subalit, ipinasiya pa rin ng Panginoon na likhain ang lahat ng mga nilalang, kabilang na ang mundong ito at ang mga taong pansamantalang namumuhay rito, dahil sa Kanyang habag at awa. Ito ang tanging dahilan kung bakit namumuhay tayo sa mundong ito. Mayroon tayong buhay dahil sa habag at awa ng Diyos. Ang ating pansamantalang buhay dito sa mundong ito na ipinahiram sa atin ng Diyos ay isang patikim ng buhay na walang hanggan sa langit. Ginawa Niya ito para sa atin dahil sa Kanyang habag at awa. 

Kung paanong nilikha ng Diyos ang lahat ng nilalang dahil sa Kanyang habag at awa, niloob ng Diyos na magkaroon ng pagkakataon ang lahat ng tao dito sa mundo na makapagsisi sa kasalanan at magbalik-loob sa Kanya dahil rin sa Kanyang habag at awa. Ang lahat ng tao sa mundo, lalung-lalo na ang mga makasalanan, ay inaakit at pinpukaw ng Diyos na lumapit sa Kanya. Bagamat tao pa rin ang magpapasiya pa rin sa huli, laging kumikilos ang Diyos upang pukawin at akitin ang puso ng bawat tao. Ginawa ito ni Hesus para kay Zaqueo sa Ebanghelyo sa pamamagitan ng Kanyang desisyong tumuloy sa bahay ng nasabing publikano. Dahil sa pasiyang ito ni Hesus, si Zaqueo ay naakit sa kanyang habag at awa na naging dahilan ng kanyang pasiyang baguhin ang kanyang buhay at magbalik-loob sa Panginoon.

Ang mga salita ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa para sa Linggong ito ay tungkol sa kanyang panalangin at hangad para sa mga Kristiyano sa Tesalonica noon. Hinangad ni Apostol San Pablo na ang Diyos ay kanilang mabigyan ng karangalan sa pamamagitan ng kanilang pagsunod sa Kanyang kalooban. Nais niyang maging bukas sa pagbabagong kaloob ng Diyos ang mga Kristiyanong taga-Tesalonica. Nais niyang maakit sila sa habag at awa ng Diyos na naghahatid ng pagbabago sa kanilang buhay, katulad niya. Ito ang kapangyarihan ng habag at awa ng Diyos. Subalit, nasa tao pa rin ang pasiya kung magpapaakit siya sa habag at awa ng Diyos. 

Bagamat nasa tao pa rin ang pasiya kung magpapaakit siya sa habag at awa ng Diyos at magbabagong-buhay, hindi maipagkakaila ang kapangyarihan ng habag at awa ng Diyos. Ang habag at awa ng Diyos ay may kapangyarihang maghatid ng pagbabago sa buhay ng bawat tao. Kayang-kaya ng Panginoong Diyos na baguhin ang buhay ng lahat ng tao sa mundo. Subalit, nasa tao pa rin ang pasiya kung magpapaakit siya sa habag at awa ng Diyos na naghahatid ng pagbabago. 

Ipinasiya ni Zaqueo na magbagong-buhay at magbalik-loob sa Diyos dahil sa habag at awa ng Diyos na ipinakita sa kanya ni Hesus. Nagbagong-buhay si Zaqueo dahil hinayaan niyang akitin siya ng habag at awa ng Diyos na ipinagkaloob sa Kanya ng Nagkatawang-Taong Salita ng Diyos na si Hesus. Magpapaakit at magpapapukaw ba tayo sa habag at awa ng Diyos katulad ng ginawa ni Zaqueo? 

Huwebes, Oktubre 6, 2022

KABABAANG-LOOB: TANDA NG TAOS-PUSONG PANANALIG AT PAG-ASA SA DIYOS

23 Oktubre 2022 
Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Sirak 35, 15b-17. 20-22a (gr. 12-14. 16-18)/Salmo 33/2 Timoteo 4, 6-8. 16-18/Lucas 18, 9-14 

Sir John Everett Millais, Parable - The Pharisee and the Publican, Aberdeen Art Gallery, is licensed under CC0 1.0 Universal (CC0 1.0).

Isinalaysay ni Hesus sa Ebanghelyo para sa Linggo ang Talinghaga tungkol sa Pariseo at sa Publikano upang ituro ang halaga ng kababaang-loob sa harap ng Diyos. Kapag may lumapit sa Diyos nang buong kababaang-loob upang humingi ng habag at awa, labis na nalulugod at natutuwa ang Diyos. Ang Diyos ay nalulugod sa mga lumalapit sa Kanya nang may kababaang-loob upang humingi ng habag at awa mula sa Kanya dahil ang kanilang kababaang-loob ay tanda ng kanilang pagiging taos-puso. Hangad ng mga may kababaang-loob makamit ang habag at awa ng Panginoong Diyos dahil batid nila ang kanilang mga kahinaan at kailangan nila ang Kanyang tulong. 

Katulad ng nasasaad sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito: "Dukhang sa D'yos tumatawag ay Kanyang inililigtas" (Salmo 33, 7a). Sabi rin ni Hesus na mapapalad ang mga dukhang walang ibang inaaasahan kundi ang Diyos dahil ang kaharian ng langit ay mapapasakanila (Mateo 5, 3). Ang aral na ito ay isinalungguhit ng talinghaga ni Hesus sa Ebanghelyo para sa Linggong ito. Bagamat mayaman, nagpakaaba ang publikano sa harap ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang kababaang-loob. Humingi siya ng habag at awa mula sa Diyos dahil isa siyang mahinang makasalanan (Lucas 18, 13). Sa pamamagitan ng kanyang kababaang-loob at pagpapakaaba, ipinakita ng makasalanang publikanong ito ang kanyang pag-asa sa Panginoon. Ang tangi niyang inaaasahan ay walang iba kundi ang Panginoong Diyos. 

Ang pagiging mahabagin at maawain ng Panginoong Diyos sa mga may kababaang-loob ay isinalungguhit sa Unang Pagbasa para sa Linggong ito. Ang Panginoon ay nalulugod sa mga taong may kababaang-loob. Ang kababaang-loob ay isa lamang tanda ng kanilang pananalig at pag-asa sa Diyos. Nananalig at umaaasa lamang sila sa Diyos. Sa pamamagitan ng kanilang kababaang-loob, binubuksan nila ang kanilang mga puso at sarili sa Diyos. Inihahandog nila ang kanilang mga sarili sa Diyos. Ito ang dahilan kung bakit nalulugod ang Diyos sa kanila. 

Sa Ikalawang Pagbasa, nagsalita si Apostol San Pablo tungkol sa magiging wakas ng kanyang misyon. Sa pamamagitan nito, nagpatotoo siya tungkol sa habag at awa ng Diyos na tumulong sa kanya sa bawat sandali ng kanyang misyon. Habang patapos na ang kanyang misyon bilang apostol ni Kristo, pinagnilayan niya kung paano siya tinulungan ng Panginoon. Ang pagtulong ng Panginoon ay ang tanging dahilan kung bakit si Apostol San Pablo ay nanatiling tapat hanggang sa huli. Kung wala ang Diyos, hindi matutupad ni Apostol San Pablo ang kanyang misyon bilang apostol ni Kristo at matagal na siyang bumitaw at tumalikod sa kanyang pananampalataya sa Diyos. 

Nais ba nating kalugdan ng Diyos? Magpakumbaba. Mamuhay nang may kababaang-loob at sundin ang Kanyang kalooban. Sa pamamagitan nito, nahahayag ang ating taos-pusong pananalig at pag-asa sa Kanya.