1 Nobyembre 2022
Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal
Pahayag 7, 2-4. 9-14/Salmo 23/1 Juan 3, 1-3/Mateo 5, 1-12a
Fra Angelico (circa 1395-1455), The Forerunners of Christ with Saints and Martyrs (c. 1420s), from the National Gallery in London, England, is in the Public Domain ("No Known Copyright") due to its age.
Ang mga banal na tao sa piling ng Panginoong Diyos sa Kanyang maluwalhati at walang hanggang kaharian sa langit ay inilarawan sa katapusan ng Unang Pagbasa sa ganitong pamamaraan: "Sila ang mga nagtagumpay sa kabila ng mahigpit na pag-uusig. Nilinis nila at pinaputi ng Kordero ang kanilang damit" (Pahayag 7, 14). Ito ay isang buod ng buhay ng mga banal na tao sa piling ng Diyos sa langit noong namuhay pa sila dito sa mundo. Marami silang mga pinagdaanang mga pagsubok at tiiisin sa buhay. Subalit, sa kabila ng mga tiisin, pag-uusig, at iba pang mga pagsubok noong namumuhay pa sila dito sa lupa, ipinasiya pa rin nilang manatiling tapat sa Diyos at tahakin ang landas ng kabanalan. Nagawa nila ito dahil lamang sa grasya ng Diyos.
Inilaan ng Simbahan ang araw na ito upang gunitain at ipagdiwang ang tagumpay ng lahat ng mga banal sa piling ng Diyos sa langit. Dahil sa kanilang pasiyang maging tapat sa Panginoong Diyos hanggang sa huling sandali ng kanilang pamumuhay dito sa daigdig, ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos sa langit ay kanilang natamasa. Araw-araw silang nagpupuri nang buong galak sa Panginoong Diyos. Ito ang kanilang gantimpala para sa kanilang katapatan sa Kanya. Pinili nilang maging tapat sa Diyos. Kaya naman, ipinagkaloob sa kanila ng Diyos ang Kanyang walang hanggang pagpapala sa Kanyang kaharian sa langit.
Sa Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito, pinagtutuunan ng pansin ang dahilan kung bakit napagtagumpayan ng mga banal sa langit ang lahat ng mga tiisin sa buhay sa mundo. Marami silang hinarap at tiniis na pag-uusig, hirap, at pagsubok noong namuhay sila sa mundong ito. Ang kanilang buhay dito sa mundo ay hindi naging halamanan ng mga rosas. Maraming pagkakataon sa kanilang buhay dito sa mundo kung kailan hindi sila nakaranas ng kaginhawaan. Maraming ulit silang inusig, pinahirapan, at sinubok. Subalit, sa kabila ng mga ito, ipinasiya pa rin ng mga banal na manatiling tapat sa Panginoong Diyos hanggang sa pinakahuling sandali ng kanilang buhay sa mundo. Isa lamang ang dahilan nito - ang grasya ng Diyos. Kung hindi dahil sa grasya o biyaya ng Diyos, hindi sila mananatiling tapat.
Dahil sa biyaya ng Diyos, isinabuhay ng mga banal sa langit ang mga itinuro ni Hesus sa Ebanghelyo para sa araw na ito noong namumuhay pa sila sa mundong ito. Gaano man katindi o ka-hirap ang mga tiisin at pagsubok sa buhay dito sa mundo, ipinasiya pa rin nilang manatiling tapat sa Diyos. Sa pamamagitan ng kanilang pagsisikap na isabuhay ang mga turo ni Hesus sa Ebanghelyo para sa Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito, naipakita nila ang kanilang katapatan sa Panginoon. Ang biyaya ng Panginoon na sumasalamin sa Kanyang dakilang pag-ibig na tinalakay ni Apostol San Juan sa Ikalawang Pagbasa ay ang dahilan kung bakit nila ito nagawa.
Kung hindi dahil sa biyaya ng Diyos, hindi mapagtatagumpayan ng mga banal sa langit ang mga tukso at tiisin sa buhay sa mundo. Ang grasya ng Diyos lamang ang dahilan ng kanilang tagumpay. Dahil sa grasya ng Panginoong Diyos, ipinasiya pa rin nilang tahakin ang landas ng kabanalan. Dahil sa pasiyang ito, kapiling na nila sa langit ang Panginoon bilang gantimpala. Ito ang pinakadakilang gantimpala - ang Panginoong Diyos ay makasama at makapiling sa Kanyang maluwalhating kaharian sa langit magpakailanman.
Maaari nating mapagtagumpayan ang mga tiisin at tukso sa buhay sa mundo. Ang katotohanang ito ay pinatunayan ng mga banal sa langit. Isa lamang ang dahilan nito - ang pagpapala ng Diyos. Dahil sa pagpapala ng Diyos, ang mga pagsubok at tukso sa buhay sa mundo ay kanilang napagtagumpayan. Katulad ng mga banal sa langit, ang mga tiisin at tukso sa buhay sa mundo ay maaari rin nating mapagtagumpayan. Buksan lamang natin ang ating mga sarili sa biyaya ng Diyos na sumasalamin sa pag-ibig Niya para sa atin. Ito ang tutulong sa atin na piliin ang landas ng kabanalan. Ang pagtahak sa landas na ito ay ang landas patungo sa Diyos. Tinahak ito ng mga banal na tao sa langit. Kaya naman, tahakin rin natin ito upang matamasa rin natin ang walang hanggang kagalakan sa piling ng Diyos sa Kanyang kaharian sa langit. Ito ang tunay na tagumpay. Ito ang tagumpay ng mga banal.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento